Ano Ang Mabuting Gawin sa Tsismis By Brain Power 2177





Ang tsismis ay walang-saysay na usapan tungkol sa buhay ng ibang tao; walang-batayang usap-usapan. Ang paninirang-puri naman ay pagsasabi ng kasinungalingan tungkol sa iba, karaniwa’y taglay ang masamang hangarin, bibigan man o naka-post sa social media o pwedeng sa sulat. Pero hindi naman lahat ng tsismis ay masama o mapaminsala. Kung minsan, maaaring ito’y tungkol sa kapuri-puring mga bagay hinggil sa isang tao, o maaaring ito’y paglalahad lamang ng mga bagay na hindi naman mahalaga o hindi nakasasakit tungkol sa iba, udyok ng interes sa ibang tao. Ngunit madali itong mauwi sa usapang nakasasakit o maaaring pagmulan ng gulo, sapagkat ang tsismis ay walang-saysay na usapan. Nagpapayo ang Kasulatan laban sa walang-saysay na pananalita, anupat itinatawag-pansin nito na ang dila ay mahirap paamuin. “Sa mga bahagi ng ating katawan, ang dila ang punô ng kasamaan, dahil pinarurumi nito ang buong katawan at pinagliliyab ang buong landasin ng buhay.” (Santiago 3:6) Maraming ulit na idiniriin ang panganib ng walang-saysay na usapan. Ang tsismis o paninirang puri ay kaugnay ng KAHANGALAN o KAMANGMANGAN (Kawikaan 15:2); Ang taong hindi kumokontrol sa mga labi niya ay mapapahamak. (Kawikaan 13:3) “Kapag maraming sinasabi, hindi maiiwasang magkamali.” (Kawikaan 10:19). “Ang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila Ay nakaiiwas sa problema.”​—Kawikaan 21:23.

Noong kabataan pa ang mga magulang natin, ang tsismis nila noon ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng kuwentuhan. Pero ngayon, malaki na ang nagagawa ng teknolohiya sa pagtsitsismis. Sa pamamagitan ng e-mail at instant messaging, ang reputasyon mo ay kayang sirain ng isang tao na may masamang hangarin, kahit hindi sila nagsasalita. Kailangan lamang nilang mag-type ng maikling mensahe at pagkatapos ay ipadala ang nakapipinsalang tsismis na ito sa mga gustung-gustong makaalam nito.

Sinasabi ng ilan na Internet na ngayon ang pinipiling instrumento upang magkalat ng tsismis. Sa ilang kaso, sadyang ginagawa ang ilang Web site para ipahiya lamang ang isang tao. Ayon nga survey na 58% ng mga kabataan ang nagsabing naging biktima sila ng ganitong mga paninira sa Internet.

Pero ang nakakatawa lang, real talk po ito, napakahilig nating makinig sa tsismis. Pero pag tayo na ang tsinitismis, nagagalit tayo, kinamumuhihan natin ang tsismis, pag tayo na ang pinag-tsismisan. Pero pag ibang tao ang pinag-uusapan at pinag-tsismisan, tuwang tuwa tayo sa pakikinig. Napakahilig natin sa tsismis. Nakikisali pa nga tayo e. Kung hindi natin maalis ang tsismis, ano ang gagawin natin pag dumarating ang tsismis sa ating buhay? Isipin mo lang palagi na walang magandang resulta ang tsismis because most of the time, negatibo ang tsinitsismis natin, ibig sabihin na hindi ito mabuti dahil ang tsismis ay maaaring humantong sa paninirang-puri, na ikinapapahamak naman ng naninirang-puri. Kitang-kita ang karunungan ng mga salita sa Eclesiastes 10:12-14: “Ang mga labi ng mangmang ay nagpapahamak sa kaniya.

Ang mga unang salitang lumalabas sa bibig niya ay kamangmangan, at ang mga huling salita ay kabaliwan at nagdudulot ng kapahamakan.

Pero tuloy pa rin sa pagsasalita ang mangmang.

Sana itong mga binabasa nating mga verses ay isabuhay natin, kahit mahirap kontrolin ang sarili, sanayin natin. Pwede ka namang makinig sa tsismis kasi hindi naman natin maiiwasan 'yan e pero wag kang maniniwala kaagad. Napakarami ng ating narinig na kwento sa buong barangay, sa ating mga kamag-anak, kaibigan, showbiz, balita, politika, giyera pero hindi lahat ng nakakarating sa 'yo ay agad mong paniwalaan. Don’t just believe it because you heard it. You have to question it and find out more. Kasi kung agad kang maniwala, pwede mong kamuhian ang isang tao na wala naman talagang ginawa dahil lang sa maling tsismis. Hindi lahat ng nakikita natin sa social media, agad na nating paniwalaan. Tanggapin mo yung nakita mo pero kailangan mo ring suriin kung gaano katotoo ang nakita mo. Maging mapanuri.

Malinaw na talagang nakapipinsala ang masamang tsismis. Gayunman, maraming biktima ng tsismis ang aamin na sila man ay nagtsitsismis din. Ang totoo, kapag pinag-uusapan ang kapintasan ng ibang tao, talagang nakakatuksong sumali sa usapan. Bakit? Para matakasan ang katotohanan, mas gusto ng mga tao na pag-usapan ang problema ng iba kaysa sa problema nila. Kung gayon, ano ang magagawa mo kapag nauuwi na ang simpleng usapan sa nakasasamang tsismis?

Isipin mo ang kasanayang kailangan ng isa para makapagmaneho sa isang highway na maraming dumaraang sasakyan. Dahil sa ilang di-inaasahang pangyayari, baka kailanganin mong lumipat ng linya, magmenor, o huminto. Kung ikaw ay alisto at maingat, makikita mo ang nasa harapan at magagawa mo ang dapat gawin.

Ganoon din sa kuwentuhan. Madali mong mahahalata kung ang usapan ay nauuwi na sa nakasasamang tsismis. Kapag ganoon na ang nangyayari, kaya mo bang lumipat ng linya? Kung hindi, mag-ingat ka​—nakapipinsala ang tsismis.

uu;itng tsismis ay usapan na nagsisiwalat ng mga bagay tungkol sa mga gawain at pinagkakaabalahan ng ibang tao. Ito’y maaaring walang-saligang usap-usapan, baka kasinungalingan pa nga, at bagaman maaaring di-alam ng nagtsitsismis na hindi totoo ang bagay na pinag-uusapan, ipinagsasabi pa rin niya 'yon, sa gayon ay nagkakalat siya ng kasinungalingan. Maaaring mga kapintasan at mga pagkakamali ng isang tao ang ipinagsasabi ng nagtsitsismis. Ngunit kahit totoo ang mga bagay na ipinagsasabi niya, mali pa rin siya at ipinakikita nito na wala siyang pag-ibig.

Maghanap ka muna ng matibay na ebidensya bago ka maniwala. 'Wag kang maniwala sa sinasabi ng mga kapitbahay mo, sa mga katrabaho mo, sa mga kamag-anak mo. Minsan ang mga salitang dumaan sa maraming bibig ay may kulang na o may dagdag na. Bago ka maniwala, NAKITA MO BA? NARINIG MO BA? Ibig kong sabihin, mismo bang galing sa taong 'yon? Kailangang mismo doon sa tao. Kasi napaka unfair naman kung hindi nanggagaling mismo sa tao. Hindi makatarungan kasi hindi mo naman alam yung buong kwento. Ako nga ilang ulit akong na-tsismis ng mga kamag-anak e. Putak ng putak kahit walang alam sa buong storya. Bakit ko daw close ang babaeng 'yon, tapos next month may ibang babae na naman e malapit na kaibigan ko ang mga 'yon. Anyway kung may naririnig tayo tungkol sa ibang tao at kung talagang concern tayo, kung may malasakit tayo, kung mahal natin yung tao, ano'ng gagawin natin? Puntahan natin. Lapitan natin. Kausapin natin yung taong 'yon. Kung may naririnig kang tsismis, hindi ba't mas maganda kung alamin mo galing doon sa tao? 'Wag mong lalapitan ang mga taong walang alam sa totoong buhay niya. Kasi siya lang ang nakakaalam ng kwento, siya lang ang makakapagsalita sa anong nangyari.

Pero paano kung totoo nga na yung itsinismis ay may ginawang masama? 'Wag mo pa ring kalimutan kung ano ang kabutihang nagawa niya. Hindi ako naniniwala na walang ginawang kabutihan ang isang masamang tao. You can choose to see the bad in people and stay away, or you can look past that and see the good. I’m not saying to ignore all the bad traits, that means blurring the lines of reality and your idea of someone. I’m saying you can choose to see both sides, and decide what you want to believe in.

Paano kung ikaw ang naging biktima ng tsismis? “Huwag kang maghinanakit agad, dahil mangmang ang nag-iipon ng hinanakit sa dibdib niya.” (Eclesiastes 7:9) Talagang walang mabuti sa tsismis. Pero kung magpapadalus-dalos ka at papatulan mo ang tsismis, baka lalo lamang masira ang reputasyon mo! Siyempre masakit kapag may nagsasabi ng hindi maganda tungkol sa atin, pero 'wag na lang natin itong seryosohin masyado. Kasi sa susunod, siguradong ibang tao o ibang bagay naman ang pag-uusapan nila. Lilipas din 'yan. Kaya isang katalinuhan na baguhin ang usapan kapag nauuwi na ito sa tsismisan. At kapag ikaw ang pinagtsitsismisan, ipakita mong hindi ka padalus-dalos na parang isang bata. Ipakita mo sa kilos mo na mali ang sinasabi nila tungkol sa 'yo. Kung gagawin mo ito, magiging maganda ang relasyon mo sa iba at magkakaroon ka ng mabuting kaugnayan sa Diyos.

Napansin mo ba? Ayaw nating inuungkat yung masamang nakalipas o mga pagkakamali natin. E kung ikaw ayaw mong nalalaman ng ibang tao yung nakaraan o kasalanan mo, sino ka ba para magkalap ng masamang nakaraan at mga kwento tungkol sa ibang tao. Kung gusto natin na nalalaman yung mabuti na ating nagawa, yung mabuting ugali natin, bakit hindi natin gawin 'yon sa ibang tao. Imbis na tayo ay nanira. Napakakonti lang ng ating oras dito sa mundo. Tapos uubusin lang natin sa tsismis. Tanungin mo nga ang sarili mo, nakakatulong ba ang pagkakalap ng tsismis sa buhay ko? Kung hindi rin makakabuti sa 'yo, kung hindi rin makakapagpabanal sa 'yo, 'wag mong paglaanan ng oras. Huwag mong aksayahin ang oras sa pakikialam sa buhay ng iba. Maraming mas mahusay na paraan para gamitin ang iyong panahon. Kung hindi nakapagpapatibay ang usapang 'yan, kahit ang mapagkakatiwalaang impormasyon ay maaari pa ring makapinsala.




Comments

Popular posts from this blog

6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177

10 Dark Psychology Tricks na Epektibo sa Lahat ng Tao By Brain Power 2177

9 BAGAY na Dapat Mong Bitawan para Gumaan ang Buhay Mo By Brain Power 2177