6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177





Normal lang na makadama tayo ng galit. Kaya naman may mga pagkakataon na angkop na magalit basta huwag lang sobra. Pero ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa di-makatuwirang galit, na makapipinsala sa atin at makapipinsala sa ating kapuwa sa emosyonal, pisikal, at espirituwal na paraan.

May napanood akong video kahapon pero yung video ay matagal ng naka-upload sa YouTube, isang lalaki ang umorder ng sandwich sa isang fast-food na restaurant. Nagalit siya dahil parang ang tagal dumating ng order niya. Pumasok siya sa loob ng restaurant, binantaan ang isang empleado roon, itinulak ito nang malakas, at sinampal. Pagkatapos, hinablot ng galít na lalaki ang sandwich at saka umalis.

Lahat tayo ay nagagalit paminsan-minsan. Natural na nadarama ng mga tao ang galit gaya rin ng pag-ibig, pag-asa, pagkabalisa, kalungkutan, at takot. Lahat ng positibo at negatibong emosyon ay nadarama natin. Kapag kontrolado natin ang galit, maipakikita natin ito sa tamang paraan at maaaring maging kapaki-pakinabang.

Gaya ng sinabi ko tungkol sa nakita kong video, may problema rin sa pagiging magagalitin. May mga tao na madaling magalit. May mga tao na madalas magalit, at may mga tao na grabeng magalit. Kapag ginalit, nagmumura sila o nananakit. Sila ang kontrolado ng kanilang galit sa halip na sila ang kumontrol dito. Ang gayong di-kontroladong galit ay mapanganib, kung kaya tinatawag ito ng iba na PROBLEM ANGER.

Ang PROBLEM ANGER ay di-tamang paraan ng pagtugon sa galit at pagpapakita ng galit na laging nagdudulot ng mga problema sa buhay ng isang tao pati na sa kaniyang pag-iisip, damdamin, paggawi, at mga ugnayan.

Ang mga masyadong magagalitin ay nagdudulot ng problema hindi lang sa kanilang sarili kundi pati sa mga tao sa paligid nila. Para sa kanila, kahit ang maliliit na bagay ay puwede nang maging sanhi ng matinding galit na nauuwi sa karahasan. Marami tayong nakikitang karahasan sa social media. May napanood din akong video na isang lalaki na naglalakad kasama ng mga kaibigan niya sa isang siksikang kalye tapos nabaril siya sa leeg dahil nasagi ng bag ng isang kasama nila ang isa pang lalaki. O 'di ba? Gano'n lang kaliit na dahilan tapos pinatay na kaagad. May isang tao rin na pumatay ng bata na walang kalaban-laban. Ipinakikita ng katulad na mga ulat sa buong daigdig na dumarami ang mga taong magagalitin. Bakit kaya lumulubha ang problemang ito? Hindi madaling maunawaan ang mga sanhi ng galit. Kahit ang mga scientist ay aminado na hindi gaanong naiintindihan ng mga tao ang galit. Gayunman, naniniwala ang karamihan sa mga mental-health professional na lahat tayo ay nagre-react sa ilang partikular na MITSA NG GALIT.

Maaaring maging sanhi ng galit ang isang bagay na nakadidismaya o nakaiinis sa isa. Kadalasan ito ay nauugnay sa di-makatarungan o di-patas na pagtrato. Posibleng magalit tayo kapag nadarama natin na tayo’y hinahamak, maaaring dahil ininsulto tayo o binale-wala. Puwede rin tayong mapukaw sa galit kapag iniisip nating sinisira ang ating reputasyon o hindi nirerespeto ang ating awtoridad.

Siyempre pa, ang mga mitsa ng galit ay iba’t iba depende sa indibiduwal. Depende rin ito sa edad at kasarian ng isa at maging sa kaniyang kultura. At iba-iba rin ang reaksiyon ng mga tao sa mga sanhing ito ng galit. Ang ilan ay bihirang magalit at agad na napalalampas ang pagkakamali, samantalang ang iba naman ay madaling magalit at nagkikimkim ng galit. Napakaraming puwedeng maging sanhi ng galit sa paligid natin. Bukod diyan, mas nagiging sensitibo ang mga tao sa mga sanhing ito. Bakit? Ang isang dahilan ay ang pagiging makasarili at kawalan ng malasakit sa iba na laganap sa panahon natin. Sinasabi ng Bibliya:

“Sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, matigas ang ulo, mapagmalaki.”2 Timoteo 3:1-5.

Hindi ba’t ganiyang-ganiyan ang ugali ng maraming tao sa ngayon? Kapag hindi nasunod ang gusto ng mga taong makasarili, kadalasan nang nagagalit sila. May iba pang mga dahilan kung bakit lumulubha ang problema tungkol sa pagiging magagalitin. Talakayin natin ang ilan.


NUMBER 1
KUNG ANO ANG NAKIKITA NATIN


Unang-una, kung ano ang nakikita natin sa ating magulang. 'Di ba sabi nila, ang magandang ugali at disiplina ay nag-uumpisa sa bahay? Totoo po ang sinasabi nila. Malaki ang impluwensiya ng mga magulang sa personalidad ng isang tao mula sa pagkabata hanggang sa pagka-teenager. Sa murang edad pa lang, natututo nang magpakita ng galit ang mga tao dahil ginagaya nila kung ano ang nakikita nilang ginagawa ng iba. Kung ang isang bata ay lumalaking kasama ng mga taong magagalitin​, para na rin siyang sinasanay na harapin ang mga problema sa pamamagitan ng galit. Maikukumpara ang sitwasyon ng batang iyon sa isang halaman na dinidilig ng kontaminadong tubig. Lálakí nga ang halaman pero maaari itong mabansot, at baka permanente na itong mapinsala. Ang galit ay gaya rin ng kontaminadong tubig, at ang mga batang may magagaliting kasambahay ay malamang na maging magagalitin din paglaki nila.


NUMBER 2
NAGSISIKIPANG LUNSOD


Noong taóng 1800, mga 3% ng populasyon ng daigdig ang nakatira sa mga lunsod. Pero noong 2008, ang bilang na 'yan ay tumalon sa 50%, at sa 2050, inaasahang aabot ito sa 70%. Sobrang sikip na niyan, 'di ba?. Habang mas maraming tao ang nagsisiksikan sa masisikip na lunsod, malamang na maging mas magagalitin din ang mga tao. Halimbawa, ang Mexico City ang isa sa pinakamalaki at pinakamasikip na lunsod sa daigdig. Ang isang pangunahing sanhi ng stress doon ay ang traffic. Palibhasa’y mga 18 milyon katao ang nakatira sa Mexico City at may anim na milyong sasakyan doon, malamang na ito ang pinakatensiyonadong kabisera sa daigdig. Napakasikip ng traffic doon kaya napakadaling uminit ang ulo ng mga tao.


NUMBER 3
PAGBAGSAK NG EKONOMIYA


Ang pagbagsak ng ekonomiya ng daigdig ay nagdulot ng stress at kabalisahan sa maraming tao. Ang pinagsamang report ng International Monetary Fund at ng International Labor Organization (ILO) ng United Nations noong 2010 ay nagsabi: “Tinatayang mahigit sa 210 milyon katao sa buong daigdig ang walang trabaho.” Nakalulungkot, ang karamihan sa mga natanggal sa trabaho ay walang ibang mapagkukunan ng pinansiyal na tulong. May problema rin kahit ang mga taong may trabaho. Ayon sa ILO, ang stress na nauugnay sa trabaho ay isang “pangglobong epidemya.” Ang mga tao ay takót mawalan ng trabaho at nag-iisip agad ng negatibo. Dahil dito, defensive sila at mas may tendensiyang makipagtalo sa kanilang supervisor o sa ibang empleado.


NUMBER 4
DISKRIMINASYON AT KAWALANG-KATARUNGAN


Ipagpalagay nang sumali ka sa isang karera. Ano kaya ang madarama mo kung matuklasan mong ikaw lang ang pinatatakbo nang may kadena sa paa? Ganiyan ang nadarama ng milyun-milyon kapag dumaranas sila ng diskriminasyon dahil sa kanilang lahi o iba pang dahilan. Nagagalit ang mga tao kapag nililimitahan ang oportunidad nilang makakuha ng trabaho, edukasyon, pabahay, at iba pang mahahalagang pangangailangan.

May iba pang uri ng kawalang-katarungan na nakapanlulumo at nagdudulot ng matinding kirot ng damdamin. Nakalulungkot, ang karamihan sa atin ay nabiktima na ng kawalang-katarungan. Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, ang matalinong haring si Solomon ay nagsabi:

“Nakita ko ang mga luha ng mga pinahihirapan, at walang dumadamay sa kanila.”Eclesiastes 4:1.

Kapag laganap ang kawalang-katarungan at walang naglalaan ng kaaliwan, madaling tumubo ang galit sa puso ng isa.


NUMBER 5
ANG INDUSTRIYA NG LIBANGAN


Mahigit sanlibong pag-aaral na ang ginawa para malaman ang epekto sa mga bata ng karahasan sa telebisyon at sa iba pang uri ng media. Si James P. Steyer, ang nagtatag ng Common Sense Media, ay nagsabi: “Ang isang henerasyon na paulit-ulit na nahahantad sa karahasang matindi at parang totoong-totoo ay lumalaking sanay sa karahasan, manhid sa kalupitan, at walang gaanong habag.”

Totoo, ang karamihan sa mga kabataan na laging nakapanonood ng mararahas na eksena sa telebisyon ay hindi naman lahat ay nagiging pusakal na kriminal. Pero madalas ipakita sa media na okey lang na magpakita ng matinding galit sa pagharap sa mga problema. Dahil diyan, isang bagong henerasyon na manhid sa karahasan ang lumitaw.


NUMBER 6
IMPLUWENSIYA NG MASASAMANG ESPIRITU


Ipinakikita ng Bibliya na isang di-nakikitang espiritu ang dahilan kung bakit laganap ngayon sa daigdig ang nakapipinsalang galit. Paano nangyari 'yon? Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, isang rebeldeng anghel ang lumaban sa Diyos. Ang masamang espiritung iyon ay tinawag na Satanas, na sa Hebreo ay nangangahulugang “Mananalansang,” o “Kalaban.” (Genesis 3:1-13) Nang maglaon, hinikayat ni Satanas na sumali sa rebelyon ang iba pang mga anghel. Ang masuwaying mga anghel na 'yon, na tinatawag na mga demonyo o masasamang espiritu, ay itinapon na sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:9, 10, 12) At mayroon silang MALAKING GALIT dahil alam nila na kaunting panahon na lang ang natitira sa kanila. Kaya kahit hindi natin sila nakikita, nadarama natin ang epekto ng mga ginagawa nila. Paano?

Sinasamantala ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang ating mga kahinaan para impluwensiyahan tayong makibahagi sa mga “alitan, pag-aaway, selos, pagsiklab ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, inggit, at mga bagay na tulad ng mga ito.”​—Galacia 5:19-21.

Kung isasaalang-alang natin ang lahat ng nabanggit na problema, panggigipit, at kabalisahan, maiintindihan natin kung bakit nadidismaya ang mga tao sa pagharap sa kanilang mga pananagutan sa araw-araw. Kung minsan, ang tendensiyang magalit at maglabas ng galit ay napakatindi!

Posibleng nagiging magagalitin ka na:

kung nagagalit ka habang nakapila

kung madalas kang makipagtalo

kung may mga gabing hindi ka makatulog sa kaiisip sa mga bagay na nakapagpagalit sa 'yo sa maghapon

kung nahihirapan kang patawarin ang mga nakapagpasamâ ng loob mo

kung madalas na hindi mo makontrol ang iyong emosyon

kung nahihiya ka o nagsisisi ka pagkatapos mong mailabas ang iyong galit

Kung napapansin mong magagalitin ka na, IWASAN MO ANG GALIT.

Ang ideya ng pagkontrol sa galit ay ipinahayag ng salmistang si David sa ganitong magandang pananalita:

“Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit; Huwag kang mayamot at gumawa ng masama.”Awit 37:8.

Para hindi ka makapagsabi o makagawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa bandang huli, makabubuting iwasan mong MAG-INIT. Siyempre, madaling sabihin 'yan pero mahirap gawin. Pero hindi imposibleng gawin! Talakayin naman natin ngayon ang 3 BAGAY na magagawa mo para makontrol ang iyong galit.


NUMBER 1
BAWASAN ANG TINDI NG GALIT


Para mabawasan ang galit mo, huminga ka nang malalim at kalmahin ang sarili. Iwasang sabihin ang unang bagay na sumagi sa isip mo. Kung nadarama mo na parang sasabog na ang dibdib mo at parang hindi ka na makapagpigil, sundin mo ang payo ng Bibliya:

“Ang pagpapasimula ng away ay gaya ng pagpapakawala ng tubig; Bago magsimula ang pagtatalo, umalis ka na.”​Kawikaan 17:14.


NUMBER 2
MATUTONG KALMAHIN ANG SARILI


“Ang mahinahong puso ay nagbibigay-buhay sa katawan.”Kawikaan 14:30. Kung ikakapit ng isang tao sa kaniyang buhay ang mahalagang katotohanang ito, makatutulong ito para bumuti ang kaniyang emosyonal, pisikal, at espirituwal na kalusugan. Magsimula sa simpleng mga teknik para marelaks, na makababawas sa nadaramang galit. Ang mga sumusunod ay napatunayang epektibo para maalis ang galit na dulot ng stress:

Una, huminga ka nang malalim​—isa ito sa pinakamabisa at pinakamabilis na paraan para mabawasan ang tindi ng galit.

Ikalawa, habang humihinga ka nang malalim, ulit-ulitin ang pananalitang nagpapakalma sa 'yo, gaya ng “relaks lang,” “hayaan mo na ’yon,” o “cool ka lang.”

Ikatlo, maging abala sa isang bagay na gusto mo, gaya ng pagbabasa, pakikinig ng musika, paghahalaman, o iba pang gawain na nakarerelaks sa 'yo.

Ikaapat, mag-ehersisyo nang regular at kumain ka ng masustansiyang pagkain.


NUMBER 3
MAGING MAKATUWIRAN SA 'YONG INAASAHAN


Maaaring hindi mo lubos na maiiwasan ang mga tao o bagay na nagiging mitsa ng galit mo, pero puwede mong matutuhang kontrolin ang reaksiyon mo sa mga 'yon. Kailangan mo lang baguhin ang iyong saloobin. Ang mga taong masyadong mataas ang inaasahan ay may tendensiyang maging magagalitin. Bakit? Kapag hindi naabot ang kanilang mataas na pamantayan, posibleng madismaya sila agad at magalit. Para maiwasan ang pagiging perpeksiyonista, tandaan na “Walang taong matuwid, wala kahit isa; Ang lahat ng tao ay lumihis.”Roma 3:10, 12. Kaya talagang mabibigo lang tayo kung iisipin natin na ang sinuman sa atin ay puwedeng maging perpekto.

Isang katalinuhan na huwag maging labis na mapaghanap sa ating sarili o sa iba. Sinasabi ng Bibliya:

“Dahil lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto.”Santiago 3:2.

“Walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa at hindi nagkakasala.”Eclesiastes 7:20. Kaya kung iisipin nating perpekto tayo​​, lagi lang tayong madidismaya at magagalit. Dahil hindi tayo perpekto, kung minsan ay nahihirapan tayong kontrolin ang ating galit. Pero depende sa atin kung ano ang gagawin natin kapag nagalit tayo. Nagbabala si apostol Pablo sa mga kapuwa niya Kristiyano:

“Kapag napoot kayo, huwag kayong magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo.”Efeso 4:26.

Kapag kontrolado ang ating galit, maipakikita natin ang ating nadarama sa maayos na paraan, sa ikabubuti ng lahat ng nasasangkot. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga tao:

“Ang lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”Roma 3:23.

Dahil hindi perpekto ang mahigit pitong bilyong tao sa daigdig, talagang magkakaroon ng di-pagkakaunawaan. Gusto ng Diyos na ang Kaniyang mga anak sa lupa ay magkaroon ng mapayapang ugnayan sa isa’t isa. At nagpakita Siya ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Nang magkasala sa Diyos ang unang mag-asawa, na sumira sa kanilang mapayapang ugnayan, kaagad Siyang kumilos para maipagkasundo sa Kaniya ang mga tao. Isaalang-alang ang 3 BAGAY na puwede mong gawin para makipagpayapaan sa iba.


NUMBER 1
LUBUSANG MAGPATAWAD


Ano ang sinasabi ng Bibliya?

“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ng Diyos, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.”Colosas 3:13.

Baka makatuwiran naman ang iyong DAHILAN SA PAGREREKLAMO at sa palagay mo ay tama lang na putulin ang kaugnayan mo sa nagkasala. Baka iniisip mo rin na dapat muna siyang mag-sorry. Pero kung hindi niya alam na may nagawa siyang mali, o iniisip niyang ikaw ang nagkamali, malamang na hindi malulutas ang problema ninyo.

Sundin mo ang payo ng Bibliya na lubusang patawarin ang nagkasala, lalo na kung maliit lang ang problema. Tandaan na kung bibilangin ng Diyos ang mga pagkakamali natin, imposibleng maging malinis tayo sa harap Niya. Pag-isipan din ang isang kawikaan sa Bibliya:

“Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad, At nagiging kapuri-puri siya kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.”Kawikaan 19:11.

Nakatutulong ang kaunawaan para maintindihan natin ang buong sitwasyon, kung bakit nasabi o nagawa ng isang tao ang isang bagay. Kaya tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ang nagkasala ba sa akin ay pagód, may sakit, o nai-stress?’ Kung mauunawaan mo ang tunay na motibo, damdamin, at kalagayan ng iba, mababawasan ang iyong galit at mapalalampas mo ang kanilang pagkakamali.


NUMBER 2
MAKIPAG-USAP KA


Ano ang sinasabi ng Bibliya?

“Kung ang kapatid mo ay magkasala, puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya nang kayong dalawa lang. Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama.”Mateo 18:15.

Dahil sa negatibong damdamin gaya ng takot, galit, at hiya, baka mag-atubili kang lumapit sa iyong kapuwa para lutasin ang problema. Baka matukso ka ring sabihin sa iba ang problema para makuha ang simpatiya nila, na posibleng makapagpalala ng sitwasyon. Kapag seryoso ang problema at pakiramdam mo ay hindi mo 'yon mapalalampas, kausapin mo ang nagkasala. Huwag ipagpaliban ang pakikipag-usap. Kung hindi ka kikilos agad, baka lalo lang lumubha ang problema. Makipag-usap ka nang pribado. Paglabanan ang tuksong itsismis sa iba ang problema. Makipag-usap nang mapayapa. Iwasan mo ang tendensiyang igiit kung sino ang tama at kung sino ang mali. Ang tunguhin mo ay makipagpayapaan, hindi ang manalo sa argumento.


NUMBER 3
MAGING MATIISIN


Ano ang sinasabi ng Bibliya?

“Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Gawin kung ano ang mabuti sa pananaw ng lahat ng tao.”Roma 12:17.

Kung ayaw pa rin niyang makipagkasundo sa kabila ng mga pagsisikap mo, 'wag kang sumuko. Maging matiisin. Ang mga tao ay magkakaiba ng ugali at antas ng pagkamaygulang. May ilan na matagal humupa ang galit; ang iba naman ay ngayon pa lang natututong magpakita ng makadiyos na mga katangian. Patuloy na magpakita sa kanila ng kabaitan at pag-ibig. “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:21. Sa pakikipagpayapaan sa iba, kailangan nating maging mapagpakumbaba, maunawain, matiisin, at maibigin. Pero sulit ang anumang pagsisikap para sa mapayapang ugnayan!




Comments

Popular posts from this blog

Benefits Of Loving Yourself by Brain Power 2177

If You Want To Give Up, READ This by Brain Power 2177