Mental Health (Biblical Help) By Brain Power 2177





Sa buong mundo, milyon-milyon ang nagkakaproblema sa mental na kalusugan nila. Bata man o matanda, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, anuman ang kanilang pinag-aralan, anuman ang kanilang lahi, at relihiyon ay puwedeng magkaroon ng nakakabahalang mga sintomas nito. Ano ba ang mga problema sa mental na kalusugan, at ano ang epekto nito sa mga tao? Sa videong ito, tatalakayin natin kung bakit mahalaga ang tamang paggamot at kung paano makakapagbigay ng praktikal na tulong ang Bibliya sa mga mayroon nito.

Lagi ka bang nag-aalala kahit nakaupo ka lang naman?

Kapag masayang-masaya ka, natatakot ka ba kasi pakiramdam mo, made-depress ka na naman pagkatapos ng kasiyahan?

Sinisikap mo bang magpokus sa mga nangyayari bawat araw. Pero kung minsan, bigla ka na lang nag-aalala sa iba pang mga bagay?

Nakaka-relate ka ba sa mga sinabing ito ng mga taong may problema sa mental na kalusugan? Nararanasan mo ba 'yan o nararanasan ba 'yan ng isang mahal mo sa buhay?

Kung oo, hindi ka nag-iisa. Marami sa ngayon ang may problema sa mental na kalusugan.

Talagang nabubuhay na tayo sa panahong “MAPANGANIB AT MAHIRAP ANG KALAGAYAN” (2 Timoteo 3:1) Ayon sa isang pag-aaral, mga isa sa walong tao ang may problema sa mental na kalusugan sa buong mundo. Noong 2020, dahil sa COVID-19 pandemic, mas mataas ng mga 26% ang bilang ng mga may anxiety kaysa noong 2019, at mas mataas naman ng mga 28% ang dumaranas ng depression.

Mahalagang malaman kung gaano karami ang nagkakaroon ng anxiety at depression. Pero mas mahalagang malaman kung ano ang dapat na maging pananaw mo at ano ang pananaw ng mga mahal mo sa buhay tungkol dito.

Ano ang mental na kalusugan?

Kapag maganda ang iyong mental na kalusugan, maganda rin ang pakiramdam mo at nakakagawa ka nang maayos. Nakakayanan mo ang mga problema sa araw-araw, marami kang nagagawa, at masaya ka sa buhay mo.

Ang poblema sa mental na kalusugan ay

Hindi ito dahil sa personal na kahinaan.

Isa itong medikal na kondisyon na nagdudulot ng sobrang pag-aalala, at binabago nito ang pag-iisip, emosyon, at paggawi ng isang tao.

Kadalasan nang nagiging dahilan ito kung kaya mahirap para sa isang tao na makitungo sa iba at harapin ang mga hamon sa buhay.

Puwede itong makaapekto sa isang tao anuman ang kaniyang edad, kultura, lahi, relihiyon, pinag-aralan, o kalagayan sa buhay.

Kung napansin mong ikaw o ang isang mahal mo sa buhay ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa ugali, tulog, o pagkain, o nakakaranas ng nagtatagal na kalungkutan o pag-aalala, baka kailangan ninyong magpatingin sa doktor para malaman ang sanhi nito at matulungan.

Sinabi ni Jesu-Kristo, sa Mateo 9:12,

“Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.”

Maraming maysakit na tumanggap ng tamang therapy at paggamot ang natulungang mabawasan ang sintomas ng kanilang sakit at magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Kung malala na o nagtatagal ang mga sintomas, makakabuting magpagamot agad. Ang Bibliya ay hindi aklat sa medisina, pero makakatulong ito sa ating mental na kalusugan.

Nasa Bibliya ang pinakamagagandang payo dahil galing ito sa Diyos. Hindi ito aklat na pangkalusugan, pero makakatulong ito sa praktikal na paraan para maharap ang mahihirap na sitwasyon, magulong pag-iisip, negatibong emosyon, at nakaka-stress na mga problema sa pisikal at mental na kalusugan.

Higit sa lahat, tinitiyak sa atin ng Bibliya na wala nang mas nakakaintindi sa ating iniisip at nararamdaman kaysa sa ating Maylalang. Gustong-gusto Niya tayong tulungang makayanan ang mga problema natin. Tingnan natin ang dalawang nakakapagpatibay na teksto sa Bibliya:

Awit 34:18,

“Ang Diyos ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; Inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.”

Isaias 41:13,

“Dahil ako, ang Panginoon mong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo, Ang nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Tutulungan kita.”

Pero paano tayo tinutulungan ng Diyos na makayanan ang mga problema sa mental na kalusugan?

NUMBER 1 MANALANGIN

Ihagis natin sa Kaniya ang lahat ng inyong álalahanín. Gusto ng Diyos na sabihin natin sa Kaniya ang anumang problema na gumugulo sa isip at puso natin. Ayon sa Awit 55:22,

“Ihagis mo sa Diyos ang pasanin mo, At aalalayan ka niya.”

Malaki man o maliit ang problema, puwede natin itong ipanalangin. Kung malaking bagay ito sa atin, malaking bagay rin ito sa Diyos. Ang panalangin ay isang mahalagang paraan para magkaroon ng kapayapaan ng isip.

Kapag may problema tayo sa mental na kalusugan, baka maramdaman nating nag-iisa tayo. Hindi laging naiintindihan ng ibang tao ang pinagdaraanan natin. Basahin natin ang Kawikaan 14:10,

“Ang puso ang nakaaalam ng sarili nitong kirot, At hindi mauunawaan ng iba ang nararamdaman nitong saya.”

Pero kapag sinasabi natin sa Diyos ang nararamdaman natin, siguradong papakinggan Niya tayo at maiintindihan Niya tayo. Nakikita tayo ng Diyos. Alam Niya ang pinagdaraanan natin at gusto Niyang sabihin natin sa Kaniya ang anumang ikinababahala natin.​

Kapag nananalangin tayo sa Diyos, mas nararamdaman nating nagmamalasakit Siya sa atin. Mararamdaman din natin ang naramdaman ng salmista, sa Awit 31:7,

“Lubos akong magsasaya dahil sa iyong tapat na pag-ibig, Dahil nakita mo ang pagdurusa ko; Alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.”

Dahil alam nating nakikita ng Diyos ang mga pinagdaraanan natin, malaking tulong na 'yon para makayanan ang mga problema. Pero hindi lang 'yan. Wala nang mas nakakaunawa sa atin kaysa Diyos, at pinapatibay Niya tayo sa pamamagitan ng Bibliya.

NUMBER 2 ANG KASULATAN AY NAGBIBIGAY SA ATIN NG LAKAS

Sinasabi ng Bibliya, sa Roma 15:4,

“Ang lahat ng bagay na isinulat noon ay isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.”

Tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng lakas at makapagtiis para makayanan natin ang negatibong kaisipan. Binibigyan din tayo nito ng pag-asa na malapit nang mawala ang mga negatibong emosyon.

Lahat tayo ay nalulungkot paminsan-minsan. Pero ang mga may depression o anxiety, araw-araw silang pinapahirapan ng matinding kalungkutan. Paano makakatulong ang Bibliya?

Matutulungan tayo ng Bibliya na manatiling positibo. Pinupuno nito ang isip natin ng nakakapagpatibay na mga bagay kaya napapanatag tayo at nakokontrol natin ang emosyon natin.​

Tinutulungan tayo ng Bibliya na 'wag isiping hindi tayo mahalaga.

Tinitiyak ng maraming teksto sa Bibliya na hindi tayo nag-iisa at na talagang nauunawaan tayo ng ating Diyos, ang ating Maylalang.

Nangangako ang Bibliya na aalisin ng Diyos ang lahat ng masasakit na alaala. Ito ang nakasulat sa Isaias 65:17,

“Ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa, At mawawala na ang mga ito sa puso.”

Kapag gulong-gulo ang isip natin at sobra tayong nag-aalala, makakatulong ang pangakong 'yan para makapagpatuloy sa buhay.

NUMBER 3 MAKAKATULONG ANG MGA HALIMBAWA SA BIBLIYA

Sa Bibliya, marami tayong mababasa tungkol sa mga lalaki at babaeng nakaramdam ng iba’t ibang emosyon. Sa pagbabasa natin ng Bibliya, baka makakita tayo ng isang karakter na may karanasang gaya ng sa atin.

Gusto nating lahat na may makaintindi sa atin. Pero lalo nating kailangan 'yan kapag may problema tayo sa mental na kalusugan. Kapag nababasa natin ang karanasan ng ilang karakter sa Bibliya, baka maka-relate tayo sa kanila. Dahil diyan, nararamdaman nating may karamay tayo at hindi tayo nag-iisa kapag sobra tayong nag-aalala o nalulungkot.

Sa Bibliya, mababasa natin ang sinabi ng ilang nakaramdam na nag-iisa sila at wala nang pag-asa. Nasabi mo na rin ba, ‘Hindi ko na kaya’? Nasabi 'yan nina Moises, Elias, at David.​(Bilang 11:14) (1 Hari 19:4) (Awit 55:4)

Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol kay Hana. NAPAKABIGAT NG KALOOBAN niya (1 Samuel 1:10) dahil hindi siya magkaanak at laging iniinsulto ng karibal niyang si Penina.

Makaka-relate din tayo kay Job. Matibay ang pananampalataya niya pero noong dumanas siya ng napakatitinding problema, nasabi niya, sa Job 7:16,

“Kinamumuhian ko ang buhay ko; ayoko nang mabuhay pa.”

Kapag pinag-aralan natin kung paano napagtagumpayan ng mga karakter na ito sa Bibliya ang negatibong kaisipan, magkakaroon din tayo ng lakas para makayanan ang mga pinagdaraanan natin.

NUMBER 4 NAGBIBIGAY ANG BIBLIYA NG PRAKTIKAL NA PAYO

Sinasabi ng Bibliya, sa 2 Timoteo 3:16,

“Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang.”

Uulitin ko, hindi aklat sa medisina ang Bibliya, pero nagbibigay ito ng praktikal at kapaki-pakinabang na mga payo. Makakatulong ito sa mga may problema sa mental na kalusugan.

Basahin natin ang Mateo 9:12,

“Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.”

Sinasabi ng Bibliya na kailangan nating magpagamot. Naintindihan ng maraming may problema sa mental na kalusugan ang tungkol sa sakit nila nang magpatingin sila sa doktor.

Basahin natin ang 1 Timoteo 4:8,

“Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay.”

Kapag naglalaan ka ng panahon para gumanda ang pisikal na kalusugan mo, posibleng gumanda rin ang mental na kalusugan mo. Kaya makakabuti kung regular kang mag-eehersisyo, kakain ng masusustansiyang pagkain, at matutulog nang sapat.

Basahin natin ang Kawikaan 17:22,

“Ang masayang puso ay mabisang gamot, Pero ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”

Kung magbabasa ka ng mga teksto sa Bibliya at magtatakda ka ng makatuwirang mga tunguhin na kaya mong abutin, magiging masaya ka. Kapag nagpopokus ka sa magagandang bagay na nangyayari sa buhay mo at umaasang magiging maganda ang kalagayan sa hinaharap, makakatulong ito sa 'yo.

Basahin natin ang Kawikaan 11:2,

“Pero ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.”

Baka nahihirapan kang gawin ang mga bagay na gusto mong gawin nang ikaw lang mag-isa. Kaya humingi ka ng tulong sa iba. Malamang na gusto ka namang tulungan ng mga kaibigan mo at kapamilya. Pero baka hindi lang nila alam kung paano 'yon gagawin. Kaya sabihin mo sa kanila kung paano ka nila matutulungan. Huwag ka namang umasa nang sobra-sobra. Magpasalamat ka sa anumang tulong na maibibigay nila.

Baka hindi natin alam ang gagawin kapag may problema sa mental na kalusugan ang isang kaibigan. Pero maipapakita natin sa kaniya na talagang gustong-gusto natin siyang tulungan. Paano?

Ang isa sa pinakamagandang paraan para matulungan ang kaibigan mo ay ang makinig sa kaniya. Basahin natin ang Santiago 1:19,

“Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig.”

Hindi mo kailangang sagutin ang lahat ng sinasabi niya. Ipakita mong nakikinig ka at talagang nagmamalasakit ka. Sikaping unawain ang nararamdaman niya at huwag siyang husgahan. Baka makapagsalita siya ng mga bagay na hindi niya sinasadya at pagsisisihan niya.​

Baka sobrang nag-aalala ang kaibigan mo o pakiramdam niya, wala siyang halaga. Pero kung titiyakin mo sa kaniya na nagmamalasakit ka, mapapatibay mo siya kahit hindi mo alam ang eksaktong sasabihin mo.

Mag-alok ka ng praktikal na tulong. Sa halip na isiping alam mo na ang gagawin para makatulong, tanungin mo siya. Kung nahihirapan siyang sabihin kung ano ang kailangan niya, yayain mo siyang maglakad-lakad, samahan mo siya sa pagsa-shopping, paglilinis, o iba pang mga gawain.​

Baka hindi pa handang makipag-usap ang kaibigan mo. Tiyakin mo sa kaniya na handa kang makinig kapag gusto na niyang magkuwento. Dahil sa sakit ng kaibigan mo, baka may masabi siya o magawa na makakasakit sa 'yo. Baka kanselahin pa nga niya ang mga plano ninyo o maging iritable. Maging maunawain at mapagpasensiya habang tinutulungan mo siya.​

Sa tulong ng Bibliya, naglaan ang Diyos ng patnubay at pampatibay para makayanan ang problema sa mental na kalusugan. Pero hindi lang 'yan ang ginawa ng Diyos. Ipinangako Niya na aalisin Niya ang lahat ng dahilan ng problema sa mental na kalusugan. Kapag tinupad na ng Diyos ang pangako Niya, ang sobrang kalungkutan, pag-aalala, at masasakit na karanasan ay HINDI NA MAAALAALA PA, AT MAWAWALA NA ANG MGA ITO SA PUSO (Isaias 65:17)



Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177