Paano Panatilihing Malusog Ang Mental Outlook By Brain Power 2177





Ang pisikal na kalusugan natin ay nakadepende sa kung ano ang kinakain natin. Kung palagi tayong kumakain ng junk food, mapipinsala rin ang ating katawan eventually. Katulad din sa ating mental na kalusugan. Kung may pagkaing masustansya at junk food para sa katawan, may pagkain ding katulad non para sa utak. May mental na pagkain ba? Mayroon. Ang mga impormasyong nakukuha natin sa mga aklat, magazine, palabas sa TV, video, online games, song lyrics, at ang dami rin sa Internet. May nakikita at naririnig tayong positibo at negatibong bagay. Lahat ng 'yon, positibo man o negatibo ay nakaaapekto sa ating pag-iisip at sa ating personality.

Halimbawa na lang natin ang social media dahil nag boom na ang socmed ngayon, may makikita tayong iba't-ibang larawan at video sa social media at lahat ng nakikita natin dito ay papasok sa utak natin. Akala natin entertainment lang ang hatid nun. Ang pananalita, mga larawan, tunog, ideya, karakter, sitwasyon, pamantayan, opinyon ng media, lahat ng 'yan ay nagiging laman ng ating isip, kalooban at mga imahinasyon. Kaya nga memorize natin lahat ng nakikita natin e. Ang ilan nga ay na-impluwensyahan, ginagaya na nila ang kanilang nakikita. Napapansin man natin ang kilos natin o hindi, ang ating isip at kalooban ay maaaring matangay ng ating napapanood sa scoial media nang hindi natin namamalayan. At nariyan ang seryosong panganib. Tayong mga tao ay unti-unting nagiging kagaya ng anumang larawang nasa isip natin.

LASON SA UTAK

Grabe ang ingat natin sa mga pagkain. Gusto natin ng masustansyang pagkain para hindi tayo madaling magkasakit. Pero ang masaklap, wala tayong ingat na sumasakmal sa anumang mental na pagkaing inihain sa atin sa pamamagitan ng media. Kaya dapat mag-ingat tayo kung sino ang mga fina-follow natin sa social media. Piliin natin ang positivity. Napansin mo ba na ang mga tao ay nakatutok na sa phone? Ang ilan ay waring nagagayuma, anupat walang-tigil sa pagso-scroll sa pag-asang makakita ng magandang mapapanood. Hindi man lang sumagi sa kanilang isip na bitawan ang phone. Marami na nga ang napupuyat sa kaka-scroll e.

Bukod pa sa maraming oras na nauubos, maraming mga post na malalaswa, may gumagamit ng malalaswang pananalita, may mga post na wala namang mapupulot na aral, maraming post tungkol sa kontrobersiya. Kung sa TV ka manonood, maraming mga palabas tungkol sa adultery at concubinage. Pero hindi ko naman sinasabi na lahat ng programa sa TV ay masama. Ganiyan din naman ang mga aklat, magazine, video, online games, at iba pang uri ng libangan. Ngunit maliwanag na karamihan sa tinatawag na libangan ay di-angkop sa mga nagnanais na mapanatili ang malusog na pangmalas.

CHOOSE ENTERTAINMENT WISELY

Sabi ko nga kanina, ang lahat ng nakikita o naririnig natin ay may makapangyarihang impluwensya sa ating pag-iisip at pagkilos. Halimbawa, kung palagi nating pupunuin ang ating isip ng immoral entertainment, hihina ang ating determinasyon na sundin ang utos ng Bibliya na lumayo mula sa sexual immorality (1 Corinto 6:18). Upang maiwasan ito, dapat nating ibaling ang ating mga mata palayo sa mga WALANG-KABULUHANG bagay. Napakaganda ng sinabi sa Awit 101:3,

“Hindi ako titingin sa anumang bagay na walang kabuluhan.
Kinapopootan ko ang mga ginagawa ng mga taong lumilihis sa tama;
Hindi ako makikisangkot sa mga iyon.”

Ipagpalagay nang dahil hindi tayo perpekto, pero hindi pa rin 'yon rason para wala tayong gagawin. Hindi natin kailanman idadahilan ang ating imperfection para sa kasalanan. Tayong lahat ay kailangang makipagpunyagi upang magawa ang tama. Sabi ng manunulat ng Bibliya na si Judas:

“Mga minamahal,
noong una ay gusto ko sanang sumulat sa inyo
tungkol sa kaligtasan na pare-pareho nating taglay,
pero nakita kong kailangan kong sumulat sa inyo
para himukin kayong makipaglaban nang husto
para sa pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.

Sumulat ako dahil may mga taong nakapuslit sa gitna ninyo
na matagal nang itinalaga ng Kasulatan sa hatol na ito;
sila ay mga taong di-makadiyos na ginagawang dahilan
ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos
para gumawi nang may kapangahasan
at nagtataksil sa tanging may-ari sa atin
at Panginoon natin, si Jesu-Kristo.”

Judas 3, 4

Kailangan nating MAKIPAGLABAN NG PUSPUSAN at layuan natin ang mga libangan na nag-uudyok sa atin na gumawa ng masama.

KAILANGAN NATIN ANG PATNUBAY NG DIYOS

Sa panahon ngayon, hindi madaling linangin ang isang malusog na mentalidad. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na posibleng makapanatiling malinis kapuwa sa mental at moral. Paano? Sa Awit 119:11, mababasa natin: “Iniingatan ko sa puso ko ang sinasabi mo Para hindi ako magkasala sa iyo.”

Ang pag-iingat sa pananalita ng Diyos ay nangangahulugang tratuhin ang mga 'yon bilang napakahalaga o bibigyan ang mga ito ng importansiya. Maliwanag, mahihirapan tayong pahalagahan ang Bibliya kung hindi natin alam ang sinasabi nito. Kung kukuha tayo ng tumpak na kaalaman mula sa Salita ng Diyos, mapapasaatin ang pag-iisip ng Diyos. Sa kabilang dako naman, pauunlarin tayo nito sa espirituwal at itataas ang ating pag-iisip.

Mayroon bang mapananaligang panukat upang malaman kung ano ang nakapagpapalusog sa espirituwal o mental? Siyempre mayroon! Nagpayo si apostol Pablo, sa Filipos 4:8,

“Bilang panghuli, mga kapatid, anumang bagay na totoo,
seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, marangal, mabuti,
at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.”

Ngunit upang makatanggap tayo ng tunay na pakinabang, higit pa ang kailangan kaysa sa basta pagkuha lamang ng kaalaman ng Diyos. Under inspiration, sumulat ang propetang si Isaias, sa Isaias 48:17,

“Ito ang sinabi ng Diyos, Ako ang iyong Diyos,
Ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka,
Ang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”

Hindi lamang ang paghanap sa patnubay ng Diyos ang kailangan natin kundi kailangan din nating kumilos ayon sa kaalamang 'yon. Ang isa pang paraan upang makinabang sa moral at espirituwal ay ang pagtawag sa Diyos. Kung tayo’y tapat at mapagpakumbabang lalapit sa ating Maylalang, pakikinggan Niya ang ating pagsusumamo. Ang Diyos ay sumasaatin hangga’t tayo ay nananatili sa panig Niya; at kung hahanapin natin Siya, hahayaan Niyang makita natin Siya, pero kung iiwan natin Siya, iiwan Niya rin tayo (2 Cronica 15:2)

Kaya nga, posible bang mapanatili ang ating mental na kalusugan sa marahas at imoral na daigdig na ito? Posibleng-posible! Kung hindi natin pahihintulutan ang ating isip na maging manhid dahil sa mga libangan ng daigdig na ito, kung pauunlarin natin ang ating kakayahang mag-isip sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, at kung hahanapin natin ang patnubay ng Diyos, mapananatili natin ang isang malusog na pangmalas!




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177