Ano Ang Gagawin mo Kung Napag-iiwanan ka na By Brain Power 2177





May nag PM kasi sa akin, sabi niya, matanda na raw siya at feeling niya, napag-iiwanan na siya at kailangan niya daw maging produktibo. Same issue sa mga kaibigan ko. Kapag may ikinasal tapos single pa rin sila, feeling nila na LEFT BEHIND na sila. Tingnan mo ang mga post ng kaibigan mo sa social media, ikinasal na, may mga anak na, may jowa na sila. Tapos ikaw na single, ano ang feeling? Siyempre negatibo ang maiisip mo. Parang napag-iiwanan ka na ng panahon. Hindi lang 'yan. Kapag ang kaibigan mo ay lumipat na ng ibang kompanya tapos nananatili ka pa rin sa kompanya mo, maiisip mo na napag-iiwanan ka na.

So it makes sense kung bakit ganito ang nararamdaman natin. Noong elementary tayo, wala tayong paki sa ganitong feeling. Noong high school, wala rin. Enjoy² lang. Pagka-graduate noong high school, doon na tayo nagkanya-kanya kung saan mag college. Doon na rin tayo nagsimulang magkomparahan ng buhay. Kung sino sa atin ang nasa unahan at kung sino ang nasa huli. Pagkatapos ng college, palagi nating ikinokompara ang ating sarili tapos negatibo pa ang pagtingin natin sa ating sarili. Feeling natin napag-iwanan na tayo dahil yung iba nagtatrabaho na sa malaking kompanya, malaki ang sahod, tapos may iba professional na, may mga skilled workers, may napo-promote, may ikinasal, nagkaroon ng mga anak, nakapagpatayo ng sariling bahay.

Pero sa totoo lang, hindi mo dapat tinitingnan ang buhay na nakabase sa panlabas na mga bagay. I mean, hindi mo alam kung ano ang totoong buhay nila, kung ano ang totoong nararamdaman ng mga taong nakikita mo. Maniwala ka man o hindi, lahat ng taong nakikita mo na akala mo'y nasa unahan na ay may tinatagong problema na hindi mo alam. Minsan nga ang problema nila ay mas mabigat pa sa problema mo. Marami akong kakilala na akala ko masaya na sila dahil mayroon na silang bahay at kotse tapos nalaman ko na miserable pala ang relationship nila. May ganoong sitwasyon e. Ibig sabihin, HINDI pa rin KOMPLETO ang buhay ng tao. Kung may pera sila, hindi na pera ang problema nila. Hindi natatapos ang problema sa buhay. Mawawala lang ang problema, kung patay na tayo. Ang punto ko lang, hindi natin dapat tinitingnan at ibinabase ang buhay ng iba sa kanilang mga achievements. 'Wag nating sukatin ang progreso natin sa ganitong paraan.

Naranasan ko din ito noon e. Pagkatapos ng high school. Kapag nakikita ko ang mga kaklase ko na nag-aaral pa hanggang nakapagtapos, na-feel ko rin na nasa likuran na ako nila. Hindi ko na sila maabot. Para bang kahit saan ako tumingin, sila ang mas nakakaangat sa akin. Tapos ako below minimum pa ang sahod. Naitanong ko nga sa sarili ko kung anong nangyari sa buhay ko. Kung bakit ako naiwan. Akala ko kasi mali ang pinagagawa ko sa buhay kaya na-stuck ako sa mahirap na sitwasyon. Siguro wala akong plano sa buhay. Siguro mali ang pinagpokusan ko at mali ang desisyon ko. Siguro hindi ako swerte at mayaman katulad nila.

Pero bigla kong na-realize na hindi ko pala kasalanan. Kasalanan ko pala kung bakit ito ang mga pinag-iisip ko. Kasi ang totoo, nilapitan ako ng isa kong kakilala at sinabing swerte daw ako kasi kahit maliit ang sahod ko sa pinasukan kong trabaho noon, ramdam daw niya ang saya ko habang ginagawa ko ang trabaho ko. Kita mo 'yan. Hindi ikaw ang may problema. Ang problema lang ay nasa ulo mo. Kung ano ang mga pinag-iisip mo.

Makinig ka, single pa ako ngayon. Wala pa akong mga anak. Nakatira lang ako sa maliit na bahay, walang travel goals. Pero hindi na ako nakapokus diyan. Wala na akong pakialam kung napag-iwanan na ako. Bakit? Gusto ko ang buhay ko ngayon. Gusto ko ng simpleng buhay. Sapat na sa 'kin 'yan. Dapat kasi magpokus ka sa mahahalagang bagay. Hindi pwedeng doon ka lang nakapokus sa mga bagay na wala pa sa 'yo.

Hindi ka sasaya kung nakapokus ka sa ibang tao. Masaya na ako sa kakagawa ng motivational at inspirational videos tapos may mga comment pa na nakakataba ng puso. Lalo na sa panahon ngayon na halos lahat ng tao ay nag-iisip ng negatibo, mas lalo akong gaganahan gumawa ng content patungkol sa buhay. Wala akong paki kung anong mayroon o wala o kulang sa akin. Sapat na sa akin na malaya ako. Walang ingay sa sarili kong mundo. Kapag walang ingay, mas masarap mag-isip ng mga plano sa buhay. Doon ko na lang pinokus ang isip ko.

Minsan kasi hindi mo nakikitang malayo na ang narating mo dahil hindi mo pinapansin ang sarili mong paglalakbay. Tandaan mo, simula ngayon, 'wag mo ng ikompara ang sarili mong buhay sa buhay ng iba. Hindi mo alam na ang taong pinagkokomparahan mo ay nagkokompara din pala sa iba. Para matuto ka sa buhay, doon ka sumama sa mga taong tunay na masaya. Dahil tutulungan ka rin nila kung paano sumaya.

Pero hindi ko naman sinasabi na 'wag ka ng maghangad ng mga bagay². Kasi natural lang naman na may gusto tayong trabaho. Gusto nating magkapamilya, makapagpatayo ng bahay, at iba pa. Gusto mong makamit ang mga bagay na 'yon dahil sa TAMANG DAHILAN. Kaya natural din na mainggit o malungkot kung may nakakuha sa mga bagay na 'yon tapos wala ka pang nakamit sa buhay. Uulitin ko, hindi ko sinasabi na 'wag kang maghangad ng mga bagay². Ang gusto ko lang ay itanong mo ito sa sarili mo, kung bakit gusto mong makamit ang mga bagay na ninanais mo? Kasi kung gusto mo lang kamtin ang mga bagay na 'yon para lang masabi na hindi ka napag-iiwanan, hindi 'yan ang tamang purpose mo sa buhay. At kung makuha mo man 'yon, hindi ka pa rin masaya dahil ginagawa mo ito para sa ibang tao, hindi para sa sarili mo. Pero kung magpokus kang i-improve ang sarili mo, lahat ng mga magagandang bagay ay maa-attract mo.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177