12 Signs na Mabuti Kang Tao By Brain Power 2177





Kapag sinabi nating MABUTI ang isang tao, ang ating maiisip, sila ay MATULUNGIN, MABAIT SILA at TAPAT at marami pa silang mabuting katangian. Kapag sinabi nating MASAMA ang isang tao, alam na natin kung ano ang ginagawa nila. Napaka-interesting ng topic natin ngayon. Sa videong ito, ibabahagi ko sa inyo ang 12 SIGNS na isa kang mabuting tao.


NUMBER 1
PANTAY ANG PAGTRATO MO SA IBANG TAO


Kung hindi mo tinitignan ang sarili mo na MAS ka pa kaysa sa ibang tao, isa kang mabuting tao. Sa panahon ngayon, marami ang mabuti LANG sa social media. Maraming nagkukunwaring mabuti para lang magustuhan sila ng maraming tao. At para sumikat sila ng mabilis. Pero sa likod ng mga tao, sa likod ng camera, mataas pala ang tingin nila sa kanilang sarili. Ang tunay na mabuting tao ay hindi nila itinuring ang kanilang sarili bilang MABUTING TAO. Tao na ang makakapagsabi kung mabuti ba silang tao o hindi.


NUMBER 2
TUMUTULONG KA SA NANGANGAILANGAN


Ang unang sign ay PANTAY NA PAGTRATO SA KAPWA, so ibig sabihin na wala rin tayong pinipiling tao na ating tutulungan. Kung ito ang ginagawa mo, kung wala kang pinipili, wala kang favouritism, sign na 'yan na mabuti kang tao. May mga tao kasing tumulong lang doon sa taong gusto nila o doon sa mga taong ka-level  nila. Dapat walang diskriminasyon. Kung may nangangailangan ng tulong, tulungan mo. 'Wag mong pansinin kung ka-level mo ba sila o hindi, may maibabalik ba sila o wala, basta't ang importante ay nakatulong ka sa kanila. Tumulong ka ng walang inaasahang kapalit. Tumulong ka dahil kailangan. Para naman maipakita mo sa mga tao na kahit ang daming masamang tao sa mundo, may mabuting tao pa ring katulad mo.


NUMBER 3
HINDI KA NANINIRA NG TAO


Kung hindi ka tsismosa, kung wala kang sinisiraang tao, isa 'yang sign na mabuti kang tao. Wala pang mabuting tao na nakikita mong nagkakalat ng tsismis. Sila kasi yung mga tao na walang pakialam sa baho ng ibang tao. Hindi sila interesado sa tsismis. Wala silang panahon para makinig o magkalat ng tsismis o manira ng iba. Respetuhin mo ang private life ng ibang tao. Kung makita nila na mataas ang respeto mo sa kanila, pagkakatiwalaan ka nila at rerespetuhin ka din nila.


NUMBER 4
HINDI KA SINUNGALING


Sinungaling ka ba? Minsan ba'y nagsisinungaling ka? Pero alam mo, tayong lahat naman ay nakapagsinungaling na. Wala namang malinis na tao. Pero kung palagi kang nagsisinungaling, hindi ka mabibilang sa mabubuting tao. Pero kung ngayon ay nagbago ka na at ayaw mo ng magsinungaling, sign na 'yan na isa kang mabuting tao. May mga tao kasing takot magsabi ng katotohanan dahil ayaw nila ng gulo. Pero yung mga taong mabuti, hindi nila tinatabunan ng matatamis na mga salita ang kanilang masamang nagawa. Sinasabi nila ang totoo tapos hihingi sila ng tawad sa mga pagkakamali nila. Alam ng mga mabubuting tao na masakit ang katotohanan pero mas pinili nilang sabihin kaysa naman makitang ngumiti ang isang tao dahil sa matamis na kasinungalingan.


NUMBER 5
HINDI KA NANANAKIT


Kung hindi ka naninira, nagtsitsismis, nananakit, isa kang mabuting tao. Isa sa mga katangian ng mabuting tao ay hindi makasarili, hindi nangungontrol, hindi bastos magsalita, hindi bastos kumilos, hindi sila nangingialam, may respeto din sila. Palagi nilang iniisip ang kapakanan ng ibang tao. Mapagbigay sila. Nakikinig sila sa hinanaing ng iba. 'Yan ang dahilan kung bakit sila namumuhay nang may integridad at iniiwasan nilang madamay ang ibang tao sa kanilang sariling mga problema. Gusto kasi ng mabuting tao na may positibo silang nagawa sa mundo para marami silang ma-inspire.


NUMBER 6
MAHAL MO ANG KALIKASAN


Kung isa ka sa mga taong may respeto sa kalikasan, tanda 'yan na isa kang mabuting tao. 'Wag kang gumawa ng mga bagay na ikakasira sa mundo natin. 'Wag mong saktan ang mga hayop. Kung mahal mo ang Diyos, dapat mahalin mo rin ang lahat ng kanyang nilalang. Ipakita mo ang iyong respeto sa mga hayop at sa kalikasan. Ibig sabihin lang niyan, may respeto ka rin sa Diyos. Ipakita mo sa Diyos na matulungin ka, naglilinis ka, inalagaan mo ang mga alaga mong hayop, inalagaan mo ang iyong mga pananim. Walang mangyayaring pagbabago sa mundo kung wala kang aksyon.


NUMBER 7
HINDI KA BASTOS


Kung hindi ka bastos magsalita, kung hindi bastos ang pagtrato mo sa ibang tao, isa kang mabuting tao. Maraming tao ngayon ang napakabastos umasta. Sisigawan nila ang mga taong mababa sa kanila. Umaasta silang mataas. Sabi ko nga kanina sa number 1, dapat pantay ang pagtingin mo sa mga tao. 'Wag tayong maging bastos. Magkaiba man tayo ng naabot sa buhay, tao pa rin tayo na makakaramdam ng sakit kapag tayo'y ginawan ng masama. Minsan may panahon din naman na bad mood tayo. Makakagawa tayo ng mga bagay na ikakasakit sa iba. Pero kailangan nating kontrolin ang ating emosyon. Hihingi tayo ng tawad kung may nagawa man tayong mali. 'Wag nating itaas ang ating pride. Tanggapin natin na magkakamali tayo. Respetuhin natin ang lahat. 'Wag nating tingnan ang ating sarili na mas mataas pa tayo kaysa sa ibang tao. Dapat pantay lang ang pagtrato natin sa lahat.


NUMBER 8
HINDI KA MAPANGHUSGA


Minsan kasi mali ang mga nakikita natin. Kapag may nakita tayong tao na mahirap, akala natin tamad siya. Kapag may nakita tayong mayaman, akala natin mayabang siya. Hindi natin tinitingnan ang puso ng tao. Hindi pa nga natin sila nakakasama at nakakausap, iba na ang tingin natin sa kanila. Dapat baguhin natin ang ating ugali. Iba-iba man ang ating kulay, iba-iba man ang naabot natin sa buhay, iba-iba man ang kulay ng ating buhok, kung may nakikita kang tao na may maraming tattoo, dilaw man ang kanilang buhok o itim, mataba, payat, matangkad, pandak, hindi appearance ng tao ang basehan. Kung mabuti kang tao, alam mo 'yon. Nakikita mo ang laman ng kanilang puso. Dapat bukas ang pang-unawa mo sa ganitong usapin. Minsan kasi kung sino pa yung wala sa ayos tingnan, sila pa yung mabuting tao.


NUMBER 9
HINDI KA HUMINGI NG KAPALIT


Kung tumulong ka na bukal sa loob, senyales na 'yan na mabuti kang tao. May mga tao kasi na tumutulong lang dahil nagpapakitang tao lang. Nagpapakitang gilas lang. O tumutulong para may mai-post sa social media at makakuha ng maraming likes at views. Hindi 'yan tunay na kabutihan. Ang tunay na mabuting tao ay palihim na gumagawa ng kabutihan. Hindi kasi nila ipi-iplease ang tao. Diyos ang pinapasaya nila. Hindi sila tumutulong para ma-proud ang mga tao sa kanila. Wala silang pakialam sa mga papuri. Sapat na sa kanila na ang Diyos lang ang nakakakita ng kanilang kabutihan. Mabuti silang tao dahil alam nilang doon liligaya ang kanilang puso. Sapat na sa kanila ang makita na may nagawa silang kabutihan sa mundo. Wala silang pakialam kung makilala man sila o hindi. Basta't alam nilang malinis ang kanilang ugali at moral, masaya na sila sa ganoong bagay.


NUMBER 10
HINDI KA NAMIMINTAS


Kung ikaw yung tipo na hindi mahilig mang bash, mabuti kang tao. Sa panahon kasi ngayon, sa digital na mundo, madaling mag-comment ng mga salitang nakakasakit sa iba. Madaling manira, madaling mamuna. Namumuna lang ang mabuting tao pero sa positibong paraan. Gusto nilang punahin ang ibang tao para maitama niya ang kanilang pagkakamali. Hindi kasi nila layuning saktan ang isang tao. Layunin nilang pukawin ang saradong isipan ng ibang tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting payo. Alam kasi ng mabuting tao kung gaano kasakit ang makarinig ng masasakit na salita kaya ayaw nilang gawin ito sa iba. Ayaw nilang ma-discourage ang isang tao. Marunong silang magkontrol ng kanyang bibig. Magaling silang magsalita ng hindi nakakasakit. Walang halong negativity. Kung marunong kang humawak ng sitwasyon, kung alam mo kung paano turuan ang iba, isa kang mabuting tao. Dapat alam mo kung paano gamitin ang tamang salita para hindi naman tumiklop ang isang tao.


NUMBER 11
HINDI KA NAGKIMKIM NG GALIT


Kung naka-move on ka na, kung wala ng galit sa puso mo, isa kang mabuting tao. Ayaw kasi ng mabuting tao na tumira ang negativity sa puso nila dahil ayaw nilang masira ang kanilang buhay. Alam kasi nila na negatibong emosyon ito at mawawala ang kanilang PEACE OF MIND. Pinatawad nila ang mga taong nagkasala sa kanila. Ayaw nilang palobohin ang gulo. Palagi kasi nilang iniisip na maikli lang ang buhay para magkimkim ng galit. Ayaw nilang mamuhay ng ganoon lang. Alam din nila na matutuwa ang Diyos sa kanila dahil ayaw ng Diyos na may nabubuong galit sa puso natin. Alam ko ang nasa isip mo ngayon, mahirap magpatawad dahil paulit-paulit ka niyang sinaktan. Mapapatawad mo naman rin 'yon sa pamamagitan ng pag-iwas at mag move on ka.


NUMBER 12
HINDI MO TINAKPAN ANG IYONG PAGKAKAMALI


Kung may mali kang nagawa tapos sinabi mo ang katotohanan, sign na 'yan na isa kang mabuting tao. Alam kong mahirap magsabi ng katotohanan lalo na kung alam nating mali tayo. Pero kailangan nating gawin. Mas madali tayong patawarin ng iba kung tapat lang tayo. Hindi sila maiirita. Hindi lalaki ang gulo. Kung gusto mong maging tapat ang tao sa 'yo dapat 'yon din ang gawin mo. Kung mahirap ka, 'wag kang magkunwaring mayaman. Tanggapin mong mali ka, tanggapin mong 'yan ang pagkatao mo, 'wag mong takpan. 'Wag kang mahiya na imperfect kang tao. Kung may mga mali ka mang nagawa, pwede mo namang baguhin 'yon.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177