12 Dahilan na 'Wag mo ng Patunayan Ang Sarili mo sa Iba By Brain Power 2177





Natural na sa atin na gusto nating TANGGAPIN tayo ng mga tao. Gusto nating maramdaman na BELONG tayo sa circle. Gusto nating SUMABAY sa kanila para mag FIT IN tayo. Gusto nating magustuhan tayo ng mga tao. Gusto nating karapat-dapat tayo sa kanilang ORAS, ATENSYON, at PAGMAMAHAL. Pero hindi mo na kailangang patunayan ang sarili mo sa kanila. Dahil wala ka namang dapat patunayan. SAPAT ka na. Kahit ano pa ang gawin mo kung wala naman silang pakialam sa 'yo, hindi ka talaga nila magugustuhan. Sa videong ito, tutuklasin natin kung bakit wala ka ng dapat patunayan pa. Kung handa ka ng maranasan ang malayang buhay, panoorin mo ang videong ito. Hindi pwedeng ma-miss mo ang #11.


NUMBER 1
BUHAY MO ITO


Wala ka ng dapat patunayan dahil buhay mo ito. Ikaw ang nagkokontrol sa buhay mo. Hindi sila. Ikaw lang ang makakapili kung anong gawin mo sa buhay mo. Basta't hindi lang masama. Ikaw lang din ang makakapagpasya kung ano ang pinakamainam para sa 'yo. Marami na kasing tao na namumuhay sila ayon sa inaasahan ng iba. Nakakalimutan na nila ang kanilang sariling kagustuhan at pangangailangan sa buhay. 'Wag mong sayangin ang oras mo sa kakagawa ng mga bagay ayon sa inaasahan ng ibang tao. Gawin mo ang mga bagay dahil 'yon ang gusto mong gawin. Kung walang hatid na kagalakan ang mga ginagawa mo, 'wag mo ng gawin. Ikaw lang naman ang nakakaalam kung ano ang gusto mong gawin sa buhay. Ikaw ang masusunod. Pero paalala lang, gawin mo rin ang tama. Gawin mo kung ano ang nakakapagpasaya sa Diyos. Ang pinakamahusay na paraan para maging successful ay ang maging MASAYA. Kaya't 'wag mong hayaan na sisirain ng iba ang kaligayahan mo.


NUMBER 2
MAGKAIBA TAYO
NG KAHULUGAN SA TAGUMPAY


'Wag mo ng patunayan ang sarili mo sa kanila kasi iba iba naman tayo ng kahulugan sa tagumpay. May iba na nakabase sila sa pera. May iba din kung buo ang pamilya nila. Para sa 'yo, ano ang SUCCESS? Hindi ka mag-eenjoy kung hindi mo alam kung ano ang SUCCESS para sa 'yo. Ikaw lang ang nakakaalam kung ano ang misyon mo sa buhay. Ikaw lang ang nakakaalam kung ano ang mas mahalaga sa 'yo. Iniisip kasi ng ilan na successful ang isang tao kung may maganda silang trabaho. Ang iba din ay kapag masaya ang relationship nila. Kung ano ang success para sa 'yo, gawin mo ang lahat para makamit mo 'yon. Kung ayaw mo ang ginagawa mo ngayon, itigil mo na 'yan.


NUMBER 3
HINDI MO MAKOKONTROL
ANG LAHAT NG TAO


Kahit ano pa ang gawin mo, hindi mo makokontrol ang lahat ng tao. Kung ayaw mo ang kinikilos nila, pwede mong pagsabihan. Pero hindi mo sila mababago. Hindi mo sila mapapatigil kung 'yan ang kagustuhan nila. Kung hindi ka confident sa sarili mo, para bang takot ka kung anong gagawin mo dahil nakatingin sila sa 'yo, isa kang WEAK na tao. Para kang puppet. Parang hinayaan mong lamunin ka ng kanilang reaksyon. Hindi mo na kailangang i-impress sila. Tandaan mo, kahit ano pa ang gawin mo, hindi mo mapi-please ang lahat. Sino ba sila sa buhay mo? Ipakita mo sa kanila kung gaano ka ka-confident sa sarili mo. May mga desisyon ang tao na hindi mo magustuhan pero wala ka ng magagawa dahil desisyon nila ang masusunod. Hindi mo mababago 'yon kung talagang ayaw nila. Sa halip na sayangin ang lakas mo sa kakapigil ng masamang ugali nila, magpokus ka na lang sa sarili mong nararamdaman.


NUMBER 4
HINDI MO NA KAILANGAN
NG VALIDATION


Na-realize ko na kung sobra tayong nakapokus sa kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa atin, mai-stress lang tayo ng sobra. Bawat kilos natin ay may halong takot. Natatakot tayong magsalita baka magkamali tayo. Natatakot tayong gawin ang gusto natin baka hindi nila magustuhan. Natatakot tayo sa suot natin baka malaswaan sila o baka badoy ang tingin nila sa atin. Ito ang dahilan kung bakit nagpapaka-perfect tayo, nagpapaka-successful tayo, umaasta tayong masaya, para wala silang masabi tungkol sa atin. Lalo na sa social media. Nagpopost tayo ng mga perfect photos para makakuha tayo ng maraming likes. Mas lalo tayong gaganahang mag post basta may maraming likes at views. Pero paano kung wala? Doon ka na makakaramdam ng kalungkutan kasi nakakabit na ang kaligayahan mo sa mga tao. Sa halip na magpokus ka sa kung ano ang maaaring ipadama sa 'yo ng ibang tao, isipin mo kung paano mo mapapabuti ang sarili mo. Anong mga ginagawa mo sa buhay na nagdudulot ng saya sa 'yo? Kung nakapokus ka sa mga pinagagawa mo sa buhay, at nakakapagpasaya 'yon sa 'yo, wala kang pakialam sa validation ng iba.


NUMBER 5
WALANG KWENTA
ANG PAGKOKOMPARA


Palagi mo bang ikinompara ang sarili mo sa iba? Sa tingin mo ba'y mas lamang sila sa 'yo? Akala mo lang 'yon. Hindi mo kasi alam ang totoong buhay ng mga tao. Lalo na sa social media, maraming nagpopost ng masasayang pangyayari. Highlights lang naman 'yon. Hindi mo alam kung ano sila sa totoong buhay. Kung palagi ka lang nagkokompara, ginagawa mo lang miserable ang buhay mo. Isipin mo ah, ikinokompara mo ang iyong PANGIT NA BUHAY sa MAGANDANG BUHAY ng ibang tao. Doon pa lang TALO KA NA. Halos lahat ng mga larawan ay filtered na, pati buhay pinipeke. Kaya 'wag mong ikompara ang sarili mo sa mga bagay na ILUSYON lang. Ang mga nakikita mo lang ay ang gusto lang ng mga taong ipakita sa 'yo. Ang nakakatawa pa, ikinokompara mo ang sarili mo sa iba, sila din ay nagkokompara din sa sarili nila sa iba.


NUMBER 6
MAHAL KA NG TAMANG MGA TAO


'Wag mo ng patunayan ang sarili mo sa sinuman kasi kung tamang tao ang nakapaligid sa 'yo, TANGGAP ka nila. Hindi mo na kailangang i-please sila. Hindi mo na kailangang magpa-impress. Hindi mo na kailangang pekein ang sarili mo. Ang tunay na nagmamahal sa 'yo, alam nilang SAPAT ka na. Alam nila na AMAZING ka. Wala na silang hahanapin pa sa sarili mo. Hindi na nila kailangang patunayan mo pa ang sarili mo sa kanila. Kung hindi nakikita ng mga taong nakapaligid sa 'yo kung gaano ka ka-amazing, lumayo ka na dahil hindi mo tunay na kaibigan ang mga taong nakapaligid sa buhay mo ngayon.


NUMBER 7
KAIINGGITAN KA NILA


Kung papatunayan mo ang sarili mo tapos totoong may napatunayan ka, mas lalo silang maiinggit sa 'yo. Kaya 'wag na lang kasi makikita naman nila ang kakayahan mo kahit hindi mo pa gagawin. Pero kung gusto mo silang inggitin pa lalo, hindi kita mapipigilan. May mga tao kasing sobrang mainggitin dahil hindi nila kaya ang ginagawa mo. Wala silang sapat na karunungan para magawa nila ang mga bagay-bagay. Intindihin mo na lang sila.


NUMBER 8
IKAW ANG MAY HAWAK
NG IYONG DESISYON


Kung tama lang ang desisyon mo sa buhay, gawin mo. 'Wag mo ng hintayin kung ano ang opinyon ng ibang tao. Kung sa opinyon ka nila susunod, ikaw ang magdurusa sa huli. Kung nagdesisyon ka para lang sa ibang tao o para patunayan ang ilang bagay, hahantong ka sa mga resulta na hindi mo talaga gusto. 'Wag kang gumawa ng bagay para lang bumilib sila sa 'yo unless kung nabibilib ka rin sa ginagawa mong 'yon.


NUMBER 9
WALANG KWENTA ANG MATERYALISMO


Sa sobrang pagkamateryalistiko ng mga tao, kahit hirap na hirap sila financially, umaasta silang mayaman. Hindi mo ba alam na sa kakagawa mo ng ganyan, ikaw lang din ang maaapektuhan? Pinipilit mong maghanda sa mga okasyon kahit hindi mo naman afford ang pagkain. Nagpopost ka ng mga travel pero last budget mo na 'yon. Gusto mo lang maging astig tingnan. Maloloko mo ang mga tao sa kakagawa mo ng ganyan pero maloloko mo ba ang sarili mo? Kapag mag-isa ka, masaya ka ba talaga?


NUMBER 10
HINDI MO PA ORAS


Minsan kasi may mga planong hindi natutupad. Siguro hindi pa ito ang panahon mo. 'Wag kang mainggit kung may nakakamit na sa buhay ang mga kaibigan mo. Balang araw matutupad mo rin ang pangarap mo. 'Wag kang mag expect masyado para hindi ka ma-disappoint ng sobra. Hustle ka lang ng hustle, makikita mo rin ang bunga ng pinaghirapan mo. Matatagalan man 'yon, 'wag ka pa ring titigil. Tandaan mo lang, kung ano ang nakamit ng ibang tao, posibleng hindi kayo pareho ng matatamasa. Tanggapin ang katotohanan na hindi mo kontrolado ang pangyayari sa mundo.


NUMBER 11
TAO LANG TAYO


Hindi tayo Robot. Hindi tayo Diyos. Tao tayo na may limitasyon. Lahat tayo ay may pinapasang problema. Kung nahihirapan ka ngayon sa buhay at sobra kang nag-aalala, tandaan mo na ganito rin ang naramdaman ng mga taong nakasaluha mo. Hindi mo lang mahahalata kasi hindi naman sila nagpapahalata. Kinakaya rin nila ang kanilang problema. Minsan madi-discourage ka, mawawalan ka ng gana sa buhay, panghihinaan ka ng loob, hindi lang ikaw ang nakaramdam ng ganyan. Ako rin. May problema din ako sa buhay. Pero lumalaban pa rin ako. Magpakatatag ka, okay? Tandaan mo, tao lang tayo.


NUMBER 12
HINDI MO MAPI-PLEASE ANG LAHAT


Bibigyan kita ng halimbawa. Halimbawa na lang natin na isa kang Papaya. Kahit gaano ka pa katamis, hindi lahat ng tao ay gustong kumain ng Papaya. Nakuha mo ba ang punto? Kahit gaano ka pa kagaling, kaganda, katalentado, hindi lahat magugustuhan ka. May ibang tao na hahanap ng pagkakamali para mapatunayan nila na hindi ka nila gusto. Kaya't pag-isipan mong mabuti kung sino ba ang pini-please mo? Baka mapagod ka lang. Iba iba kasi tayo ng kagustuhan sa buhay e. Katulad ng mga pinapanood natin. Hindi lahat gusto nating panoorin. Hindi lahat manonood sa video ko. Kaunti lang ang mga views ko e. Pero hindi dahilan 'yon para hindi na ako gagawa ng ganitong content. 'Yan din dapat ang ipasok mo sa isip mo. Hindi porket may mga taong hindi masaya sa pinagagawa mo ay tumigil ka na rin. May ibang tao diyan, kahit kaunti lang sila, na gustong gustong makita ang mga pinagagawa mo. Imposibleng mapasaya mo ang lahat at hindi mo responsibilidad 'yon. Hindi mo obligasyon na pasayahin ang lahat.

Kung palagi ka lang nakapokus sa ibang tao, makakalimutan mo ang sarili mo. Hindi mo makikilala ang sarili mo. Hindi mo na alam kung ano ang gusto mo sa buhay. Hindi mo na ma-enjoy ang buhay. Walang sinuman ang makakakita ng mga bagay sa eksaktong paraan na ginagawa mo, o sa eksaktong paraan na ginagawa ng isa't-isa, kaya literal na hindi mo magagawang pasayahin ang lahat, gaano man kahirap ang iyong pagsisikap.

Tandaan mo, mahirap gawin ang lahat ng ito pero worth it naman ang resulta.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177