11 Paraan Upang Mag Boost Ang Iyong Happiness By Brain Power 2177





May malaking pagkakaiba sa pagitan ng panandaliang kagalakan at pangmatagalang kaligayahan. Ang halimbawa ng panandaliang kagalakan, yun bang naghahabol ka ng mga bagay. Bakit? Kapag kasi nawala ang mga bagay na 'yon, hindi ka na rin masaya. Kaya sa videong/artikulong ito, tutuklasin natin ang 11 simpleng paraan upang ma-boost ang happiness natin.


NUMBER 1
MAGING MAPAGPASALAMAT


Magandang halimbawa natin dito na mapupulutan natin ng aral ay ang tungkol sa mga ketongin. Inilalahad ng Bibliya na nakasalubong ni Jesus ang sampung lalaki na may nakapandidiring sakit na ketong. Tinawag ng 10 lalaking 'yon si Jesus, para pagalingin sila. Ang iniutos ni Jesus: “Magpakita kayo sa mga saserdote.” Sinunod ng mga ketongin ang utos ni Jesus, at habang sila’y paparoon, kanilang nakita at nadamang gumaling sila. Siyam sa pinagaling na ketongin ang nagpatuloy sa kanilang lakad. Ngunit ang isang ketongin ay bumalik upang hanapin si Jesus. At nang matagpuan si Jesus, siya ay sumubsob sa kaniyang paanan, anupat NAGPASALAMAT sa kaniya. Bilang sagot ay sinabi ni Jesus:

“Hindi ba 10 ang napagaling? Nasaan ang 9 na iba pa?

Wala na bang ibang bumalik para pumuri sa Diyos
bukod sa taong ito na iba ang lahi?”

—Lucas 17:17, 18

Nakuha natin ang punto na may malaking pagkukulang ang taong hindi marunong magpasalamat. Hindi sila tumanaw ng utang-na-loob. Tunay na isang simpleng salita ang “SALAMAT!” Napakadaling bigkasin nito. At napakaraming pagkakataon upang gawin 'yon. Pero bakit hindi natin masabi? Napansin mo ba noong nagsabi ka ng salamat sa tao, anong naramdaman mo no'ng sinabi mo 'yon? Siyempre masarap sa pakiramdam. Gratitude is a powerful emotion that can significantly elevate your levels of happiness. Ang pagiging mapagpasalamat ay napatunayang talagang nakapagpapasaya.


NUMBER 2
'WAG KANG MAGHABOL NG MGA BAGAY


Alam mo, the more na naghahabol ka ng mga materyal na bagay, the more na maging miserable ang buhay mo. Bakit? Mapapabayaan mo ang sarili mo at ang pamilya mo. Mapupuyat ka na sa kakatrabaho. Mabalewala mo ang pamilya mo dahil may inaasikaso ka pang ibang bagay. Sinabi ko ito sa 'yo dahil naging biktima ako nito. Palagi akong naghahangad ng MAS MARAMI pa. Pero noong nakuha ko ang mga bagay na 'yon, masaya naman ako pero sa panandalian lang tapos iba na naman ang hinahangad ko. Pero alam mo ang mas magandang gawin para sumaya ka? Dapat experience ang ipasok mo sa ulo mo. Halimbawa naghahangad ka ng maraming bagay, 'wag kang magpokus sa mga bagay, magpokus ka sa mga ginagawa mo na may hatid na aral sa buhay mo. Dahil sa paghahabol mo sa mga bagay, marami kang matutunan sa buhay. Pwede ring mag travel ka para the best na experience. Kasi ang mga bagay ay madaling maluluma, masisira at mawawala. Pero ang experience, hindi 'yan malilimutan. Maging isang mahusay na guro pa 'yon sa buhay mo.


NUMBER 3
MAG EXERCISE KA


Kung ang ehersisyo ay tableta, ito na siguro ang pinakamadalas iresetang gamot sa mundo. Sa lahat ng bagay na makabubuti sa ating kalusugan, isa ang ehersisyo sa talagang kapaki-pakinabang. Alam naman natin, 'di ba na kapag healthy tayo, masaya tayo. Sino ba naman ang matutuwa kapag may sakit tayo, 'di ba? Kung tayo’y aktibo, magiging mas MALIGAYA, MASIGLA, at PRODUKTIBO tayo. Magiging mas malinaw rin ang ating isip. Kung sasabayan pa ito ng tamang pagkain, makokontrol din natin ang ating timbang. Hindi naman kailangang sobra-sobra ang ehersisyo para maging epektibo. Ang regular at katamtamang ehersisyo mga ilang beses bawat linggo ay makatutulong nang malaki. Sa katunayan, nakakatulong ang ehersisyo na mabawasan ang depression at anxiety kompara doon sa mga taong hindi aktibo.

Ang ehersisyo ay kapaki-pakinabang sa lahat, anuman ang kanilang edad. Malaking bagay na kung maglalakad ka sa halip na sumakay kung malapit lang naman ang pupuntahan mo. Naaawa nga ako ngayon sa mga bata e. Palaging hawak nila ang cellphone. Hindi na sila physically active. Di na sila tulad natin noon na palaging naglalaro sa labas. Pero kung may-edad ka na o may sakit ka at hindi ka sanay mag-ehersisyo, kumonsulta ka muna sa doktor. Makatutulong kasi ang pag-eehersisyo kahit sa mga may-edad para mapanatili ang iyong bone mass at ang lakas ng iyong kalamnan.


NUMBER 4
MAGING KONTENTO


Tandaan mo, isa lamang proteksyon ang pera. Kailangan natin ang pera para mabuhay, pero hindi tayo dapat maging sakim, dahil ang sakim ay walang kasiyahan! Mag provide tayo sa pamilya natin sa materyal na paraan, ngunit hindi ito ang dapat na maging pangunahing tunguhin sa buhay. Dapat na mauna ang espirituwal na mga bagay. Binababalaan tayo ng Salita ng Diyos na ang paghahabol sa mga kayamanan ay maaaring magdulot ng espirituwal na kapahamakan. Nagpapayo ang Bibliya,

“Dahil wala tayong dinalang anuman sa mundo,
at wala rin tayong anumang mailalabas.

Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.”

—1 Timoteo 6:​7, 8

Hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hinihilingan na sadyang mamuhay sa kahirapan. Ngunit tinutulungan tayo ng Diyos na makita kung ano talaga ang ating materyal na mga pangangailangan, pagkain, damit, at tirahan. Kung taglay natin ang mga kinakailangan sa buhay, hindi tayo dapat maghabol nang walang katapusan sa mas mataas na pamantayan ng pamumuhay. Kapag nag-iisip na bumili ng isang bagay o tumanggap ng karagdagang trabaho, makabubuting tanungin ang ating sarili,

“Talaga bang kailangan ko ito?”

Kung hindi mo kailangan, 'wag mo ng bilhin.


NUMBER 5
'WAG KANG MAGPOKUS SA MGA PROBLEMA


Sa araw na ito, December 11, 2023, medyo nasaktan ako sa pangyayaring na-hack ang Facebook Page ko. Problema na 'yon kasi may earnings ako doon na hindi ko makuha at monetize rin ang Page na 'yon. Pero nagre-record pa rin ako ngayon dahil ayokong magpokus sa problema. Ina-apply ko ang sinabi sa Kawikaan 17:22,

“Ang masayang puso ay mabisang gamot,
Pero ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”

Ang pagiging masaya ay makakatulong para makayanan ang problema. Kapag kasi palaging problema ang nasa isip mo, magkakasakit ka. At paano ka magiging masaya kung may sakit ka? Kung magpopokus tayo sa mga problema, laging pangit ang araw natin. Ayoko munang isipin kung maibabalik ko pa ba ang Page ko o hindi. Ang lagi kong pinagpokusan, ay buhay pa ako. Marami pa akong magagawa. Kapag kasi hindi natin maalis-alis ang pag-aalala, kapag palagi nating iniisip ang problema, naiisip natin ang mas malalang sitwasyon. Kaya 'wag na nating dagdagan ang ating alalahanin. 'Wag na muna nating alalahanin ang mga bagay na hindi pa nangyayari at baka hindi naman mangyari, sayang lang ang buhay.


NUMBER 6
MAGPAKITA KA NG KABAITAN


Alam mo, talaga ngang nakapagpapatibay at nakaaaliw ang isang gawa ng kabaitan! Kapag alam nating may nagmamalasakit sa atin, natutuwa tayo, 'di ba? Dahil gusto nating lahat na pagpakitaan tayo ng kabaitan, dapat nating linangin ang magandang katangiang ito. Marami ng masasamang tao ngayon, 'wag na tayong dumagdag. At isa pa, parang boomerang ang kabaitan e. Kapag mabait tayo sa iba, natutuwa sila. Kapag nakita nating natutuwa sila, sobra tayong natutuwa. It’s a beautiful cycle of positivity. Ang kabaitan ay hindi lang basta pakitang-taong kagandahang-asal at paggalang. Ang tunay na kabaitan ay udyok ng malalim na pag-ibig at empatiya. Higit pa riyan, ang kabaitan ay isang aspekto ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos na dapat linangin natin.


NUMBER 7
TANGGAPIN MONG HINDI KA PERPEKTO


Paano ka sasaya kung palagi kang nagpapakaperpekto? Alam ko ang feeling nito kasi perfectionist ako noon e. Ayokong magkamali. Magagalit ako sa sarili ko kapag may palpak akong nagawa kahit maliit lang 'yon. Gusto ko kasi na perfect ang resulta ng lahat ng ginagawa ko pero hindi nangyari ang inaasahan ko. Nai-stress lang ako. Kaya tanggapin natin na walang perpektong tao sa mundo, kasali ka na do'n. Kapag tanggap mo na hindi ka perpekto, mas lalo mong mamahalin ang sarili mo at mas lalo kang sasaya. Ayos lang kung magkakamali ka, ayos lang na may kapintasan ka, ayos lang kung wala ka pang alam. 'Wag mong i-pressure ang sarili mo. Di ba sabi ko kanina na ayos lang magkamali? Pero hindi yung pagkakamali na paulit-ulit. Lalo na kung ang pagkakamali ay mga seryosong bagay tulad ng drug addiction, weak moral character, cruelty, hindi pwedeng tanggapin na lang 'yan dahil masamang gawa 'yan pero pwedeng labanan. Kasi kung wala kang ginagawa para maitama ang pagkakamali mo, ikaw na ang may kasalanan. Marami kasing mga tao na ginamit ang salitang EMBRACE YOUR IMPERFECTIONS para pagtakpan ang seryosong pagkakamali nila.


NUMBER 8
DAPAT MAY LAYUNIN KA


Ang bilis ng oras. Sayang kung wala kang ginagawa. Kung may purpose ka sa buhay, ang sarap gumising. Masarap gawin ang trabaho dahil excited tayong makita ang bunga ng ating pinaghirapan. Having a purpose is essential for personal growth and fulfilment. Ang pagkakaroon ng layunin sa buhay ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng direksyon ang buhay at may kahulugan ang buhay. Nangangahulugan ito ng pag-alam kung ano ang gusto mong makamit at kung bakit ito mahalaga sa 'yo. Ipinakita ng pananaliksik na ang mga taong may layunin ay MAS MASAYA, MAS MATATAG, at MAS MATAGUMPAY kaysa sa mga taong walang layunin sa buhay.


NUMBER 9
MAHALIN MO ANG IYONG SARILI


Pero dapat na wasto lang, at ibigin natin ang ating sarili sa makatuwirang antas. Kasama rito ang pangangalaga sa sarili, paggalang sa sarili, at pagkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili. Palagi kong sinasabi sa mga videos ko, na LAHAT NG SOBRA AY MASAMA. Kapag sobra mong minahal ang iyong sarili, magiging makasarili ka na niyan. Dapat ilagay natin sa tamang lugar ang pag-ibig sa sarili. Sa totoo lang, napakahirap mahalin ang ibang tao kung hindi mo alam kung paano mahalin ang sarili mo. Halimbawa bad mood ka, siyempre wala kang ganang makipag-usap sa iba. Ganyan din ang SELF-LOVE. May maibabahagi kang pag-ibig dahil pag-ibig ang laman ng puso mo. Pero siyempre, 'wag mong kalimutan na unahing ibigin ang Diyos.


NUMBER 10
'WAG KANG MAINGGIT


Ang inggit ay ang SAKIT o HINANAKIT na nadarama ng isa sa nakikitang kalamangan ng iba, kasabay ng pagnanasang sana’y ganoon din siya. Ang inggit ay nakaaapekto sa buhay ng isa at nag-aalis ng kaligayahan. Mahalagang makita ang masamang nagagawa ng inggit. Ang inggit ay makaaapekto sa kakayahan ng isang tao na masiyahan sa mabubuting bagay at makapag-aalis ng pagpapahalaga sa maraming kaloob na dulot ng buhay. Ang ganitong tendensiya ay hindi magdudulot ng kaligayahan. Malalabanan natin ang inggit kung tayo’y magiging tunay na mapagpakumbaba. Tutulong ito sa atin na magkaroon ng pagpapahalaga sa kakayahan at katangian ng iba. Sinasabi ng Bibliya, sa Galacia 5:26,

“Huwag tayong maging mapagmataas,
huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa,
at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.”


NUMBER 11
MAGING MATATAG AT POSITIBO


Sino nga ba ang walang problema? Gaya ng sabi sa Bibliya, sa Eclesiastes 3:4,

“Panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa;
Panahon ng paghagulgol
at panahon ng pagsasayaw.”

Kung matatag tayo, mahaharap natin ang mga problema. May kakilala nga ako na sobrang dami ng sakit pero sinabi niya na mamamatay lang naman siya sa huli, e gamitin na lang daw niya ang mga natitirang araw para magsaya. Hindi niya pinatatagal ang panghihina ng loob. Naaawa rin naman ako sa kanya. Pero tama siya, 'di ba? Maikli lang ang buhay kaya gamitin na lang natin ang natitirang araw para magpokus sa kaligayahan. Alisin natin sa isip natin ang negatibo at pasalamatan natin ang Diyos sa mga bagay na nagagawa pa natin, lalo na para sa iba. Natutuhan kong mahalin at aliwin ang mga maysakit. Sa totoo lang, kapag inaaliw ko ang iba, nalilimutan ko ang sarili kong problema. Napaka inspiring ang sinabi ng Santiago 1:12,

“Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok,
dahil kapag kinalugdan siya,
tatanggapin niya ang korona ng buhay.”

It’s important to remember that happiness is not a destination, but a continuous journey. It’s not about comparing your life with others, but about finding contentment and joy in your own journey. Remember, you deserve to be HAPPY.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177