May Pakinabang ba Ang Panalangin By Brain Power 2177





Bago ka gumawa ng anumang bagay, natural lang na maisip mo,

‘Ano’ng mapapala ko rito?’

Minsan maitatanong din natin 'yan pagdating sa panalangin. Lalo na kung wala pa ring senyales galing sa Diyos. Natural lang na gusto nating malaman kung may maitutulong ba ang panalangin sa atin. Kahit ang mabuting taong si Job ay nagtanong:

“Kung hihingi ako ng tulong sa kaniya, sasagot ba siya?
Hindi ako naniniwalang makikinig siya.”

Job 9:16

Gusto ng Diyos na maging malapit tayo sa Kanya. Ito ang sabi ng Jeremias 29:12,

“At tatawag kayo at lalapit at mananalangin sa akin,
at pakikinggan ko kayo.”

Habang nakikipag-usap ka sa Diyos, magiging malapít ka sa kaniya, at LALAPIT SIYA SA 'YO. Tinitiyak ng Bibliya, sa Awit 145:18,

“Ang Diyos ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya
nang may katapatan.”

Habang madalas tayong nananalangin, lalong lalalim ang kaugnayan natin sa Diyos. Inaanyayahan ka ng Diyos na manalangin dahil siya ay NAGMAMALASAKIT SA 'YO at gusto Niyang tulungan ka. Ang panalangin ay hindi lang basta isang religious routine o isang uri ng mental therapy. Ang tunay na Diyos ay talagang nakikinig sa panalangin. Kung mananalangin tayo sa tamang paraan at para sa tamang mga bagay, makikinig Siya. Sa katunayan, hinihimok Niya tayo na lumapit sa Kaniya. Kung gayon, ano ang maitutulong sa atin ng panalangin kung magiging bahagi ito ng ating buhay?


UNANG PAKINABANG
MAGIGING PAYAPA ANG ATING ISIP


Kapag may problema ka, sobra ka bang nababalisa? Hinihimok tayo ng Bibliya na MANALANGIN NANG WALANG LUBAY (1 Tesalonica 5:17) at IPAALAM NATIN ANG ATING MGA PAKIUSAP SA DIYOS (Filipos 4:6) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung mananalangin tayo sa Diyos, AT ANG KAPAYAPAANA NG DIYOS NA NAKAHIHIGIT SA LAHAT NG KAISIPAN ANG MAGBABANTAY SA INYONG PUSO AT ISIP (Filipos 4:7) Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ng isip kung sasabihin natin sa ating Ama sa langit ang mga ikinababahala natin. Sa katunayan, hinihimok Niya tayong gawin 'yan. Basahin natin ang Awit 55:22,

“Ihagis mo sa Diyos ang pasanin mo, At aalalayan ka niya.”

Nararanasan ko na ang kapayapaang ito. Gaano man kabigat ang mga problema  ko, kapag nasabi ko na ito sa panalangin, gumagaan na ang pakiramdam ko at para bang kaya ko na itong mabata. Madalas kasi akong nag-ooverthink at nag-aalala lalo na sa mga bagay na hindi pa naman nangyayayari. Pero sa tulong ng panalangin, nakapagpapatuloy ako sa buhay nang hindi masyadong nag-aalala. Alam kong pinakinggan ng Diyos ang panalangin ko at pinakalma Niya ang isipan ko.


IKALAWANG PAKINABANG
BIBIGYAN NIYA TAYO NG LAKAS


Napapaharap ka ba sa matinding stress, dahil marahil sa masasaklap na karanasan o mga kalagayang nagsasapanganib ng buhay? Ang pananalangin sa DIYOS NG BUONG KAALIWAN ay makapagdudulot ng malaking ginhawa. Ayon sa Bibliya, Siya ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok (2 Corinto 1:3, 4) Halimbawa, mababasa natin sa Lucas 22:41, 43, nang lubhang mabagabag si Jesus, INILUHOD NIYA ANG KANIYANG MGA TUHOD AT  NAGSIMULA SIYANG MANALANGIN. Ano ang resulta? NAGPAKITA SA KANIYA ANG ISANG ANGHEL MULA SA LANGIT AT PINALAKAS SIYA. Ang tapat na si Nehemias ay pinagbantaan ng masasamang tao na gusto siyang pahintuin sa paggawa ng gawain ng Diyos. Nanalangin si Nehemias (6:9-16)

“Pero dalangin ko, palakasin mo ako.”

Ipinakikita ng kasunod na mga pangyayari na talagang tinulungan siya ng Diyos na madaig ang kaniyang takot at magtagumpay sa kaniyang gawain. Alam mo, kapag nananalangin ako, lalo na kung may problema, para bang nasasabi ko ang problema ko sa isa na kayang tumulong sa akin at nagpapatibay na hindi ako dapat mag-alala. Kapag nanalangin tayo sa Diyos, bibigyan Niya tayo ng kaaliwan.


IKATLONG PAKINABANG
KARUNUNGAN MULA SA DIYOS


May mga desisyon tayo na habambuhay na makaaapekto sa atin at makaaapekto din sa mga mahal natin sa buhay. Paano tayo makagagawa ng matatalinong pasiya? Sinasabi ng Bibliya, sa Santiago 1:5,

“Kaya kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan,
patuloy siyang humingi sa Diyos,
dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta,
at ibibigay iyon sa kaniya.”

Kung hihingi tayo ng karunungan sa Diyos, maaari Niyang gamitin ang Kaniyang banal na espiritu para patnubayan tayong makagawa ng matatalinong desisyon. Sa katunayan, maaari nating specific na hingin ang banal na espiritu dahil tinitiyak sa atin ni Jesus na magbibigay ang ating Ama sa langit ng banal na espiritu sa mga humihingi sa Kaniya (Lucas 11:13)

Maging si Jesus ay humingi ng tulong sa kaniyang Ama sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Ayon sa Bibliya, nang pumili siya ng 12 lalaki na maglilingkod bilang mga apostol niya, PUMUNTA SIYA SA BUNDOK PARA MANALANGIN, AT BUONG GABI SIYANG NANALANGIN SA DIYOS.

Gaya ni Jesus, marami ngayon ang napapatibay kapag nakita nilang sinagot ng Diyos ang hiling nila na tulungan silang makagawa ng matatalinong desisyon. Alam mo, iba’t ibang problemang nakaharap ko, gaya ng pagsuporta sa aking sarili at sa aking pamilya. Alam mo ba kung ano ang tumulong sa akin na makagawa ng matatalinong desisyon? Umasa ako sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Mararanasan mo rin ang patnubay ng Diyos kung ipananalangin mo ang mga bagay na makaaapekto sa kaugnayan mo sa Kaniya.

Tatlong bagay lang ang pakinabang na napag-usapan natin dito pero ilan lamang ito sa mga bagay na magagawa sa 'yo ng panalangin. Pwede rin tayong patuloy na manalangin para hindi tayo mahulog sa tukso.

Manalangin din tayo para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang sabi ng 2 Cronica 7:14,

“At kung ang bayan ko na tinatawag sa pangalan ko ay magpakumbaba
at manalangin at hanapin ako at tumigil sa masasama nilang ginagawa,
makikinig ako mula sa langit at patatawarin ko ang kasalanan nila
at pagagalingin ko ang lupain nila.

Isang paraan din ang panalangin para makatulong sa iba. Maganda ang sinabi ng Santiago 5:16,

“Kaya ipagtapat ninyo sa isa’t isa ang mga kasalanan ninyo
at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, para mapagaling kayo.”

Ang panalangin din ay pampatibay-loob kapag sinagot ang mga panalangin. Sabi ng 1 Hari 9:3,

“Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo.”

Subalit para makamit mo ang mga pakinabang na ito, dapat mo munang makilala ang Diyos at alamin ang Kaniyang kalooban. Maaaring ito ang unang hakbang para mapalapít ka sa DUMIRINIG NG PANALANGIN (Awit 65:2).

Pero makikinig lang ang Diyos kung kakausapin natin Siya sa paraang gusto Niya. Hindi Niya pakikinggan ang lahat ng panalangin. Noong panahon ni propeta Isaias, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Kahit nananalangin kayo nang maraming ulit, Hindi ako nakikinig; Punô ng dugo ang mga kamay ninyo” (Isaias 1:15) Kaya kung hindi tayo mag-iingat, makakagawa tayo ng mga bagay na maglalayo sa atin sa Diyos, at hindi Niya pakikinggan ang mga panalangin natin.

Kung gusto nating pakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat tayong manampalataya sa Kaniya. Sinabi ni apostol Pablo:

“Kung walang pananampalataya,
imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos,
dahil ang sinumang lumalapit sa Diyos
ay dapat na maniwala na siya ay umiiral
at nagbibigay ng gantimpala
sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso”
(Hebreo 11:6)

Pero hindi sapat na basta sabihing may pananampalataya tayo. Kailangan natin itong patunayan sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos araw-araw. Dahil ang nakasulat sa Santiago 2:26,

“Ang pananampalataya na walang gawa ay patay.”

Dapat tayong maging mapagpakumbaba at magalang kapag nananalangin sa Diyos. Bakit? Dahil Siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, hindi ba’t mas dapat tayong maging magalang at mapagpakumbaba kapag kausap Siya? Dapat din tayong manalangin sa Diyos mula sa puso, sa halip na ulit-ulitin lang ang sinasabi natin.

Isa pa, kapag may ipinanalangin tayo, dapat tayong kumilos ayon dito. Halimbawa, kung nananalangin tayo sa Diyos para sa pangangailangan natin araw-araw, hindi tayo dapat maging tamad at umasa na ibibigay Niya ang lahat ng kailangan natin kahit kaya naman nating magtrabaho. Dapat tayong magsikap at gawin ang anumang trabahong kaya natin. O kung nananalangin tayo sa Diyos na tulungan tayong itigil ang paggawa ng isang bagay na mali, iwasan din natin ang anumang sitwasyon na puwede tayong matukso.

Puwede nating ipanalangin ang anumang bagay na katanggap-tanggap sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya:

“At nagtitiwala tayo sa Diyos
na anuman ang hingin natin ayon sa kalooban Niya ay ibibigay niya.”
(1 Juan 5:14)

Puwede ba nating ipanalangin ang personal na mga bagay? Oo. Ang pananalangin sa Diyos ay parang pakikipag-usap sa isang malapít na kaibigan. Puwede nating sabihin sa Diyos ang laman ng puso at isip natin. Puwede nating hilingin sa Kaniya na bigyan tayo ng banal na espiritu para magawa ang tama. Puwede rin nating hilingin sa Diyos na bigyan tayo ng karunungan para makagawa ng tamang mga desisyon, at hilingin natin na bigyan tayo ng lakas para makayanan ang mga problema. Dapat nating hilingin sa Diyos na patawarin tayo sa mga kasalanan natin. Dapat din nating ipanalangin ang iba, kasama na ang pamilya natin at ibang tao.

Dapat natin Siyang pasalamatan sa lahat ng ginawa Niya para sa atin. Nalaman natin 'yan dahil noong nandito si Jesus sa lupa, tinuruan Niya ang mga tagasunod Niya kung paano mananalangin. Sinabi niyang dapat muna nilang ipanalangin ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos. Pagkatapos, ipinakita ni Jesus na dapat nating ipanalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos at mangyari ang kalooban ng Diyos sa buong lupa. Kasunod ng mahahalagang bagay na ito, sinabi ni Jesus na puwede na nating ipanalangin ang personal na pangangailangan natin. Kapag inuuna natin ang Diyos at ang kalooban Niya sa mga panalangin natin, ipinapakita natin kung ano ang pinakamahalaga sa atin.

Puwedeng maikli o mahaba ang  panalangin natin, depende sa sitwasyon. Halimbawa, puwede tayong manalangin nang maikli bago kumain. Puwede nating habaan ang panalangin natin kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos o nagsasabi tayo ng mga problema. Ang mahalaga sa Diyos ay ang manalangin tayo mula sa puso.

Ginagamit ng Diyos ang mga anghel at mga lingkod Niya sa lupa para sagutin ang mga panalangin natin. Halimbawa, nanalangin tayo sa Diyos tungkol sa isang problema o pangangailangan natin at nakatanggap tayo ng tulong mula sa isang tao.

Pero kung minsan, baka maitanong natin, ‘Bakit hindi pa sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ko?’ Tandaan mo, alam Niya kung kailan at kung paano sasagutin ang mga panalangin natin. Alam Niya kung ano ang kailangan natin. Baka kailangan nating patuloy na manalangin para ipakita na seryoso tayo sa sinasabi natin at na talagang nananampalataya tayo sa Kaniya. Kung minsan, sinasagot ng Diyos ang mga panalangin natin sa paraang hindi natin inaasahan. Halimbawa, baka ipinapanalangin natin ang tungkol sa isang problema, pero sa halip na alisin ang problema, baka bigyan Niya tayo ng lakas para makayanan ito. Ito ang sabi ng Filipos 4:13,

“May lakas akong harapin ang anumang bagay
dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”

Isa ngang napakagandang pribilehiyo ang manalangin sa Diyos! Makakatiyak tayo na pakikinggan Niya tayo. Kapag lagi tayong nananalangin sa Diyos mula sa puso, lalo tayong mapapalapít sa Kaniya.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177