Ito Ang Gawin mo Kung May Naninira Sa 'yo By Brain Power 2177





Bago natin umpisahan ang videong ito, may mga tanong muna ako sa 'yo.

Paano kung nalaman mong itsinismis ka ng ibang tao, palalampasin mo na lang ba ang nangyari?

Lalapitan mo ba siya nang mahinahon para pag-usapan ang problema?

Paano kung may alam ka ring tsismis tungkol sa kaniya na puwede mong ipagkalat, gaganti ka ba?

Ang ilang nagkakalat ng tsismis ay may masamang motibo—halimbawa, nagsisinungaling sila para sirain ang iyong reputasyon. Pero kahit hindi 'yan ang motibo ng nagtsitsismis, masakit pa rin 'yon, lalo na kung ang nagkakalat ay itinuturing mong malapít sa 'yo! Katulad ng nakasulat sa Awit 55:12-14,

“Dahil hindi isang kaaway ang humahamak sa akin;
Kung kaaway siya, mapagtitiisan ko sana.
Hindi isang kalaban ang sumasalakay sa akin;
Kung kalaban siya, makapagtatago sana ako mula sa kaniya.

Kundi ikaw, isang taong kagaya ko,
Ang kasama ko mismo na kilalang-kilala ko.

Dati tayong matalik na magkaibigan.”

Kita mo 'yan, may traydor na pala noong unang panahon, 'di ba? Kaibigan mo man o hindi ang nagtsitsismis, masakit malaman na may nagsasabi ng masama tungkol sa 'yo.

Ang dahilan kung bakit pinag-uusapan ng mga tao ang iba ay natural na sa ating mga tao na mahilig makihalubilo. Kaya natural lang na kausapin natin ang ibang tao at pag-usapan ang iba. Kaya karamihan ay gusto nilang malaman ang nangyayari sa buhay ng mga tao at ikuwento nila ’yon sa iba. Ewan ko ba kung bakit sila gan'on siguro 'yon ang kaligayahan nila.

Ang isa pang dahilan kung bakit may tsismosa e kasi wala silang magawa. Wala silang pinagkakaabalahan sa buhay. Noong panahon ng Bibliya, may mga taong walang ibang pinaggugugulan ng kanilang libreng panahon maliban sa pagsasabi ng anumang bagay o sa pakikinig sa anumang bagay na bago (Gawa 17:21) Lalo na sa panahon natin ngayon, kapag walang nangyayaring exciting na bagay, nag-iimbento ng mapag-uusapan ang mga tao.

Nagiging tsismosa din ang isang tao dahil insecure siya. Nakalulungkot, nagtsitsismis ang iba para mabawasan ang mga insecurity nila. Ang pagtsitsismis ay karaniwan nang may ipinahihiwatig tungkol sa nagtsitsismis. Baka naiinggit lang sila sa taong itsinitsismis nila. Nagkakalat sila ng tsismis para tumaas ang tingin nila sa kanilang sarili at para patunayang mas magaling sila sa taong 'yon. Gustuhin man natin o hindi, talagang pag-uusapan ng mga tao ang iba. Kasama ka na d'on.

Hindi mo man mapigilang kumalat ang lahat ng tsismis tungkol sa 'yo, pero puwede mong piliin ang magiging reaksiyon mo. Kapag nalaman mong itsinitsismis ka, mayroon kang dalawang mapagpipilian.

Una, DEADMA

Huwag mo itong pansinin. Karaniwan nang 'yan ang pinakamagandang solusyon—lalo na kung wala namang basehan ang tsismis. Deadma mo na lang. 'Wag mong sayangin ang oras mo sa kakareact. Ikapit mo ang payo ng Bibliya, sa Eclesiastes 7:9,

“Huwag kang maghinanakit agad,
dahil mangmang ang nag-iipon ng hinanakit sa dibdib niya.”

Ang magandang reputasyon ang pinakamahusay na panlaban sa tsismis. Kung maganda ang reputasyon mo, kahit itsismis ka pa, walang gaanong maniniwala. Mananaig pa rin kung ano ang totoo.

Ikalawa, KAUSAPIN MO ANG TSISMOSA

Baka may mga tsismis na para sa ’yo ay talagang maselan kung kaya dapat mong kausapin ang taong pinagmulan nito.

Kung kakausapin mo ang mga nagtsitsismis tungkol sa 'yo, malalaman nilang nakakarating sa 'yo ang mga sinasabi nila. Bukod diyan, baka magkaliwanagan kayo at malutas ang problema.

Bago mo kausapin ang nagtsismis tungkol sa 'yo, pag-isipan mo ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya at mga tanong.

Mababasa natin sa Kawikaan 18:13,

“Kapag sumasagot ang isang tao
bago niya marinig ang mga detalye,
Kamangmangan iyon at kahiya-hiya.”

Bago ka sumugod, itanong mo muna ito sa sarili mo, talaga bang alam ko ang buong kuwento? Hindi kaya nagkamali lang ng intindi ang taong nagsabi sa akin?

Ngayon ba ang tamang panahon para kausapin siya? Sigurado ba akong hindi lang ako nadadala ng emosyon? O baka mas mabuting magpalipas pa ako ng ilang panahon para magpalamig muna? Ito ang sabi ng Santiago 1:19,

“Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig,
mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.”

Kung ikaw ang nasa sitwasyon niya, anong paraan ng paglapit ang gusto mo? Saan at kailan mo gustong pag-usapan ang problema? Anong mga salita at pagkilos ang pinakaepektibo?

May mga tsismis na mababaw lang, pero mayroon ding maselan. Kung mababaw lang 'yon, palampasin mo na lang. Pero kung maselan at makakasira sa reputasyon mo, baka kailangan mong kausapin ang pinagmulan nito.

Kapag pinagtsitsismisan ka ng mga tao, huwag kang gumanti sa pamamagitan ng pagtsitsismis din o pagsasalita ng masama tungkol sa kanila. Kapag ginawa mo 'yan, katulad ka na rin ng mga taong kinaiinisan mo.

Sa buhay, maraming bagay ang hindi mo laging makokontrol, kasama na rito ang tsismis. Pero hindi ka dapat magpakontrol dito!




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177