Lumayo ka sa mga Ganitong Klaseng Mga Tao By Brain Power 2177


Photo by cottonbro studio from Pexels:
https://www.pexels.com/photo/light-man-people-festival-5920931/


Hindi na dapat tayong magtaka dahil inihula sa Bibliya na sásamâ ang karamihan sa mga tao sa panahon natin. Ipinapakita din nito na dahil sa pagbabagong 'yan, bababa ang moralidad ng mga tao at babale-walain nila ang magagandang asal.

“Pero sinasabi ko sa iyo na sa mga huling araw,
magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.

Dahil ang mga tao ay magiging makasarili,
maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, mamumusong,
masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat,

walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo,
maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis,
napopoot sa kabutihan,

taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki,
maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos,

at mukhang makadiyos pero iba naman
ang paraan ng pamumuhay. Layuan mo sila. (2 Timoteo 3:1-5)

Pero inihula din ng Bibliya na hindi lahat ng tao ay magpapadala sa ganitong pagbabago. Sa tulong ng Diyos, lalabanan nila ang masasamang impluwensiya, at sisikapin nilang mag-isip at gumawi sa paraang gusto Niya.

Ano ang inihula ng Bibliya na magiging ugali ng mga tao sa ngayon? Sinasabi sa Bibliya ang iba’t ibang masasamang ugali na magiging karaniwan sa ngayon, at lahat ng ito ay dahil sa pagiging makasarili. Ang mga tao ay magiging MAIBIGIN SA SARILI, WALANG PAGPIPIGIL SA SARILI, at MAIBIGIN SA KALUGURAN SA HALIP NA MAIBIGIN SA DIYOS.

Gaya ng inihula, ang iniisip na lang ng marami sa ngayon ay ang sarili nila, ibig kong sabihin, iniisip nila kung ano ang pabor sa kanila, kung saan sila makikinabang, at iba pa. Pangkaraniwan na lang ang mga ugaling ito, kaya may mga grupo ng tao na tinatawag na Henerasyong Maka-ako, at ngayon, lalo pa itong lumalala. Maraming tao ang sobrang nakapokus lang sa sarili nila at hindi na mahalaga sa kanila ang mabubuting katangian, kaya masasabing NAPOPOOT SILA SA KABUTIHAN. Dahil WALA SILANG UTANG NA LOOB, pakiramdam nila, hindi nila kailangang magpasalamat sa kung anong mayroon sila o sa mga ginagawa ng iba para sa kanila.

Ang pagiging makasarili ang ugat ng iba pang ugali na inihula ng Bibliya na magiging karaniwan sa ngayon:


NUMBER 1
SAKIM


Ibig sabihin ng SAKIM ay LABIS-LABIS NA PAGNANASA, PAGIGING GAHAMAN, PAGNANAIS NA MAGKAROON NG HIGIT PA. Ang kasakiman ay maaaring mahayag sa pag-ibig sa salapi, sa paghahangad ng kapangyarihan o pakinabang, sa kasibaan sa pagkain at inumin, sa pagkagahaman sa sekso o iba pang materyal na mga bagay. Binababalaan ng Kasulatan ang mga Kristiyano laban sa masamang katangiang ito at inuutusan sila nito na iwasan ang pakikipagsamahan sa sinumang nag-aangking isang “kapatid” na Kristiyano ngunit isang taong sakim. Ito ang nakasulat sa 1 Corinto 5:11,

“Pero ngayon ay sinusulatan ko kayo
na tigilan ang pakikisama sa sinumang tinatawag na kapatid
pero imoral, sakim, sumasamba sa idolo, manlalait, lasenggo,
o mangingikil, at huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao.”

Kapag ang hinahangad ng taong sakim ay pag-aari ng iba, 'yon ay nagiging KAIMBUTAN. Sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaimbutan ay nagpaparungis sa isang tao (Mar 7:20-23) at nagbabala siya laban dito. Ang babalang ito ay sinundan niya ng isang ilustrasyon hinggil sa mapag-imbot na taong mayaman, na nang mamatay ay hindi na nakinabang sa kaniyang kayamanan ni nagkaroon pa man ng kontrol dito, kundi sa halip ay naging kaawa-awa sapagkat hindi siya MAYAMAN SA DIYOS. (Lucas 12:15-21)


NUMBER 2
MAYABANG


Mahal ng Diyos ang mapagpakumbaba. Ang mga tunay na mapagpakumbaba lang ang puwedeng magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Kaniya. Ito ang sabi sa Awit 138:6,

“Kahit mataas ang Diyos,
nagbibigay-pansin siya sa mapagpakumbaba,
Pero ang mapagmataas ay kilala lang niya sa malayo.”

Gusto nating lahat na mapasaya ang Diyos at madama ang Kaniyang mainit na pagmamahal, kaya mahalagang matutuhan natin na maging mapagpakumbaba. Ang kapakumbabaan ay kababaan ng pag-iisip at kabaligtaran ng pagiging mapagmataas o arogante. May mga taong mukhang mapagpakumbaba. Sa unang tingin mahiyain sila at tahimik. Magalang silang tingnan dahil sa kanilang kultura at kinalakhan. Pero ang totoo, napakayabang pala nila. Di-magtatagal, lalabas at lalabas din ang totoong kulay nila. Kaya lumayo ka sa mga taong mayabang.


NUMBER 3
MANINIRANG-PURI


Ang paninirang-puri at tsismis ay magkapatid lang. Ang tsismis ay walang-saysay na usapan tungkol sa buhay ng ibang tao; walang-batayang usap-usapan. Ang paninirang-puri naman ay pagsasabi ng kasinungalingan tungkol sa iba, karaniwa’y taglay ang masamang hangarin, harapan man o online. Ang gayong pananalita ay kaugnay ng kahangalan o kamangmangan. Ang paninirang-puri ay isang katitisuran sa iba, lalo na sa isa na sinisiraang-puri. Ganito ang kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel:

“Huwag kang lilibot sa iyong bayan
para magkalat ng ikasisirang-puri ng iba.
Huwag mong isasapanganib ang buhay ng kapuwa mo.” (Levitico 19:16)

Idiniriin dito ang kalubhaan ng paninirang-puri sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin na sa ilang kaso, ang mga bulaang paratang ay maaaring aktuwal na humantong sa paglalapat ng kamatayan. Kung minsan, may mga bagay na dapat ilihim, ngunit natutuwa ang maninirang-puri na isiwalat ang mga 'yon sa iba na walang karapatang makaalam ng mga iyon. Nagdudulot ng kasiyahan sa maninirang-puri ang pagsisiwalat ng mga bagay na nakagugulat. Mali rin ang isa na nakikinig sa paninirang-puri at pinipinsala niya ang kaniyang sarili at maaaring magbunga ito ng mga alitan at pagkakabaha-bahagi.​


NUMBER 4
MATIGAS ANG ULO


Itinuturing ng Diyos na napakalaking kasalanan ang katigasan ng ulo na ibinilang Niya ito sa mga kasalanan tulad sa katigasan ng ulo ng isang anak sa magulang na dapat parusahan ng mahigpit. Kung tumangging sumunod ang isang anak sa kanyang mga magulang at ayaw pasakop sa pagdidisiplina at namuhay sa kasamaan. Ang katigasan ng ulo at paglaban sa Diyos at paglaban sa Kanyang mga itinalagang awtoridad ay isang malaking kasalanan, isang kasalanan na maaaring kumalat gaya ng lason sa buong komunidad. Ang Kautusan ni Moises ay itinalaga upang pigilan ang pagkalat ng lasong ito laban sa katigasan ng ulo.

Para sa mga taong matitigas ang ulo, kailangan mong i-lay ang foundation sa kanila. Kailangang alam nila that you want a clean slate before you give any advice para di sayang ang oras ninyong pareho. And know your limit. You can give all the advices you want. But at the end of the day, wala sa mga kamay mo kung ano ang magiging desisyon ng taong nanghingi ng payo sa 'yo. Also, you have to let them learn from their mistakes. Napaso na yan at for sure ay ayaw na niya umulit pa. And last but definitely not the least, pray for them. They need it more than anything else.


NUMBER 5
MARAHAS


Laganap ang karahasan at nakikita ito sa iba’t ibang paraan. Bukod sa digmaan, nariyan din ang karahasang nauugnay sa palakasan, sa droga, sa mga gang, sa paaralan, at sa hanapbuhay gayundin ang karahasan sa libangan. Maging ang karahasan sa loob ng tahanan ay waring karaniwan na sa maraming pamilya. Huwag tayong makisama sa taong mainitin ang ulo O makipagkaibigan sa taong magagalitin, Para hindi natin matutuhan ang mga landas niya At tayo mismo ang mabitag (Kawikaan 22:24, 25)


NUMBER 6
MASAMA


Si Satanas na Diyablo ang nag-uudyok sa lahat na gumawa ng masama. Pero may isa pang dahilan kung bakit hindi laging madali na gumawa ng tama. Alam mo ba ang dahilan?— Kasi, tayo’y ipinanganak na makasalanan. Ang kasalanang ito ang dahilan kung kaya mas madali tayong gumawa ng mali kaysa gumawa ng tama. Kaya, ano ang kailangan nating gawin?— Dapat nating ipaglaban ang paggawa ng tama. Kapag ipinakikita ng Bibliya na masama ang ginagawa natin, dapat na handa tayong magbago. At kapag nalaman natin ang gustong ipagawa sa atin ng Diyos, dapat na manabik tayong gawin ito. Kung gayon ay matutuwa sa atin ang Diyos at bibigyan Niya tayo ng walang-hanggang buhay.


NUMBER 7
SUWAIL NA ANAK


Itinuturo ng Bibliya ang pangangailangan ng pagdidisiplina at pagtutuwid sa mga suwail na anak. Bahagi ng buhay ng bawat tao ang pagdidisiplina, at ang mga lumalaban sa mga magulang ay dapat na parusahan. Sinasabi sa Kawikaan 19:18,

“Disiplinahin mo ang iyong anak habang may pag-asa pa.”

Sa talatang ito, ipinapakita ang pagdidisiplina sa anak bilang isang bagay tungkol sa buhay at kamatayan. Kung hindi susugpuin, itutulak ng pagsuway ang mga anak sa kanilang pagkawasak. Sinasabi sa Kawikaan 13:24,

“Ang hindi dumidisiplina sa anak niya ay napopoot dito,
Pero kung mahal ng magulang ang anak niya,
tinitiyak niyang madisiplina ito.”

Sa talatang ito, ang pag-ibig at maingat na pagdidisiplina ay gumagawang magkasama. Sinasaway nito ang ideya na hindi dinidisiplina ng mapagmahal na magulang ang kanilang mga anak. Ang pagbubulag-bulagan sa pagrerebelyon ay pagkamuhi sa isang suwail na anak.


NUMBER 8
NAGKUKUNWARING MAKADIYOS


Dumarami ang mga taong MUKHANG MAKADIYOS lang pero iba naman ang paraan ng pamumuhay. Layuan natin sila. (2 Timoteo 3:5)

Imbes na sumunod sa Diyos, sinusunod nila ang mga relihiyosong lider na nagsasabi ng mga bagay na gusto lang nilang marinig.

Ano’ng epekto ng makasariling mga tao sa iba? Dahil laganap ang pagiging makasarili, nagkaroon ng epidemya ng sakit sa mental at emosyonal. Halimbawa, dinadaya o sinasamantala ng mga maibigin sa pera ang kapuwa nila. Ang mga taong walang likas na pagmamahal ay nang-aabuso ng mga kapamilya nila. Kaya marami sa mga ito ang nade-depress o gustong magpakamatay. At dahil sa pagtataksil ng isa, nasasaktan at nato-trauma ang pinagtaksilan.

Bakit pasamâ nang pasamâ ang mga tao?
Ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit nagbabago ang mga tao:

Nawawala na ang pag-ibig ng mga tao sa Diyos at sa kapuwa nila. Dahil diyan, dumadami ang nagiging makasarili. Pinalayas si Satanas na Diyablo sa langit at inihagis dito sa lupa (Apocalipsis 12:9, 12). Mula noon, mas lalo pa niyang naimpluwensiyahan ang mga tao na maging makasarili.

Ano ang dapat nating gawin sa pagbabagong ito ng mga tao? Sinasabi ng Salita ng Diyos: LAYUAN NATIN SILA (2 Timoteo 3:5). Hindi naman ito nangangahulugang ihihiwalay natin ang sarili natin sa mga tao. Kailangan lang nating iwasang makipagkaibigan sa mga taong makasarili at di-makadiyos.

Lahat ba ng tao, magiging ganito?
Hindi. Inihula ng Bibliya na may mga taong ‘magbubuntonghininga at daraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa (Ezekiel 9:4) Hindi sila magiging makasarili, at susundin nila sa buhay nila ang mga pamantayan ng Diyos. Magiging ibang-iba ang paggawi nila kumpara sa karamihan. Halimbawa, sisikapin nilang mapanatili ang mapayapang kaugnayan sa iba, at hindi sila susuporta sa mga digmaan at karahasan.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177