10 Signs na Hambo ang Isang Tao By Brain Power 2177


Photo by Pavel Danilyuk:
https://www.pexels.com/photo/photo-of-an-angry-woman-in-red-long-sleeve-shirt-8638018/


May kakilala ka bang arogante? o mga hambog? Yun bang umaasta silang angat pa sila kaysa sa ibang tao. Ang hirap talagang makipagkaibigan sa kanila, kahit tumabi ka man lang sa kanila. Ano ba ang mga signs na arogante ang isang tao? Ito ang pag-uusapan natin ngayon.


NUMBER 1
GUSTO NILANG SENTRO SILA NG ATENSYON


Anuman ang kanilang gawin o sabihin, kailangan nilang maging sentro ng atensyon. May dahilan kung bakit sila hayok sa atensyon. Sila yung mga taong medyo kulang sa pansin. Yung gagawin ang lahat para lang mapansin sila ng karamihan. Minsan nga ay iinisin ka sa pamamagitan ng sobrang pangungulit. Minsan sa bahay nagsisimulan 'yan e. Siguro noong bata pa sila, busy palagi ang kanilang mga magulang. Hindi sila masyadong inaasikaso. Minsan sobra silang inaasikaso kaya nadala nila yung ugali na sila dapat ang sentro ng atensyon. Sa bahay kasi nahuhubog ang ating ugali. Kailangan pa rin natin silang intindihin kapag gan'on. Hindi naman sila masyadong masama. 'Wag nga lang sumobra. Lalo na kapag may nakamit sila, lumalaki ang kanilang ulo. Kapag hindi naman nila nakuha ang atensyon na gusto nila, tatapakan nila ang iba para umangat lang sila. Kung nasa isang grupo naman kayo at nagtutulungan para mabuo ang assignment o project, mamaliitin niya ang efforts ng ibang miyembro at sasabihin pa niya na, “magpasalamat kayo sa akin dahil kung wala ako, hindi matatapos 'to.” Di ba familiar sa 'yo ang linyang 'yan. Hambog, 'di ba? Gagawin niya ang lahat para siya lang ang magmukhang astig. Kapag sumobra na ang kanilang kabastusan, harapin mo sila. Kausapin mo ng mahinahon. Hindi ko pinapayo na awayin mo, masama 'yon. Madadaan mo naman ito sa usapan at pag-intindi. It is best to show kindness even when others are unkind to you. 'Wag nating gantihan ng pinsala sa pinsala o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti tayo ng pagpapala, dahil tinawag tayo sa landasing ito, para tayo ay magmana ng pagpapala (1 Pedro 3:9).


NUMBER 2
HINDI NILA AAMININ
ANG KANILANG KAMALIAN


Mayroon ka bang nakitang mayabang na umaamin ng pagkakamali? Wala pa. Kasi gusto nila sila palagi ang tama. Kapag nagtatalo kayo, sasabihin niya na hindi mo siya naiintindihan. Ikaw na ngayon ang mali. Kapag na-realize nila na mali sila, hindi pa rin sila aamin, aalis na lang sila sa harap mo na parang walang nangyari at hindi sila hihingi ng tawad. Hindi mo talaga maririnig ang salitang “sorry” mula sa kanilang bibig. Tapos sa kagustuhan mong makipag-ayos, ikaw na ngayon ang magso-sorry. Lalo na kung soft-hearted kang tao, hindi mo matiis na may kaaway ka kaya kahit hindi mo mali, ikaw na lang ang nagpakumbaba at mas lalong lumaki ang ulo ng mga taong hambog. Pinapakain mo kasi ang kanilang EGO. Ang mga taong mayabang, hindi nila sasayangin ang kanilang oras sa paghingi ng tawad.

Sabi ko nga kanina, 'wag mong patulan ang kanilang kahambugan. 'Wag tayong gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Gawin natin kung ano ang mabuti sa pananaw ng lahat ng tao. Makipagpayapaan tayo sa lahat ng tao. 'Wag nating ipaghiganti ang ating sarili, kundi bigyang-daan natin ang poot (Roma 12:17-19). Maiiwasan mo ang ganitong sitwasyon sa pamamagitan ng pagtanggap na ganito na ang ugali nila at wala kang magagawa para baguhin ang kanilang pag-iisip. Sila lang ang may kakayahang baguhin ang ugali nila. Umiwas ka na lang sa ganitong mga tao.


NUMBER 3
INIISIP NILA NA MATAAS PA SILA SA 'YO


Mababa lang ang pagtingin nila sa 'yo. Kapag hindi ka sumang-ayon sa kanila, iniisip nila na walang kwenta ang opinyon mo at sila ang masusunod. Ang mga taong mapagmatuwid sa sarili ay karaniwan nang NAGSASALITA, at TUMATAYO, at NAG-AASTANG para bang sila'y hindi kailanman nagkakamali. Ang mapagmatuwid sa sarili ay HAMBOG din. Gusto kasi nilang maging sunod-sunuran tayo. Halimbawa kapag ito ang gusto nila, dapat ito rin ang gusto mo. Pero kapag hindi mo gusto ang kanilang gusto, sasabihin nila na ang cheap mong tao. Itatakwil nila ang iyong opinyon kung hindi ito naaayon sa kanila. Kahit na may iba diyan na sumang-ayon sa 'yo, wala silang pakialam dahil gusto nila na sila lang ang susundin mo. Alam mo ba na hindi rin sila sa secure sa kanilang pinagsasabi? Mayroon din silang mga pagdududa tungkol sa kanilang mga opinyon at desisyon. Nagpapanggap lang sila na may paninindigan sila. Subukan mong tanungin kung bakit sa palagay nila ay wasto sila. Ano kaya ang kanilang isasagot? 

Bilang di-perpektong mga tao, baka nadarama natin na tayo'y mas magaling kaysa sa iba dahilan sa ating likas na mga kakayahan o kahigitan. Subalit dapat na agad iwaksi ang gayong mga kaisipan. Tanungin mo ang iyong sarili, “ano kaya ang madarama ng Diyos kung naging hambog ako?” 'Wag tayong mag-isip nang higit tungkol sa ating sarili kaysa sa nararapat (Roma 12:3).


NUMBER 4
HIHILAHIN KA NILA PABABA


Magkaiba ang constructive criticism sa sadyang paninira. Malalaman mo naman 'yan. Lahat ng nakikita nila sa ginagawa mo ay may negatibo silang opinyon. Hanggang sa masaktan ka at tumigil sa pinagagawa mo sa buhay. Wala silang pakialam kung masasaktan ka. Ang gusto lang nila ay hindi ka umangat sa buhay. Sa mundo natin, may iba't-ibang tao. Kahit ikaw na ang nagpakabait at nagparaya, ikaw pa rin ang nagmumukhang masama. Kung ikaw ay nagtagumpay, hihilahin ka pa rin nila pababa. Kung ikaw na naging matapat sa kanila, ikaw pa ang masasaktan. Ganyan ang buhay. Ginawa nilang misyon sa buhay ang ibaba ang iba para lang gumanda ang takbo ng buhay nila. Ang kanilang kompiyansa ay nagmumula sa mga kabiguan ng iba. 

Pero habaan mo ang iyong pasensya. 'Wag kang magpapaapekto. Hayaan mo silang gumawa ng ganyan. Hindi mo na problema 'yon. Problema na nila 'yon. Hindi mo naman kayang baguhin ang kanilang ugali kasi nga sila lang ang masusunod. Patuloy nating mahalin ang ating mga kaaway (Lucas 6:35). Remaining calm and under control is good for us. Ang mahinahong puso ay nagbibigay buhay sa katawan (Kawikaan 14:30).


NUMBER 5
MAPAGPANGGAP


Yun bang umaastang mapera tapos wala namang maibubuga sa tunay na buhay. Ang daming ganitong tao. Gusto ng mga taong arogante na makita mo na ang kanilang pamumuhay ay mas komportable pa sa pamumuhay mo. They will lie about their lives to make it seem theirs is much more interesting. Ang daming ganitong mga tao sa social media. Nagpo-post ng magagandang larawan. Hindi ko naman nilalahat. Pero dumarami na rin ang mga taong nagpapanggap na may komportableng buhay. Trying to act rich is a sign of low self-esteem. Hindi kasi sila confident sa pagkatao nila. Nahihiya silang malaman ng mga tao na walang-wala sila sa buhay. So they're going to act like someone they're not. Pinipeke nila ang kanilang pagkatao para tingalain sila ng mga tao. Ang layunin nila ay inggitin ka. 


NUMBER 6
HINDI KA NILA PAGSASALITAIN


Madalas nangyayari ito kapag sama-sama kayo sa isang table, nagkikwentuhan. Palaging sila ang nagasasalita. Kapag magsalita ka na, biglang sumabad sa usapan. Sabi ko kanina sa number 1, gusto nila na sila ang sentro ng atensyon. Wala sa kanilang katangian ang pakikinig. Wala silang pakialam sa sasabihin mo. Iniisip kasi nila palagi na sila ang VIP sa grupo. Kung hindi ka makapagpalabas ng opinyon mo, sabihin mo sa kanila na bigyan ka ng oras. Dapat hindi ka matakot. Hindi ka naman nanggugulo e. Kung sumabad sila habang nagsasalita ka pa, sabihin mo na hindi ka pa tapos magsalita. Tatahimik sila kung alam nilang seryoso ka. Sabihin mo sa kanila na kailangan nilang marinig ang gusto mong sabihin para may matutunan sila sa 'yo at gan'on din ang gawin mo kung magsasalita na sila. Ipaintindi mo ng maayos na gan'on ang tamang ugali. Minsan kailangan mo talagang prankahan ang isang tao para matuto siya. Minsan kasi hindi sila natitinag kapag walang bumabara sa kanila.


NUMBER 7
AYAW NILA NG PAYO


Kapag may mali silang nagawa, ayaw nilang payuhan sila. Ayaw nilang pagsabihan sila na mali ang kanilang nagawa. Ayaw nila ng opinyon. Parang iniisip kasi nila na dina-down mo sila. Mali ang pagkatanggap nila ng payo. Kahit constructive criticism pa 'yan, hindi nila tatanggapin 'yan. Negatibo ang pagka-translate nila sa mga gan'on. Nagiging sobrang defensive ang mga taong arogante kapag pinupuna mo sila. Kahit mabuti ang intensyon mo para sa kanila, hindi nila ito tatanggapin ng maayos. Kapag tinuruan mo sila kung paano mag improve, sasabihin nila na mapanghusga kang tao at iniisip nila na ayaw mo sa kanila kaya mo sila tinuruan kung ano ang tama. Ayaw nilang tanggapin ang kahit anong positibong opinyon dahil gusto nila na ang ideya lang nila ang masusunod.

Ang maipapayo ko lang sa mga taong arogante, kailangan nating lahat ng payo para mapahusay ang ating trabaho o ugali. 'Wag kang balat-sibuyas kapag napayuhan ka. Kung ganyan ka kababaw, malaki ang mawawala sa 'yo. Bakit? Dahil ang pagiging handang tumanggap ng payo ay isang magandang katangian na makakatulong sa 'yo. 'Wag iwasan ang mga kailangan mong marinig dahil lang sa ayaw mong marinig ang mga 'yon. Kailangan mo ng payo dahil hindi ka perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali ng maraming ulit (Santiago 3:2). Kahit ako'y nagpapayo sa inyo, tumatanggap rin ako ng payo dahil lahat tayo ay hindi perpekto at normal lang ang magkamali. Kaya kapag itinuwid ako, natututo ako at naiiwasan kong maulit ang pagkakamaling 'yon. Dahil din sa payo, nag-iimprove tayo. Turuan mo ang marunong, at magiging mas marunong pa siya. Turuan mo ang matuwid, at lalago ang kaalaman niya (Kawikaan 9:9).


NUMBER 8
MAHILIG SILANG MAKIPAGKOMPETENSIYA


Halos lahat ng tao ay kalaban sa paningin niya. Kahit hindi mo naman inaano, kakalabanin ka niya. Wala silang pakialam kung gaano sila ka-agresibo at wala silang pakialam kung may damdaming masaktan. Sa ngayon, marami ang mahilig makipagkompetensiya. Maruming labanan sa negosyo. Labanan ng atleta. Ginagawa nila ang lahat ng karumihan para makarating sa tuktok. Alam naman natin na mali ang mga ito. Magandang suriin paminsan-minsan ang motibo natin. Nag-ugat kasi ito sa pagkokompara. Kapag iniisip kasi natin na mas magaling tayo sa iba, baka lumaki ang ulo natin. Kapag ikinumpara naman natin ang ating sarili sa mas magagaling sa atin, baka lumiit ang tingin natin sa ating sarili. Kaya hindi katinuan ng pag-iisip na ikumpara natin ang ating sarili sa iba. Gusto naman nating makamit ang ating layunin pero 'wag lang nating tapakan ang iba para lang makaangat tayo.

Ang mabuting gawin mo ay umiwas ka sa kanila kung ayaw mong guluhin nila ang buhay mo. Pwede mo ring sabihin na hindi mo sila kinakalaban sa kanilang ginagawa. 'Wag mong sayangin ang iyong panahon na makipagtalo sa mga taong sarado ang isip. Igugol mo ang iyong oras sa paggawa ng mga makabuluhang bagay.


NUMBER 9
SOBRA KUNG MAGALIT


Lalo na kapag hindi nila nakuha ang kanilang kagustuhan. Nakikita natin sa social media ang mga taong hambog. Kapag nag-oorder sila tapos mali ang natanggap nila, magagalit sila kaagad tapos doon pa nila ibubuhos sa mga taong walang kasalanan. Nagde-deliver lang naman sila. Hindi sila nakikinig ng paliwanag mo dahil sarili lang nila ang kanilang pinaniniwalaan. Another example, kapag niyaya ka nila tapos hindi ka sumabay. Magagalit sila sa 'yo kahit hindi naman big deal 'yon. Napaka-toxic na ugali. Walang pagpipigil sa sarili. Pinipilit nilang mangyari ang mga bagay-bagay dahil masigasig sila sa kung ano ang gusto nilang mangayari.


NUMBER 10
TATAPAKAN KA NILA


Sabi ko nga kanina, gagawin nila ang lahat para lang makaangat sila. Wala silang pakialam kung may damdamin silang masaktan. Tatapakan ka nila kasi iniisip nila na kinalaban mo sila. Takot silang masapawan at maagawan. Lalo na sa trabaho, ang daming mga sipsip. Tatapakan ka nila, sisiraan ka, gagawin nila ang lahat para hindi ka ma-promote. Takot kasi silang mapunta sa 'yo ang atensyon ng lahat. Napakahirap nilang pakisamahan.

But you need to raise your self-esteem. Wala namang problema kung magpakabait ka sa iba. Pero kinakailangan ding tratuhin mo rin ng maayos ang sarili mo. Kapag malumanay mong tinanggap ang negatibong ginawa nila sa 'yo, parang sinabi mo na rin sa kanila na pwede ka lang tapakan. Kahit gaano mo pa sila pinakitaan ng kabaitan, wala naman silang paki sa 'yo. Wala silang awa. Kung nakikita nilang magpapa-api ka, aapihin ka nila lalo. So, start respecting yourself. Take a stand for yourself on any issue. Don't let anyone stomp on you. Be kind and good but also be firm and assertive. That's the only way they'll take you seriously. Sa totoo lang, ang taong bully, kapag hinarap mo 'yan, duwag 'yan. Umaasta lang silang leyon pero kuting pala sa totoong buhay. Kapag hinarap mo sila ng seryosohan, mapapansin nila ang bangis ng aura mo. Doon na sila kakalma dahil hindi nila kayang higitan ka.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177