9 na mga Paraan Para Maharap ang Stress By Brain Power 2177


Photo by Leah Kelley from Pexels:
https://www.pexels.com/photo/woman-sitting-by-lake-185939/


Para na tayong dagang nasa treadwheel, takbo tayo nang takbo pero wala tayong nararating. Kain-tulog-trabaho na lang ang ating araw-araw na routine. Tapos 8 oras pa tayong nagtatrabaho araw-araw, at halos wala pang day off kahit weekend. Minsa naiinis na tayo sa ating sitwasyon kasi pagod na tayo pag-uwi. Sa sobrang stress, nagkakasakit na tayo.

Hindi lang ako, hindi lang ikaw ang na-stress. Tayong lahat. Marami ang nagkakasakit dahil sa stress sa trabaho. Marami ang napapaiyak dahil sa sobrang pressure.

Ano ba ang nakaka-stress sa 'yo?

Na-stress ka ba dahil sa pinansiyal?
Na-stress ka ba dahil sa sobrang dami ng gawain mo?
Na-stress ka ba dahil sa gulo ng pamilya?
Na-stress ka ba dahil sa masaklap mong karanasan?

May epekto ba ang sobrang stress? Mayroon.

Magkakasakit ka
Magkakaroon ka ng negatibong emosyon
Hindi ka makatulog
Made-depress ka

Alam mo, kapag nai-stress tayo, may kahanga-hangang sistema sa ating katawan na agad rumeresponde. Naglalabas ito ng mga hormone na nagpapabilis ng ating paghinga at tibok ng puso, at nagpapataas ng presyon ng dugo. Dumaragsa rin sa ating dugo ang mga reserbang selula ng dugo at glucose. Ang sunod-sunod na prosesong ito ay naghahanda sa atin na maharap ang sanhi ng stress. Kapag wala na ito, maaari nang bumalik sa normal ang katawan natin. Pero kung naroon pa rin ang pinagmumulan ng stress, mananatili tayong balisa o tensiyonado, gaya ng isang makinang walang tigil sa pagrerebolusyon. Kaya para sa malusog na pangangatawan at isip, mahalagang malaman mo kung paano haharapin ang stress.

Hindi naman masama ang stress. Ang stress na nararanasan ng tao ay parang tensiyon sa kuwerdas ng isang gitara: kapag kulang, ang tunog ay walang buhay at garalgal; kapag sobra naman, ang tunog ay masyadong matinis o madaling mapatid ang kuwerdas. Ganyan din ang stress. Ang stress ay puwedeng makamatay o kaya’y makapagpasaya sa buhay.

Iba-iba rin ang ugali at kalusugan ng bawat tao. Kaya ang nakaka-stress sa isang tao ay baka hindi naman nakaka-stress sa iba. Pero kung masyado kang tensiyonado sa routine mo anupat hindi ka na makarelaks o hindi mo na maharap ang paminsan-minsang emergency, malamang na sobrang stressed ka na.

Para makayanan ang chronic stress, ang ilan ay bumabaling sa alak, nagdo-droga sila o naninigarilyo. Ang iba naman ay kain nang kain o nakatunganga na lang sa harap ng TV, sa computer o sa mobile phone—na hindi naman nakatutulong kundi baka makapagpalala pa nga ng stress. Kung gayon, paano natin epektibong mahaharap ang stress?

Nakayanan ng marami ang stress sa pamamagitan ng pagkakapit ng praktikal na mga payo ng Bibliya. Paano makatutulong sa 'yo ang subók na karunungan nito? Suriin natin ang tanong na 'yan sa tulong ng tatlong karaniwang sanhi ng stress.


NUMBER 1
PAGIGING DI-PANATAG

Walang sinuman sa atin ang talagang panatag. Sabi nga ng Bibliya, sa Eclesiastes 9:11,


Ano ang puwede mong gawin kung hindi ka napapanatag? Subukan mo ang 3 mungkahing ito.

Una, sabihin mo sa isang pinagkakatiwalaang kapamilya o kaibigan ang iyong nadarama. Ang suporta ng mga mahal sa buhay ay laging nagbibigay ng proteksiyon laban sa mga sakit na dulot ng stress. Ito ang sabi sa Kawikaan 17:17,


Ikalawa, huwag mong isipin na laging may masamang mangyayari. Uubusin lang nito ang lakas mo. Baka nga hindi mangyari ang kinatatakutan mo! Kaya naman makatuwiran ang sabi ng Bibliya, sa Mateo 6:34,


Ikatlo, manalangin ka. Ayon sa 1 Pedro 5:7,


Ipinakikita ng Diyos ang malasakit Niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kapanatagan at ng katiyakan na HINDI NIYA PABABAYAAN ang mga taimtim na humihingi sa Kaniya ng kaaliwan at tulong sa panahon ng kagipitan.


NUMBER 2
SOBRANG DAMI NG GAWAIN


Ang walang-katapusang routine ng pagko-commute, pagtatrabaho, pag-aaral, o pag-aalaga sa mga anak o pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang ay maaaring magdulot ng matindi at namamalaging stress. Hindi naman pwede na hindi na tayo magtrabaho. Hindi pwedeng iwan natin ang ating may-edad na mga magulang. Maraming bagay ang hindi natin pwedeng itigil. Kaya ano ang puwede mong gawin?

Una, magrelaks ka, at magkaroon ng sapat na pahinga. Sabi ng Bibliya, sa Eclesiastes 4:6,


Ikalawa, Magtakda ka ng tamang priyoridad, at mamuhay ka nang simple. Pasimplehin mo ang iyong buhay, marahil sa pamamagitan ng pagtitipid o pagbabawas ng panahon sa trabaho.


NUMBER 3
DI-PAGKAKASUNDO


Ang mga di-pagkakasundo, lalo na sa lugar ng trabaho, ay talagang nakaka-stress. Kung nararanasan mo ito, may ilang bagay na makatutulong sa 'yo.

Kapag may nagawa ang iba na sobrang nakakainis, manatiling kalmado. Huwag mo na itong gatungan. Ito ang sabi sa Kawikaan 15:1,


Lutasin ang di-pagkakaunawaan nang pribado at may paggalang, sa gayo’y binibigyang-dangal ang kabilang panig.

Unawain mo ang kaniyang damdamin at pangmalas. Ang gayong kaunawaan ay pumipigil ng ating galit dahil inilalagay natin ang ating sarili sa sitwasyon niya. Tutulong din ito sa atin na makita ang ating sarili ayon sa pangmalas ng iba. At siyempre magpatawad ka. Magandang bagay ang pagpapatawad. Mabisang gamot din ito. Alam mo, ang pag-iisíp ng mga bagay na nakagagalit ay nagpapataas ng presyon ng dugo at nagpapabilis ng pintig ng puso, pero ang pagiging mapagpatawad ay nakababawas ng stress.

Ang tunay na pag-asa at ang karunungan para makayanan ang mga stress sa buhay ay parehong napakahalaga, at parehong matatagpuan sa Bibliya. Milyon-milyon na ang nakinabang sa kamangha-mangha at natatanging aklat na ito. Puwede ka ring makinabang.

Ang PINAKAMAGANDANG SIMULA para mabawasan ang stress ay ang paggawa ng ilang pagbabago sa paraan ng pamumuhay. Una, kumain ka ng balanse at masustansiyang pagkain, at magkaroon ng sapat na tulog at ehersisyo. Bawasan din ang caffeine at alak at huwag gumamit ng mga bawal na gamot. Kung may sapat kang pera at panahon, magbakasyon ka o gumugol ka ng panahon kasama ang pamilya mo o mga kaibigan mo. Marami ang pwede mong magawa para mabawasan ang stress.

Palagi mong isipin ang iyong kalusugan, ang pakikitungo mo sa iba, pati na ang mga tunguhin at priyoridad mo sa buhay. Magpokus ka sa mga bagay na talagang mahalaga para sa 'yo. Nalaman natin kanina ang mga sanhi ng stress. Ngayon naman ay aalamin natin ang ilang praktikal na prinsipyo na makakatulong sa atin na maharap o mabawasan pa nga ang stress.


NUMBER 1
MAMUHAY NANG PAISA-ISANG ARAW LANG


Ito ang sabi sa Mateo 6:34,


Ang ibig sabihin nito, bahagi na ng buhay ang mga álalahanín. Pero huwag mo munang alalahanin ang susunod na araw, makadaragdag lang ito sa stress mo ngayon. Kaya mamuhay nang paisa-isang araw lang.

Puwede kang mabalisa dahil sa stress. Kaya subukan mong tanggapin na hindi maiiwasan ang lahat ng stress. Kaya ang pag-aalala sa mga bagay na hindi naman maiiwasan ay makadaragdag lang sa stress mo. At tandaan mo, hindi naman laging nangyayari ang mga bagay na ikinakatakot natin.


NUMBER 2
MAGING MAKATUWIRAN SA INAASAHAN MO


Ang sabi sa Santiago 3:17,


Ang ibig sabihin nito ay huwag kang maging perfectionist. Iwasan mong maging di-makatotohanan sa inaasahan mo sa 'yong sarili o sa iba.

Alamin mo ang iyong limitasyon at limitasyon ng ibang tao, at maging makatuwiran sa inaasahan mo. Kapag ginawa mo ito, mababawasan ang stress mo, at baka maging mas maganda pa ang resulta ng ginagawa mo. Maging masayahin din. Kapag tumatawa ka—kahit may mali ka—mababawasan ang tensiyon mo at gaganda ang iyong mood.


NUMBER 3
ALAMIN MO KUNG ANO
ANG NAKAKAPAGPA-STRESS SA 'YO


Kanina nalaman natin ang mga sanhi ng stress, kung wala doon sa nabanggit ang nakakapagpa-stress sa 'yo, alamin mo. Ito ang sabi sa Kawikaan 17:27,


Ang ibig sabihin nito, hindi ka makakapag-isip nang maayos kapag negatibo ka, kaya relaks ka lang.

Alamin mo ang nagpapa-stress sa 'yo at tingnan mo ang iyong reaksiyon. Halimbawa, kapag nai-stress ka, puwede mong isulat ang mga naiisip mo, ang nadarama mo, at ang ginagawa mo. Kung alam mo ang reaksiyon mo kapag nai-stress ka, mas mahaharap mo ito nang maayos. Pag-isipan mo din kung paano aalisin ang mga nakakapagpa-stress sa 'yo. Gumawa ka ng paraan para mabawasan ang epekto sa 'yo ng stress. Puwede mong pag-isipan kung paano mo mapapagaan ang isang gawain o paano mo aayusin ang iyog schedule.

Baguhin mo ang iyong pananaw. Baka ang nakakapagpa-stress sa 'yo ay hindi naman nakakapagpa-stress sa iba. Kaya depende 'yan sa pananaw ng isa. Tingnan mo ang positibo sa isang sitwasyon. Lawakan mo ang iyong pananaw. Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Mas lalala kaya ang problemang ito bukas o sa susunod na linggo?’ Alamin mo kung ang problema mo ba ay simple at pansamantala lang o kung magiging malaking problema ba ito sa hinaharap.


NUMBER 4
SIKAPING MAGING MAAYOS


Ito ang sabi sa 1 Corinto 14:40,


Ang ibig sabihin nito at sikapin mong maging organisado.

Gusto nating maging organisado sa mga bagay-bagay, 'di ba? Pero kung magpapaliban ka, madaragdagan ang stress mo, at baka humaba lang ang listahan ng mga gawaing hindi mo natatapos.


NUMBER 5
MAGING BALANSE


Ito ang sabi sa Eclesiastes 4:6,


Ang ibig sabihin nito, kapag subsob ka sa trabaho, baka hindi ka na masiyahan sa resulta ng pagpapakapagod mo. Baka wala ka nang natitirang panahon at lakas para ma-enjoy ang mga pinagpaguran mo. Kaya magkaroon ka ng balanseng pananaw sa pera at trabaho. Hindi dahil marami kang pera, magiging mas masaya ka na o mababawasan na ang stress mo. Baka kabaligtaran pa ang mangyari. Kaya sikaping mamuhay ayon sa 'yong kakayahan. Matuto ka ring magrelaks. Nababawasan ang stress mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na nagpapasaya sa 'yo. Ilagay mo rin sa lugar ang paggamit ng gadyet. Iwasan ang maya’t mayang pagtingin sa cellphone mo kung hindi naman kailangan.


NUMBER 6
ALAGAAN ANG IYONG SARILI


Ito ang sabi sa 1 Timoteo 4:8,


Ang ibig sabihin nito, ang regular na pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng kalusugan. Kaya magkaroon ng magandang kaugalian. Kung mag-eehersisyo ka, gagaan ang pakiramdam mo at mas gaganda ang reaksiyon ng katawan mo sa stress. Kumain ka rin ng masusustansiyang pagkain at huwag kang magpalipas ng gutom. Siguraduhing sapat ang pahinga mo. Iwasan ang nakakasamang solusyon sa stress, gaya ng pag-abuso sa droga at alkohol. Habang tumatagal, lalo ka lang mai-stress dahil posibleng sirain nito ang kalusugan mo at uubusin pa ang naipon mong pera.

Pero huwag mong kalimutang magpatingin sa doktor kapag lumalala na ang stress mo. Hindi ka dapat mahiyang magpatulong sa mga doktor.

Dapat mabait tayo sa sarili natin. Hindi natin pipiliting gawin ang isang bagay na hindi natin kaya. At hindi natin mamaliitin ang sarili natin. Dapat nating mahalin ang ating sarili.


NUMBER 7
MAGTAKDA KA NG PRIYORIDAD


Ito ang sabi sa Filipos 1:10,


Ang ibig sabihin nito, pag-isipan mong mabuti ang iyong mga priyoridad. Ilista mo ang iyong mga gawain depende sa kung ano ang pinakamahalaga. Makakatulong ito sa 'yo na magpokus sa mas mahahalagang gawain. Makikita mo rin kung alin ang hindi pa kailangang gawin, kung alin ang puwede mong ipagawa sa iba, o alin ang hindi na kailangang gawin. Bantayan mo kung paano mo ginagamit ang iyong oras. Pagkatapos, pag-isipan mong mabuti kung paano mo ito magagamit sa mas mabuting paraan. Kung kontrolado mo ang oras mo, hindi ka laging nagmamadali. Maglaan ka ng panahon sa pagpapahinga. Ang kaunting pahinga ay makakapagpalakas sa 'yo at makakabawas sa stress mo.


NUMBER 8
HUMINGI KA NG TULONG


Ito ang sabi sa Kawikaan 12:25,


Ang ibig sabihin nito, ang mabait na mga salita ng iba ay makakapagpagaan ng loob mo. Makipag-usap ka sa taong makakaunawa sa 'yo. Baka matulungan ka niya na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo. Kapag nasasabi mo sa iba ang niloloob mo, gagaan ang pakiramdam mo. Kaya humingi ka ng tulong.


NUMBER 9
HUWAG MONG PABAYAAN
ANG IYONG KAUGNAYAN SA DIYOS


Ito ang sabi sa Mateo 5:3,


Ang ibig sabihin nito, hindi lang pagkain, pananamit, at tirahan ang kailangan natin. Kailangan natin ang Diyos. At para maging masaya, dapat na maging palaisip tayo sa kaugnayan natin sa Kaniya.

Malaking tulong ang panalangin. Iniimbitahan tayo ng Diyos na ihagis natin sa Kaniya ang lahat ng ating álalahanín, dahil nagmamalasakit Siya sa atin. (1 Pedro 5:7) Ang pananalangin at pag-iisip ng mabubuting bagay ay tutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan ng isip. Magbasa ka ng Bibliya, tutulong ito sa 'yo na mapalapít ka sa Diyos. Ang mga prinsipyong tinalakay sa videong ito ay mula sa Bibliya, na isinulat para matulungan tayong mapalapít sa Diyos. Binibigyan din tayo ng Bibliya ng KARUNUNGAN AT KAKAYAHANG MAG-ISIP (Kawikaan 3:21) Kaya bakit hindi mo subukang magbasa ng Bibliya?




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177