9 na Paraan Para Mabawasan Ang Stress By Brain Power 2177
Para makayanan mo ang stress, kailangan mong isipin ang iyong KALUSUGAN, kailangan mong isipin ang PAKIKITUNGO MO SA IBA, pati na ang mga TUNGUHIN at PRIYORIDAD mo sa buhay, 'yan ang mga bagay na talagang mahalaga. Sa videong/artikulong ito, malalaman mo ang ilang praktikal na prinsipyo na makakatulong sa 'yo na maharap o mabawasan pa nga ang stress.
NUMBER 1
MAMUHAY KA NANG PAISA-ISANG ARAW LANG
Ito ang magandang payo ni Jesus, sa Mateo 6:34,
“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw,
dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga alalahanin.
Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay bahagi na ng buhay ang mga álalahanín. Pero huwag mo munang alalahanin ang susunod na araw, makadaragdag lang ito sa stress mo ngayon. Kaya mamuhay nang paisa-isang araw lang. Tanggapin mo na hindi maiiwasan ang lahat ng stress. Kaya ang pag-aalala sa mga bagay na hindi naman maiiwasan ay makadaragdag lang sa stress mo. At hindi naman laging nangyayari ang mga bagay na ikinakatakot natin. Kaya huwag mong isipin na laging may masamang mangyayari. Uubusin lang nito ang lakas mo.
NUMBER 2
MAGING MAKATUWIRAN SA INAASAHAN MO
Ang ibig kong sabihin ay huwag maging perfectionist. Iwasang maging di-makatotohanan sa inaasahan mo sa sarili mo o inaasahan mo sa iba. Alamin mo ang iyong limitasyon at limitasyon ng ibang tao, at maging makatuwiran sa inaasahan mo. Kapag ginawa mo ito, mababawasan ang stress mo. Maging masayahin ka rin. Kapag tumatawa ka—kahit nahihirapan ka na—mababawasan ang tensiyon mo at gaganda ang iyong mood. Ayon nga sa kanta ni Freddie Aguilar, TAWANAN MO ANG IYONG PROBLEMA.
NUMBER 3
ALAMIN MO KUNG ANO
ANG NAKAKAPAGPA-STRESS SA 'YO
Ito ang sabi sa Kawikaan 17:27,
“Ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay hindi ka makakapag-isip nang maayos kapag negatibo ka, kaya relaks ka lang. Alamin mo kung ano ang nagpapa-stress sa 'yo at tingnan mo ang iyong reaksiyon. Stress ka ba sa pinansiyal? sobrang dami mo bang gawain? may mga di-pagkakasundo ba? o dahil masaklap ang karanasan mo? Halimbawa, kapag nai-stress ka, puwede mong isulat ang mga naiisip mo, puwede mo ring isulat ang iyong nadarama, at ang ginagawa mo. Kung alam mo ang reaksiyon mo kapag nai-stress ka, mas mahaharap mo ito nang maayos. Pag-isipan din kung paano mo aalisin ang mga nakakapagpa-stress sa 'yo. Gumawa ka ng paraan para mabawasan ang epekto sa 'yo ng stress. Puwede mong pag-isipan kung paano mo mapapagaan ang isang gawain o paano mo aayusin ang iskedyul mo.
Baguhin mo ang iyong pananaw. Baka ang nakakapagpa-stress sa 'yo ay hindi naman nakakapagpa-stress sa iba. Kaya depende 'yan sa pananaw ng isa. Pag-isipan ang tatlong mungkahing ito:
#1. Huwag agad isiping masama ang motibo ng iba. Minsan kasi nai-stress ka sa isang tao dahil nanghuhusga ka kaagad sa kilos niya pero hindi mo lang alam na ganyan lang talaga kumilos ang isang tao.
#2. Tingnan mo ang positibo sa isang sitwasyon. May positibo at negatibo sa isang sitwasyon. Alam mo naman ang negatibo pero dapat tumingin ka rin sa positibong banda.
#3. Lawakan mo ang iyong pananaw. Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Mas lalala kaya ang problemang ito bukas o sa susunod na linggo?’ Alamin mo kung ang problema ay simple at pansamantala lang o kung magiging malaking problema ba ito sa hinaharap.
NUMBER 4
SIKAPING MAGING MAAYOS
Ito ang sabi sa 1 Corinto 14:40,
“Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay sikaping maging organisado. Gusto nating maging organisado sa mga bagay-bagay, 'di ba? Pero kung magpapaliban ka, madaragdagan ang stress mo, at baka humaba lang ang listahan ng mga gawaing hindi mo natatapos. Subukan mo ang dalawang mungkahing ito:
#1. Gumawa ka ng praktikal na schedule, at sundin mo ang schedule mo. Tapusin mo ang dapat mong tapusin.
#2. Alamin at itama ang mga ugaling nagiging dahilan ng pagpapaliban mo.
NUMBER 5
MAGING BALANSE
Ito ang sabi sa Eclesiastes 4:6,
“Mas mabuti ang sandakot na pahinga
kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod
at paghahabol sa hangin.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay kapag subsob ka sa trabaho, baka hindi ka na masiyahan sa resulta ng PAGPAPAKAPAGOD mo. Baka wala ka nang natitirang panahon at lakas para ma-enjoy ang mga pinagpaguran mo. Magkaroon ka ng balanseng pananaw sa pera at trabaho. Hindi dahil marami kang pera, magiging mas masaya ka na o mababawasan na ang stress mo. Ang totoo, baka kabaligtaran pa nga. Kaya sikaping mamuhay ayon sa 'yong kakayahan. Magrelaks ka naman. Nababawasan ang stress mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na nagpapasaya sa 'yo. Ilagay mo sa lugar ang paggamit ng gadyet. Alam mo, nakaka-stress kung palagi kang gumagamit ng social media. Mindlessly scrolling? Hindi 'yan nakakatulong sa 'yo. Iwasan ang maya’t mayang pagtingin sa mga e-mail, text, o social media.
NUMBER 6
ALAGAAN MO ANG IYONG SARILI
Ito ang sinasabi sa 1 Timoteo 4:8,
“May pakinabang sa pisikal na pagsasanay.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay ang regular na pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng kalusugan. Magkaroon ka ng magandang kaugalian. Kung mag-eehersisyo ka, gagaan ang pakiramdam mo at mas gaganda ang reaksiyon ng katawan mo sa stress. Kumain ka rin ng masusustansiyang pagkain at huwag kang magpalipas ng gutom. Siguraduhin mo rin na sapat ang pahinga mo. Iwasan mo ang NAKAKASAMANG SOLUSYON sa stress, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga at alkohol. Habang tumatagal, lalo ka lang mai-stress dahil posibleng sirain nito ang kalusugan mo at ubusin pa ang naipon mong pera. Kaya kumain ka ng balanse at masustansiyang pagkain, at magkaroon ka ng sapat na tulog at ehersisyo. Bawasan din ang caffeine at alak at huwag gumamit ng nikotina, cocaine, o iba pang bawal na gamot.
NUMBER 7
MAGTAKDA KA NG PRIYORIDAD
Ito ang sabi sa Filipos 1:10,
“Tingnan ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay pag-isipang mabuti ang iyong mga priyoridad. Ilista mo ang mga gawain mo depende sa kung ano ang pinakamahalaga. Makakatulong ito sa 'yo na magpokus sa mas mahahalagang gawain. Makikita mo rin kung alin ang hindi pa kailangang gawin, kung alin ang puwede mong ipagawa sa iba, o alin ang hindi na kailangang gawin. Sa loob ng isang linggo, bantayan mo kung paano mo ginagamit ang oras mo. Pagkatapos, pag-isipan mo kung paano mo ito magagamit sa mas mabuting paraan. Kung kontrolado mo ang oras mo, hindi ka laging nagmamadali. Maglaan ka rin ng panahon sa pagpapahinga. Ang kaunting pahinga ay makakapagpalakas sa 'yo at makakabawas sa stress mo. Ang walang-katapusang rutin ng pagko-commute, pagtatrabaho, pag-aaral, o pag-aalaga sa mga anak o pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang ay maaaring magdulot ng matindi at namamalaging stress. At hindi naman puwedeng ihinto ang ilan sa mga gawaing 'yan. Kaya ano ang puwede mong gawin? Magtakda ka ng TAMANG PRIYORIDAD, at mamuhay nang simple. Pasimplehin mo ang iyong buhay, marahil sa pamamagitan ng pagtitipid o pagbabawas ng panahon sa trabaho.
NUMBER 8
HUMINGI KA NG TULONG
Ito ang sabi sa Kawikaan 12:25,
“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao,
Pero ang positibong salita,
ay nagpapasaya rito.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay ang mabait na mga salita ng iba ay makakapagpagaan ng loob mo. Makipag-usap ka sa taong makakaunawa sa 'yo. Baka matulungan ka niya na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo o makahanap pa nga kayo ng solusyon. Kapag nasasabi mo sa iba ang niloloob mo, gagaan ang pakiramdam mo. Kaya huwag kang mahiyang humingi ng tulong. At sa iba pa, kung nai-stress ka sa katrabaho mo, pag-isipan mo kung ano ang magandang gawin. Halimbawa, puwede mo bang sabihin sa kaniya sa mabait at mataktikang paraan ang nararamdaman mo dahil sa kaniya? Kung hindi siya magbago, baka puwede mong bawasan ang panahong kasama mo siya. Ito ang sabi sa Kawikaan 17:27,
“Ang taong may kaalaman ay maingat sa pagsasalita,
At ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”
Ang mga di-pagkakasundo, lalo na sa lugar ng trabaho, ay talagang nakaka-stress. Kung nararanasan mo ito, may ilang bagay na makatutulong sa 'yo. Kapag may nagawa ang iba na nakaiinis sa 'yo, manatiling kalmado. Huwag mo na itong gatungan. Ito ang sabi sa Kawikaan 15:1,
“Ang mahinahong sagot ay nakapapawi ng galit,
Pero ang masakit na salita ay nakagagalit.”
Lutasin ang di-pagkakaunawaan nang pribado at may paggalang, sa gayo’y binibigyang-dangal ang kabilang panig. Unawain mo ang kaniyang damdamin at pangmalas. Ang gayong kaunawaan ay nagpapabagal ng ating galit dahil inilalagay natin ang ating sarili sa sitwasyon niya. Tutulong din ito sa atin na makita ang ating sarili ayon sa pangmalas ng iba. At matuto kang MAGPATAWAD. Magandang bagay ang pagpapatawad. Mabisang gamot din ito. Ang pag-iisíp ng mga bagay na nakagagalit ay nagpapataas ng presyon ng dugo at nagpapabilis ng pintig ng puso, pero ang pagiging mapagpatawad ay nakababawas ng stress.
NUMBER 9
HUWAG PABAYAAN
ANG IYONG KAUGNAYAN SA DIYOS
Ito ang sabi sa Mateo 5:3,
“Maligaya ang nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay hindi lang pagkain, hindi lang pananamit, at hindi lang tirahan ang kailangan natin. Kailangan natin ang Diyos. At para maging masaya, dapat na maging palaisip tayo sa kaugnayan natin sa Kaniya. Malaking tulong ang panalangin. Iniimbitahan ka ng Diyos, sa 1 Pedro 5:7,
“Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong alalahanin
dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”
Ang pananalangin at pag-iisip ng mabubuting bagay ay tutulong sa 'yo na magkaroon ng kapayapaan ng isip. Ipinakikita ng Diyos ang malasakit Niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kapanatagan at ng katiyakan na HINDI NIYA PABABAYAAN ang mga taimtim na humihingi sa Kaniya ng kaaliwan at tulong sa panahon ng kagipitan.
Take note ha, iba-iba ang ugali at kalusugan ng bawat tao. Kaya ang nakaka-stress sa isang tao ay baka hindi naman nakaka-stress sa iba. Pero kung masyado kang tensiyonado sa rutin mo anupat hindi ka na makarelaks o hindi mo na maharap ang paminsan-minsang emergency, malamang na sobrang stressed ka na. Pero ang maling ginagawa ng ibang tao para MAKAYANAN nila ang chronic stress, bumabaling sila sa alak, droga, o sigarilyo. Ang iba naman ay kain nang kain o nakatunganga na lang sa harap ng TV o computer, pero hindi naman nakatutulong ang mga 'yan. Makapagpalala pa nga ng stress. Ang paggawa ng ilang pagbabago sa paraan ng pamumuhay ang pinakamagandang simula para mabawasan ang stress. Ang pagbabakasyon, paggugol ng panahon kasama ang pamilya mo o kasama ang mga kaibigan mo, ang pagkatutong gumawa ng mga bagay gamit ang sariling kamay, o pag-aaral tumugtog ng isang instrumento ay nakakabawas din ng stress.

Comments
Post a Comment