Does God Love You By Brain Power 2177


Photo by Hernan Pauccara:
https://www.pexels.com/photo/frozen-wave-against-sunlight-1210273/


Kapag pinag-uusapan ang Diyos Ama, agad nating naiisip na Siya ang ating Maylalang at Kataas- taasang Tagapamahala. Pero may magagandang dahilan para ituring natin Siya bilang isang mapagmahal at mapagmalasakit na Ama. Malalaman natin sa videong ito kung bakit tayo makakatiyak na hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos.

Isipin mong nasa Persia ka, mga 2,500 taon na ang nakakalipas. May gusto kang sabihin sa hari, kaya nagpunta ka sa Susan kung saan siya nakatira. Pero hindi mo basta-basta makakausap ang hari nang walang pahintulot niya. Puwede mo itong ikamatay!

Buti na lang, hindi gaya ng hari ng Persia ang ating Ama sa langit! Di-hamak na nakahihigit ang Diyos sa lahat ng tagapamahalang tao, pero puwede tayong lumapit sa Kaniya kahit kailan. Gusto Niyang malaya tayong makalapit sa Kaniya. Halimbawa, maraming magagandang titulo ang Diyos gaya ng Dakilang Maylalang, Makapangyarihan-sa-Lahat, at Kataas-taasang Panginoon, pero gusto Niyang tawagin natin siyang “Ama.” Mababasa natin ito sa Mateo 6:9,

“Manalangin kayo sa ganitong paraan:
“‘Ama namin na nasa langit,
pakabanalin nawa ang pangalan mo.”

Nakakatuwang isipin na gusto ng Diyos na madama nating malapít tayo sa Kaniya! Dapat lang na tawagin nating “Ama” ang Diyos. Dahil Siya ang Bukal ng ating buhay. Siya ang ating Ama, kaya responsibilidad nating sundin Siya. At kung gagawin natin 'yan, pagpapalain Niya tayo. Pinagpapala Niya tayo ngayon. Paano kumikilos ang Diyos bilang isang mapagmahal na Ama at kung bakit tayo makakatiyak na hinding-hindi Niya tayo pababayaan? Bakit tayo makakasigurong mahal na mahal tayo ng ating Ama sa langit at na nagmamalasakit Siya sa atin?

Nahihirapan ka bang ituring na Ama ang Diyos? Baka manliit ang ilan at isiping wala silang halaga kumpara sa Diyos. Hindi sila makapaniwalang nagmamalasakit sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero ayaw ng ating mapagmahal na Ama na madama natin 'yan. Binigyan Niya tayo ng buhay, at gusto Niyang maging malapít tayo sa Kaniya. Matapos banggitin ang katotohanang 'yan, sinabi ni apostol Pablo sa mga kausap niya sa Atenas na ang Diyos ay HINDI MALAYO SA BAWAT ISA SA ATIN. Gusto ng Diyos na lumapit tayo sa Kaniya, gaya ng isang anak na laging lumalapit sa mapagmahal niyang magulang.

Baka nahihirapan ang iba na ituring na Ama ang Diyos dahil hindi sila minahal ng sarili nilang ama. Napakasakit bang magsalita ng tatay mo? Kung oo, huwag kang masiraan ng loob. Darating ang panahon na makikita mong ang Diyos ang pinakamahusay na Ama. Ipinasulat ng Diyos sa Bibliya ang mga sinabi at ginawa ni Jesus para matulungan tayong ituring Siya bilang isang mapagmahal na Ama. Basahin natin ang Mateo 11:27,

“Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama,
at walang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama;
wala ring lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak
at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.”

Lubusang natularan ni Jesus ang kaniyang Ama kaya nasabi niya sa Juan 14:9,

“Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”

Madalas tukuyin ni Jesus ang Diyos bilang Ama. Sa apat na Ebanghelyo pa lang, mga 165 beses nang tinukoy ni Jesus ang Diyos bilang Ama. Bakit laging binabanggit ni Jesus ang tungkol sa Diyos? Ang isang dahilan ay para makumbinsi ang mga tao na ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama Nakikinig ang Diyos sa panalangin ni Jesus, at sinasagot Niya ito. Sa lahat ng pagsubok na napaharap kay Jesus, naramdaman niya ang pag-ibig at pag-alalay ng kaniyang Ama. Kinilala ni Jesus na ang kaniyang Ama ang Bukal at Tagatustos ng buhay nang sabihin niya sa Juan 6:57,

“Ako ay nabubuhay dahil sa Ama.”

Buo ang tiwala ni Jesus sa kaniyang Ama, at inilaan ng Diyos ang pangangailangan niya sa pisikal at lalo na sa espirituwal.​ Bilang mapagmahal na Ama, tiniyak ng Diyos na alam ni Jesus na suportado siya ng kaniyang Ama. Hindi naman pinrotektahan ng Diyos si Jesus mula sa lahat ng makakasakit sa kaniya, pero tinulungan Niya siyang matiis ang mga pagsubok. Alam ni Jesus na pansamantala lang ang mga paghihirap na nararanasan niya. Pinatunayan ng Diyos na mahal Niya si Jesus sa pamamagitan ng PAKIKINIG, PAGLALAAN, PAGSASANAY, at PAG-ALALAY sa kaniya. Paano naman 'yan ipinapakita sa atin ng ating Ama sa langit?

NAKIKINIG ANG DIYOS SA MGA PANALANGIN NATIN

Hindi niya nililimitahan ang panalangin natin; gusto Niyang lagi tayong manalangin. Makakapanalangin tayo sa ating Diyos anumang oras, nasaan man tayo. Lagi siyang may panahon para makinig sa atin. Kapag alam nating nakikinig ang Diyos sa mga panalangin natin, mas napapamahal Siya sa atin. Sinabi ng salmista sa Awit 116:1,

“Mahal ko ang Diyos
Dahil dinirinig niya ang tinig ko,
ang paghingi ko ng tulong.”

Hindi lang nakikinig ang ating Ama sa panalangin natin, sinasagot din Niya ito. Tinitiyak sa atin ni apostol Juan sa 1 Juan 5:14, 15,

“At nagtitiwala tayo sa Diyos
na anuman ang hingin natin
ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.

At kung alam nating pinakikinggan niya tayo
anuman ang hinihiling natin,
alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin,
dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.”

Siyempre, ang sagot ng Diyos ay posibleng iba sa inaasahan natin. Alam Niya ang pinakamabuti para sa atin. Kaya minsan, ang sagot Niya ay HINDI o MAGHINTAY MUNA.​

NAGLALAAN ANG DIYOS PARA SA ATIN

Ginagawa Niya ang iniutos Niyang dapat gawin ng lahat ng ama. Naglalaan ang ama ng materyal na pangangailangan ng mga anak niya. Ayaw niya tayong mag-alala tungkol sa ating pagkain, damit, o tirahan. Bilang mapagmahal na magulang, tiniyak din ng Diyos na paglalaanan Niya tayo sa hinaharap. Higit sa lahat, naglalaan ang Diyos ng espirituwal na pangangailangan natin. Sa Bibliya, ipinaalám Niya sa atin kung sino Siya, kung ano ang layunin Niya, kung bakit Niya tayo nilalang, at kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Tinulungan Niya tayong matutuhan ang katotohanan; ginamit Niya ang ating mga magulang o iba pang guro para tulungan tayong makilala Siya. Ang mga 'yan, pati na ang iba pang paglalaan, ay nagpapatunay na mahal tayo ng Diyos Ama bilang mga anak Niya.​

SINASANAY TAYO NG DIYOS

Di-gaya ni Jesus, hindi tayo perpekto. Kaya bilang pagsasanay, dinidisiplina tayo ng ating mapagmahal na Ama kung kailangan. Sinasabi ng Bibliya sa Hebreo 12:6, 7,

“Dahil dinidisiplina ng Diyos ang mga mahal Niya,
sa katunayan,
hinahagupit Niya ang bawat isa na tinatanggap Niya bilang anak.”

Kailangan ninyong magtiis bilang bahagi ng disiplina sa inyo.
Itinuturing kayo ng Diyos na mga anak niya.
May anak ba na hindi dinidisiplina ng kaniyang ama?”

Ginagawa 'yan ng Diyos sa maraming paraan. Halimbawa, ang pagtutuwid ay posibleng manggaling sa nabasa natin sa Bibliya o napakinggan sa pulong. O baka manggaling sa ibang tao ang tulong na kailangan natin. Saanman ito manggaling, dinidisiplina tayo ng Diyos dahil mahal Niya tayo.

INAALALAYAN TAYO NG DIYOS
PARA MATIIS ANG MGA PAGSUBOK

Gaya ng isang mapagmahal na ama na umaalalay sa kaniyang anak kapag may problema, tinutulungan din tayo ng ating Ama sa langit na matiis ang mga pagsubok. Ginagamit Niya ang banal na espiritu para matulungan tayong ingatan ang kaugnayan sa Kaniya. Inaalalayan din Niya tayo kapag nag-aalala tayo. Halimbawa, binigyan Niya tayo ng napakagandang pag-asa. Ang pag-asang 'yan ay makakatulong sa atin na makapagtiis. Tandaan: Anumang pagdurusa ang danasin natin, aalisin ng ating mapagmahal na Ama ang lahat ng epekto nito. Pansamantala lang ang mga pagsubok na dinaranas natin, pero ang pagpapala ng Diyos ay walang hanggan.​

HINDING-HINDI TAYO PABABAYAAN NG ATING AMA

Mapapatunayan nating mahal tayo ng Diyos kapag pinag-isipan natin ang ginawa Niya nang magkasala si Adan. Nang sumuway si Adan sa kaniyang Ama sa langit, naiwala niya ang pribilehiyong maging bahagi ng pamilya ng Diyos at nadamay ang mga magiging inapo niya. Pero agad na kumilos ang Diyos. Pinarusahan ng Diyos si Adan, pero binigyan Niya ng pag-asa ang mga magiging inapo nito. Agad Niyang ipinangako na magiging bahagi ulit ng pamilya Niya ang mga masunurin. Naging posible ito nang ilaan ng Diyos ang haing pantubos ng Kaniyang mahal na Anak, si Jesus. Sa pagbibigay ng Kaniyang Anak alang-alang sa atin, ipinakita ng Diyos kung gaano Niya tayo kamahal.​

Kahit hindi tayo perpekto, gusto pa rin ng Diyos na maging bahagi tayo ng pamilya Niya. Hindi pabigat ang tingin Niya sa atin. Baka masaktan natin Siya o mapalayo tayo sa Kaniya, pero hindi Niya tayo susukuan. Makikita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak kung gaano kamahal ng Diyos ang mga anak Niya. Ang ama sa ilustrasyong 'yon ay laging umaasang babalik ang anak niya. Nang magbalik ang anak, buong puso siyang tinanggap ng kaniyang ama. Kung napalayo tayo sa Diyos, makakasiguro tayong buong puso tayong tatanggapin ng ating mapagmahal na Ama kung nagsisisi tayo.

Ipinakita ng Diyos na mahal na mahal Niya tayo. Siya ang pinakamahusay na Ama. Dinirinig Niya ang mga panalangin natin, at inilalaan Niya ang materyal at espirituwal na pangangailangan natin. Sinasanay Niya tayo at inaalalayan. Naglaan din Siya ng magandang pagpapala para sa atin sa hinaharap. Nakakataba ng pusong malaman na mahal na mahal tayo ng ating Ama at nagmamalasakit Siya sa atin!




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177