This Is Not The End Of Your Story By Brain Power 2177


Photo by Ketut Subiyanto from Pexels


Tanggapin na natin, minsan may mga panahon na napapagod na tayo. Pagod na tayong mag trabaho. Pagod na tayong lokohin. Pagod na tayong magmahal. Minsan darating sa punto na sawa na tayo sa buong buhay natin. Nawawalan na tayo ng ganang bumangon. Gusto na lang tayong magkulong sa kwarto. Ang hirap mamuhay, 'di ba? Napakahirap ng buhay. Mahirap hawakan ang problema. Mahirap harapin ang problema. Naiintidihan kita.

Alam kong nagsisikap ka sa buhay pero nalulugmok ka dahil ginawa mo na ang lahat pero wala pa ring nangyari. Minsan naiisip mo na siguro ito na ang tadhana mo. Sobra-sobra ang pagpupursige mo pero sapat lang ang kikinikita mo sa araw-araw. Minsan hindi kasya. Problema natin ngayon ay pinansiyal na. Siguro 90% ng mga tao ay namomroblema sa pinansiyal. Hindi ka nag-iisa. 

Alam kong mahirap paniwalaan pero may tiwala ako sa 'yo. May tiwala ako na aangat ka pa. Kapag kaharap mo ang problema, wala kang maiintidihan sa pangyayari. “Bakit sa akin pa nangyari 'to?” “Mabait naman ako pero ba't ako pa?” Hindi mo maintindihan kung ba't nangyari 'to sa 'yo. Kaya ito ang dahilan kung ba't ayaw na nating magpatuloy. Y'ong iba sa bigat ng nararamdaman, kinitil ang sariling buhay.

Kapag sobra kang mabait, tatapakan ka ng mga tao. Kapag maangas ka naman, pagsasabihan ka na arogante ka. Kung wala kang pakialam sa opinyon ng iba, sasabihin nila na narcissist kang tao. Wala tayong takas sa mundong 'to. Kahit saang anggulo tingnan, mali pa rin tayo sa mata ng iba. Pero sa kabila ng lahat ng 'to, umaabante ka pa rin. Kita mo na ba kung g'ano ka katapang? Nakaya mo, 'di ba?

Kayanin mo dahil hindi lang isa ang problema na babangga sa 'tin. Araw-araw may panibagong haharapin. Maraming bagay ang hahadlang sa 'yo. Maraming tao ang manghihila sa 'yo pababa. Kaya mo bang harapin ang lahat ng 'yon? Magsaya ka dahil nakayanan mong humarap sa mga problemang 'yon. Kahit g'ano kalaki ang problemang 'yan, kahit g'ano kasakit ng iyong pagbagsak, 'wag kang sumuko. Oo mabibigo ka. Oo magkakamali ka. Pero kailangan mong ayusin ang lahat ng 'yon. Kailangan mong lumaban. Ang dami mong kakalabanin sa buhay. Ang daming mangyayari na mas masahol pa sa problema mo ngayon. Ito ang kahulugan ng buhay.

Maraming kaganapan sa mundong 'to. Hindi natin makokontrol o mahuhulaan kung kailan tayo hahampasin ng pagsubok. Minsan sa sobrang pag-aalala at labis na pag-iisip, hindi tayo makakatulog. Oo nakakatakot 'yon pero ano pa ang magagawa natin? Kahit umiyak pa tayo ng dugo, hindi aatras ang problema. Wala silang awa sa atin. Kapag madilim ang iyong pinagdaanan, mas lalong lumiwanag ang iyong kinabukasan. 

Sa daan tungo sa tagumpay, ang daming hadlang. Pero hindi na importante kung ilang beses kang nadapa, kung ilang beses na sinabihan ka nila na talunan ka. Hindi mahalaga kung barya na lang ang nasa bulsa mo. Ang lahat ng pasakit na nasa sa 'yo ngayon ay may layunin sa buhay mo. Tinuruan ka lang nito kung paano magpakatatag. Kung paano lumaban. Kung paano ilabas ang kadakilaan sa loob mo. 

May matututuhan ka sa bawat problema, lalago ka dahil sa problema, magbabago ka dahil sa problema. Lahat ng bagay na hindi makakapatay sa 'yo ay magpapalakas sa 'yo. Alam mo, walang kwentang mamuhay kung wala tayong pagsubok. Hindi natin ma-appreciate ang tamis ng tagumpay. Dahil sa mga hadlang, dahil sa mga kahirapan, dahil sa kadiliman, naging matamis ang bawat panalo.

Oo may hadlang pero hindi 'yan ginawa para harangan ka. Ginawa 'yan para makapag-isip ka kung ano ang dapat gawin. Hindi mo makokontrol kung ano at sino ang makakalaban mo. Ang tanging magagawa mo lang ay kalabanin kung ano at sino man ang haharap sa 'yo. Kontrolado mo ang iyong lakas at tapang. Patatagin mo ang iyong TIWALA sa Diyos at TIWALA sa sarili mo. Alamin mo na magiging okay rin ang lahat ng 'to.

Kung g'ano kahirap ang labanan, gan'on din katamis ang tagumpay. Mas lalong tumatamis dahil sa problemang 'yon ay nabubuo ang matatag mong karakter. What you become in the process is more important than the dream. 'Yan ang pinaka importante. Ang pinangarap mong maging, ang pagkatao na hinulma mo, ang tapang na binuo mo, ang tiwala na lumalabas sa puso mo, 'yan ang pinaka importante. 

Ang sarap pa rin magpatuloy. Ang sarap gumising na makikita mo ang iyong bagong sarili. Bago mong aura. At magtataka ang bawat tao kung paano mo nalampasan 'yon. At masasabi mo sa kanila na niyakap mo na ang iyong buhay. Alam mong nahihirapan ka pero nilalabanan mo ang lahat ng paghihirap na 'yon. May tagumpay na naghihitay sa 'yo. Matamis na tagumpay.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177