9 TRUTHS You Need To Accept To Live A Happy Life By Brain Power 2177


Photo by Vlad Chețan from Pexels


Umpisahan natin ang videong 'to sa quote na ito:


Totoo naman 'yan, 'di ba? Sinasabi ko na ito ng paulit-ulit na lahat tayo ay nakakaranas at makakaranas pa ng kahirapan. Ang taong puno ng karunungan, ang taong mapagmahal, ang taong matalino, ang taong positibo sa buhay, lahat ng mga taong 'yan ay nakakaranas ng pagdurusa, nakakaranas ng kabiguan, nakakaranas ng break up, nakakaranas ng kalungkutan. Walang exempted. Pero ang mas nakakatuwa lang sa mga taong ito ay hindi sila nagpapalubog sa negatibong sitwasyon. Naghahanap sila ng solusyon para maiahon nila ang kanilang sarili. Dahil sa dami ng pagsubok na pinagdadaanan ko sa buhay, madali ko ring maintindihan ang nararamdaman ng tao. Overthinking, anxiety, depression, break up, namatayan ng mahal sa buhay, nawalan ng pag-asa, lahat ng 'yan ay nararanasan ko. Maraming nagsasabi na sobrang tatag ko daw. Hindi ako isinilang na ganito ako katatag. Natuto lang ako sa mga pinagdadaanan kong kahirapan. Dumaan ako sa napakasakit na proseso.

Marami na akong nakausap na mga taong nawawala sa tamang landas, mga taong walang alam kung paano mahalin ng tama ang sarili, mga taong takot sa mga problema at sinabihan ko sila na ang mga pagsubok na 'yon ay magpapalakas sa kanila. Oo lahat ng pagsubok natin ay magpapalakas sa atin. Namumuhay tayo sa nakakapraning na mundo. Ang daming problemang dumating sa ating buhay. Pababagsakin tayo nito. Minsan nga may araw na kinikwestyon natin ang Diyos kung bakit hinayaan Niya lang tayo na maging ganito kalugmok. Pero mare-realize din natin, na ito'y normal lang pala sa buhay.

Kapag tinatamaan tayo ng negatibong sitwasyon, y'ong sitwasyon na mahirap banggain, ikaw lang ang pipili, magpapatalo ka na lang ba o gagamitin mo ang mga problema mo upang mas lalo ka pang tumatag? Ikaw lang ang makakasagot niyan. Gusto ko lang ipaalala sa 'yo na may magagawa ka pa kahit nahihirapan ka na at kahit gusto mo ng sumuko. Heto na ang 9 na KATOTOHANAN na kailangan mong tanggapin para gumaan ang buhay mo.


NUMBER 1
LAHAT NG NANGYAYARI
AY PARTE NG ATING BUHAY


Positibo man o negatibo, 'yang dalawang 'yan ay parte na ng ating buhay. Tandaan mo lang 'yan. Napakarami na kasing mga tao na humihiling palagi na sana ang buhay ay parang rosas na kayganda. Tama ka sa hiniling mo. Rosas pero may kasamang tinik. 'Yan kasi tayo e. Gusto nating madali lang ang buhay. Ang dahilan kung bakit tayo mas lalong nahihirapan kasi hindi tayo natuto. Takot tayo sa pagbabago. Takot tayong tanggapin ang katotohanan. Takot tayong humarap sa kalungkutan. Nagtatago tayo sa likod ng ating maskara kasi ayaw nating tanggapin na nahihirapan na tayo sa buhay. Paano natin matatanggap ang realidad at tunay na pagmamahal, kung natatakot tayong harapin ang negatibong side ng buhay? Kailangan nating damhin ang sakit dahil 'yan ang magpupukaw ng ating mentalidad. Pero ano ang ginawa mo? Tinatago mo lang ang iyong emosyon. Iniiwasan mo lang. 'Yan ang dahilan kung bakit nalulumbay ka na kasi nakatira pa rin ang negatibo sa puso mo. Hindi mo inilabas. Uulitin ko, ang kalungkutan at kaligayahan ay parehong parte ng ating buhay. Bahagi ito ng ating realidad. Kung ayaw mong tanggapin ang negatibong sitwasyon, ikaw na rin ang nagwasak sa sarili mong buhay. Mahirap bang tanggapin na nahihirapan ka na? Mas madali kang makabangon at lumaban ulit kung tanggap mo ito. Damhin mo ang sugat sa puso mo. Tanggapin mo lang ang katotohanang ito at siguradong tatatag ka.


NUMBER 2
ANG BUHAY
AY GULONG NG PALAD


Isa ito sa mga paborito kong kanta. Minsan nasa itaas ka, minsan nasa ibaba. At ayos lang 'yon. Kasi sabi ko nga kanina sa number 1, lahat ay parte ng ating buhay. Kapag hiniling mo lang na maayos ang takbo ng buhay mo, para mo na ring hiniling na sana'y hindi na gumabi pa. Napaka-imposible, 'di ba? Kahit anong gawin mo, hindi mo mapipigilan ang hampas ng alon sa buhay mo. Tandaan mo, hindi mo hawak ang panahon. Bumitaw ka na. At d'on ka makakaramdam ng kapayapaan. Sa oras na matanggap mo ang katotohanang ito, magiging malinaw na rin sa 'yo, na kung may itaas ay may ibaba rin. Kung may umaga, may gabi. Sa madaling salita, lahat ay may opposite. Hindi one sided ang buhay. Pero napakaganda pa ring mamuhay. Mahal ko ang buhay ko. Hindi ko layunin na gawing perpekto ang buhay ko. Layunin ko ang mamuhay na puno ng pagkakontento. Yun bang pagkagising ko pa lang sa umaga ay ramdam ko na ang saya na ako'y nabubuhay pa. Lahat ng bagay sa mundo ay pambihira at sobrang kamangha-mangha. Bawat araw ay regalo ng Diyos sa atin. Kaya't 'wag mong hayaan na ang problema mo ang siyang magpapabagsak sa 'yo. 'Wag mong hayaan na ang matamis mong buhay ay mapapalitan ng pait habambuhay. Baguhin mo ang iyong pag-iisip at siguradong magbabago rin ang iyong buhay.


NUMBER 3
ANG TAKOT
AY NAGSISIMULA SA ISIPAN


Natatakot ka sa kinabukasan mo, sa kinabukasan ng mga anak mo, sa kinabukasan ng ating mundo. Takot ka na baka hiwalayan ka ng mahal mo. Takot ka sa mga bagay na hindi pa nangyayari. Pero ang katotohanan, hindi lahat ng kinakatakutan mo ay mangyayari. Wala pang kaseguruhan 'yon. Ang takot ang dahilan kung bakit hindi ka makakausad. Nagiging hadlang ito sa 'yong buhay. Mas binibigyan mo ng kapangyarihan ang takot kaya ito ay mas lumalaki at ito'y nagiging anxiety na. Pero alam mo, hindi naman malakas ang takot mo, nagiging makapangyarihan lang ito dahil palagi mong pinapakain ng negatibong pag-iisip. Ikaw ang bumubuo ng mga problema na hindi pa naman umiiral. Palagi ko na itong sinasabi na ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi dapat ang takot mo ang magkokontrol sa 'yo. 'Wag mong baliktarin ang sitwasyon. Harapin mo ang iyong takot. Kapag hindi ka lumalaban, talo ka na kaagad. Dahil ang kalaban mo ay sarili mong pag-iisip. Hindi mo ito masasapak. Hindi mo ito masasabunutan. Ang susi para mawala ang takot mo ay harapin mo lang at tanggapin mo. Lumaban ka. Sigurado akong maitataboy mo ang iyong takot kung haharapin mo na ito. Magpakatatag ka lang. At tandaan mo, ang pagiging matapang ay hindi nangangahulugang hindi ka na takot. May takot ka pa rin pero hindi ka nagpapatalo sa takot mo.


NUMBER 4
MAY MGA ARAL KANG MAPUPULOT


Ang karanasan mo sa buhay ang magpapaunlad sa 'yo. Lahat ng mga successful na tao, may matinding karanasan 'yan. Hindi naging madali ang buhay nila. Alam kong maiisip mo, paano naman kung ipinanganak silang mayaman? E di mabuti kung gan'on. Pero hindi naman 'yan ang punto ko. Doon tayo sa tunay na successful. Kasi para sa akin, ang tagumpay ay hindi nasusukat sa pera. Nasusukat ito sa mga problema mong kinakaharap at napagtagumpayan mo. Doon ako nakabase e. Kung babasahin mo lang ang talambahuhay ng mga successful na tao, siguradong mai-inspire ka. You are growing through experience. 'Yan ang katotohanan. Lahat ng bagay sa mundo, mabuti man o masama, lilipas lahat 'yan. Ito ang rason kung bakit napakasarap mabuhay kasi araw-araw ay may panibagong pangyayari. Kung positibo lang ang iyong pananaw, gaganahan kang magpatuloy sa 'yong paglalakbay. 'Wag kang umasa na sana'y kagandahan lang ang mangyayari kasi hindi talaga 'yan mangyayari. i-appreciate mo lang kung ano ang nangyari. Negatibo man 'yan o positibo. Tandaan mo ito, hindi lahat ng kagustuhan mo ay makukuha mo. Bakit? Kasi magbabago ang iyong iniisip. Halimbawa, noong bata pa ako, gusto ko maging abogado. Ngayon ayoko pala. Minsan rin iba ang masusungkit mo sa 'yong paglalakbay. May mga gan'ong sitwasyon e. Masasaktan ka man sa mga pangayayaring hindi inaasahan pero kailangan mong tanggapin 'yon at gamitin mo ang mga aral na nakukuha mo sa bawat pangyayari para madali kang makaabante.


NUMBER 5
MAGPOKUS KA SA NGAYON MO


Alam ko na may magco-comment na naman na mali daw ang aral na ito kasi wala raw mararating ang mga tao kung hindi sila nag-iisip sa kinabukasan nila. Tama ka naman. Pero hindi mo lang nakuha ang punto. Sabi ko magpokus ka sa ngayon. Pwede mo namang isipin ang kinabukasan mo pero 'wag kang magpokus d'on. Magpokus ka sa ginagawa mo ngayon at mahuhulma rin ang kinabukasan mo. Uulitin ko, hindi mo maaayos ang kinabukasan mo kung wala kang pakialam sa buhay mo ngayon. Kasi ang bukas ay magiging NGAYON. Hindi mo ba nage-gets ang takbo ng araw? Paggising mo bukas, magiging NGAYON 'yan. People don't realize this. The FUTURE is always NOW. Gawin mo lahat ngayon upang mahuhulma nito ang iyong kinabukasan. Life is not lived in some distant. It is lived HERE and NOW with the REALITY of the way things are. Sa bawat paggising mo, magpasalamat ka dahil buhay ka pa. 'Wag kang matakot sa panibago na namang pagsubok. Halos lahat ng kinakatakutan mo ay umiiral lamang sa ulo mo, hindi sa totoong buhay. HAPPINESS IS A MINDSET that can only be designed into the present. Hindi ka magiging masaya kapag nakapokus ka lang palagi sa kinabukasan mo. Maghahatid lang ito ng sobrang pag-aalala. Paano naman ang nakaraan mo? Maghahatid lang 'yan ng pagsisisi. 'Wag mong hayaang mawala ang pokus mo sa ngayon dahil lang sa kakapokus mo sa araw na hindi pa dumating at sa kakapokus sa nakaraan na hindi na maibabalik pa.


NUMBER 6
MARAMI KANG MAPAPASALAMATAN


Isa ito sa mga problema ng karamihan. Hindi sila nagpapasalamat kasi iniisip nila na walang blessings na dumating sa kanilang buhay. Tanungin nga kita, hindi ka ba nagpapasalamat na sa kabila ng sobrang hirap ay buhay na buhay ka pa rin? Hindi ka ba natutuwa na may nagmamahal pa sa 'yo? Tumatawa ka pa rin ngayon, 'di ba? Being positive in a negative situation is not naive, it is a sign of STRENGTH. Kung iniwan ka man ng mahal mo, may kapalit naman itong leksyon sa buhay mo, 'di ba? Kung sinubok ka man ng panahon, hatid naman nito ay katatagan, 'di ba? Kung pakiramdam mo ay wala ka ng halaga, isipin mo ang milyon-milyong cells sa loob ng katawan mo na pinahalagahan ka pa rin hanggang ngayon. Palagi silang nagtatrabaho para lang mabuhay ka. May irereklamo ka pa ba? Siguro maiisip mo na wala kang pera. Hindi kasya. Mag-isip ka ng paraan para makahanap ka ng dagdag na mapagkakitaan. Hindi dadami ang pera mo kung puro bibig lang ang nagtatrabaho. Matuto kang magpasalamat kahit sa maliit na bagay. Kasi ang maliit ay dadami 'yan. Ang problema kasi sa mga tao ay magpapasalamat lang sila kung may nangyaring maganda sa kanilang buhay. At napakamali 'yon. 'Wag mong kalimutan ang maliit na bagay na nakukuha mo na.


NUMBER 7
MAGSIKAP KA SA BUHAY


No more excuses. Wala ng pero-pero. 'Wag kang magmadali. Dumaan ka sa tamang proseso. Great things take time. Kung mahaba lang ang pasensya mo, hindi ka masyadong mahirapan sa buhay. Wala namang sitwasyon, kung ngayon mo itinanim, bukas ay nagbubunga na. Wala namang gan'on, 'di ba? Diyos nga ay hindi nilikha ang lahat sa isang araw lang, kahit kaya naman Niyang gawin 'yon. Kasi ipinapakita Niya sa atin ang tamang proseso. Pero hindi ibig sabihin na sa sobrang haba ng pasensya mo ay maghihintay ka na lang. Ang punto ko dito ay kumilos ka habang kalmadong naghihintay ng matamis na tagumpay. Tandaan mo, walang elevator sa tagumpay. Lahat tayo ay naghahagdan.


NUMBER 8
BIGYAN MO NG ORAS
ANG SARILI MO


Napakaimportante na matuto kang mamuhay ng mag-isa. 'Wag kang dumikit sa iba. 'Wag kang magpapadikta kung ano ang dapat mong gawin. 'Wag kang gumawa ng kamangha-manghang bagay para lang magpa-impress. Ganito kasi ang ginagawa ng karamihan. Ayaw nilang mag-isa. Gusto nilang makihalubilo sa iba para pagtakpan ang kanilang kalungkutan. Pero ang resulta, mas lalo silang nalulunod sa kalungkutan kasi pati sarili nila ay kanilang iniwan. Mas mabuti pang palugdan mo ang Diyos kaysa sa mga tao. Kasi hindi ka iiwan ng Diyos kahit anong mangyari. Pero iiwan ka ng mga tao kung hindi ka na mapapakinabangan. Kaya dapat matuto kang mag-isa kasi hindi sa lahat ng oras ay may sasama sa 'yo. Nabubuhay ka rito para palugdan ang Diyos at pasayahin ang sarili mo. Dumaan ka sa sarili mong daan. May iba't-iba tayong daan sa buhay. Iba't-iba tayo ng kahulugan sa tagumpay. Success is ultimately about spending your life happily in your own way. Bigyan mo ng oras ang sarili mo. Alam mo ba na kahit ganyan ka ay napakalaki ng halaga mo? Kailangan mong paniwalaan 'yan.


NUMBER 9
HINDI KA NAG-IISA


Tanggapin mo ang katotohanang 'yan. Isa ito sa mga dahilan ng mga tao kung bakit sila'y nasasaktan ng sobra. Iniisip kasi ng karamihan na malungkot ang buhay kapag mag-isa lang sa buhay, malungkot daw kapag walang jowa. Kung hindi lahat ng nag-iisa ay masaya, hindi rin lahat ng may jowa ay masaya. Sa totoo lang, hindi ka naman nag-iisa. Kasama mo ang mga pamilya mo at mga kaibigan mo. Pero kung gusto mo ng jowa, mahalin mo muna 'yang sarili mo para madali ka rin nilang mahalin. Kung tungkol naman sa problema, hindi ka pa rin nag-iisa. Sa kalagitnaan ng matinding sitwasyon, mas madali mong maiisip kung bakit ikaw lang ang nagkakaganito. Bakit sila ay maayos lang? Ikinokompara mo na ang iyong buhay sa buhay ng iba. Pero hindi na kita masisisi dahil likas na ito sa atin. Pero hindi lang naman ikaw ang nagkakaganyan. May mas malala pang nangyayari sa iba kompara sa 'yo. Lahat tayo ay nahihirapan. Hindi lang natin nakikita o nalalaman ang problema ng iba kasi hindi naman nila ipinapakita sa 'tin. Lahat tayo ay lumalaban. May mga taong malubha ang sakit. May mga taong may mental health issue. May mga taong presko pa ang sakit ng kanilang nararamdaman. Ang iba ay nalulugmok sa spiritwal. Kita mo 'yan, lahat tayo ay may iba't-ibang problema. Kapag pakiramdam mong ikaw lang ang nahihirapan, isipin mo na hindi ka nag-iisa. Kasama mo ang Diyos sa laban ng iyong buhay. Tandaan mo ito palagi, kung malakas ang iyong problema, dapat mas malakas ka pa sa problema mo. 'Wag kang manalangin na sana'y gumaan na ang buhay mo. Manalangin ka sa Diyos na bigyan ka Niya ng sapat na lakas upang malabanan mo ang lahat ng mabibigat na pagsubok.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177