5 THINGS That You Need To Do To Stay Motivated In Life By Brain Power 2177


Photo by Niko Twisty from Pexels


Kahit gaano ka pa katatag sa buhay, babanggain ka pa rin ng pagsubok ng paulit-ulit. Pero sa oras na susubukin ka ng problema, ito ang tamang oras na magpakatatag ka. 'Wag kang sumuko kaagad. Magtiwala ka lang sa kakayahan mo. Kumapit ka ng mahigpit, okay? Mahuhulma ang totoo mong karakter kung nasa negatibong sitwasyon ka na. Kumapit ka lang at magpatuloy kang lumaban kahit ang iba'y sumusuko na. Hindi mo man maiiwasan na magkakamali ka, na mabibigo ka, pero hindi 'yon basehan para umayaw na lang. Ang pinakamahalaga ay magkaroon ka ng lakas ng loob na mangarap ng mas magandang kinabukasan. Kung nasa mababang sitwasyon ka ng buhay, yun bang sa sobrang hirap ay gusto mo ng bumitaw na, pero doon mo pala makikita ang malaking pagbabago. Kaya 'wag kang bumitaw kaagad dahil hindi mo alam na 'yang mga paghihirap mo ay may gantimpala pala. Kumapit ka lang. Malapit mo ng makamit ang iyong tagumpay. Heto na ang 5 DAPAT mong GAWIN para mas lalo ka pang tumatag.


NUMBER 1
'WAG KANG TUMIGIL


'Wag mong itigil ang pangarap mo. Kahit sobrang nahihirapan ka na, 'wag mong ipasok sa utak mo na tumigil na lang. Mas malakas ka pa kaysa sa iniisip mo. Alam ko na kapag nahihirapan na tayo, mas madali nating maiisip ang bumitaw. Paano mo mapapatunayan sa mga tao, lalo na sa sarili mo na may kakayahan ka nga kung sumuko ka na lang? Habang buhay ka pa, hindi pa tapos ang laban mo. Ito'y simula pa lang. Kung sa unang pagsubok mo ay hindi ka nagtatagumpay, gawin mo ulit, baguhin mo ang strategy mo, pulutin mo ang mga aral na nakukuha mo, hanggang sa magtagumpay ka. Alam kong may pangarap ka sa buhay. Gusto mo bang maging guro? maging abogado? maging doktor? maging negosyante? Harapin mo ang lahat ng mga hadlang sa buhay mo upang mapupuntahan mo 'yang kagustuhan mo. Ayaw mo bang makita ang furure self mo na natupad na ang kanyang pangarap? Ayaw mo ba nun? Alam kong gusto mong magbago kaya't 'wag kang sumuko. Marami ng tumatakbo sa isipan mo. Minsan maririnig mo ang iyong isipan nagsasabing SUMUKO na lang. Pero 'wag mong paniwalaan ang negatibo mong pag-iisip. 'Wag kang magpapadala sa kahinaan mo. Alam mo, kung mas lalong gumagrabe na ang problema, maraming tao rin ang naghahanap ng shortcut. Dahil gusto nila ng madaling buhay. Gusto nilang makatakas sa negatibong sitwasyon. 'Yan ang dahilan kung bakit marami rin ang napupunta sa maling daan. Kita mo naman, marami ang hindi nagtatagumpay. Marami ang nakatunganga na lang. Kaunti lang sumusulong. Kaunti lang din ang mga taong matagumpay. Bilang tao, natural na kasi sa atin, na ayaw nating masaktan. Gusto lang natin ng kasiyahan. Ayaw nating maging malungkot. Pero hindi natin alam, o siguro'y alam na natin pero ayaw pa rin nating tanggapin, na ang dalawang 'yan, ang kasiyahan at kalungkutan, ay parte ng ating buhay. Kung papipiliin lang tayo, siguradong pipiliin natin ang madaling buhay. Pero sa kasamaang palad, ang tagumpay ay hindi basta-bastang makuha. Hindi ka makakaabot sa pupuntahan mo, kung pa-easy-eays ka lang sa buhay. Lahat ng nakikita mong maganda sa mundo, grabeng effort ang ginawa ng mga tao para mabuo 'yan. Grabe sila kung makapagfocus. Grabe sila kung lumaban sa kahirapan. Hindi madaling baguhin ang buhay. Kapag nagdesisyon ka ng baguhin ang sarili mo, hindi kaagad na magagawa mo 'yan. May mga sandali na biglang papasok ang negatibong pag-iisip mo at bigla ka na ring mag-aalinlangan sa sarili mo. Pero 'wag mong isipin na ang kahirapang ito ay ginawa para WASAKIN ang buhay mo. Bago ka pa lang isinilang, katabi mo na ang kahirapan. Pero hindi mo dapat 'yan ikabahala. Gamitin mo ang problema mo para mas matuto ka pa sa buhay. Kasi alam mo, wala namang espesyal na tao sa mundo. Walang pinaboran ang Diyos. Espesyal tayong lahat. Kaya kung hindi ka nakakakita ng daan, gumawa ka ng sarili mong daan. 'Yan ang palagi kong sinusunod sa buhay. Palagi akong gumagawa ng paraan para maabot ko ang tagumpay. Kung ayaw mo namang lumaban, pwede ka namang sumuko. Wala namang pumipigil sa 'yo. Ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan. Gusto mo na ba talagang sumuko? Alam kong HINDI ang sagot mo. Oo at Hindi lang naman ang pwede mong isagot. Sayang naman ang natutunan mo sa buhay, sayang naman ang kalakasan na naiipon mo, kung susuko ka na lang. Malapit mo ng makita ang future self mo. Kailangan mo lang magtiwala.


NUMBER 2
MAGPAKATATAG KA LANG


Dapat matatag ka sa mental at emosyonal. Masusubukan talaga 'yan kapag may matinding sitwasyon ka ng sasalubungin. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pagsubok. May mga lumalaban sa malubhang karamdaman. May mga namomroblema sa pinansyal. May mga halos mabaliw na sa kakaisip ng sobra. Ang mga problema natin, hindi natin 'yan matatakasan. At sa mga oras ng mga paghihirap na 'yon, ang iyong kaisipan at emosyon ay masusubukan kung gaano ito kalakas o kahina. Kung kulang ang iyong katatagan, ang mga pagsubok na 'yon ay magdadala ng kadiliman sa buhay mo. Mapupuno ka ng negatibong pag-iisip. At dahil sa negatibong pag-iisip, maaapektuhan na rin ang iyong kinikilos. Sa kalagitnaan ng matinding sitwasyon, kailangan mong magpakatatag. Kailangan mong kontrolin ang iyong isipan, emosyon at galaw. Magpokus ka lang kontrolin ang tatlong ito, siguradong madali kang makabangon. Para hindi ka masyadong mag-alala sa buhay, tanggapin mo lang ang REALIDAD. Hindi ibig sabihin na tinanggap mo na para itong kasunduan, kundi tinanggap mo dahil 'yon ang totoong nangyari. Kahit na hindi mo matanggap ang nangyari sa buhay mo ngayon, wala ka ng magagawa pa kundi ang tanggapin pa rin 'yon. Kung ayaw mo pa ring tanggapin ang mga nangyari, parang sinasayang mo na rin ang iyong lakas. Kasi kung tanggap mo lang ang nangyari, mas madali ka na lang makapag-isip kung paano tumugon sa sitwasyon. Tandaan mo ito palagi, lahat ng nararanasan mo sa buhay ay nagbibigay sa 'yo ng kalakasan at mga aral na magagamit mo sa susunod mong paghakbang. Magtiwala ka lang sa proseso ng buhay.


NUMBER 3
GAWIN MO ANG LAHAT


'Wag kang matakot na gawin ang mga gusto mo. Hindi ko naman sinasabi na dapat 0% na ang takot mo. Kasi alam ko naman na hindi mawawala ang takot. Pero kahit natatakot kang gawin 'yon, gawin mo pa rin. Kung gusto mong mag seaman dahil sa simula pa lang ramdam mo na gusto mo 'yon, pero sa kabilang banda, may takot ka. Takot ka sa malalaking alon, takot ka na malayo ka sa pamilya mo, pero kung 'yan ang gusto mong gawin, take risk. Mawawala ang takot kapag hinaharap mo ng buong puso. Takot ka rin ba sa mga opinyon ng tao? Kasi may mga tao na walang awang babato sa 'yo ng masasakit na salita, pero kumalma ka pa rin. 'Wag mong patulan ang mga asong tahol ng tahol sa likuran mo dahil matatagalan ka sa 'yong paglalakbay. Kahit ikaw pa ang pinakamabuting tao sa mundo, may mga tao pa ring maghahanap ng butas para madumihan ka lang. Pero ipagpatuloy mo pa rin ang kabutihan mo. Hindi ka nabubuhay para palugdan ang iba. Kung unti-unti ka ng umaangat sa buhay, hihilahin ka rin ng mga tao, kaiinggitan ka rin nila. May mga pekeng tao na didikit sa 'yo ng hindi mo nahahalata. Kahit napakatapat mo pang tao, ikaw pa ang lolokohin. Maraming taksil sa mundong ito. Gusto nilang saktan ka. Pero maging tapat ka pa rin. Ang napakasakit pa, binuo mo ng matagal ang pangarap mo pero sisirain 'yan ng masasamang tao sa isang gabi lang. Ganyan umaatake ang mga taong mainggitin. Pero buuin mo pa rin. Kung masaya ka naman, magtataka ang karamihan kung bakit masaya ka. Pag-uusapan ka nila. Pero ang kaligayahan mo ang pinakaimportante kaya i-ignore mo na lang sila. Kahit na marami kang nagawang kabutihan, isang pagkakamali lang, madumi ka na sa paningin ng mga tao. Ganyan ka-BRUTAL ang buhay natin. Pero gumawa ka pa rin ng mabuti. Marami tayong magagawa sa mundo. Kahit gawin mo pa ang lahat, may mga tao pa ring hindi marunong mag appreciate. Sa tingin nila ay hindi pa 'yon sapat. Pero sapat na talaga ang ginawa mo, pero ang intensyon lang ng mga tao ay PAPAGURIN ka. Hindi mo ba napansin, na hindi ka nabubuhay sa mundong ito para lang palugdan ang iba? Kasi hindi mo mapapasaya ang lahat ng tao. Nabubuhay ka para palugdan ang Diyos. Kita mo 'yan? 'Yan ang misyon mo. 'Yan ang dapat mong gawin. Isama mo 'yan sa mga gusto mo, na palugdan ang Diyos. Hindi dapat ang mga tao ang pinopokus mo. Kahit napakatapang mo pa, alam kong may takot ka pa rin. Takot ka sa kinabukasan mo. Pero gawin mo pa rin ang lahat. Magpatuloy ka lang at humakbang ka pa ng humakbang.


NUMBER 4
KONTROLIN MO ANG IYONG ISIPAN


Kasi ang isipan mo, kung saan-saan na lang papunta. Halos lahat ng limitasyon na naiisip mo, ini-apply mo sa 'yong buhay at 'yan ang dahilan kung bakit hindi ka makakausad. Sa palagay mo ba ay hanggang diyan ka na lang palagi? Hindi ka ba satisfied sa buhay mo? Naniniwala ka ba na wala ka ng magagawa? Gusto mo bang magbago ang buhay mo pero iniisip mo na hindi mangyayari 'yon? Lahat na lang ng mga negatibong iniisip mo ay pinaniniwalaan mo na. May magagawa ka pa naman. Kaya mo namang kontrolin ang isipan mo. Kaya mo namang baguhin ang paniniwala mo sa buhay. Kaya mo namang kumilos ng mag-isa. Palagi ko na itong sinasabi na may KAKAYAHAN ka. Ang isang paraan na nilimitahan mo ang iyong sarili ay ang pagsabi mo na HINDI MO KAYA at WALA KA NG MAGAGAWA. Pero alam mo, para sa ikakatahimik ng iyong isipan, lahat tayo ay nagsisimula sa BEGINNER. Walang tao ang napakagaling kaagad. Lahat tayo ay natuto at matututo pa. We are growing. We are all in progress. Lahat tayo ay magkakamali pero may matutunan naman tayo sa mga kamalian na ating nagawa. Hanggang sa makakaya na natin ang mga bagay-bagay. Pero may mga tao rin naman na talentado. Pero nanininiwala pa rin sila na hindi pa sapat 'yon. Kaya ang daming depress pa rin dahil sa pag-iisip ng negatibo. May mga taong hindi confident sa hitsura nila, sa talento nila, sa kakayahan nila. Dahil siguro nadadala nila ang mga negatibong salita na sinasabi ng mga tao sa kanila. Ang mabisang paraan para maalis ang negatibong ito ay palagi mong iisipin na may kakayahan ka upang maipasok ito sa 'yong subconscious mind. Kung paiiralin mo ang takot, magiging limitado lang din ang iyong pamumuhay. Kung pati sa pagtatanong ay natatakot ka o nahihiya, paano mo malalaman ang mga kasagutan? Kapag palagi ka lang naghihintay, wala kang patutunguhan.


NUMBER 5
LUMABAN KA PA RIN


Kahit nanghihina ka na, lumaban ka pa rin. Walang matinding problema sa mga taong marunong humarap sa mga problema. Kung nahihirapan ka na sa buhay, tandaan mo lang na may lakas ka pang mailalabas. Siguro iniisip mo na lang na mahina ka talaga, na wala kang kwenta sa mundong ito, na inaabuso ka ng panahon, o ginagamit ka lang ng mga tao. Minsan nga umiiyak ka na lang dahil sa bigat ng iyong nararamdaman. Nilalabanan mo ang kahirapan ng mag-isa. Sa sobrang hina mo na, maiisip mo na lang na tigilan na ang lahat. Pero alam mo, ang mga halaman ay nangangailangan ng araw at ulan upang mabuhay. Kailangan din natin ang kalungkutan at kaligayahan upang mas lalo pang mahubog ang ating pagkatao. Sa oras na lumaban ka, 'yon na ang unang hakbang ng pagkapanalo mo. Sa bawat laban ng iyong buhay, unti-unti ka nitong pinapalakas. Kung gaano kadami ang mga hadlang sa buhay mo, ganoon din kabilis ang pag mature mo. Madali lang tayong mapadpad sa madilim na lugar at mahirap makatagpo ng daan patungong liwanag pero 'wag kang mawalan ng pag-asa. May mga panahon na maiisip mo na wala kang kwenta at wala kang pag-asa. Mapapagod ka kasi araw-araw kang lumalaban. Para bang wala ka ng pahinga. Pero naitanong mo ba sa sarili mo kung bakit nagpatuloy ka pa rin hanggang ngayon? Kasi naniniwala ka na may magagawa ka pa at may pag-asa ka pa. Walang negatibo ang magtatagal kung positibo lang ang iyong pananaw sa buhay. Hindi ka nag-iisa. Lahat tayo ay lumalaban sa buhay. Kaya ipagpatuloy mo ang iyong kabutihan kasi hindi natin alam na ang katabi pala natin ay may matinding pinagdadaanan.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177