Make Yourself Mentally Strong By Brain Power 2177


Photo by Kampus Production from Pexels


Gusto mo na bang sumuko? Kung gusto mo na, hindi ba masasayang ang mga inumpisahan mo? Marami na rin ang nagtatanong sa 'kin kung paano iangat ang buhay kung sukong-suko ka na. Dalawa lang ang sagot ko. Magtiwala ka sa diyos at magtiwala ka sa sarili mo. Nakakaranas na rin ako ng matinding pagsubok sa buhay at posibleng makakaranas pa ako. Hindi mo alam kung ilang gabi akong hindi nakatulog sa kakaisip ng aking kinabukasan. Hindi mo alam na nawalan ako ng pag-asa noon. Hindi mo alam kung ano ang mga pinaghuhugutan ko sa buhay. Maraming tao ang nakakakita ng magandang resulta. Hindi nila alam kung ano ang paghihirap ko para makamit ko ito. Iniisip nila na hindi pa ako nakaranas ng stress sa tanang buhay ko. Mali. Ang buhay ang paborito kong guro. Tinuturuan ako ng buhay ng maraming bagay. Kaya ngayon alam ko na, at gusto kong ibahagi sa 'yo, na ang paghihirap mo ngayon, basta't magpatuloy ka lang sa ginagawa mo, magbubunga 'yan. Hindi ako nagbibiro. Isipin mo ang mga taong hindi naniniwala sa 'yo. Patunayan mo sa kanila na kaya mo. Isipin mo kung bakit mo pa inumpisahan kung aayawan mo lang pala sa huli? Panandalian lang ang sakit at pagod na nadarama mo ngayon. Mapapawi 'yan kapag nakamit mo na ang tagumpay. Oo mahina ka ngayon, pero 'yan ang dahilan kung bakit tumatag ka. Bawat bato ng panahon ng negatibong sitwasyon, mahuhulma nito ng dahan-dahan ang iyong karakter, ang iyong katawan, ang iyong mentalidad.

Magtiwala ka lang na may pag-asa ka pa. Panghahawakan mo 'yan dahil 'yan ang tutulong sa 'yo para makapagpatuloy ka pa. Maniwala ka man sa 'kin o hindi, nawalan na ako ng maraming bagay pero hindi ko 'yon ginawang rason para bumitaw na ako sa pangarap ko. Binuhay ko ulit ang pag-asa ko. Binuhay ko ulit ang aking lakas. Kailangan mo pang lumaban upang malaman mo kung hanggang saan ang makakaya mo at kung ano ang pakiramdam ng nagtatagumpay. 'Wag mong isali sa pagpipilian ang pagsuko. Ang dami mo ng talo, 'di ba? Bakit ka pa umabot sa araw na ito? Ibig sabihin, lumalaban ka pa rin. E 'di ipagpatuloy mo 'yan. Hindi mo alam bukas o sa susunod na linggo o sa susunod na buwan o sa susunod na taon, mananalo ka na. Hindi natin mahuhulaan ang panahon. Basta't magpatuloy ka lang lumaban para sa pangarap mo, siguradong mananalo ka. Madadapa ka man, bumangon ka ulit.

'Wag mong hayaan na balutin ka ng kabiguan. 'Wag mong hayaan na ang kabiguan ang makakapatay ng apoy mo. Gamitin mo ang kabiguan para lumawak ang pang-uunawa mo. 'Wag kang lumuhod. 'Wag kang magpapakabiktima. 'Wag kang magpaawa. Matuto kang humarap. Damhin mo lahat ng negatibong emosyon. Pagod ka na ba? Nahihirapan ka na ba? Wala ka na bang oras? Wala pa bang tamang pagkakataon? Nai-stress ka na ba? Kung oo lahat ng sagot mo, normal lang 'yon. Ang hindi normal ay kung 'yan ang gagamitin mong rason para sumuko na lang. Paano na lang ang mga taong walang tiwala sa kakayahan mo? Paano na lang ang mga mahal mo na umaasang masusungkit mo ang iyong pangarap? Kailangan mong isipin 'yan ng mabuti. Mapapagod ka man, magpahinga ka. Basta't 'wag ka lang sumuko. Tibayan mo ang iyong emosyon. Tanggapin mo na ganito katindi ang tunay na buhay.

Dapat kung may naisip kang ideya, 'wag kang matakot na gawin 'yon. 'Yan ang problema ng karamihan. Napakagaling gumawa ng plano, pero hanggang sa plano na lang. Kung gusto mong makawala sa sitwasyon mo, dapat matapang kang gumawa ng mga solusyon. Hindi pwedeng hanggang sa pag-iisip lang. Kahit gaano pa kaganda ng mga plano mo, hindi 'yan matutupad kung hindi ka kikilos. Sa umpisa lang 'yan mahirap at nakakatakot. Pero alam ko na mismong sa isip mo, naniniwala ka na kapag gagawin mo lang, makakamit mo at magtatagumpay ka. Dapat totohanin mo ang mga iniisip mong 'yan. Kahit ako hanggang ngayon, kung may ideya ako, inulit-ulit kong iniisip ang mga plano ko dahil may takot rin ako pero sinunggaban ko pa rin. Mabigo man o hindi, at least naranasan ko at nalabanan ko ang aking takot. Kapag inumpisahan ko ng gawin ang isang bagay, hindi na ako umaatras. Ang takot sa kabiguan ay hindi mawawala sa buhay natin. Kapag nalabanan mo ang takot na 'yan, isa na 'yang tagumpay.

Kailangan mong magsikap sa buhay. Kung gusto mong yumaman, mag-isip ka ng strategy para mapunta ka d'on. Kung gusto mong mahulma ang katawan mo, mag gym ka. Kung gusto mong maging malusog, kumain ka ng masustansyang pagkain. Lahat ng maganda ay magreresulta kung may gagawin ka lang. Kung gusto mo ng mas pa, ibigay mo rin ang iyong pinaka. Ipangako mo sa 'yong sarili na hindi ka aatras sa mga bagay na inumpisahan mo na. Hindi nagsisinungaling ang resulta. Gaano mo ba talaga kagusto ang pangarap mo? Hindi mo 'yan makukuha kung hindi mo gusto 'yan o napipilitan ka lang. Dapat ang pangarap mo ay bukal sa kalooban mo. Hindi pwedeng pinangarap mo 'yan kasi maganda sa tingin ng ibang tao. Dapat alam mo kung ano ang gusto mong maging. Alam kong mahirap sumulong. Alam kong nakakapagod. Alam kong minsan nag-iisip ka na parang imposible na ito. Pero magpatuloy ka pa rin para masagot mo ang lahat ng pag-aalinlangan mo. Sa oras na gusto mo ng sumuko, isipin mo lang ang mantra na ito ng paulit-ulit, “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi. Ang nagwawagi ay hindi umaayaw.”




Comments

Popular posts from this blog

6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177

10 Dark Psychology Tricks na Epektibo sa Lahat ng Tao By Brain Power 2177

9 BAGAY na Dapat Mong Bitawan para Gumaan ang Buhay Mo By Brain Power 2177