Don't Lose Hope By Brain Power 2177
Kapag ramdam mo na wala ka ng pag-asa, ang hirap magpaka POSITIBO. Ganyan na talaga ang buhay. Hindi sa lahat ng oras ay maayos lang ang lahat. May mga araw na mahihirapan ka talaga. Mapapagod ka. Mawawalan ka ng ganang magpatuloy. Palagi ka na lang nabibigo. Minsan nga hindi mo maiintindihan kung anong nagawa mong mali kung bakit ikaw lang ang pinapahirapan ng panahon. Maraming tumatakbo sa isip mo. Pakiramdam mo wala kang kwenta sa mundong 'to. Pakiramdam mo nawawala ka sa tamang landas. Pakiramdam mo ang liit-liit mo sa mundong 'to. Nawawalan ka ng pag-asa. At ang mas masakit pa, walang makakaintindi sa nararamdaman mo. Nagsasawa ka ng humanap ng paraan. Minsan nagsasawa na ang mga kaibigan mo sa kakapakinig ng mga problema mong hindi mawala-wala.
Mahirap pasayahin ang sarili kung lagi na lang ganito, 'di ba? May mga tao namang gustong tumulong sa 'yo, sinubukan ka nilang intindihin. Pero bakit hindi mo pa rin maramdaman? Bakit hindi mo maintindihan ang ginawa nila? Hindi mo maintindihan kasi punong-puno ng negatibong emosyon ang puso mo. Bakit kailangan mo pa ring magpatuloy? Sabi ko nga kanina, ganito na ang buhay. Minsan masaya. Minsan malungkot. Oras lang talaga ang makakapaghilom ng lahat. Alam kong alam mo na 'yan. May oras ka pa. There is no deadline on feeling better or becoming the person you want to become. Kailangan mo lang magtiwala sa sarili mo. Kailangan mo lang magtiwala sa Diyos. Kailangan mong maniwala na ang pagsubok na dinanas mo ngayon ay siyang nagpapatatag sa 'yo at siyang humuhubog sa 'yong pagkatao.
Hindi ka pwedeng sumuko. Hindi ka pwedeng magpatalo. Buhay ka pa dahil may layunin ka pa. Oo madali lang sumuko. Pero may mga taong naniniwala pa sa 'yo. Mahal ka nila. Gusto nila na maging masaya ka. Akala mo sawang-sawa na sila sa 'yo, HINDI. Nag-aalala sila sa 'yo. Gusto nilang makita ang mga ngiti mo dahil matagal na nila 'yang hindi nakikita. Miss na miss na nila ang matamis mong ngiti. Ibalik mo ang iyong lakas, okay?
Kalimutan mo na ang nangyari dahil hindi mo naman maibabalik 'yon. 'Wag mo ng sobrang isipin ang kinabukasan mo dahil hindi mo naman 'yan makokontrol. Mahuhulma mo lang ang bukas kung nakapokus ka sa kasalukuyan. Pahalagahan mo ang mga nangyari NGAYON. Tumingin ka sa paligid mo, may mga nangyayaring ikakatuwa mo. Buksan mo ang iyong puso para makapasok naman ang positibo. Sa sandaling ito, mapagtanto mo, na sobrang swerte mo sa buhay. Dahil buhay ka pa. Tandaan mo ito palagi, MAKAKAYA mo ito.

Comments
Post a Comment