Don't Give Yourself Too Much By Brain Power 2177
Photo by Pavel Danilyuk from Pexels
Hindi ko na kikwestyonin kung bakit sobrang bait mo at kung bakit sobrang mapagbigay mong tao. Dahil nagmula 'yan sa malambot mong puso. Pero ang gusto ko lang ipayo sa 'yo, samahan mo lang ng tamang pag-iisip. Ibig kong sabihin, dapat alam mo kung KAILAN ka dapat magbigay, kung ANO ang ibibigay mo, at kung SINO ang bibigyan mo. Kung alam mo 'yan, hindi ka basta-bastang maubos. At ang masakit, iti-take advantage pa ang kabutihan mo. May ibang tao na sobrang mapagbigay. May ibang tao rin hindi nagbibigay, puro tanggap lang. Kahit kabutihan naman ang dulot ng pagbibigay, kapag sumobra naman, may mangyayari ng hindi maganda. Hindi ko naman sinasabi na masama ang magbigay. Biblical din 'yon. Pero sabi ko nga kanina, dapat samahan mo ng tamang pag-iisip. Hindi ko rin sinasabi na PERA lang ang pwedeng ibibigay mo, kasama na dito ang iyong ORAS at ATENSYON. Napakasarap naman sa feeling kapag nagbigay tayo, 'di ba? Pero kung walang boundaries, kung walang limit ang pagbibigay mo, ikaw ang magdurusa sa huli. Bakit? Sa oras na maubos ka, walang tao ang tutulong sa 'yo. Real talk 'yan.
Bakit dapat na sakto lang ang pagbibigay mo? Maraming rason pero sasabihin ko sa 'yo ang mga pinaka importante:
Una, para hindi samantalahin ng mga tao ang kabutihan mo.
Pangalawa, dadami ang toxic na tao sa buhay mo.
Pangatlo, marami ang magpapatulong sa 'yo kahit hindi naman talaga nila kailangan ng tulong.
Pang-apat, parang tinuturuan mo ang mga tao na maging tamad.
Panglima, magdurusa ka sa mga pinagagawa mo.
Ngayon ang tanong ko sa 'yo, sobra mo bang ibinigay ang lahat? Ang pera mo, oras mo, buong atensyon mo? Kung hindi mo alam, heto na ang 5 SIGNS na tunay mong ibinuhos ang lahat para lang sa ibang tao.
NUMBER 1
PALAGI KA LANG UMU-OO
May kaibigan ako, sabi niya, “Kung may nanghihingi sa 'kin o nangungutang sa 'kin, hindi ko mahindi-an kasi natatakot ako baka magalit.” 'Yan ang problema ng karamihan. Remember, YOU DON'T OWE THEM ANYTHING. Tayong lahat ay mga indibidwal. May kanya-kanya tayong buhay. Ang problema kasi diyan kapag pinapautang mo ang isang tao, palagi 'yang bumabalik. Umulit ng umulit hanggang hindi na marunong magbayad. Aabusuhin nila ang kabutihan mo. Kaya sa umpisa pa lang, humindi ka na. Maliban na lang siguro kung medical reasons, pwede pa 'yon. Pero kung mangungutang lang para pambili ng mga bagay-bagay, 'wag mong pagbigyan. Matuto kang magsabi ng HINDI. Kahit kaibigan mo pa 'yan, it doesn't mean you are required to do something for them. Kung tunay mo nga silang kaibigan, maiintindihan naman nila kung bakit humindi ka. Hindi lang ito tungkol sa pera, okay? Kasali na din dito ang paggala. Kapag niyaya ka nilang gumala tapos ayaw mo, dapat umayaw ka. 'Wag mong ibigay ang oras mo para sa mga walang kwentang bagay. You are not required to do anything that makes you feel uncomfortable or takes too much trouble. Ang problema kasi sa mga tao ngayon, nagbibigay sila sa 'yo, gusto nila na suklian mo. Kapag umayaw ka, sasabihin nila na wala kang utang na loob. Ikaw pa sa huli ang naiipit.
Noong isang araw, tumawag sa 'kin ang isa sa mga kaibigan ko, gusto lang niyang gumala kami. Hinindian ko siya dahil may kailangan pa akong tapusin. Naintindihan naman niya. Kaya nga mahal ko ang mga kaibigan ko kasi naiintindihan nila ako palagi. Nanonood ang mga 'yan. Kaya ikaw din, matuto kang humindi kung labag ito sa loob mo. Sa inuman, hindi ako nakikipag-inuman. Sa paninigarilyo, hindi ako naninigarilyo. Umuwi ng sobrang late, pass ako diyan. Magwaldas ng pera, hindi ko ginagawa 'yan. Kung gusto mong maging habit ang pagsabi ng HINDI. 'Wag kang UMU-O sa simula pa lang para hindi ka mahirapang tumanggi sa susunod.
NUMBER 2
WALA KANG ORAS SA SARILI MO
Tanungin nga kita, may oras ka pa bang inilaan sa sarili mo? Kasi kung wala na dahil ibinuhos mo na sa ibang tao, ito ang isa sa mga rason kung bakit madali kang matamaan ng kalungkutan. Spending “ME TIME” is actually very important. Kahit 15 minutes lang kada araw. Imposible namang hindi mo magagawa 'yan, 'di ba? Madali mong makilala ang sarili mo kung mag-isa ka lang. Mas gagaan rin ang iyong pakiramdam. Walang halong pressure. Pahalagahan mo naman ang sarili mo. Hindi kamatayan ang trahedya ng buhay. Alam mo kung ano ang tunay na trahedya? Y'ong buhay na buhay ka pero hindi ka namumuhay ng maayos. Kaya dapat maglaan ka ng oras para sa sarili mo. Yakapin mo ang sarili mo. Alam kong pagod na pagod ka na sa kakalaban sa mga pagsubok kaya oras na para damhin mo ang iyong kalooban. Gumawa ka ng mga nakakasayang bagay. Spend time alone. That is the time for self-motivation, self-analysis and to awaken your power within you.
NUMBER 3
IKAW ANG NAGBUBUHAT
NG MGA PROBLEMA NG IBA
Ang problema ng iba ay hindi mo problema. Pwede kang tumulong, pwede mo silang gabayan, pwede mo silang turuan pero 'wag na 'wag mong ilagay sa balikat mo ang problema ng ibang tao. May problema ka rin naman, 'di ba? Sa buhay mo pa lang, ang dami mo ng problema. 'Wag mo ng idagdag ang problema ng iba. Sabi ko nga, lahat ng sobra ay masama. Kung sobrang bigat na ng buhay mo, made-depress ka. Malulunod ka. Sobrang bait mo naman kung gan'on ka, 'di ba? Sobrang kahanga-hanga. But the reality is, it doesn't work like what you think. Kailangan mong pagsabihan ang sarili mo ng paulit-ulit, ibaon mo sa isipan mo, na matulungin ka mang tao, dapat hindi lahat sosolusyonan mo para naman matuto ang tao na solusyonan ang sarili niyang problema. Kapag kasi tulong ka ng tulong, parang tinulungan mo ang isang tao na maging tamad. Nakuha mo ba ang punto? Kapag binusog mo ang tao, hindi na 'yan kikilos ng kusang loob. Hindi siya makakalakad sa sarili niyang paa. There's also a possibility that by trying to help them, you might make something worse. Hindi mo gusto 'yan, 'di ba? Uulitin ko lang, walang masama kung ika'y tutulong. Ang masama lang kung sobra-sobra na. Focus on solving your problems first. Kapag kasi nakapokus kang solusyonan ang problema ng ibang tao, makakalimutan mo ang mga problema sa buhay mo na dapat mong solusyonan.
NUMBER 4
HINDI KA NA MASAYA
Kapag naramdaman mo na hindi ka na masaya sa buhay mo o sa mga pinagagawa mo, isa na 'yan sa mga signs na ibinubuhos mo lahat ng sarili mo. Hindi ka na nagtira. Alam mo ba kung bakit nakakalungkot kapag sobra kang mapagbigay? Kasi hindi mo na naiintindihan ang salitang PAGTANGGAP. GIVE and TAKE. Kapag hindi ka nagbigay, malulungkot ka. Kapag hindi ka nakatanggap, malulungkot ka rin. Dapat balanse ang dalawang 'yan. The Universe operates through dynamic exchange. Marahil ay maitatanong mo,
“Pero ang sabi ng Biliya, it's better to give than to receive. Saan na ang balanse d'on?”
Ang sagot ay COMMON SENSE. Ang turong ito ay hindi naglalagay sa 'tin ng bigat sa ating dibdib. Magbigay ka doon sa mga tunay na nangangailangan. Hindi y'ong nagbibigay ka lang para magpa-impress sa mga tao. Ini-encourage tayo ng turong ito na magbigay sa kapwa tao pero dapat nakapokus tayo sa Diyos. Ang Diyos na ang bahala sa gantimpala natin. Kapag tumanggap ka rin, dapat masaya kang tumanggap. Hindi y'ong pinipeke mo lang. Hindi mo man nagustuhan ang ibinigay sa 'yo, alalahanin mo, nag-effort ang taong 'yon. Hindi mo mababayaran ng salapi ang pagod na ibinuhos ng tao para mabigyan ka lang. Matutuwa ang Diyos kapag masaya kang tumanggap. Tandaan mo, nakikita ng Diyos ang laman ng puso natin. Alam Niya kung masaya tayo o malungkot. Ang punto ko lang, dapat marunong ka ring tumanggap, 'wag sobrang bigay, para gumaan din ang damdamin mo.
NUMBER 5
NABIBIGATAN KA NA
Pero para sa 'kin, hindi ko ito iniisip na negatibo. Kasi kapag nabibigatan ka na, dito mags-spark ang utak mo. Dito mamulat ang iyong mga mata. Dito mo malalaman na mali na pala ang pamamalakad mo sa 'yong buhay. Minsan kailangan nating dumaan sa negatibong sitwasyon para matuto tayong maging positibo sa buhay. Hindi natin alam ang kahulugan ng KAGALAKAN kung walang LUMBAY. Walang KAGINHAWAHAAN kung walang PAGDURUSA. Nararanasan ko na ang mga negatibong sitwasyon sa buhay. At siguradong makakaranas pa ako ng mas matindi pa. Lahat ng nakakamit ko ngayon, may halo itong paghihirap. Parang sa bangko, 'di ba? Hindi ka naman makakakuha ng pera kung wala kang dineposit. Hindi ka rin makakautang kung wala kang trabaho. Dapat may kabayaran. Because I believe, to taste the highest happiness, one must go through the heaviest sufferings. Uulitin ko lang ang sinabi ko kanina, MAGTIRA KA RIN PARA SA SARILI MO. 'Wag mong ibigay ang lahat. May kapalit 'yon na BIGAT sa dibdib. Pakiusap lang, maawa ka sa sarili mo. Maawa ka sa kalusugan mo, mental at pisikal. Hindi lang kalusugan mo ang maaapektuhan. Maaapektuhan na rin ang mga mahal mo dahil hindi mo na sila matutulungan dahil sa kakauna mo sa ibang tao.
Madali lang namang tandaan, 'di ba? LAHAT NG SOBRA AY MASAMA. 'Wag kang OO ng OO. Maglaan ka ng oras para sa sarili mo. Solusyonan mo muna ang problema mo bago ka tumulong sa iba. Gumawa ka ng mga nakakasayang bagay. Magtira ka rin para sa sarili mo. Kung gagawin mo lang 'to, siguradong makakawala ka sa mga problemang nabanggit ko.

Comments
Post a Comment