ENVY, The Trait That POISON Your Mind By Brain Power 2177


Photo by ArtHouse Studio from Pexels


Nagkaroon nito si Napoleon Bonaparte. Nagkaroon nito si Julio Cesar. Nagkaroon nito si Alejandrong Dakila. Sa kabila ng kanilang kapangyarihan at katanyagan, ang mga lalaking ito ay nagkimkim sa kanilang puso ng isang masamang ugali na makalalason sa isip. Lahat sila ay nakadama ng inggit.

Kahit sino ay puwedeng tubuan ng inggit, gaano man siya kayaman, ano man ang mabubuting katangian niya, at gaano man siya katagumpay sa buhay.

Ang inggit ay ang paghihinanakit sa iba dahil sa kanilang mga ari-arian, kasaganaan, mga bentaha, at iba pa. Upang ipakita ang pagkakaiba ng inggit at paninibugho, isang reperensiya tungkol sa Bibliya ang nagsabi: “Ang ‘paninibugho’ . . . ay tumutukoy sa hangaring pantayan ang pag-asenso ng iba, at ang salitang ‘inggit’ naman ay tumutukoy sa hangaring agawin kung ano ang taglay ng iba.” Ang taong naiinggit ay hindi lang naiinis sa taglay ng iba kundi gusto rin niya itong kunin mula sa kanila.

Makabubuting suriin natin kung paano tayo maaaring tubuan ng inggit at kung ano ang mga ibubunga nito. Higit sa lahat, kailangan nating malaman kung ano ang dapat nating gawin para hindi makontrol ng inggit ang ating buhay.

Lahat ng di-sakdal na tao ay may “hilig na mainggit,” pero may mga salik na maaaring magpalala sa tendensiyang ito. Basahin natin ang Santiago 4:5

“O iniisip ba ninyo na walang dahilan 
kung bakit sinabi sa kasulatan:
May tendensiya tayong patuloy na mainggit
at magnasa ng iba’t ibang bagay”?

Binanggit ni apostol Pablo ang isa sa mga ito nang isulat niya ang Galacia 5:26

“Huwag tayong maging mapagmataas,
huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa,
at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.”

Ang pakikipagpaligsahan ay maaaring magpalala ng ating tendensiya na mainggit. May mga taong madalas nilang napapansin na naiinggit na sila sa iba. Ikinukumpara nila palagi ang kanilang sarili sa ibang tao. May inggit ka bang nakatago sa puso mo? Hindi mo ba alam, dahil sa 'yong inggit, na pinatindi ng pakikipagpaligsahan, hindi mo na napahalagahan ang mga ginagawa mo at hindi ka na masaya sa buhay mo. Palagi ka na lang kasing nakapokus sa nakamit ng iba.

Kumusta naman sa trabaho mo? Naiinggit ka ba sa katrabaho mo? Noong hinirang ang katrabaho mo sa halip na ikaw, naiinggit ka ba sa kanya? Nagtanim ka ba ng sama ng loob sa 'yong amo? 'Wag magkimkim ng galit sa mga taong nasa itaas. 'Wag mong pagsuspetsahan ang motibo nila. Ito lang ang gusto kong sabihin sa 'yo. Kapag nakontrol ka ng inggit, magiging makasarili ka at hindi ka na makakapag-isip nang tama.

Maraming babalang halimbawa sa Bibliya. Ipinakikita ng mga ito kung paano nagsisimula ang inggit at kung paano ito nagiging lason sa mga nagpapadaig dito.

Halimbawa, nagalit ang panganay nina Adan at Eva na si Cain nang tanggapin ng Diyos ang hain ni Abel at tanggihan ang sa kaniya. Puwede sanang ayusin ni Cain ang problema, pero nagpadaig siya sa inggit kung kaya pinatay niya ang kaniyang kapatid. Kaya naman sinasabi ng Bibliya na si Cain ay “nagmula sa isa na balakyot” Alam mo ba kung ano ang ISA na BALAKYOT? Walang iba kundi si Satanas.

May isa pang halimbawa, nainggit ang sampung kapatid ni Jose dahil malapĂ­t siya sa kanilang ama. Lalo pa silang nagalit kay Jose nang ikuwento niya sa kanila ang kaniyang makahulang mga panaginip. Gusto pa nga nila siyang patayin. Pero sa halip, ipinagbili nila siya bilang alipin at pinapaniwala ang kanilang ama na patay na si Jose. Pagkalipas ng maraming taon, inamin nila ang kanilang pagkakamali, mababasa natin sa Genesis 42:21

“At sinabi nila sa isa’t isa:
“Tiyak na pinaparusahan tayo dahil sa ating kapatid,
dahil nakita natin ang paghihirap niya nang magmakaawa siya sa atin,
pero hindi tayo nakinig.
Iyan ang dahilan kung bakit nagdurusa tayo ngayon.”

Tumubo naman ang inggit sa puso nina Kora, Datan, at Abiram nang ikumpara nila ang kanilang pribilehiyo sa mga pribilehiyo nina Moises at Aaron. Sinabi nilang si Moises ay ‘nag-aastang prinsipe’ at nagmamataas sa kongregasyon. Pero kasinungalingan lang 'yon. Kasi ang totoo, ang Diyos mismo ang humirang kay Moises. Pero kinainggitan ng mga rebeldeng ito ang posisyon ni Moises. Kaya naman nilipol sila ng Diyos.​ Basahin natin ang Awit 106:16, 17

“Nainggit sila kay Moises sa kampo,
Pati kay Aaron, na banal na lingkod sa Diyos.”

“At bumuka ang lupa
at nilulon si Datan
At tinabunan ang mga sumama kay Abiram.”

Isa pang halimbawa, nakita ni Haring Solomon kung hanggang saan maaaring humantong ang inggit. Tinangka ng isang babaing namatayan ng bagong-silang na sanggol na papaniwalain ang babaing kasama niya sa bahay na ang sanggol nito ang namatay. Nang humarap sila sa paglilitis, sumang-ayon pa nga ang sinungaling na babae na patayin ang sanggol. Pero ibinalik ni Solomon ang bata sa tunay na ina nito.​

Kapaha-pahamak ang maaaring maging resulta ng inggit. Ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa sa Bibliya na maaari itong humantong sa pagkapoot, kawalang-katarungan, at pagpatay. Bukod diyan, sa mga kasong ito, ang taong kinainggitan ay wala namang ginawang masama para tumanggap ng gayong pagtrato. Ano ang magagawa natin para huwag tayong kontrolin ng inggit? Ano ang puwede nating ipanlaban dito?


NUMBER 1
LINANGIN ANG PAG-IBIG
AT PAGMAMAHAL SA KAPATID
Photo by cottonbro from Pexels

Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano, mababasa natin sa 1 Pedro 1:22

“Ngayong dinalisay na ninyo ang sarili ninyo
sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan
na ang resulta ay di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid,
masidhi ninyong ibigin ang isa’t isa mula sa puso.”

At ano ang pag-ibig? Ganito ang isinulat ni apostol Pablo, basahin natin ang 1 Corinto 13:4, 5

“Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.
Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.
Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki”

“Hindi gumagawi nang hindi disente,
hindi inuuna ang sariling kapakanan,
at hindi nagagalit.
Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.”

Ang paglilinang ng gayong pag-ibig sa iba ay makasusugpo sa ating hilig na mainggit. Basahin natin ang 1 Pedro 2:1

“Kaya alisin ninyo sa inyo ang lahat ng kasamaan
at panlilinlang at pagkukunwari
at inggit at lahat ng paninira nang talikuran.”

Magandang halimbawa dito si Jonatan. Sa halip na mainggit kay David, “inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” Mababasa natin 'yan sa 1 Samuel 18:1.


NUMBER 2
MAKISAMA SA MGA TAONG MAKADIYOS
Photo by KoolShooters from Pexels

Ang kumatha ng Awit 73 ay nainggit sa mga balakyot na namumuhay nang maalwan at walang problema. Pero napagtagumpayan niya ang inggit nang pumunta siya sa maringal na santuwaryo ng Diyos. Ang pakikisama sa mga kapananampalataya ay nakatulong sa salmista na makita ang mga pagpapalang tinanggap niya dahil sa paglapit sa Diyos. Basahin natin ang Awit 73:28

“Pero sa akin, nakakabuti ang paglapit sa Diyos.
Ginawa kong kanlungan ang Kataas-taasang Panginoong Diyos,
Para ipahayag ang lahat ng iyong gawa.”

Mararanasan din natin iyan kung regular tayong makikisama sa mga kapananampalataya sa mga Kristiyanong pagpupulong.


NUMBER 3
GUMAWA NG MABUTI
Photo by Anastasiya Gepp from Pexels

Nang makita ng Diyos na nagkikimkim si Cain ng inggit at poot, sinabi sa kaniya ng Diyos, sa Genesis 4:7

“Kung gagawa ka ng mabuti,
hindi ba sasang-ayunan kita?
Pero kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan
ay nakaabang sa may pinto
at gusto ka nitong biktimahin;
pero hahayaan mo bang matalo ka nito?”

Paano gagawa ng mabuti ang mga Kristiyano? Sinabi ni Jesus na ‘dapat nating ibigin ang ating Diyos nang ating buong puso at nang ating buong kaluluwa at nang ating buong pag-iisip at ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. Ang kasiyahang nadarama natin sa pagpopokus ng ating buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa pagtulong sa iba ay mabisang panlaban sa inggit. Ang makabuluhang pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ay mainam na paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapuwa at nagdudulot sa atin ng pagpapala ng Panginoon. Basahin natin ang Kawikaan 10:22

“Ang pagpapala ng Panginoon ang nagpapayaman,
At hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”


NUMBER 4
MAKIPAGSAYA
SA MGA TAONG NAGSASAYA
Photo by THIS IS ZUN from Pexels

Nakipagsaya si Jesus sa tagumpay ng kaniyang mga alagad, at sinabi niyang mas marami silang maisasakatuparan sa gawaing pangangaral kaysa sa kaniya. Nagkakaisa tayong mga lingkod ng Diyos; kaya naman ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat. Napakaganda ng sinabi ng 1 Corinto 12:25, 26, basahin natin,

“para hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi ang katawan,
kundi magmalasakit sa isa’t isa ang mga bahagi nito.”

“Kung nagdurusa ang isang bahagi,
nagdurusang kasama nito ang lahat ng iba pang bahagi;
o kung pinuri ang isang bahagi,
nakikisaya rito ang lahat ng iba pang bahagi.”

Hindi ba dapat tayong makipagsaya sa halip na mainggit kapag ang iba ay nakatatanggap ng mas mabibigat na responsibilidad?

Maaaring tumagal ang pakikipagpunyagi sa inggit. Alam kong napakadaling mainggit. Lalong lalo na sa panahon ngayon na may social media na. Kahit na ayaw na ayaw natin ang ganitong damdamin, hindi natin ito madaling mapaalis, at kailangan natin itong kontrolin palagi. Pero 'wag tayong magpapatalo sa negatibong emosyon na ito. Alam kong tutulungan tayo ng Diyos na mapahalagahan ang magagandang bagay na nangyari sa atin. 'Wag nating kalimutang manalangin. Humingi sa Diyos ng tulong. Napakalaking tulong ang mabuting kaugnayan sa Diyos.

Ang inggit ay isa sa “mga gawa ng laman” na kailangang paglabanan ng bawat Kristiyano. Alam mo ba kung ano ang mga GAWA NG LAMAN? Basahin natin ang Galacia 5:19-21

“Madaling makita ang mga gawa ng laman.
Ang mga ito ay seksuwal na imoralidad,
karumihan,
paggawi nang may kapangahasan”

“Idolatriya,
espiritismo,
alitan,
pag-aaway,
selos,
pagsiklab ng galit,
pagtatalo,
pagkakabaha-bahagi,
sekta”

“Inggit,
paglalasingan,
walang-patumanggang pagsasaya,
at mga bagay na tulad ng mga ito.
Gaya ng nasabi ko na sa inyo noon,
binababalaan ko ulit kayo
na ang nagsasagawa ng gayong mga bagay
ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”

Kaya magiging mas maligaya tayo at mapalulugdan natin ang ating makalangit na Ama, kung hindi tayo magpapakontrol sa inggit.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Benefits Of Loving Yourself by Brain Power 2177