Paano Mamuhay ng Maayos sa Gitna ng Negatibong Sitwasyon By Brain Power 2177






Ang peaceful na buhay, buhay na puno ng galak, maayos na relasyon, maayos na trabaho, deserving tayong lahat sa buhay na 'yan. Ang isang makatwirang buhay ay maaaring makamit ng sinuman. Kung gusto mong mamuhay ng maayos, dapat ka ring gumawa ng maayos na bagay. Gawin mo yung mga bagay na hindi ginagawa ng karamihan. Halos lahat ng tao ay gumawa ng walang kwentang bagay. 'Wag mo silang tularan.

Kailan ka ba mag decide na magbago? Kapag huli na ang lahat? Balang araw ay mawawala ka rin. Totoo ang sinabi ko. Hindi ka mananatili sa mundong 'to. Hindi natin alam kung aabot ka pa ba ng 50. Siguro sa susunod na linggo ay wala ka na. Malay natin bukas na pala ang huling araw mo. Hindi ko 'to sinabi para matakot ka. Sinabi ko 'to para makapag-isip-isip ka na. Hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako dito sa mundo. Kaya araw-araw ginagawa ko ang tungkulin ko. Walang nakakaalam kung kailan ang huling gising natin. Sa halip na matakot tayo, dapat nating yakapin ang katotohanan na ang buhay natin ay napakaiksi lang at hindi natin mahuhulaan kung anong mangyayari sa atin. Basahin natin ang Santiago 4:14

“Samantalang hindi ninyo alam ang magiging buhay ninyo bukas.
Dahil kayo ay isang singaw na lumilitaw nang sandali
at pagkatapos ay naglalaho.”

Kaya dapat tayong mamuhay ng maayos NGAYON. Dapat nating ibigay lahat NGAYON. Ibuhos na natin ang ating 100% na lakas NGAYON. Ibigay mo ang BEST mo ngayon sa lahat ng ginagawa mo. Ibuhos mo ang buong pagmamahal mo sa 'yong pamilya. Sa lahat ng tao. Hindi pwedeng ngayon ay 20% lang tapos bukas kalahating porsiyento lang. Dapat buo araw-araw. Mag-iwan ka ng BEST MARK sa bawat araw. Alam mo ba kung bakit kailangan natin 'tong gawin? Kasi hindi nga natin alam ang ating katapusan.

Paano kung hindi mo na makakausap ang pamilya mo bukas?

Paano kung wala ka na bukas?

Ano ba ang masasabi nila sa 'yo kung wala ka na?

Ano ang maaari mong gawin ngayon na mag-iiwan ng isang pangmatagalang positibong alaala sa mga taong nakapaligid sa 'yo?

'Wag mong ipasok sa isip mo na matagal pa 'yan o hindi pa 'yan mangyayari. Ang kamatayan lang ang tanging kaaway natin na hindi natin matatakasan at hindi natin mahuhulaan. Kaya't 'wag kang kampante. Lahat ng mga bagay dito sa mundo ay balewala rin sa huli. Ang tanging bagay na mahalaga ay kung paano mo tinatrato ang ibang tao at kung paano mo tinatrato ang sarili mo. Ang lahat ng mga bagay na hinahabol mo ngayon ay hindi mo madadala sa hukay. Mahalaga ang kabutihan na 'yong ginagawa habang buhay ka pa. 

Kung ipasok lang natin sa ating isipan na tayo ay lilisan din sa huli, ito'y best reminder natin sa ating sarili dahil pinapanatili natin ang ating buhay na magpokus lang sa mga mahahalagang bagay. At sa mga TUNAY na bagay. 


Photo by Maurício Mascaro from Pexels


Lahat ay magagawa mo. Lahat ay makakamit mo. Kung may isang tao noon na nagtatagumpay sa buhay, ano ba ang pinagkaiba niyo? Sa tingin mo ba'y hindi mo kaya? Kung sa tingin mo pa lang na hindi mo kaya, HINDI MO TALAGA KAKAYANIN. Kung sa tingin mo'y KAYA mo, hindi ito nangangahulugan na madali lang itong gawin. Ngunit ito'y hindi IMPOSIBLE. Kung hindi imposible so siyempre POSIBLE itong gawin. Hangga't POSIBLE, kaya mo itong trabahuhin. Gumawa ka ng plano. Alamin mo kung ano ang kailangang gawin upang lumago ang buhay mo. Kapag kasi negatibo na lang palagi ang iniisip mo, palaging IMPOSIBLE na lang din ang lahat sa 'yo. Pero hindi mo ba napansin na ang IMPOSSIBLE kung hahatiin natin sa dalawang salita ay magiging I'M POSSIBLE. The word itself means a LOT. Hindi magiging POSIBLE ang pangarap mo kung wala kang gagawin.

Kahit naman nakakamit mo na ang pangarap mo, may mga araw din na kukupas ang kaligayahan mo. Natural na sa ating mga tao ang ganitong pakiramdam. Lahat ng bagay ay wala ring halaga kung hindi ka na masaya. Ibig sabihin na hindi lang bagay ang kailangan natin sa mundo. Kailangan natin ang Diyos. Kung hindi mo kailangan ang Diyos sa 'yong paglalakbay, wala kang mararating. Basahin natin ang Awit 37:4

“Magkaroon ka ng masidhing kasiyahan sa Diyos, At ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng puso mo.”

God is the SOURCE of everything. Unahin natin Siya bago ang lahat ng bagay. Kapag ang bagay ay nakakapagpagaan ng buhay natin, sungkitin natin ang bagay na 'yon. May mga bagay na hindi nakakapagpasaya sa 'tin, pag-aaksayahan pa ba natin 'yon ng oras? Kung hindi ka masaya sa ginagawa mo, kung hindi ka masaya sa resulta ng ginagawa mo, wala itong kwenta. Kung gusto mo ng tunay na premyo, kailangan mo ring makipaglaban. Kailangan mong magdusa, kailangan mong magsakripisyo upang makuha mo ang bagay na talagang maagpapasaya sa 'yo. Ngunit tanungin mo muna ang sarili mo bago ka gumawa ng hakbang.

“Masaya ba ako sa ginagawa ko?”

Kung hindi ka masaya, tanungin mo ulit ang sarili mo:

“Ang pagsasakripisyo ko bang ito ay magdudulot ng kaligayahan?”

Kung wala itong maidudulot sa 'yo, talagang wala itong kwenta. 


Photo by Mustafa ezz from Pexels


Dapat kang maging tapat sa sarili mo. Palagi kang magpakatotoo. Akala ko noon malupit na trahedya na ang bagyo. Pero ang pinakamalaking trahedyang nakikita ko ay may maraming tao na nagtatago sa likod ng kanilang maskara. Namumuhay sila sa buhay na hindi nila gusto. Umasta silang AYOS na AYOS sa harapan ng ibang tao. Ngunit sa likod ng AYOS na 'yon ay may itinatagong KALUNGKUTAN. Lahat ay nahihirapamg sumaya dahil sa kakasunod ng idinidikta ng lipunan. Ang tanging paraan para sumaya ka ay manalig ka sa Panginoon. Tanggapin mo Siya sa buhay mo. 'Yan ang pinakauna mong gawin. Uulitin ko, ang tanging paraan na sumaya ka ay manalig ka sa Panginoon. Magpasalamat ka sa Kaniya. Ang tanging paraan para magtagumpay ka ay magpakatotoo ka. Hindi ka lalapitan ng TUNAY na bagay kung PEKE ka. LIKE ATTRACTS LIKE. Wala pa akong naririnig na LIKE ATTRACTS DISLIKE. REAL ATTRACTS FAKE. Walang gan'on. REAL ALWAYS ATTRACTS REAL. Just be YOURSELF. Alam mo kung anong nakakalungkot sa panahon ngayon? Maraming nagmamahal sa pekeng tao. Kaunti lang ang naka-appreciate sa tunay. Pero 'wag kang magpokus diyan. Hindi ka magiging TUNAY na masaya kung patuloy kang gumawa ng mga bagay upang ma-please ang iba. Hindi ka magiging TUNAY na masaya kung nakikipag kompetensya ka sa kanila. Hindi ka magiging TUNAY na masaya kung gusto mo silang tularan. Hindi ka kailanman magiging tulad nila. Kasi ikay NATATANGI. 'Yan ang regalo ng Diyos sa 'yo. Walang ibang IKAW sa mundong 'to. NAG-IISA KA LANG. Kapag sinunod mo ang sarili mong landas, hindi alintana kung magugustuhan ba nila o hindi, mas maraming papasok na positibo sa buhay mo. Kaya't 'wag mong ihambing ang sarili mo sa iba dahil bawat isa sa atin ay may iba't-ibang daang tinatahak. 'Wag kang makipagkompetensiya sa ibang tao dahil hindi tayo nilalang ng Diyos na maging ganito. Basahin natin ang Galacia 6:4, 5

“Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.
Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya,
at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.

Dahil ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.”

Ibig sabihin na gumawa ka ng iyong sariling desisyon at ito'y hahantong sa 'yong pinakamaayos na buhay. 
 
Ano pa ba ang kailangan mo? Hindi mo ba alam na lahat ng kinakailangan mo ay nasa sa 'yo na? Napapansin mo ba ang mga tao ngayon? Yung mga taong parang nasa sa kanila na ang lahat ng materyal na bagay, ngunit hindi natin alam na ang mga taong 'yon ay may pinapasang bigat sa kanilang puso. Parang may kulang pa rin sa kanila. Pakiramdam nila na wala pa ring kabuluhan ang kanilang buhay. Bakit? Anong nangyari? Ang mga bagay ay hindi KUKOMPLETO SA 'YO. Ang mga tao ay hindi KUKOMPLETO SA 'YO. Kung iniisip mo na may tao o ang mga bagay ay makakapagbuo ng iyong durog na pagkatao, maling mali ka. IKAW lang ang makakabuo sa SARILI MO.

Sarili mo lang ang kakailanganin mo dahil ang lahat ay nagmula sa sarili mo. Mas hinahanap mo pa ang ibang bagay kaysa sa sarili mo. Hindi mo na kilala ang sarili mo dahil sa kakahabol mo ng mga bagay, dahil sa kakahabol mo ng mga tao. Let go of those things. Let go of those people. Sa oras na bumitaw ka na sa panlabas na bagay, hindi ka na maaapektuhan kung mawawala ito o hindi man ito dumating. Ang tunay na kaligayahan ay hindi mo matatagpuan sa labas. Matatagpuan mo ito sa sarili mo. Lahat ay nanggagaling sa ating isipan. Huwag mong kalimutan 'to: Ang kaligayahan ay ang pinakamataas na antas ng tagumpay. Gawin mo kung ano ang mabuti at ang ibang bagay ay kusang susunod sa 'yo.


'Wag mong bigyan ng space ang mga toxic na tao. Kung hahayaan mo silang makapasok sa buhay mo, sila ang hihigop ng lakas mo. Sila ang wawasak sa buhay mo. Alam kong hindi mo 'yan gusto. Sa kasamaang palad, hindi lang ibang tao ang toxic. Minsa'y nagiging toxic rin ang pamilya natin. Hindi lahat sila ay kapareho ng enerhiya natin. Kontrolin mo lang ang sarili mo. 'Wag mong ibuhos ang positive energy mo sa pagre-react. Lakarin mo lang ang sarili mong landas. Walang makakapigil sa 'yo kung talagang susundan mo ang iyong kagustuhan. Ikaw lang ang nakakaalam ng mga gusto mo. 'Wag mong patayin ang sarili mong liwanag. Dapat ika'y magiging liwanag sa kadiliman ng kanilang paligid. Sa oras na makikita nila ang liwanag mo, makikisilong sila sa 'yo. Napakagandang pangyayari kung sila ang maaakit mo sa positibo mong mundo, 'di ba?

Magpokus ka lang sa mga bagay na gusto mong makamit. Kung nakapokus ka lang sa negatibong bagay, negatibo rin ang matatagpuan mo. Kung nakapokus ka lang sa 'yong malupit na emosyon, mas lalo itong lulupit. Magpokus ka lang sa kabutihan, sa katuwaan, sa kagalakan, at siguradong ito'y matatagpuan mo. Anumang kahulugan ang ibinibigay mo sa 'yong buhay, ito'y magiging iyong buhay. Depende ito kung paano mo binigyang kahulugan ang kabiguan. Ito ba'y tinatanaw mo bilang isang pagkatalunan? O ito'y isang aral mo sa buhay? Tayo lang kasi ang pumipili ng ating reaksyon. Magpapadurog ba tayo? O tayo'y magpakatatag? Tayo ang bumubuo ng ating realidad. Palaging hanapin ang kabutihan. Palakpakan mo ang kabutihan ng iba. Pasalamatan mo ang kabutihan ng iba. Pasalamatan mo ang iyong kabutihan. Tingnan mo ang hamon bilang pagkakataon na mailabas mo ang tunay mong lakas. Alam mo ba ang Law of Attraction? Kung saan ka nakapokus, 'yan ang mararanasan mo. Kaya't magpokus ka lang sa kagandahan ng iyong buhay at sa kagandahan ng ating paligid.

Sanayin mong magpokus sa positibo, at asahan mong may mangyayaring maganda sa buhay mo. IWANAN mo na ang LUMANG PAGKATAO MO. MAHALIN mo ang BAGO mong PAGKATAO. At ASAHAN mo ang bagong pangyayari na DARATING sa BUHAY mo.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177