7 TIPS Para Matahimik Ang Iyong Isipan By Brain Power 2177


Photo by Andrea Piacquadio from Pexels


Kung may naiisip ka mang negatibo, 'wag mo piliting pigilan at lalong 'wag mo silang pagsilbihan. Hayaan mo silang pumasok at hayaan mo rin sila lumabas. Ang punto ko, dapat magaan lang ang pakikitungo mo sa sarili mo. Kasi ang mga negatibong pag-iisip ay normal na sa buhay natin. Hindi natin 'yan matatanggal 100%. Ang daming mga bagay na nakakainis sa buhay. Pero alam mo ba kung ano ang MAS NAKAKAINIS? Ang INGAY sa loob ng ulo mo. Isang napakabusy na utak na hindi tumitigil sa pag-iisip ng kung anu-ano at hindi ka bibigyan ng kapayapaan. Nakakapagod ang ganitong isipan.

May mga araw na akala mo perpektong araw na 'yon. Masaya ka na sa mga ginagawa mo. Naramdaman mo na ang peaceful na paligid. Pero bigla na lang susulpot sa ulo ang negatibong pag-iisip. Iniisip mo ang tungkol sa kinabukasan mo. Naiisip mo kung bukas ay masaya ka pa rin ba. Kung anu-ano na lang ang naiisip mo. Bigla mo na lang nakakalimutan ang kagalakan sa araw na ito. Dahil sinasakop ka ng ingay sa ulo mo.

Kapag sinasakop ka ng walang kabuluhang ingay na pag-iisip at wala kang ideya kung paano ito ihinto, nakakapagod talaga. Alam ko 'yan dahil nagdurusa rin ako noon ng negatibong kaisipan. Sobrang bigat ng aking pakiramdam. Pero nang dahil sa karanasan ko, ito ang nagtutulak sa akin na lumabas nang mag-isa at manatili sa nature. Sa nature ko inilabas ang aking negatibong pag-iisip. Fortunately, mabilis kong natuklasan kung paano ko mapapatahimik ang maingay kong isipan at hindi pala ganoong kahirap tulad ng inaakala ko. Paano ko ba 'yon ginawa? Hinayaan ko silang pumasok. Pero hindi ko sila pinagsilbihan. Hanggang sila'y lumabas ng kusa. Para sa akin kasi, mahirap kung pilitin nating alisin ang negatibong pag-iisip. Mas madali kasi kapag ito'y tanggapin natin.

Hindi naman ibig sabihin na perpekto na ang aking buhay ngayon. May mga araw pa ring nakakabaliw, nakakalito, nakakawalang gana dahil sa tindi ng negatibong papasok sa isipan ko. Pero hindi na ito katulad ng dati dahil ngayon ay nakokontrol ko na ang aking isipan. Kaya't gusto kong magbahagi ng ilang mga katotohanan na sana ay makakatulong sa 'yo na makamit ang peaceful at kalmadong isipan. Narito ang 7 TIPS na maaari mong simulang i-apply sa buhay mo.


NUMBER 1
TANGGAPIN MO ANG INGAY
SA LOOB NG ULO MO

Photo by Andrea Piacquadio from Pexels

Alam naman natin na palagi tayong nag-iisip ng iba't-ibang bagay araw-araw. Kaya't hindi na nakakagulat na napakaingay nito. Kahit yung mga tao na sa tingin mo ay mahinahon ay may maraming pinag-iisip pala. Madali kasi tayong humusga na porket walang imik ang isang tao ay wala na rin siyang iniisip. Lahat tayo ay may itinatagong pinag-iisip. Kaya't huwag kang magulat kung bakit abala ang isipan mo. Napakaingay na nito at 'wag mo ng dagdagan pa. 'Wag kang mag-isip na may mali sa 'yo. Walang mali sa 'yo. Ito ay NATURAL lamang. Kung palagi ka lang umaasa na mawala ang pinag-iisip mo, para ka lang ding humihiling na sana'y lahat ng damo ay puputi. Hindi 'yon mangyayari. Hayaan mo lang sila na labas-pasok. Aalis sila ng kusa kung hindi mo sila pagsisilbihan.


NUMBER 2
'WAG KANG DUMIKIT SA NEGATIBO
MONG PAG-IISIP

Photo by Fernando Cabral from Pexels

Kung pipiliin ko ang isang bagay na natutunan ko sa buhay, pipiliin ko ang isang bagay na may pinakamalaking positibong epekto sa aking buhay, ito ay, ang pagdikit sa iniisip ay opsyonal. Nasa sa 'yo na kung didikit ka ba o stay cool ka lang. Bakit ito ang pinili ko? Dahil hindi mismong pag-iisip natin ang kalaban natin, ngunit ang ating pag respond sa mga ito. Minsan kasi ang iniisip natin ay hindi totoo pero naniniwala tayo kaagad. Ginugugol natin ang ating oras sa pagsilbi sa mga negatibong ito. Pinapatira natin ito sa loob natin. Hinahayaan natin na makontrol tayo nito. Binibigyan natin ito ng atensyon. Ang sarili mo ang kinakailangan mo pero binalewala mo lang ito. Mas inaasikaso mo pa ang mga negatibo mong iniisip.

Gusto mo bang malaman kung paano sila patahimikin? Tatahimik lang sila kung hindi mo sila patitirahin sa ulo mo. Mas magiging mapayapa ang buhay mo. Umupo ka lang at hayaan mo ang iyong pag-iisip kung ano ang gagawin nila. 'Wag kang makilahok sa kanila. Kusa rin 'yang mawawala.


NUMBER 3
I-DISTANSYA MO ANG IYONG SARILI


Upang maalis ang iyong sarili sa 'yong mga iniisip, kailangan mong dumistansya, kailangan mo ng space para makahinga ka, kailangan mo ng kahit kaunting pagitan sa 'yong sarili at ng isipan mo. Hindi literal ang ibig kong sabihin. Ang punto ko, kailangan mong pumunta sa tahimik na lugar upang doon ka makakapagrelax. Karamihan kasi sa mga iniisip natin ay naka autopilot. Kusa na lang silang darating kahit hindi naman inaano. Ninanakaw nito ang iyong kapayapaan. Palagi itong maglalaro sa ulo mo. Bakit? Dahil nagiging HABIT mo na ito. Ang susi para madurog mo ito ay gisingin mo ang sarili mo upang malaman mo na nandiyan na ang negative thoughts. Paano ba natin gisingin ang sarili natin? Paano natin makokontrol ang negative thoughts sa halip na tayo ang kontrolin nila? Ang unang hakbang ay mag MEDITATE ka. Pumunta ka sa tahimik na lugar at doon ka mag meditate. Kapag ginawa mo 'to, mas madali mong makita kung ano ang pinagagawa ng mga ito sa ulo mo. Mas madali mo na rin itong mapaalis. 'Wag kang sumabay sa trip ng mga ito. Ang isipan kasi natin ay may negatibong sinasabi na hindi natin gusto. Halimbawa mahilig itong magsabi na WALA KANG KWENTANG TAO, 'wag mong paniwalaan ang naririnig mong 'yan. Kasi hindi naman 'yan totoo. Kung maniniwala ka sa salitang 'yan, TALO ka na. 


NUMBER 4
BIGYAN MO ANG ISIP MO NG KALAYAAN

Photo by Kat Jayne from Pexels

Ito lang ang gusto kong sabihin sa 'yo, alam kong marami na ang nag-iisip ng negatibo ngayon. Ang dahilan kung bakit mas lalong lumakas ang negatibong pag-iisip mo ay dahil itinatali mo ito. Hindi mo sila binigyan ng kalayaan. Katulad ng isang Toro, kung ayaw mong magalit ang Toro sa 'yo, 'wag mo siyang itali. 'Wag mo itong pigilan sa gusto nitong gawin. Katulad rin ng partner mo, 'wag mo siyang pigilan kung ayaw mong magalit siya sa 'yo. Simpleng konsepto lang 'yan, 'di ba? Pero bakit hindi natin magawa sa sarili natin? Bakit hindi natin mabigyan ng kalayaan ang isipan natin? Lalo lamang itong mabubuo at manganganak at mas mahirap ng kontrolin.

Ang pinakamaayos na paraan upang makaramdam ka ng katahimikan ay bigyan mo ito ng malaking bukas na pintuan upang makalabas na ang mga ito. 'Wag mo silang itali. Kapag binigyan mo sila ng kalayaang mag-ingay sa ulo mo, kusa na rin silang lalabas sa ulo mo. Lalabas sila dahil mauubusan na sila ng pwersa.

Ang mga iniisip natin ay hindi nagiging sanhi ng gulo. Nagdudulot lang ito ng kaguluhan dahil naniniwala tayo sa idinidikta nila. Araw-araw silang lilitaw sa 'yong kamalayan pero kumalma ka lang at manatili ka lang sa kinatatayuan mo at isipin mo lang na hindi ka na naniniwala sa mga ito. Maglakad ka lang paabante at hayaan mo lang sila na pumasok at lumabas. Walang problema.

Magkakaproblema lang kung sinubukan mo silang itali sa pamamagitan ng pag-iisip na may mali ka sa buhay, na hindi ka katanggap-tanggap at may malaki kang problema sa buhay. Kita mo 'yan, IKAW lang ang lumikha ng pagdurusa mo. Uulitin ko, HAYAAN mo silang malayang gumala sa malawak at bukas na larangan ng iyong kamalayan at mabilis silang maubusan ng pwersa. Huwag mo itong pilitin na mawala kasi mas lalo mo lang silang pinapalakas.

Paano kung ginawa mo na 'to pero nandiyan pa rin sila? Siyempre nandiyan pa rin sila dahil natural na ito sa ating buhay. Araw-araw tayong may iniisip. May mga positibong bagay at negatibo. Pero ano ang gagawin natin? Kaibiganin natin ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng kalayaan kaysa sa pilit nating paalisin ang mga ito. Paano kung tungkol sa kalungkutan ang iniisip mo o tungkol sa pagkagalit mo? Ano kaya ang mangyayari kung tatanggapin mo 'to kaysa sa tanggihan mo 'to?


NUMBER 5
'WAG MONG MASYADONG SERYOSOHIN
ANG INIISIP MO

Photo by Andrea Piacquadio from Pexels

Bakit ko 'yan nasabi? Kung sobrang seryoso ng respond mo, palagi kang matatalo sa laban. Sineseryoso mo ang isipan mo pero hindi ka sineseryoso ng isipan mo. Malaking sampal 'yan sa 'yo, 'di ba? Tinatrato ko ang aking pag-iisip ng magaan lang kaya nagbago ang aking pananaw. Kahit ngayon nagbibigay ako ng payo sa 'yo, may mga negatibo rin naman na papasok sa isipan ko. Ang mga negatibong iniisip ko habang nire-record ko ang videong ito:

“Paano kung hindi ka sumang-ayon?”

“Paano kung hindi mo maintindihan 'to?”

Pero isa lang ang pinapayagan ko na papasok sa ulo ko,

“BAHALA NA KUNG WALANG SUMANG-AYON SA PAYO KO”

Gano'n lang kasimple, 'di ba? 'Wag nating ipilit ang sarili natin sa negatibong sitwasyon dahil matatalo lang tayo.

Isa pang halimbawa, nakaramdam ka ng INGGIT, TAKOT at GALIT. Tapos galit na galit ka sa sarili mo kung bakit nagkaganito ka. Minsan nga ang iba ay may suicidal thoughts. Dumating ka sa puntong 'yan dahil naniniwala ka o sineseryoso mo ang negatibong dala ng isipan mo. Naniniwala ka na may mali sa 'yo, na walang nagmamahal sa 'yo. Pero sa totoo lang, hindi naman 'yan totoo. Walang mali sa 'yo. Hindi mo naman ito binubuo, 'di ba? Kusa lang itong nakapasok sa 'yo at pinaniniwalaan mo lang. 'Yan lang ang malaking problema. Ang pagtiwala mo sa mga negatibong pag-iisip mo.

Katulad rin ng partner mo, pinaniwala ka niya na mahal ka niya, kahit hindi naman totoo ay pinaniniwalaan mo. Hanggang sa umabot sa punto na siya pala ang wawasak sa 'yo. Ganyan na ganyan din ang ating mga isipan. Mapaglaro ito. If you watch the mind closely, you will notice that thoughts appear by themselves, apparently out of nowhere. Ito ang dahilan kung bakit palagi akong nag-iisa sa nature. Kasi mas madali kong ma-train ang aking isipan.

Para mas lalo mong maintindihan ang pinagagawa ko, sasabihin ko 'to sa 'yo. Habang nag-iisa ako sa nature, siyempre napapalibotan ako ng maraming puno at nakakalanghap ako ng preskong hangin, do'n ko naramdaman ang daloy ng aking mga pag-iisip, karamihan sa mga ito ay negatibo, negatibong pag-iisip na dumaloy sa aking kamalayan. Pero hinayaan ko lang ito na dumaloy sa loob ko kasi wala akong karapatang itali ito. Iniisip ko na lang na 'wag seryosohin ang mga naririnig ko galing sa mga ito.

Ang ginagawa kasi ng karamihan ay kapag dinadaluyan sila ng negatibong pag-iisip ay pumunta sila sa gitna upang harangin ang mga ito. Upang kontrolin ang natural na daloy. Para silang nagfi-filter ng isip. Tinanggap nila ang isa at tinanggal nila ang isa. But it doesn't work that way. Mas lalong bumabaha ang negatibong pag-iisip dahil hinarangan mo ang daloy. Sa literal na halimbawa, pumunta ka sa gitna ng ilog, harangan mo ang daloy. Anong mangyayari sa 'yo? Mahihirapan ka. Mabibigatan ka. Maaanod ka lang. Paano kung hahayaan mo lang ang daloy ng ilog? Siyempre maririnig mo ang masarap na tunog ng daloy ng tubig. Nakakarelaks, 'di ba?

Ang pinakamainam na gawin mo ay maging tagamasid ka lang. Wala ka ng ibang gagawin kundi hayaan mo lang. The less involved you are in trying to control the flow, the more peace you will experience.


NUMBER 6
ALAMIN MO ANG PAGKAKAIBA NG NATURAL NA PAG-IISIP
AT SINADYANG PAG-IISIP
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels

Dito ka kasi nalilito. Minsan rin may mga iniisip ka na talagang sinasadya mo. Kung may mga natural, mayroon ding sinasadya. Bagaman wala kang magagawa tungkol sa mga kaisipang lilitaw sa 'yong ulo, ang sinadyang pag-iisip ay ibang bagay din.

Halimbawa lumitaw na lang ang pag-iisip mo na

“Parang nanlalamig na ang partner ko sa 'kin.”

Imbes na ito'y natural lang sa isip mo, pero ito'y magiging sinadyang kaisipan kapag magsimula ka ng mag-isip na

“Tiyak na may iba na siyang nagugustuhan”

“Pangit ba ako?”

“Hindi pa ba ako sapat sa kanya?”

“Ano ba ang mga pagkukulang ko?”

“Ginawa ko naman ang lahat para sa kanya”

'Yan ang mga sinadyang pag-iisip na magpapabagsak ng iyong buhay. Sa isang natural lang na pag-iisip kapalit ng maraming pag-iisip na sinadya mo upang saktan mo pa lalo ang sarili mo. Nakuha mo ba ang punto ko?

Ang ganitong uri ng negatibong pag-iisip ay ang pangunahing sanhi ng PAGDURUSA para sa karamihan at ganap na kontrolado natin ang mga ito kung pipiliin nating kontrolin natin ito. Ang paulit-ulit na pag-iisip ng ganito, gaya ng palagi ka lang nag-iisip ng mga sakit ng pinagdadaanan mo, o 'di kaya'y nahihirapan kang ukitin ang kinabukasan mo, lahat ng pattern na 'yan ay lilikha ng miserableng buhay. At ito ay ganap na MAKOKONTROL mo. Kapag napansin mo ang mga pattern na ito, STOP na kaagad. 'Wag mo ng palawakin ang negatibong pag-iisip. Hindi ka naman pinipilit nito na palawakin mo ito. Isa lang naman ang binigay nito sa 'yo pero ikaw lang naman ang nagpapahaba ng sitwasyon. 'Wag mong kalimutan na IKAW pa rin ang namamahala.

Pagtuunan mo ng pansin ang kasalukuyan. Pagtuunan mo ng pansin ang iyong paghinga. Magpokus ka sa nilalakaran mo. Magpokus ka sa preskong hangin na dumadampi sa balat mo. Ang hindi produktibong pag-iisip ay kadalasang isang habit. At tulad ng karamihan sa mga habits, maaari mo itong wasakin.


NUMBER 7
STAY GROUNDED
IN THE PRESENT MOMENT
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels

Mahilig akong magbasa ng mga self-help books pero noong nabasa ko ang

grabe ang impact nito sa buhay ko. Inapply ko talaga sa sarili ko. At gusto ko ring i-apply mo 'to sa buhay mo. One of the main insights in meditation practice is that your awareness can only be in ONE PLACE AT A TIME. Walang multi-tasking sa ating kamalayan. Kung nawawala ka na sa sarili mo, kung nag-iisip ka pa sa kahapon mo at sa kinabukasan mo, hindi mo rin mapapansin ang kagandahan ng paligid mo ngayon. Gayundin, kung inilipat mo ang iyong pokus sa ARAW na ito, titigil ang lahat ng iniisip mo. Bakit? Kasi ISA lang ang naiisip mo, ang NGAYON lang. When you are present here and now, the mind automatically becomes quiet. Tama ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:34, na ang 'wag nating isipin ang bukas dahil ang bawat araw ay may sarili nitong problema.

Nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, tiniyak niya sa mga tagapakinig na hindi nila kailangang mag-alala nang sobra tungkol sa mga darating na problema. At mas mabuti kung paisa-isang araw lang ang iisipin nila.

Hindi ibig sabihin ni Jesus na hindi na natin dapat isipin ang mangyayari bukas o hindi na tayo dapat magplano para sa hinaharap. Tinutulungan lang niya tayong huwag masyadong mag-alala o mamroblema tungkol sa posibleng mangyari sa hinaharap. Hindi na kasi tayo magiging masaya at hindi tayo makakapagpokus sa dapat nating gawin. Hindi rin naman natin malulutas ang mga darating na problema kung poproblemahin natin 'yon ngayon. At kadalasan, hindi naman nangyayari ang pinoproblema natin o hindi naman kasinsama ng iniisip natin ang talagang nangyayari.

Sa sermong 'yan, ipinaliwanag ni Jesus na ang sobrang pag-aalala ay hindi makakapagpaganda ng buhay natin o makakapagpahaba ng buhay natin. Sinabi rin niya na kung uunahin natin ang Diyos sa buhay natin, hindi na natin kailangan na masyadong mag-alala tungkol sa mangyayari sa mga susunod na araw. Hindi pinapabayaan ng Diyos ang mga halaman at hayop, kaya siguradong hindi rin Niya papabayaan ang mga naglilingkod sa Kaniya.

Whenever you are aware enough to catch yourself falling into habitual thinking patterns, STOP and ENGAGE your senses. Isipin mo ang nangyayari at pansinin kung ano ang nag-iiba sa 'yong iniisip. 'Wag kang mag-alinlangan dahil ang Bibliya na mismo ang nagsabi na kailangan tayong MAMUHAY NGAYON

Take back control from your busy mind. Hindi naman masama ang isipan natin. Mas mahihirapan nga tayo kung wala tayong iniisip eh… The human mind is an incredible tool BUT it can also be deeply destructive. Ang isipan ay maaaring maging isang magandang lingkod o isang mapanganib na panginoon. Ang lahat ay nakasalalay sa kung sino ang namamahala.

Kaya sa susunod na papasok ang iba't-ibang uri ng mga pag-iisip mo, ipaalala mo sa mga ito kung sino ang boss. Huwag mo itong bigyan ng lakas upang sirain ka. Bigyan mo ng lakas ang sarili mo upang durugin mo ito.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177