When To Quit the Job You Hate by Brain Power 2177
Photo by Marcus Aurelius from Pexels
Bakit hindi ka dapat matakot na umalis sa isang trabaho na kinapopootan mo?
Nagsisikap kang makapagtapos. Gumraduate ka ng may mga parangal. Malaki ang naibayad mo sa tuition para lang makapag-aral ka. At sa wakas, nakuha mo ang trabahong gusto mo. Ngunit may problema, ang dream job mo ay nalalagay sa lugar kung saan may maraming toxic na tao. At gusto mong makalabas sa lugar na 'yon. Ngunit sa tingin mo'y hindi mo magagawa dahil ika'y namumuhunan ng oras, pera, at pawis upang makatungtong sa puntong ito at ang paglabas sa kompanyang ito ay parang nagtatapon ka lang ng pagkain sa basurahan.
Nahihirapan kang makalabas dahil may responsibilidad ka sa pamilya mo. Gusto mo silang matulungan financially. Bilang isang tao, pinapahalagahan din natin ang paggiging consistent, 'di ba? Ayaw natin ng palipat-lipat na lang. At baka matakot ka na tatawagin ka ng mga tao na "TAMAD" kung ikaw ay nag resign kaagad. May mga kamag-anak rin na pagsabihan tayo,
"Maswerte ka na nga na may trabaho ka. Y'ong iba nga nahihirapan mag apply"
Ito ang dahilan kung ba't nahihirapan ang karamihan. Kasi sarado na ang kanilang isipan. Kung tutuusin, napakaraming trabaho sa lugar natin. Ba't tayo nag dumikit sa trabahong ayaw na natin? Pero sa totoo lang, mahirap talagang mag quit sa trabaho. Lalong lalo na mahirap maghanap ng trabaho ngayon. Pero titimbangin natin ang pangyayaring ito, okay?
NUMBER 1
ANG IYONG MENTAL HEALTH
AY NAPAKAHALAGA
Photo by Luis Dalvan from Pexels
Kaya ito ang number 1 sa listahan kasi ito ang pinaka mahalaga. Maniwala ka man o hindi, ang iyong isip ay mahalaga pa kaysa sa sweldo mo. Kapag nagkaka mental health issue ka, kulang na kulang ang pera mo pambayad ng Doctor at pambili ng gamot.
May kaibigan ako na nagbahagi ng kanyang karanasan. Nagmo-motor siya papunta sa kanyang kompanya. Nag park na siya sa parking lot, at naiiyak na lang siya sa kakaisip kung ano na naman ang mangyayari pagpasok niya. Napapaligiran kasi siya ng mga empleyadong toxic. Pati ang boss nagiging toxic na rin. Napakaayos naman ng kanyang posisyon, na talagang kaiinggitan ng karamihan. Ngunit hindi niya na ito ginusto at nagkaka nervous breakdown siya sa parking lot.
Ito'y isang paalala, na hindi mo dapat isakripisyo ang buhay mo sa trabahong walang naidudulot sa 'yo. Kung hindi mo gusto ang trabaho mo, kung saan literal na hindi ka makakatayo ng isang segundo lang, oras na para umalis ka na.
NUMBER 2
ANG IYONG PHYSICAL HEALTH
AY NAPAKAHALAGA
Photo by Savvas Stavrinos from Pexels
Ang iyong pisikal na kalusugan ay nakakonekta sa iyong isipan. Kapag ang iyong isip ay nagsimulang makaapekto sa iyong pisikal na kalusugan, maaaring mabubuo ang tinatawag nating psychosomatic disorder. Maraming sakit sa pisikal ang lalabas o mati-trigger kung may stress sa buhay ng isang tao. Gusto mo bang lumala ang problema mo dahil sa trabahong ayaw mo? Mas importante ang kalusugan mo, both mental and physical, kaysa sa trabaho mo.
NUMBER 3
KUNG MANANATILI KA DIYAN,
HINDI KA MAGIGING PRODUKTIBO
Photo by Keira Burton from Pexels
Bakit? Wala kang ganang gawin ang trabaho mo. Marami sa atin na pipilitin pang magtagal, nagbabaka sakali na magbabago ang lahat. Marahil ikaw ay nagtagal upang patunayan lamang sa 'yong sarili na hindi mo kinamumuhian ang trabaho mo. Maaari namang gumana ito nang ilang sandali ngunit wala sa atin ang magpakatanga na lang habambuhay. Sa kalaunan, magreresulta pa ito ng hindi kanais-nais na kalalabasan gaya ng palagi kang pumapalpak sa mga pinapagawa sa 'yo. O may hindi ka nakumpleto. At ano ang mangyayari? Pagagalitan ka na naman. Mada-down ka na naman ulit. Masasaktan ka ulit. Bugbog na ang iyong mental. Ang pagkawala ng paggiging produktibo mo ay hindi nakakatulong sa 'yo o sa 'yong boss.
NUMBER 4
MAAAPEKTUHAN ANG IYONG RELASYON
Bakit? Kasi puno ka na ng stress. Uuwi ka sa bahay na palaging bad mood. Sinong kakain ng negatibong enerhiya mo? Buong pamilya mo. Ang asawa mo, ang mga bata, pwede ring ang mga kaibigan mo. Alam mo, ang mga ngiti nila'y hindi mababayaran ng pera. Hindi dapat ganito ang naidudulot ng trabaho sa 'yo.
NUMBER 5
NANAKAWIN NITO ANG IYONG ORAS
Photo by JESHOOTS.com from Pexels
Ang oras ay limitado lamang. Ang bawat isa sa atin ay may 24 oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo, at 365 days sa isang taon. Kapag pinatagal mo ang sitwasyon, mauubos ang oras mo sa galit, imbes na magagamit mo pa ito sa positibong paraan. At mahahanap mo pa ang tunay mong layunin sa buhay.
Kaya ano ang dapat mong gawin?
Tanggapin na hindi ka na katulad ng dati. Hindi na ito ang dream job at dream place mo. Ang pagbabago ng landas ay mahirap para sa lahat. Kaya aminado ako na mahirap mag quit dahil nangangailangan tayo ng pera. At mahirap magsimula ulit sa ibang kompanya, may pag-aadjust na namang mangyayari. Gayunpaman, ito ay palaging unang hakbang sa paglalakbay upang maging malaya at masundan kung ano ang gusto mo talaga sa buhay.
Bago ka mag quit sa trabaho mo, alamin mo muna kung ano ba talaga ang iyong kakayahan. Upang ito ang magtutulak sa 'yo na kamtin ang trabahong nararapat sa 'yo. At kung saan ka nabibilang. Kilalanin mo lang ang iyong sarili upang malaman mo kung ano ba talaga ang nakakapagpasaya sa 'yo. Mahirap kasing mag-apply kung wala kang alam sa sarili mo. Paano ka sasaya kung pera lang ang habol mo hindi ang passion mo? At hindi ka magtatagumpay sa mindset na 'yan. Suriin mo ng mabuti ang iyong sarili.
Kapag alam na alam mo na 100% ang gusto mong gawin sa buhay, pagplanuhan mo na ang iyong paglabas. Ito lang ang gusto kong sabihin sa 'yo, kung wala kang ipon, kailangang may mapapasukan ka kaagad para makapagbayad ka pa rin ng mga bills mo. Hindi pwedeng tumambay ka na lang. Hindi ka rin magiging produktibo niyan. Kung may naipon ka naman, pwede kang mag relax muna para mailabas mo lahat ng sama ng loob mo. Pero wala namang masama kung gusto mong tumambay kasi buhay mo 'yan. Nasa sa 'yo pa rin ang pagdedesisyon. Ang prosesong ito ay ganap na nakasalalay sa 'yo.
Ngayong alam na natin 'to, matatakot ka pa bang mag umalis? Pagsisilbihan mo pa ba ang kompanyang nakakapagpa stress sa 'yo? Sino ba ang mahal mo, sarili mo o ang trabaho mo? o ang mga toxic na tao? Kung ang mga bagay ay hindi mabuti para sa iyong pisikal at mental na kalusugan, umalis ka na. At sa totoo lang, ang buhay ay masyadong maikli upang mabuhay na hanggang dito na lang. Ang masakit na katotohanan, walang pakialam ang boss mo sa 'yo. Kung mawawala ka sa kompanya, mapapalitan ka nila kaagad. Kung mawawala ka sa piling ng mga magulang mo, magdurusa sila habambuhay. Gusto mo ba 'yon? Malamang hindi. Umalis ka na. Kaya mo 'to, okay?






Comments
Post a Comment