Ang Mapait na Katotohanan ng Buhay by Brain Power 2177




May gusto lang akong sabihin sa 'yo ngayon tungkol sa mapait na katotohanan ng buhay.

Dapat mamuhay ka ng maayos bago ka mawala sa mundong ito. Buhay mo ay regalo ng Diyos. 'Wag mong sayangin ang oras mo. Nilagay ka ng Diyos dito dahil may kailangan kang gampanan. Kaya 'wag kang tumigil sa pagtatanong o sa paghahanap kung ano ba talaga ang misyon mo.

Kaya 'wag mong masyadong seryosohin ang maliliit na bagay. 'Wag mong igugol lahat ng oras mo sa pagpapakapagod. Maglaan ka rin ng oras para magsaya. Para gumaan ang mood mo. Ito ang totoong sikreto ng buhay, mamuhay ka sa mismong araw na ito. Sa halip na magpokus ka sa pagod dahil sa trabaho mo ngayon, magpokus ka sa bunga ng pagtatrabaho mo. Kung may nagsabi man sa 'yo na dapat talaga seryoso tayo sa buhay, dapat seryoso sa lahat ng oras, mas lalo kang mai-stress, mas lalo kang ma-frustrate, mawawala ang gana mong ngumiti at tumawa.

Naaalala mo pa ba no'ng bata ka pa? Wala kang ibang iniisip kundi ang maglaro lang, 'di ba? 'Yan ang pinaka mahalagang aral na kailangan nating baunin sa ating paglalakbay. 'Wag mong seryosohin ang mga bagay na wala namang maidudulot na positibo sa 'yo. Para lang tayong nagbabaraha, laruin natin kung ano ang nasa sa 'tin. Paano kung seryoso ka na lang palagi? Kawawa ka kung dumating na ang huling araw mo. Mas lalo kang malulungkot dahil hindi mo man lang naranasan ang kagalakan sa panahong pwede pa. Kaya palagi mong ipaalala sa sarili mo, na hindi ka magtatagal sa mundong ito. Kailan ka ba mamuhay ng magaan lang? Kung puputi na ang uwak? Kapag pinapaalala natin sa ating sarili na mamamatay din tayo sa darating na panahon, at hindi natin alam kung kailan magwawakas ang lahat, kung talagang ikakapit natin 'to sa ating buhay, na ang lahat ay hindi mananatili magpakailanman, siguradong hindi mo sasayangin ang iyong oras sa mga walang kwentang bagay.

Karamihan sa mga tao ngayon ay naghahabol na ng mga materyal na bagay. Gusto ng trabahong malalaki ang sweldo para mas madaling yumaman. Para ma-please nila ang ibang tao na wala namang pakialam sa naabot nila. Wala silang paki sa ginagawa mo dahil pareho rin naman nilang ginagawa 'yan. Lahat na ay naghahabol ng kasikatan, kagandahan, kayamanan. Lahat naniniwala na pera ang solusyon sa lahat ng problema. Pero ang pera ay hindi magdadala ng halaga sa ating pagkatao. Tayo lamang ang makakapagbigay ng halaga sa buhay natin. 

Wala ng oras para magpokus sa mga walang kwentang bagay o magpokus pa sa iniisip ng ibang tao tungkol sa 'yo. Tingnan mo ang buhay mo at buhay ng ibang tao. Puno ng pagdurusa. Puno ng mga pasakit. Pero 'wag kang magpokus do'n. Magpokus ka lang sa 'yong paglalakbay. Ang paglalakbay mong puno rin ng pagtitiis. Nabubuhay ka na puno ng pag-aalala. Yayaman ba ako? Magtatagumpay ba ako? Lalago pa ba ang buhay ko? Pero hindi mo lang alam, na may mga bagay na nasa sa 'yo na, na wala sa iba. Ano 'yon? IKAW. Wala kang katulad sa mundong 'to. At hindi ka mabibili ng salapi. Ang salapi ay hindi makakabili ng kagalakan, kapayapaan, at pag-ibig.


Ngayon solusyon pa ba ang pera sa buhay mo? Bumuo ka ng buhay na talagang nakakapagpagaan ng kalooban mo. 'Wag kang umastang ayos lang sa panlabas na anyo. Dahil mararamdaman 'yan ng ibang tao. Masarap sa pakiramdam kapag nagpapakatotoo tayo. Hindi dapat tayo magpapabalot ng kadiliman. Mas dapat nating hanapin ang ilaw sa panahong wala tayong makikita.

Ang mga bagay na nangyayari sa buhay mo ay hindi nagde-define na 'yan na talaga ang buhay mo. Maliban lamang kung magpasya kang maging ganyan na lang. Ang katotohanan sa buhay ay kung aabot ka sa adultong edad, may 100% chance, chance na madumihan ka sa labanan. Na makakaranas ka ng pagdurusa, mga pighati, mga pasakit. Mararanasan mo ang mga pangyayaring hindi mo inaasahan. Talagang masasaktan ka. Sinasadya ito ng panahon upang mabuo mo ang iyong solidong karakter. Maraming aral sa buhay. May mga hamon sa 'yong dinadaanan, dahil 'yan ang magbibigay ng kahulugan sa buhay mo. Kailangan mo 'yang harapin sa sarili mong pamamaraan. 

Kung babaguhin mo ang iyong pananaw, magbabago rin ang buhay mo.

Kapag binago mo ang iyong pagtingin sa mga hamon sa buhay, makikita mong hindi sila mga problema kundi mapagtanto mo na ito'y mga direksyon sa buhay mo, minsa'y mga pagpapala.

Maaaring hindi mo makontrol ang lahat ng mga kaganapan na nangyayari sa 'yo, ngunit maaari mong makontrol ang sarili mo upang hindi ka lulubog sa mga kaganapang 'yan.

Huwag mong kalabanin ang buhay. Labanan mo ang iyong problema. Kapag dumating ang mga hamon, kailangan mo talagang manalig sa Panginoon na lahat ng ito ay kaya mong harapin.

Maging bukas sa katotohanang hindi mo alam kung ano ang magaganap, kasama na dito ang mahirap na araw na 'to sa harap mo. Magtiwala ka lang na ito ay para sa ikakabuti ng buhay mo, ikakabuti rin para sa lahat ng tao. Kahit gaano pa kahirap ang sitwasyon, may mahahanap kang kahulugan sa mga ito. 

Halos lahat nag-iisip kung paano baguhin ang paligid. Pero walang nag-iisip kung paano baguhin ang kanilang sarili. 

At ito pa ang mas malalang katotohanan sa buhay, kung hindi mo kayang kontrolin ang iyong isipan, ikaw ang kokontrolin nito. Nakasalalay lahat sa isipan mo. Kung ano ang iniisip mo, magiging gayon ka. Binabak-apan 'yan ng science. Ang tao ay may maraming iniisip araw-araw, pero hindi naman 'yan problema. Ang problema ay karamihan sa mga tao ay naka autopilot ang isipan. Hinahayaan na lang nila kung saan sila dadalhin nito. Ang malala pa ay marami sa kanila ang nag-iisip ng NEGATIBO.

Napo-program sila ng lipunan, ng mga pekeng balita, at ng social media. Lahat ng nababasa't nakikita nila ay pinaniniwalaan. Ang daling mag react kahit hindi pa klaro ang impormasyon. Kapag may pagsubok na dumating, hindi nila alam kung paano haharapin. Kasi mismo ang sarili nila ay wala silang bilib. Imbes na huminahon lang upang maayos ang problema, nagagalit pa sila sa kanilang sitwasyon at ano ang nangyari? Mas lalong lumala ang problema. 

Kapag matuto kang kontrolin ang isipan mo at kontrolin ang emosyon mo, magiging peaceful ang buhay mo. Hindi naman perpektong mapayapa pero ang buhay mo ay kontrolado mo na. Hindi ibig sabihin na kontrolado mo na rin ang circumstances, hindi natin 'yan mapipigilan, ang makokontrol lang natin ay ang ating nararamdaman. Ang ating reaksyon. 'Yan ang pinaka maayos na paraan na kailangan nating matutunan.

Kontrolin mo ang iyong isipan at iyong emosyon araw-araw. Magpokus ka lang sa sarili mo. Magpokus ka sa mga bagay na nakakapagpagaan ng loob mo. Mag meditate ka. Maging mapagpasalamat. Palagi kang manalangin. Mag ehersisyo ka. Iwan mo na ang mga bagay na nakakasira ng mood mo. Umiwas ka sa mga balitang nananakot lang. Umiwas ka sa social media upang maiwasan mong mainggit. Napakarami pa ng mga bagay na kailangan mong iwasan.

Bawat isa sa atin ay responsible sa ating nararamdaman. Sa susunod na magagalit ka kahit hindi naman dapat, isipin mo na kailangan mo pa ng dagdag na kaalaman para kontrolin ang iyong emosyon. Kahit ano man ang nangyayari sa mundo natin ngayon, ang pinakamahalaga sa lahat, mapayapa ang sarili mong mundo. Ang mundo sa loob ng iyong ulo. Kung hindi ka sasabay sa agos ng buhay, mas mabagal kang makarating sa 'yong destinasyon.

Gumawa ka ng plano pero matuto ka pa ring sumabay sa agos ng buhay. Kung hindi ka bubuo ng plano mo, malamang mahuhulog ka sa plano ng iba. Mahuhulog ka sa sitwasyong hindi mo gusto. Hindi ibig sabihin na ang plano mo ay makukuha mo kaagad. Minsan kasi ang mga plano natin ay hindi pala para sa atin. 'Yan ang masakit na katotohanan. Pero magplano ka pa rin. Para bang nakapayong ka upang hindi ka mabasa sa ulan. Paano kung liliparin ng hangin ang payong mo? Imbes na mainis ka sa sitwasyon, magtampisaw ka sa ulan. Miss mo ng maligo ng ulan, 'di ba? 'Yan din dapat tayo sa mga plano natin. Kung nasira ang plano mo sa gitna ng iyong paglalakbay, magpatuloy ka pa ring maglakad at ayusin mo ang mga plano mo. Madalas kasi tayong umiiwas sa mga problema. Palagi nating iniiwasan ang katotohanan. Kapag may masamang mangyari, masama na kaagad ang tingin natin sa ating buhay. Mapapaliit mo ang problema kapag may plano ka. Hindi naman kailangan maging perpekto. Kailangan lang nating mag plano upang masaya tayong babangon sa umaga dahil may plano pa tayong dapat gawin. Pwede kang magplanong magbawas ng timbang, o kung ano ang gusto mong baguhin sa buhay mo. 
 
Ang paggawa ng mga bagay gaya ng meditation, pagdarasal, pagjo-journal o anumang bagay na nakakapagpagaan ng loob mo, lahat ng 'yan ay magpapayapa ng buhay mo. Pero sabi ko nga kanina, hindi lahat ng plano natin ay matutupad. Pero magpatuloy ka pa rin. Sabayan mo lang ang agos ng buhay. Kung hindi ka magpaplano, wala kang mararating. Kung palagi ka lang nababahala sa inisiip ng ibang tao tungkol sa 'yo, ibig sabihin ay naging alipin ka na nila.

Hindi mo naman kailangang i-please ang mga tao kasi hindi mo magagawa 'yan. Hindi lahat sasang-ayon sa 'yo. Hindi lahat matutuwa sa 'yo. Kahit nga ang Diyos ay may mga haters din. Diyos na ang pinakamalinis sa buong Universe pero may mga haters din siya. Tayo pa kaya na tao lang? Lahat kasi tayo ay magkakaiba. Magkakaiba ang ating paniniwala, kaisipan, pananaw, mga plano. Pero dahil sa pagkakaiba natin, napakagandang mabuhay sa mundo. Pero may mga tao talaga na hindi pa handa para magpakabait, hindi pa handa sa mapayapang buhay, hindi lahat ay handa maging POSITIBO sa buhay. 'Wag mo namang hayaan na pati ikaw ay ganyan din. Hindi naman kita mapipilit na maging positibo. Ikaw pa rin ang magpasya. Magkaiba kasi tayo ng pananaw sa buhay, magkaiba ang ating opinyon. Magkaiba ang ating mga reaksyon. Dahil lamang hindi sila sumasang-ayon sa 'yo o kahit na kumukontra sila sa 'yo at sa mga plano mo, hindi nangangahulugang magpapakulong ka na lang sa ganyang sitwasyon. Layuan mo lang na parang walang nangyari. Hindi mo kailangang makipag-away pa. Ang negatibong reaksyon nila ay 'wag mong dagdagan. Hayaan mo rin silang magpasya para sa kanilang sarili. Maging isang halimbawa ng isang taong nagpapahintulot sa opinyon ng ibang tao, nang hindi ka naaapektuhan. Maglakbay ka nang walang poot. Ang mga taong ayaw sa 'yo, hayaan mo na sila. Maging abala sa pagpapabuti ng iyong sarili. Magpakatotoo ka lang dahil halos lahat ay nakamaskara na. 

Hindi ka talaga magiging masaya kung pinipeke mo ang iyong sarili. Kailangan mong ipagmalaki ang buong pagkatao mo. 'Wag ka ng dumagdag sa kanila. Hindi ka pangit kung naniniwala ka na maganda ka. Ang tunay na kaligayahan ay hindi darating sa 'yo kung binabago mo ang tunay mong pagkatao upang matanggap lang ng ibang tao. Hindi ka tunay na maging masaya kung hindi ka tunay sa sarili mo. Dapat komportable ka sa pagkatao mo, para maging komportable ka rin sa kahit sino. Lahat ng mga maling tao ay iiwan ka pero ang tunay na tao katulad mo ay mananatili sa buhay mo. Real people attract real people. Magpakatotoo ka lang at sabihin mo ang tunay mong nararamdaman. Bitawan mo ang taong hindi ka tanggap. Kung paano ka nila tinatrato, karma na ang bahala sa kanila. Kung paano ka mag react, karma na rin ang bahala sa 'yo.

Ito pa ang masakit na katotohanan. Ang mga taong miserable ang buhay, sila ang hihila sa 'yo pababa. Dahil gusto nilang maranasan mo rin ang kanilang pagdurusa. 'Wag mong hayaan na nanakawin nila ang iyong kagalakan. Ang taong mapagmahal ay napapalibotan ng taong mapagmahal. Ang taong masungit ay napapalibotan din ng kagaya nila. Likas na sa katangian ng ilang mga tao na hindi ka nila gustong makitang masaya. Dahil hindi pa nila nararanasan ang kagalakan sa buhay nila. Maraming tao ang nakatira sa mapusok na mundo. Marahil ay hindi nila namamalayan o hindi nila sinasadya na dalhin ka sa mundo nila upang may kasama na sila. 'Wag kailanman baguhin ang tunay mong pagkatao para lang matanggap ka nila. Kung mananatili kang totoo sa sarili mo, kung mananatili ka lang sa mundo mo, kung magpokus ka lang sa kabutihan mo, lahat ng tao'y susuko sa paghila sa 'yo pababa dahil napakalakas mo na. At ano ang epekto, imbes na hihilahin ka nila, sila na ang hihingi ng tulong mo upang maiangat mo sila. Maging ilaw ka sa madilim nilang daan. Kapag mag-isip ka lang ng positibo, maraming tao ang mahahawa sa 'yo. Hindi ka nila kayang ibagsak nang walang pahintulot mo.

'Wag mong hayaang kainin mo ang mapait nilang ugali. Halos lahat ng tao'y may sakit na kinikimkim kaya dinadaan na lang nila ito sa panghuhusga. Kaya inuutusan kita, kahit anumang araw, kahit nasa'n ka man ngayon, pakiusap maging ilaw ka sa ibang tao. Pagaanin mo ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpaparamdam mo ng kabaitan sa kanila. Maging isang positibong halimbawa para sa mundong puno ng negatibo.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177