6 na PARAAN Para Malabanan Ang Anxiety By Brain Power 2177
May dalawang uri ng kabalisahan. Ang isa ay nakabubuti; ang isa naman ay nakasasamâ.
Pag-uusapan natin 'yan sa artikulong ito.
Ang kabalisahan o anxiety ay ang pagkadama ng nerbiyos, pagkabahala, o pagiging di-mapalagay. Dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig na walang katiyakan, sinuman sa atin ay posibleng madaig ng kabalisahan.
Paano mo haharapin ang kabalisahan?
Minsan kasi ang daming what if sa isipan natin. What if maghiwalay kami? What if maaksidente kami? Nababalisa tayo sa mga bagay na hindi naman ikinababalisa ng isang mas makatuwirang tao, 'di ba? Kapag lagi tayong nababalisa, para na rin tayong hamster na takbo ng takbo sa umiikot na gulong, pero wala namang nararating. Trabaho tayo nang trabaho, pero wala pa ring pag-unlad. Halos lahat ng ginagawa natin, nakaka-pressure. Bata man o matanda, apektado tayong lahat ng kabalisahan.
Sabi ko nga kanina, may anxiety na nakabubuti at may nakasasamang anxiety. Ano ang ibig sabihin ng nakabubuting anxiety? Halimbawa, may exam ka sa school sa susunod na linggo. Baka dahil sa pagkabalisa, mapipilitan kang mag-aral sa linggong ito—at dahil diyan, baka makakuha ka ng mataas na grado! Nakuha mo ba ang punto? Isa pang halimbawa, kapag nasa madilim ka na lugar tapos parang may nakikita kang multo, kahit hindi naman totoong multo, kahit guni² mo lang, nang dahil sa anxious thoughts mo, itinutulak ka nito na tumakbo. Ibig sabihin, minsan iniiwas tayo ng anxiety sa kapahamakan. Maging alisto ka sa panganib dahil sa pagkabalisa. Puwede kang mabalisa dahil alam mong mali ang ginagawa mo, at dapat mo itong baguhin para maging payapa ang budhi mo. Tandaan mo ha? Makatutulong sa 'yo ang kabalisahan—basta’t napakikilos ka nito na gawin ang tama. Pero paano naman kung dahil sa pagkabalisa, nakulong ka na sa isang maze o pasikot-sikot na daan ng negatibong kaisipan?
Halimbawa, nababalisa ka kapag naiisip mo ang mga puwedeng mangyari sa isang nakaka-stress na sitwasyon. Paulit-ulit mong iniisip ang sitwasyon hanggang sa mabalisa na ka nang husto. Sinasabi ng Bibliya na “Ang mahinahong puso ay nagbibigay-buhay sa katawan.”—Kawikaan 14:30. Pero ang kabalisahan ay maaaring magdulot ng di-magagandang sintomas gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng tiyan, at mabilis na pagtibok ng puso.
Ano ang puwede mong gawin kapag ang pagkabalisa
ay nakasasamâ sa 'yo sa halip na makatulong?
Una, alamin mo kung makatuwiran ba ang iyong pagkabalisa. Ang pagkabahala sa mga responsibilidad ay iba sa sobrang pagkabalisa. Naalaala ko tuloy ang kasabihang, ang kabalisahan ay parang silyang tumba-tumba o nasa rocking chair ka, ugoy ka nang ugoy, wala ka namang nararating, 'di ba?
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“Sino sa inyo ang makapagpapahaba
nang kahit kaunti sa buhay niya dahil sa pag-aalala?”
—Mateo 6:27
Ang ibig sabihin ng tekstong ito, kapag hindi ka natutulungan ng pagkabalisa para makahanap ng solusyon, makadaragdag lang ito sa 'yong problema—o magiging problema mo mismo at nakakaiksi din ito ng buhay.
Pangalawa, harapin mo nang paisa-isa ang bawat araw. Pag-isipan mong mabuti. Ang ikinababalisa mo ba ngayon ay ikababalisa mo rin bukas? sa sunod na buwan? sa sunod na taon? o sa susunod na limang taon?
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw,
dahil ang kasunod na araw
ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.”
—Mateo 6:34
Ang ibig sabihin ng tekstong ito, hindi tamang problemahin ngayon ang iniisip mong magiging problema bukas—na baka nga ang ilan dito ay hindi naman talaga maging problema.
Pangatlo, hayaan mo na lang ang mga bagay na hindi mo na mababago. Ang pinakamabuting magagawa mo ay paghandaan ang mga sitwasyon hangga’t maaari, pero tanggapin mo ang katotohanan na may mga sitwasyon na hindi mo kayang kontrolin.
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“Lahat tayo ay naaapektuhan ng panahon
at di-inaasahang pangyayari.”
—Eclesiastes 9:11
Ang ibig sabihin ng tekstong ito, kung minsan, hindi mo na kayang baguhin ang kalagayan mo, pero mababago mo ang pananaw mo rito.
Pang-apat, magkaroon ka ng tamang pananaw. Ang natutunan ko sa buhay ay dapat ko munang intindihin ang buong sitwasyon, at huwag ma-stress sa mga detalye. Kailangan kong tiyakin ang mga bagay na mas mahalaga at pagsikapang gawin ’yon.
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“na makita ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”
—Filipos 1:10
Ang ibig sabihin ng tekstong ito ay ang mga taong may tamang pananaw sa kabalisahan ay hindi madaraig nito.
Panglima, ipakipag-usap mo ito sa taong mapagkakatiwalaan mo. Tuwing nababalisa ako o nababahala sa isang bagay, takbuhan ko ang aking mga kaibigan. Pero kung komportable kang makipag-usap sa magulang mo, mas ok 'yon. Basta ang punto ko lang ay yung mga taong mapagkakatiwalaan mo. Minsan kasi natatakot tayo sa mga bagay na hindi pa nangyayari. Palagi na rin tayong mag ovethink. Buti na lang may mga taong kabubugahan natin ng problema. Nagtitiwala ako sa mga kaibigan ko at nasasabi ko lahat ang gusto kong sabihin. Natulungan ako nitong harapin ang susunod na araw. Ikaw, may mapagkakatiwalaan ka bang mga kaibigan?
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao.
Pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”
—Kawikaan 12:25
Ang ibig sabihin ng tekstong ito ay ang positibong salita ng mga magulang mo o mga kaibigan mo ay makakabawas ng anxiety mo at baka makapagbigay ng praktikal na mga mungkahi ang iyong magulang o kaibigan kung paano mababawasan ang pagkabalisa mo. Sa halip na makipag-usap sa mga kaedaran mo lang—na posibleng pabago-bago rin ang emosyon nila—doon ka makipag-usap sa magulang mo o sa iba pang pinagtitiwalaan mong adulto.
Pang-anim, manalangin ka. Ang pananalangin—lalo na kung inilalakas mo ito para marinig mo ang sinasabi mo—ay makakatulong sa ’yo. Gagaan ang pakiramdam mo. Idaan mo sa panalangin ang ikinababalisa mo sa halip na basta isipin lang nang isipin ’yon. Nakatulong din ito sa akin para ma-realize kong mas malakas ang Diyos kaysa sa kabalisahan ko.
Basahin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:
“Ihagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín,
dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”
—1 Pedro 5:7
Ang ibig sabihin ng tekstong ito ay hindi komo nananalangin tayo, malulutas na natin ang ating mga problema. Ito’y isang aktuwal na pakikipag-usap sa Diyos na nangangako: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.”—Isaias 41:10. Kahit nag-aalala ka, umisip ka ng tatlong bagay sa buhay mo na puwede mong ipagpasalamat. Kapag nananalangin ka sa Diyos, humingi ka ng tulong—pero magpasalamat ka rin sa mga pagpapala sa 'yo.
Pinapayuhan tayo ng Filipos 4:6 na ipanalangin ang ating mga alalahanin na may kasamang PASASALAMAT. Kapag nagpe-pray ako, sinisikap kong maging mapagpasalamat, at nag-iisip ako ng isang bagong bagay na maipagpapasalamat ko sa Diyos. Nababawasan nito ang pag-aalala ko.
Kung minsan, wala akong lakas na magsabi sa Diyos ng nadarama ko, pero ginagawa ko pa rin 'yon. Natutulungan ako ng panalangin na makitang napakamapagmahal ng Diyos at naipaaalaala sa akin na malapit na Niyang PAHIRIN ANG BAWAT LUHA SA ATING MGA MATA, gaya ng sabi ng Bibliya sa Apocalipsis 21:4.
Paano mo makokontrol ang emosyon mo?
May araw na ang saya-saya natin, pero kinabukasan, biglang sobrang lungkot naman. Y’ong mga bagay na bale-wala lang sa atin kahapon, mabigat na problema na ngayon. Minsan ganyan talaga ang takbo ng buhay. Walang katiyakan.
Ang mabilis na pagbabago-bago ng emosyon ay karaniwang nararanasan ng mga nagbibinata at nagdadalaga. Pero kahit matagal ka nang teenager at kahit matanda ka na, baka magulat ka na napakabilis pa ring magbago ng emosyon mo.
Kung nalilito ka dahil paiba-iba ang nadarama mo, tandaan mo na marami sa mga damdaming ito ay resulta ng mga pagbabago sa iyong hormone pati na ng mga insecurity na normal na bahagi ng paglaki natin. Ang magandang balita, puwede mong maunawaan at makontrol ang iyong emosyon.
Tandaan mo, mahalagang matutuhan mong kontrolin ang emosyon mo habang bata ka pa. Kakailanganin mo ang kasanayang ito sa iba’t ibang sitwasyon kapag adulto ka na.
“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso natin.”—Kawikaan 12:25. Naramdaman mo na bang hindi mo na kaya at gusto mo nang sumuko? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Marami sa atin ang naging caregiver, namatayan ng mahal sa buhay, nakaranas ng sakuna, o napaharap sa iba pang sitwasyon na umuubos ng ating lakas sa pisikal, mental, at emosyonal.
Ang kabalisahan ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng isa. Maaari itong humantong sa panlulumo, anupat ang isa ay manghihina at mawawalan ng ganang kumilos. Sinasabi ng kinasihang kawikaan:
“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao,
Pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”
—Kawikaan 12:25
Maaaring magdulot ng seryosong pisikal na mga sintomas ang pagkabalisa. Alam ng mga doktor kung paano maaaring makaapekto sa katawan ang kabalisahan. Maaari nitong pataasin o pababain ang presyon ng dugo; maaari nitong pataasin ang bilang ng puting selula ng dugo; maaari itong biglang makaapekto sa asukal sa dugo dahil sa aksiyon ng adrenaline sa atay. Maaari pa nga nitong baguhin ang iyong electrocardiogram o tala ng pintig ng puso. Ang pagkabalisa ay nakaaapekto sa sirkulasyon ng dugo, sa puso, sa mga glandula, sa buong sistema ng nerbiyo.
Pero mas seryoso ang espirituwal na pinsala na maaaring idulot ng labis na kabalisahan. Sinabi ni Jesu-Kristo na ang pagpapahalaga sa Salita Ng Diyos ay maaaring lubusang masakal ng pagkabalisa sa mga suliranin na kadalasa’y bahagi na ng buhay sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Kung paanong mapipigilan ng mga tinik ang lubusang paglaki at pamumunga ng mga binhi, mahahadlangan din ng gayong kabalisahan ang espirituwal na pagsulong at ang pagluluwal ng mga bunga ukol sa kapurihan ng Diyos. Dahil pinahihintulutan nilang mangibabaw sa kanilang buhay ang mga kabalisahang ito, anupat isinasaisantabi nila ang espirituwal na mga kapakanan, masusumpungan ng marami na sila’y may di-sinang-ayunang katayuan sa harap ng Anak ng Diyos kapag bumalik na siya taglay ang kaluwalhatian, anupat ito’y sa kanilang walang-hanggang kalugihan.
Kapag tumatagal na o sobra na ang pagkabalisa, baka mabuting magpatingin ka na sa doktor.
Comments
Post a Comment