8 Times Na Dapat Kang Manahimik By Brain Power 2177





Maraming pagkakataon na kailangan nating magsalita. Pero magsalita tayo ng may kabuluhan. Pero kung wala namang kwenta ang sasabihin natin, 'wag na lang tayong magsalita.

“Kung mananahimik lang sana kayo, Makapagpapakita kayo ng karunungan.” —Job13:5

Pero hindi karunungan ang pananatiling tahimik dahil lang natatakot kang magsalita o nahihiya ka. Habang ang ibang tao ay nagsasalita ng anuman ang nasa isip nila, tayo, bilang mga mananampalataya, ay tinawag upang pigilin ang ating mga dila.  Sa katunayan, sinasabi ng Santiago 1:26,

“Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.”

Heto na ang 8 tamang pagkakataon para manahimik.

NUMBER 1
manahimik ka kung MAY NATANGGAP KANG MASAMANG BALITA

Ayon sa Job 13:5,

“Kung mananahimik lang sana kayo, Makapagpapakita kayo ng karunungan.”

Kapag may masamang balita, ano ang unang reaksyon natin? Siyempre ang magsalita. Bakit? Negatibong emosyon ang hatid ng masamang balita sa atin. Natatakot tayo, nagagalit, nag-aalinlangan, nasasaktan. Dahil sa halo-halong emosyon na 'yan, hindi natin mapigilan ang ating bibig na magsalita. The next time you find yourself wanting to keep explaining why confusing things are happening the way they are, stop. Shut your mouth and be wise. Ang unang salita na lalabas sa 'yong bibig ay may epekto sa 'yo at sa mga nakikinig. Ang buhay at kamatayan ay nasa kapangyarihan ng dila, at 'yan ang dahilan kung bakit kapag nakatanggap ka ng masamang balita ay ito ang tamang pagkakataon na dapat kang manahimik. Magsalita ka lang kung maayos ang iyong pag respond sa sitwasyon. 'Wag mong dagdagan ng negatibong salita ang negatibong pangyayari. Sa panahong nanahimik ka, sabayan mo ng pagdarasal. Katulad ng nakasulat sa Awit 141:3,

“Maglagay ka ng bantay sa bibig ko, O Diyos, Bantayan mo ang pinto ng mga labi ko.”

NUMBER 2
manahimik ka kung GALIT KA

“Kapag napoot kayo, huwag kayong magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo.”—Efeso 4:26

Kapag galit ka, parang gusto mong magsalita, gusto mong magwala, 'di ba? At may masasabi kang hindi mo sinasadya pero huli na ang lahat. Kaya ito ang isa sa mga pagkakataon na dapat kang manahimik. Sabi ko nga, may masasabi kang hindi maganda at makakasakit ka pa sa kapwa mo. Nagdudulot pa ito ng alitan at makikita nila kung gaano ka ka-tanga. Ito ang sinabi sa Kawikaan 29:11,

“Inilalabas ng mangmang ang lahat ng galit niya, Pero nananatiling kalmado ang marunong.”

Manalangin ka sa Diyos na pakalmahin ang puso at isip mo. Kapag nakontrol mo ang iyong dila, magugulat ka na lang sa positibong epekto nito. Hindi lalaki ang gulo at wala ka pang masasabing masasakit na salita na maaaring pagsisisihan mo sa huli. 'Wag mong hayaan na itulak ka ng diyablo na magsalita ng masama. Gusto kasi niyang mawala ang pag-ibig sa 'yong puso at mapalitan ng galit. 'Wag mong hayaan na matakpan ang kabutihan sa puso mo. Ito ang mababasa natin sa Santiago 1:19,

“Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.”

NUMBER 3
manahimik ka kapag IKAW AY INAKUSAHAN

'Wag kang magsalita kaagad baka may masabi ka na magagamit laban sa 'yo. Tandaan mo ang miranda rights. Ikaw ay may karapatang manahimik o magsawalang kibo. Anuman ang iyong sasabihin ay maaaring gamitin pabor o laban sa 'yo sa anumang hukuman. Ito rin ang ginawa ni Jesus noon, basahin natin ang Mateo 27:14,

“Pero wala siyang isinagot sa kaniya, wala, kahit isang salita, kaya takang-taka ang gobernador.”

Pero may mga pagkakataon rin naman na sumagot si Jesus pero sa matalinong paraan. May mga pagkakataon rin na hindi siya sumagot. Nakadepende kasi sa taong kausap niya. Paano mo rin magagawa 'yan? Manahimik ka lang muna at hintayin mo ang tamang pagkakataon para magsalita. Alam ko na kapag inakusahan tayo, ang unang reaksyon natin ay i-defend ang ating sarili. Pero hayaan mo na ang Diyos ang gagabay sa 'yo. Ito ang napakagandang sinabi ng Roma 12:19,

“Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot; dahil nasusulat: “‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ng Diyos.”

Makakaasa ka na magkakaroon ka ng hustisya sa tulong Niya. Mas matalinong gumawa ang Diyos ng plano kay sa ating mga tao. Kahit ano man ang naramdaman mo ngayon dahil sa akusasyon, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong magpaliwanag sa kanila ng harapan. Idaan mo sa tamang proseso. Kasi kung daldal ka lang ng daldal, maaari pa itong magpalala ng mga bagay, lalo na kapag nag react ka dahil lang sa itinutulak ka ng galit mo.

NUMBER 4
manahimik ka kung TSIMIS ANG TOPIC ninyong magkakaibigan

Ayon sa Kawikaan 16:28,

“Ang mahilig gumawa ng gulo ay nagpapasimula ng pagtatalo, At pinaglalayo ng maninirang-puri ang malalapít na magkakaibigan.”

Nakakaranas na tayo nito. Nag-eenjoy tayong nakikipag-usap sa ating mga kaibigan hanggang sa ang usapan ay napunta sa mali. Palagi na natin 'yang ginagawa pero ngayong natuto na tayo, pilitin nating itikom ang ating bibig at umiwas na lang tayo. Pwede ring ibahin na lang natin ang usapan. 'Wag mong dagdagan ang negatibong usapan. Napakaganda ng sinabi sa Kawikaan 20:19,

“Ang maninirang-puri ay gumagala para magbunyag ng mga sekreto; Huwag kang makisama sa mahilig magkalat ng tsismis.”

Ang Bibliya ay hindi lamang tumutukoy sa tsismis bilang isang hindi magandang bagay na hindi natin dapat gawin. Ang tsismis ay tinatawag na "kasamaan," at 'yan ang isa sa mga bagay na dapat nating layuan. Maging isang taong nagsasalita ng mabuti tungkol sa iba at nagpapatibay sa iba. Maging isang liwanag sa mundong naghihintay lamang na sirain ang ibang tao. Pagkatapos ng lahat, ito ay iyong patotoo at iyong saksi.

NUMBER 5
manahimik ka kung MAY REKLAMO KA

Ito ang sinabi sa Filipos 2:14,

“Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan o nakikipagtalo.”

Ang pagrereklamo ay naglalagay sa 'yo sa isang walang kapangyarihang posisyon. Mawawalan ka ng kontrol sa buhay mo. Puro negatibo na lang ang nakikita mo. Hindi ka na grateful sa mga bagay na nasa sa 'yo na. Hindi ka makakarating sa 'yong pupuntahan kung palagi ka lang magrereklamo. Hindi ka magtatagumpay. Ang dami mo ng reklamo sa buhay. Nagrereklamo ka dahil kulang ang tulog mo kagabi. Galit ka sa sobrang traffic. Hindi mo gusto ang panahon. Galit ka sa gobyerno. Ayaw mo sa boss mo, sa kompanyang pinagtatrabahuhan mo, sa mga co-workers mo. Minsan nga ay sinisisi mo pa ang Diyos sa mga nangyari sa buhay mo.

“Bakit pinagpala ang iba? Nagpakabait ako pero bakit ako ang sumasalo ng masasamang pangyayari?”

Sa bawat reklamo mo, mas lalong walang darating sa 'yo na blessing. Imbes na magreklamo ka, purihin mo ang Diyos at magpasalamat ka sa Kanya dahil may mga bagay kang natanggap na nakakatulong sa buhay mo. May ginawa ang Diyos sa 'yo pero hindi mo napapansin dahil nakapokus ka sa mga bagay na wala pa sa 'yo.

NUMBER 6
manahimik ka kung HINDI MO ALAM ANG BUONG KWENTO

Tandaan natin ang sinabi sa Kawikaan 18:13,

“Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, Kamangmangan iyon at kahiya-hiya.”

Halimbawa may narinig kang kwento o tsismis tungkol sa isang tao. Sinabi ng isang tao na mali ang taong 'yon, nagkasala siya, napakatanga ng taong 'yon. Maniniwala ka ba kaagad sa naririnig mo? Parang totoo ang sinabi nila kasi kwento nila 'yon e. Bida sila sa kanilang sariling kwento.

“Mukhang tama ang unang nagdulog ng kaso Hanggang sa dumating ang kabilang panig at pagtatanungin siya.” —Kawikaan 18:17

Kapag hindi mo pa nabe-verify ang kwentong sinabi sa 'yo, ito ay isang tamang pagkakataon para manatiling tahimik. Gawin ang gusto mong gawin ng iba para sa 'yo at ano ang tamang gawin? Kumpirmahin ang kuwento mula sa bibig ng dalawa o tatlong saksi. 'Wag mong paniwalaan ang isa at i-reject ang kabilang panig. Magagalit ang Diyos sa mga taong kumakampi sa masama.

NUMBER 7
manahimik ka kung HINDI KA PINAGSALITA

Isang senyales 'yan ng paggalang sa isang tao. 'Wag ka munang sumabat sa usapan kung hindi mo pa oras. Basahin natin ang Kawikaan 17:28,

“Kahit ang mangmang ay itinuturing na marunong kung nananatili siyang tahimik, At ang nagtitikom ng bibig niya ay itinuturing na may kaunawaan.”

Paano kung may gusto ka talagang sabihin sa kaibigan mo, sa katrabaho mo, sa boss mo, sa kahit sino. Ano ang dapat mong gawin? Pwede namang magsalita pero hinay-hinay lang. 'Wag kang masyadong dumaldal baka may masabi kang pagsisihan mo sa huli.

“Kapag maraming sinasabi, hindi maiiwasang magkamali, Pero ang nagpipigil ng kaniyang dila ay matalino.” —Kawikaan 10:19

Kaya dapat pag-isipan mong mabuti bago ka magsalita. Kung hindi ka sigurado sa mga sasabihin mo, mas mabuting manahimik ka na lang. 

NUMBER 8
manahimik ka kung MAY TAONG NAGSASALITA

Kung may nagsasalita, makinig ka. Ito ang sabi sa Deuteronomio 5:27,

“Ikaw ang lumapit para makinig sa lahat ng sasabihin ng Diyos, at ikaw ang magsabi sa amin ng lahat ng sasabihin sa iyo ng Diyos, at makikinig kami at susunod.”

Halos lahat naman tayo ay may kadaldalan. Pero minsan, kailangan nating manahimik para mas marinig natin ang gustong ipahiwatig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga taong ipinadala Niya. Kung nakaugalian mo na ang pagiging madaldal, ito ang tamang pagkakataon na maglaan ka ng oras bawat araw para maupo at makinig. Nakakamangha ang maririnig mo mula sa Kanya kapag pinatahimik mo ang iyong isipan.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177