5 Bagay na Dapat Mong Tandaan Para Di Madaya ng Maling Impormasyon By Brain Power 2177
Sa ngayon, napakadali nang makakuha ng impormasyon, kasama na ang mga makakatulong sa iyo na manatiling ligtas at malusog. Pero kapag nagse-search ka, dapat kang mag-ingat sa maling impormasyon, gaya ng:
Mapandayang balita at di-totoong report. At 'wag na 'wag ka ring maniwala kaagad sa mga tsismis.
Kaliwa’t kanan ang mga nakakasamang payo sa kalusugan at mga scam na panggagamot. Ang daming kasinungalingang maririnig sa telebisyon at radyo. Laganap din sa Internet ang mga conspiracy theory. Normal na sa mga tao ngayon na ilabas ang galit nila o ipakita na may pagtatangi sila sa ibang tao o grupo.
Siyempre, hindi na bago ang mga maling impormasyon. Pero inihula ng Bibliya na sa panahon natin, “ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ. Sila ay manlíligaw at maililigaw” (2 Timoteo 3:1, 13) Dahil sa Internet, mas madali at mas mabilis na tayong makatanggap at di-sinasadyang makapag-share ng maling balita. Kaya naman ang ating e-mail, social media account, at news feed ay punô ng impormasyong hindi naman totoo o may halong kasinungalingan.
Paano mo maiingatan ang sarili mo sa mga maling impormasyon at conspiracy theory? Pag-usapan natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong.
NUMBER 1
HUWAG BASTA MANIWALA SA NAKIKITA MO O NARIRINIG
Ang sabi ng Kawikaan 14:15,
“Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, Pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”
Madali tayong madadaya kung hindi tayo mag-iingat. Nagkalat sa Internet ang mga larawang may caption at maiikling video, lalo na sa social media. Tinatawag itong mga meme, at kadalasan nang ginagawa ito para magpatawa. Pero napakadaling baguhin ang mga larawan o video o gamitin ito nang walang context—ibig sabihin, kukunin lang ang isang parte sa sinabi ng isang tao pero hindi kasama ang iba pa niyang sinabi kaya nagbabago ang kahulugan nito. May ilan pa nga na kayang gawan ng video ang isang tao na para bang sinasabi niya o ginagawa ang isang bagay, kahit hindi naman talaga.
NUMBER 2
SURIIN ANG PINAGMULAN NG IMPORMASYON
AT ANG NILALAMAN NITO
Ang sabi ng 1 Tesalonica 5:21,
“Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.”
Bago maniwala o ipasa sa iba ang nabasa mo o napanood mo, siguraduhin mo muna kung totoo ba ito kahit kalat na kalat na ito o paulit-ulit nang ibinabalita. Paano? Suriin ang pinagmulan ng balita. Minsan, posibleng ibahin ng mga news media company at ng iba pang organisasyon ang pagbabalita nila dahil sa pakinabang o depende sa pananaw nila sa politika. Kaya ikumpara ang napanood mo sa iba pang nagbalita nito. Kung minsan, di-sinasadyang nakakapag-e-mail o nakakapag-post ng maling impormasyon ang mga kaibigan natin. Kaya huwag mong basta paniwalaan ang isang bagay hangga’t hindi mo natitiyak ang talagang pinagmulan nito.
Siguraduhing tama at updated ang nilalaman ng balita. I-check ang petsa at iba pang detalye, pati na ang mga ebidensiya na magpapatunay dito. Lalo nang mag-ingat kapag parang masyadong pinasimple ang komplikadong impormasyon o kapag ang intensiyon ng balita ay para maapektuhan ang emosyon mo. Sa ngayon, ang pagsusuri kung totoo ang impormasyon ay parang kasinghalaga na rin ng paghuhugas ng kamay.
NUMBER 3
ALAMIN ANG TOTOO,
HINDI KUNG ANO ANG GUSTO MONG PANIWALAAN
Ang sabi ng Kawikaan 28:26,
“Ang nagtitiwala sa sarili niyang puso ay mangmang.”
May tendensiya tayong paniwalaan ang mga impormasyong gusto nating paniwalaan. At kadalasan, kung ano ang mga hilig natin o sine-search, iyon ang ipinapadala ng mga Internet company sa social media at news feed natin. Pero ang totoo, hindi laging ang gusto nating marinig ang dapat nating marinig. May kakayahan ang mga tao na mag-isip at maging lohikal, pero naaapektuhan ito ng mga kagustuhan, inaasahan, kinakatakutan, at interes natin kaya mas malamang na isipin nating totoo ang isang bagay kung ito ang gusto nating paniwalaan.
NUMBER 4
HUWAG MAGKALÁT NG MALING IMPORMASYON
Ang sabi sa Exodo 23:1,
“Huwag kang magkakalat ng ulat na di-totoo.”
Tandaan na ang impormasyong sasabihin mo sa iba ay makakaapekto sa iniisip nila at ginagawa. Kahit hindi mo sinasadyang magpasa ng maling impormasyon, may masamang epekto pa rin 'yon. Ang No. 1 rule ay huminto at tanungin ang sarili, ‘Totoo ba talaga itong ise-share ko?’ Kung gagawin 'yan ng lahat, maraming maling impormasyon ang mababawas sa Internet.
Comments
Post a Comment