3 Paraan Para Mabago Ang Luma Mong Ginagawa By Brain Power 2177


Photo by ahmed akeri:
https://www.pexels.com/photo/woman-looking-up-while-standing-on-a-rock-19702039/


Paano mo babaguhin ang ugali mo? Paano mo babaguhin ang sarili mo? Paano mo iiwan ang iyong mga bisyo? Paano mo babaguhin ang masama mong ugali? Paano mo pipigilan ang iyong sarili upang hindi ka magkasala? Napakahirap kasi na magbago. Sa totoo lang, maraming tao ang nagtatanong kung paano babaguhin ang kanilang sarili. Maraming tao ang nalulong sa pagsusugal, sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, at pag-abuso sa droga. Kaya para sang-ayunan ka ng Diyos, kailangang ihinto mo ang masasamang bisyo na ito. Magagawa mo ito sa tulong ng Diyos at ng kapangyarihan ng Kaniyang nasusulat na salita.

May 3 na kailangan nating gawin para tayo ay tuluyang magbago para sa mabuti at para sa mas banal.


NUMBER 1
ITIGIL MO NA ANG DATI MONG GINAGAWA


Mahirap man ihinto ang mga gawaing nakasanayan mo, pero magagawa mo ang mga pagbabagong ito sa tulong ng puspusang pananalangin at pag-aaral ng Bibliya. Nakilala natin ang Diyos at mahal natin Siya, kaya naman gusto nating gawin ang nakalulugod sa Kaniya. Pero sa kabila niyan, dahil hindi tayo perpekto, hindi natin kayang palugdan ang Diyos sa lahat ng pagkakataon. Katulad tayo ni apostol Pablo, na nagsabi:

“Dahil alam ko na sa akin,
sa akin ngang di-perpektong katawan,
ay walang anumang mabuti;
dahil gusto kong gawin ang mabuti
pero wala akong kakayahang gawin iyon.” 
—Roma 7:18

Mahihirapan kang magbago dahil palagi mong iniisip ang mga dati mong ginawa. Hindi mo matitikman ang bagong buhay dahil nasasarapan ka na sa dati mong buhay.

“Kung nakatikim na ng lumang alak ang isang tao,
hindi na niya gugustuhing uminom ng bago,
dahil sasabihin niya, ‘Masarap ang luma.”
—Lucas 5:39

Para magbago ka, kailangang hintuan mo ang pagkakababad mo, hintuan mo ang pag-inom mo, paninigarilyo mo, pamumuhay mo sa luma, doon sa dati mong ginagawa. Ihinto mo na ang makasalanang mga gawain. Pero 'wag ka namang mag expect na hindi ka na magkakamali o hindi ka na magkakaroon ng maling motibo at hilig. Kasi sa totoo lang, may ilang kahinaan na kailangang paglabanan nang maraming taon. Pagsikapan mong malabanan 'yon. Kailangan mong ihinto ang paggawa ng mali kasi alam mong mali 'yon. Habang ikaw ay nananatili sa dating sitwasyon, hindi ka magbabago dahil sarado ang iyong mga tainga. Hindi ka nakikinig ng mabuting payo na galing sa Bibliya. Kahit gusto mong magbago, hindi ka magbabago kung ayaw mong itigil ang nakagisnan mo. Kung gusto mong magbago, kailangan mong ilayo ang sarili mo sa mga sitwasyong hindi maganda. Siguradong makakagawa ka ng kasalanan kung nandiyan ka pa rin sa sitwasyon na 'yan. Paano ka titigil sa online gambling kung may mga gambling apps ka sa phone mo? Paano ka titigil sa pagsasabong kung palagi kang pumupunta sa sabongan? Paano ka titigil sa pagtaya kung may numero kang hinahawakan? Katulad rin 'yan ng pagda-diet. Paano ka magda-diet kung ang daming pagkain sa ref? Siyempre ma-motivate kang kumain. Paano ka titigil sa panonood ng pornography kung palagi kang nagba-browse ng internet tapos binibisita mo pa ang mismong website. Hindi ka magbabago kung hindi ka lalayo sa sitwasyong ayaw mo na. Kung nananatili ka sa sitwasyong ayaw mo, 'yang sitwasyon na 'yan ang hahatak sa 'yo kasalanan. Para magbako ka, kailangan mong alisin, ilayo, putulin ang iyong ugnayan sa mga bagay na 'yon. Itigil mo na ang mga ginagawa mong alam mong kasalanan sa mata ng Diyos.


NUMBER 2
GUMAWA KA NG PANIBAGONG BAGAY


Siyempre, hininto mo na ang iyong dating ginagawa, ito na ang kasunod, gumawa ka ng panibago at mabuting bagay na kaayon sa batas ng Diyos. Kung magsisisi tayo at hihingi ng tawad sa Diyos salig sa napakahalagang paglalaang ito, makatitiyak tayo na mananatili tayong kaibigan Niya. Siyempre, hindi tayo nagbubulag-bulagan na lang sa ating mga kahinaan. Para manatiling kaibigan ng Diyos, kailangan tayong magsikap na lalo pang tularan ang Diyos at taglayin ang uri ng pagkatao na nais Niya. Pagsikapan nating kontrolin ang ating mga kahinaan. Kailangan tayong patuloy na maibalik sa ayos. Hindi ka magbabago kung wala kang mahahanap na bagong gawain.

“Wala ring taong naglalagay ng bagong alak
sa lumang sisidlang balat.
Kapag ginawa niya ito,
papuputukin ng bagong alak ang sisidlang balat,
matatapon ang alak, at masisira ang sisidlang balat.

Kaya sa bagong sisidlang balat dapat ilagay ang bagong alak.”
—Lucas 5:37, 38

Nakuha mo naman siguro ang punto, 'di ba? Hindi ka pwedeng mag-isip ng panibago kung ginawa mo pa rin ang dati. Kailangan mong gumawa ng panibago at iwan mo ang dati mong ginagawa. Hindi natin masisisi ang mga nalululong sa sugal, ang mga taong puno ng bisyo, kasi ang iniisip nila, kung ihinto nila ang mga gawaing 'yon, magiging boring ang kanilang buhay. Wala na silang libangan. Diyan dapat papasok ang bago mong gawain. Ipalit mo sa dati mong gawain. Halimbawa, napakataba mo na, alam kong gusto mong pumayat, pero hindi mo kinakain ang bagong pagkain na magpapa-slim sa 'yo. Kinakain mo pa rin ang iyong nakasanayang pagkain. Dapat ang bago mong gawin ay kumain ng healthy foods, dapat physically active ka, upang makita mo ang pagbabagong ninanais mo at hindi 'yon boring dahil mae-excite kang makita ang bago mong katawan. Hindi mapapahinto ng mga tao ang kanilang bisyo kung wala silang ipapalit na bago. Kailangan ang patuloy na pagsisikap para ikaw ay maibalik sa ayos at makapagpakita ng bagong personalidad. Pinaalalahanan ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya:

“Tinuruan ko kayong alisin ang inyong lumang personalidad
na naaayon sa dati ninyong paraan ng pamumuhay
at pinasasamâ ng mapandayang mga pagnanasa.

At dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip

at isuot ng bagong personalidad
na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos
at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.”—Efeso 4:22-24

Ibig sabihin, ang pagbibihis ng bagong personalidad ay isang patuluyang proseso. Tulungan mo ang mga kakilala mong gustong magbago.


NUMBER 3
SUMAMA KA SA MGA MABUBUTING TAO


Kahit binihisan na natin ang ating sarili, kahit iniba na natin ang ating lifestyle, hindi pa rin tayo magbabago kung sumama pa rin tayo sa mga taong may ginagawa na ayaw mo ng gawin. Dahil sila ang hahatak sa 'yo na maibalik ka sa dati mong landas. Kailangan mong maghanap ng bago at mabubuting kaibigan. Dahil sila ang tutulong sa 'yo na magbago ka ng patuluyan. Ang dami ko ng naririnig na mga taong gustong magbago sa buhay pero walang nangyayari dahil walang planong magbago ang mga taong nakapaligid sa kanya. Bad influence 'yan. Ang daming negatibo sa paligid at mahahawa ka sa ganyang mentalidad. Ayaw mo ng manigarilyo tapos nalalanghap mo ang usok ng sigarilyo ng kaibigan mo. Hindi ka ba matutukso sa amoy ng usok? Hindi mo mapipigilan ang iyong sarili sa ganyang sitwasyon. Habang tinitiis mo na umiwas, ang nasa tabi mo naman ay walang paki. Kung gusto mong magbago ang takbo ng buhay mo, kailangan mo ng bagong kaibigan na hindi bisyoso. Pumili ka ng kaibigang nagmamahal sa Diyos.

“Ang lumalakad na kasama ng marurunong
ay magiging marunong,
Pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”
—Kawikaan 13:20

Kailangan natin ang marubdob na pagsisikap para malinang ang makadiyos na mga katangian. Inaasahan ng Diyos na magsisikap tayong kontrolin ang ating pag-iisip at damdamin. Sa paggawa nito, nakadarama tayo ng kasiyahan dahil nakikita nating patuloy na binabago ng Bibliya ang ating buhay. 'Wag kang mag-alala. Tutulungan ka ng Diyos. Kapag kasama mo ang Diyos, walang bagay ang imposibleng gawin. Kapag kasama mo ang Diyos, pinapalakas at pinapasaya Niya tayo. Dahil Siya ang source ng positivity. Kung nakapokus ka sa Diyos, hindi magiging boring ang pagbabago mo. Tandaan mo 'yan. Kung ang buhay mo ay diretso lang sa Diyos, hinding hindi ka malulungkot. Siyempre maitatanong mo, bakit nalulungkot pa rin ako? Kasi wala ka sa pokus. Kung saan-saan na lang pumupunta ang iniisip mo. Nakapokus ka sa mga problema mo. Nakapokus ka sa mga tsismosang tao. Nakapokus ka sa sakit mo. Nakapokus ka sa kahinaan mo. Natatakot ka kung kailan ka mamamatay. Kung nakapokus ka sa Diyos, hinding hindi ka malulungkot.

Alam mo ba ang dahilan kung bakit may mga adik? Bakit may mga hindi loyal sa relasyon? Dahil KALUNGKUTAN ang nananahan sa kanilang puso. Depress sila. Sobrang stress nila. Ginawa nila ang mga bagay na hindi pwede dahil 'yon ang nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang buhay. Kapag sila ay magkakaroon ng mabuting kaibigan, makakawala sila sa madilim na sitwasyon. Tandaan mo, may epekto sa atin ang mga kaibigan natin. kaya mahalagang piliing mabuti ang mga kaibigan natin. Kung mahal natin ang mga nagmamahal sa Diyos, makakasama natin ang mga taong makakatulong para makapanatili tayong tapat sa Kaniya magpakailanman.

Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya. Kung pipiliin nating gawin ang kalooban ng Diyos at magsikap tayong gawin ito, naipapakita nating mahal natin ang Diyos at magsisikap tayong gawin ito, at nais natin Siyang mapalugdan. Kaya kapag kusang-loob at puspusan nating sinisikap na itaguyod ito, natutuwa ang ating maibigin at mapagpahalagang Ama sa langit.

“Kaya kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo,
siya ay isang bagong nilalang;
lumipas na ang mga lumang bagay,
at may mga bagong bagay na umiral.”
—2 Corinto 5:17




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177