Kasama mo Ang Diyos By Brain Power 2177
Tandaan mo 'to palagi, HINDI KA NAG-IISA.
“Nasaan ang Diyos n'ong ako'y nagdurusa?”
“Nakakalimutan ba Niya ako?”
“Paano ko ba 'to malalampasan?”
Alam ng Diyos na may mga araw na tayo'y nababalot ng TAKOT at nababalot tayo ng walang KATIYAKAN, lalo na sa panahon nating ngayon na halos puno na ng masamang pangyayari. At alam rin Niya na manghihina tayo sa spiritwal sa mga kalagayang ito. Alam Niya na magkakaroon ng mga kalagayang napakahirap at madalas na tatanungin natin kung mahal ba talaga Niya tayo at sinasamahan ba Niya tayo sa ating pagdurusa?
Ngunit ipinapakita sa atin ng Banal na Kasulatan na hindi tayo nag-iisa sa ating mga kalagayan - gaano man kahirap ang mga ito. Sabi ng Diyos sa Isaias 43:2,
“Kapag dumaan ka sa tubig, kasama mo ako,
At kapag tumawid ka sa mga ilog, hindi ka maaanod.
Kapag lumakad ka sa apoy, hindi ka mapapaso,
Hindi ka masusunog kahit bahagya.”
Gaano man kahirap ang pinagdaanan mo at gaano man kadilim ang panahong bumalot sa 'yo, ang Diyos ay sumasaiyo. Nangako Siyang sasalubungin ka Niya kung nahihirapan ka at tutulungan ka Niya,
“Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako.
Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.
Papatibayin kita, oo, tutulungan kita,
Talagang aalalayan kita sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.”
— Isaias 41:10
Wala ng dahilan upang matakot pa dahil HINDI KA NAG-IISA. Ang Diyos ay nandiyan lang para sa bawat luha at bawat kalungkutan.
“Nakasubaybay ka sa aking pagpapagala-gala.
Ipunin mo ang mga luha ko sa iyong sisidlang balat.
Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?”
— Psalm 56:8
Palalakasin Niya ang puso mo at tutulungan ka Niyang makabangon, kahit saan ka man napadpad. “Bakit?” 'Yan ang madalas nating maitatanong kung wasak ang ating puso at kung naalog ang ating buhay.
“Bakit hinayaan ng Diyos na akoy nagdusa?”
“Bakit nangyari sa 'kin 'to?”
Alam mo, hindi lang ikaw ang nagtatanong niyan. Halos lahat tayo. Kasama pati si David. Ang dami niyang nga BAKIT LIST. Mababasa natin 'yan sa Awit 22:1,
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit hindi ka dumarating para iligtas ako?
Bakit hindi mo naririnig ang pagdaing ko?”
Kita mo 'yan? Hindi lang IKAW ang nagtatanong ng ganyan. Puntahan naman natin ang sitwasyon ni Job. Kilala mo ba si Job? Si Job ay isang matuwid na tao na nawalan ng ari-arian at nawala lahat ng mahal niya, pagkatapos ay nakipagtalo siya sa mga kaibigan niya tungkol sa kung BAKIT ang lahat ay nag-iba. Kahit si Hesus ay naglabas ng taos-pusong “Bakit?” na tanong sa Diyos nang Siya ay namatay. Basahin natin ang Mateo 27:46,
“Nang bandang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas:
“Eli, Eli, lama sabaktani?”
na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Bakit? Bakit hinayaan tayo ng Diyos na magdusa? Hindi ba Niya kayang tapusin ang kasamaan? O di kaya'y gumawa Siya ng bagong mundo? Nang nilikha ng Diyos ang mundo, ito ay PERPEKTO. Sinasabi ng Genesis 1:31,
“Nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.”
Ibig sabihin na hindi ito kagagawan ng Diyos. Ang mundo noon ay napakabuti. Walang kasalanan, walang kasamaan, walang sakit, walang kamatayan, walang taksil. Ngunit pagkapasok ng mga unang tao sa lupa, pumasok din ang kasalanan. At binago nito ang lahat. Kaya sa ngayon, hindi alintana KUNG MAGKAKAROON BA NG PAGDURUSA. Ang isipin na natin ay anong gagawin KAPAG MAYROON NA. Sabi ni Hesus sa Juan 16:33,
“Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan
sa pamamagitan ko. Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan,
pero lakasan ninyo ang inyong loob!”
Kaya't dapat isipin mo na HINDI ito KAGAGAWAN ng Diyos. We can rest assured that our pain is not God’s fault. On the contrary, our greatest pain is an opportunity to see God’s power.
May mga sandali habang tayo'y nagdurusa, maiisip natin na ito na ang katapusan natin, wala na tayong ibang maiisip kundi magmumukmok na lang sa tabi. Para sa Diyos ay hindi pa ito ang katapusan mo. Kung naghihirap ka ngayon, ibig sabihin na hindi pa tapos ang misyon mo.
“Alam natin na pinangyayari ng Diyos na magtulong-tulong
ang lahat ng kaniyang gawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos.”
— Romans 8:28
Sa Isaias 43:18, 19, Nangangako ang Diyos.
“Huwag na ninyong alalahanin ang dating mga bagay,
At huwag na kayong mabuhay sa nakaraan.”
Nakikita ng Diyos ang durog mong pagkatao dahil sa nangyari sa 'yong nakaraan at nakikita rin niya ang mapanganib na naghihintay sa 'yong hinaharap. Sa bawat hakbang mo, ang Diyos ay kumikilos rin upang makagawa ng isang maliwanag na daanan. Kahit na hindi mo ito nakikita. Ang iyong pinakapangit na magawa ay sumuko kaagad nang hindi pa nabubuklat ang Kanyang pagligtas. Paano mo malalamang nandiyan nga ang Diyos sa tabi mo kung bumitaw ka na kaagad?
Hindi mahalaga kung ano ang nawala sa iyo, kahit ano pa man ang nawala sa 'yo, ang Diyos ay palaging nakaalam sa mga 'yon. Kumikilos ang Diyos upang ibalik ang iyong mapayapang buhay at masiyahing puso nang hindi mo masusukat. Basahin natin ang Efeso 3:20,
“Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos,
magagawa niya ang mga bagay
na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.”
Hindi pa ito katapusan ng kwento mo, isa lamang itong intermission, at ang pinakamagandang pangyayari ay darating pa.
Pumikit ka muna saglit. Huminga ka ng malalim. Pabagalin mo muna ang takbo ng isip mo, kahit isang segundo lang. Magpokus ka lang sa araw na 'to. Hindi mo na mababalikan ang nakaraan at hindi mo mapupuntahan ang hinaharap. Magpokus ka lang sa araw NGAYON.
Gusto ko lang na malaman mo, hindi mauubos ang pasakit sa mundong 'to at lahat tayo ay magdurusa. Walang makakailag. Minsan madadapa tayo. Minsan mawawalan tayo ng mahal sa buhay. At isa lang ang papasok sa isip mo, gusto mo ng wakasan ang iyong buhay dahil napapagod ka na.
Ngunit sa bawat pagsubok, sa bawat paghihirap, sa bawat luhang pumatak, HINDI KA NAG-IISA. Hindi ka naglalakad sa mundong ito nang mag-isa. Hindi ka lumalabang mag-isa. Ang lakas mo ay galing sa Kanya. Because sometimes you will not feel strong. Sometimes you will not be able to pick yourself up. Sometimes you will feel so tired. At sa mga mahirap na araw na 'yon, nais kong malaman mo na may nakikipaglaban para sa 'yo. May Isa na palaging nakikipaglaban para sa 'yo.
Nais kong malaman mo, kahit saan ka magpunta, anuman ang kinakaharap mo, gaano ka man kasaya o gaano ka man kalugmok sa buhay, may Isa na kumakatok sa 'yong pintuan, nagmamakaawa na papasukin Siya. Nakatayo Siya roon, nakabukas ang bisig na handang yakapin ka. Gusto ka Niyang hawakan. Gusto ka Niyang i-comfort. Allow that One to do that. Let Him in. Papasukin mo Siya sa buhay mo. Gusto ka Niyang buhatin kung hindi mo na kayang buhatin ang sarili mo.
Papasukin mo Siya. Buksan mo ang pinto at ipakita mo sa Kanya kung gaano kagulo ang buhay mo. Ipakita mo sa Kanya ang durog mong puso, ang luhang pumapatak sa sahig. Ipakita mo sa Kanya ang sakit na dinaranas mo, ang mga kirot, ang iyong mga pasa, ang pagkawala ng iyong tiwala. Ipakita mo sa Kanya kung gaano ka katakot na magmahal muli. Ipakita mo sa Kanya na galit ka at bitter ka dahil nawala kaagad ang mga mahal mo sa buhay. Ipakita mo sa Kanya na malungkot ka at pagod ka at takot na takot ka. Ipakita mo sa Kanya na ayaw mong harapin ang hinaharap. At hayaan mo Siyang iparamdam sa 'yo na MAHAL KA NIYA.
Hayaan mo Siyang yakapin ka. Hayaan mo Siya na punasan ang iyong luha at buhatin Niya ang iyong mga pasanin. Hayaan mong palakasin Niya ang iyong puso at ipakita sa 'yo muli ang araw, ang init, ang liwanag. Hayaan mong hawakan ka Niya hanggang sa mabalanse na ang iyong buhay. Hayaan mo Siyang pakalmahin ang iyong anxiety at lunurin Niya ang iyong mga insecurities.
Hayaan mong ipakita Niya sa 'yo na hindi mo na kailangang matakot sa buhay. Dahil saan ka man magpunta at kahit anong gawin mo, Siya ay tatayo sa 'yong tabi. Hindi ka nag-iisa. Hindi ka kailanman nag-iisa. Sa buong araw mo, minahal ka ng Diyos. At kahit na tinakbuhan mo pa Siya, kahit na sumandal ka lang sa 'yong sariling pang-unawa at kahit na mas kumapit ka pa sa materyal na bagay kaysa sa Kanyang biyaya, kahit na tinalikuran mo ang Kanyang regalo at kahit isinara mo ang pintong 'yon, naghihintay pa rin Siya sa 'yo. Hinihintay ka Niyang buksan mong muli ang pintuan mo, at payagan Siyang pumasok sa buhay mo.
Kaya papasukin mo Siya. Pagbuksan mo Siya. Hayaan mong punan Niya ang puso mo ng Kanyang pag-ibig. Know that no matter what the days bring you, there is a Protector watching over you. Know that in His light, you are found, loved, and whole. And sit here, in this moment, in the now. Close your eyes, breathe in, and know you are not alone, not anymore, and not ever.
“Lakasan ninyo ang loob ninyo at magpakatatag kayo.
Huwag kayong matakot o masindak sa harap nila,
dahil nagmamartsang kasama ninyo ang Diyos.
Hindi niya kayo iiwan o pababayaan.”
— Deuteronomio 31:6
“Ang Diyos ang nagmamartsa sa unahan mo,
at lagi ka niyang sasamahan. Hindi ka niya iiwan o pababayaan.
Huwag kang matakot o masindak.”
— Deuteronomio 31:8
“Walang sinuman ang magtatagumpay laban sa iyo habang nabubuhay ka.
Kung paanong tinulungan ko si Moises, tutulungan din kita.
Hindi kita iiwan o pababayaan.”
— Josue 1:5
“Hindi ba inutusan na kita? Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka.
Huwag kang masindak o matakot, dahil kasama mo ang Diyos
saan ka man magpunta.”
— Josue 1:9
“Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako.
Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.
Papatibayin kita, oo, tutulungan kita, Talagang aalalayan kita
sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.”
— Isaias 41:10
“Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw
hanggang sa katapusan ng sistemang ito.”
— Mateo 28:20
“Kahit na iwan ako ng aking ama at ina,
Ang Diyos mismo ang kukupkop sa akin.”
— Awit 27:10
“Magtiwala ka sa Diyos nang buong puso,
At huwag kang umasa sa sarili mong unawa.
Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas,
At itutuwid niya ang mga daan mo.”
— Kawikaan 3:5, 6
Comments
Post a Comment