9 THINGS To Stop Overthinking by Brain Power 2177
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Palagi ka bang nag-ooverthink? Okay lang naman kung positibo ang ino-overthink mo. Pero kung negatibo ang laman ng ulo mo, hindi na 'yan mabuti. YOUR THOUGHTS BECOME YOUR REALITY. Lahat ng iniisip mo, positibo man o negatibo, ay mararanasan mo sa totoong buhay. Alam mo, hindi lang ikaw ang nag-ooberthink, tayong lahat ay nakakaranas ng ganito. Nakakabaliw ang ganitong kaisipan. Kahit maliit na bagay ay sineseryoso natin. Bumubuo tayo ng negatibong senaryo sa ulo natin. Ang nakakatawa pa, hindi lahat ng pinag-iisip natin ay mangyayari at kung mangyayari man ay hindi gaanong malala. Ang iniisip kasi natin palagi ay y'ong MALALANG MANGYAYARI. Pero 'wag kang mag-alala dahil hindi ka nag-iisa.
Hindi ka talaga nag-iisa at hindi ka ipinanganak na ganyan na lang palagi. Nagiging ganyan ka lang dahil sa mga nakikita mo sa 'yong paligid at naging habit mo na rin. Nabubuo ito dahil sa mga nararanasan mo sa buhay. Kung palagi ka lang nakakaranas ng problema, malamang negatibo rin ang papasok sa ulo mo. Kung hindi tayo ipinanganak na ganito, ibig sabihin na kaya rin natin itong mabago. Kung gusto mong itigil ang labis na pag-iisip, i-identify mo muna kung ano ang dahilan ng sobra mong pag-iisip. At kung alam mo na ang dahilan, dapat baguhin mo na ang iyong mindset. Alam kong hindi madali. Pero kailangan mong pagsikapan.
Gusto mo bang kumalma ang isipan mo? Una sa lahat, alamin mo muna kung ano ba ang OVERTHINK? Ito y'ong nag-iisip ka ng sobra o pinag-iisipan mo ng matagal ang isang bagay. Natural na sa ating mga tao na mag-isip talaga para makagawa ng desisyon, mag-isip sa kahit anumang sitwasyon para may maaaksyonan tayo. Pero kapag sobra² na, sa halip na solusyon ang makikita mo sa 'yong imahinasyon, naging negatibong senaryo na.
“Paano kung hindi ako papasa sa exam?”
“Paano kung malulugi ang negosyo ko?”
“Paano kung wala akong maipon?”
“Paano kung mawalan ako ng trabaho?”
Walang katapusang WHAT IF. Paano na lang kaya kung mangyayari talaga 'yang mga iniisip mo? Sa isipan mo pa lang natatakot ka na, paano na kaya kung mangyayari na talaga? Siguradong hindi ka na makakagalaw.
Photo by Brett Sayles from Pexels
Lahat naman tayo ay ganyan e. Ako rin ay hindi exempted sa ganitong sitwasyon. Naranasan ko ng mag-alala at nai-stress dahil mahilig din akong bumuo ng malalang sitwasyon sa isipan ko. Pero ang nakakatawa pa d'on, y'ong mga iniisip ko noon, hindi pala nangyari ngayon. Nasasayang tuloy ang aking lakas at oras sa mga panahong 'yon. Pero may mga taong nahihirapang kontrolin ang isipan nila. Palagi silang nag-aalala sa kinabukasan nila, palagi silang nag-aalala sa mga hindi nila nagawa noon. Nag-iisip ka rin ng sobra kung ano ang iniisip ng ibang tao sa 'yo, pero sa katunayan, wala naman talagang masamang iniisip ang mga tao tungkol sa 'yo. Akala mo lang 'yon.
Sa pag-ooverthink mo, pilit mong hinuhulaan ang kinabukasan mo. Pilit mong inaayos ang nakaraan mo. Iniisip mo na rin ang mga taong walang pakialam sa 'yo. Lahat ng 'yon ay ILUSYON mo lang. Ang nakaraan ay wala na. Ang kinabukasan ay wala pa. Ang mga tao na nakatingin sa 'yo ay walang pakialam sa 'yo. Don't let your negative self-talk build up in your mind.
Sabi ko nga kanina, ang labis na pag-iisip ay makakabuo ng problema na hindi naman umiiral. Napakasakit, 'di ba? Palagi mo kasing inulit-ulit ang siklo ng iyong isip hanggang sa napaparalisa ka na. Hindi ka makakausad. Hindi ka makakatulog ng maayos. Nakapikit nga ang mata mo pero mulat ang iyong isipan. Ito rin ang dahilan ng pagkaTAKOT. Hindi ka na kumikilos kasi nga TAKOT kang magkamali. Pero alam mo, mas mabuti pang magkamali sa pagkilos kaysa sa wala kang kinikilos. Paano mo malalaman kung mali ba 'yon o hindi kung wala kang ginawa? Kung may nagawa ka mang mali, at least alam mo na mali pala 'yon at hindi mo na uulitin pa.
Mahirap i-shut down ang utak natin. Araw-araw umaandar. Kung anu-ano na lang ang pumapasok. Ang malala pa, pinaniniwalaan natin ang lahat ng pumapasok sa isipan natin. Kaya ang daming tao sa mundo ang nade-depress, ang daming nai-stress, ang daming sumuko sa buhay. Tanungin nga kita, BAKIT LABIS KANG NAG-IISIP? Kailangan mo muna 'yang sagutin bago mo makontrol ang iyong isipan.
“Labis kasi akong nag-iisip kasi napakatindi ng problema ko”
E ano ba ang problema mo? Kailangan mong alamin ang ugat ng pangyayaring 'to. Hindi mo ito maitigil kung mga sanga lang ang binabali mo. Dapat patayin mo ang mismong ugat upang hindi na ito tutubo pa.
Photo by Claudia Barbosa from Pexels
Siguro labis kang nag-iisip dahil insecure ka. Kulang ka ng tiwala sa sarili mo at sa ibang tao. Kung 'yan ang dahilan, kailangan mo munang tratuhin ng maayos ang sarili mo. Kailangan mong mahalin ang sarili mo.
“Nag-ooverthink ako kung hindi magre-reply kaagad ang partner ko”
Ibig sabihin na kulang ka ng pagtitiwala. Isipin mo palagi na hindi mo makokontrol ang lahat ng tao. Kung gagawa sila ng ikakasakit sa 'yo, wala ka ng magagawa d'on kasi 'yon ang kagustuhan nila. 'Yon ang pinipili nila.
Pero bakit nga ba natin itigil ang labis na pag-iisip? Sa totoo lang, may benepisyo naman ang labis na pag-iisip dahil dito mahuhubog ang ating pagkamalikhain at pagdedesisyon sa buhay. Ito'y tagatulak sa sarili natin. Depende rin kasi kung ano ang iniisip mo. Ikaw lang naman ang nakakaalam kung nakakasama ba 'yan o nagtutulak ba 'yan sa 'yo tungo sa tagumpay. Pero kung ikaw yung tipo ng tao na negatibo lang ang binubuo sa isipan, hindi ka talaga magtatagumpay. Imbes na itulak ka nito sa tagumpay, ihuhulog ka nito sa bangin. Overthinking is not rational and it's not part of a larger strategy. Mas lalabo pa ang pananaw mo sa buhay.
Ito pa ang maging dahilan ng iyong pagkabagsak. Oo babagsak ka physically. Manghihina ka. Tataas ang level ng stress hormones. Hindi ka makakatulog. Mawawalan ka ng ganang kumain. Magkakasakit ka. Maikli na nga ang buhay, mas pinapaikli mo pa. Literal na mababaliw ka. Kung hindi mo mapigilan 'to, ikaw ang lalamunin nito. Utak at katawan mo ang maaapektuhan. Maawa ka naman sa sarili mo.
“Paano ko ba 'to mapigilan?”
Hindi lang naman ikaw ang nagtatanong niyan. Halos lahat nagtatanong at halos lahat walang nakukuhang sagot. May nakakaalam man sa sagot, hindi pa rin ikinapit sa kanilang buhay kaya wala pa ring nagbago. You can control everything in yourself. Uulitin ko, hindi mo makokontrol ang panlabas na bagay pero makokontrol mo ang PANLOOB na bagay. Ang PANLOOB na ito ay ang iyong ISIPAN at ang iyong EMOSYON. Kung gusto mong mawala ito, HARAPIN MO ITO. 'Wag kang matakot sa mga naririnig o nakikita mo sa 'yong imahinasyon. Kapag nakaharap mo na sila, gawin mo ang 9 na BAGAY na ito.
NUMBER 1
ALAMIN MO KUNG KAILAN KA
MAG-OVERTHINK
Photo by Kelly Lacy from Pexels
Kadalasan ay nag-ooberthink ka kung ika'y nag-aalala at nai-stress. Lalo na kung may pinagsisisihan ka. Kaya ito ang dapat mong tandaan, sa oras na may mangyaring hindi maganda, kontrolin mo na kaagad ang iyong reaksyon dahil alam mo na, na dito mabubuo ang overthinking. Ang pag-aalala mo naman ay hindi dahil sa isang bagay kundi nag-aalala ka lang sa pagkatao mo. Kulang ka kasi ng tiwala sa 'yong kakayahan kaya mas nananaig ang iyong takot.
NUMBER 2
MAGTIWALA KA SA KAKAYAHAN MO
Hindi ka mahinang nilalang. Marami na nga tayong natural na problema, dinagdagan pa natin. Kinakalaban natin ang mismong sarili natin. Kung hindi ka naniniwala sa kakayahan mo, sa kalakasan mo, sa sarili mo, bawat aspeto ng iyong buhay ay magiging tagilid.
“Paano na 'yan ganito na ako e…”
Bakit ba tinanggap mo na ganyan ka na? Parang mahal mo na yata ang negatibong sitwasyon na 'yan. Paano ka maging positibo sa buhay kung tinanggap mo ang negatibong sitwasyon? Wala kang mararating sa buhay kung nakatali ka na sa kadilimang 'to. Ito ang nagpapahinto sa buhay mo.
NUMBER 3
MAMUHAY KA SA ARAW NA 'TO
Photo by Artem Beliaikin from Pexels
Hayaan mo na ang NAKARAAN. 'Wag mo munang pangunahan ang KINABUKASAN. Tanging NGAYON lang ang iyong MAHAHAWAKAN.
“What if ganito o ganyan?”
“Dapat ginawa ko 'to”
Stop thinking about it. Hindi mo mababago ang mga sitwasyong nangyari na. Kung nagkasala ka noon, kung may hindi ka nagawa noon, hindi mo na 'yon mabubura. Magmamarka na 'yon sa buhay mo at sa buhay ng ibang tao. Ang tanging magagawa mo lang ay kung ano ang ginagawa mo ngayon. 'Wag mong hayaan na ang labis mong pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan ay sisira sa mga pangarap mo at sa buo mong pagkatao.
NUMBER 4
MATUTO KANG MAG MEDITATE
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Ang meditation ay tutulong sa 'yo upang pakalmahin ang iyong kaisipan. Pumunta ka sa tahimik na lugar at doon mo ibuhos ang iyong mga negatibong saloobin. Mas mararamdaman mo ang iyong buhay NGAYON. Mas makokontrol mo ang takbo ng iyong isipan at emosyon. Mas madali mo ring mapansin ang mga bagay na nakamit mo na. Madali mo ring makikita ang kagandahan ng paligid. Hindi ka ba magpapasalamat kahit ang gulo na ng buhay pero napakaganda pa rin ng pagtrato ng Diyos sa atin? Dahil sa meditation, mabubuksan ang iyong KAMALAYAN. Sanayin mo ang iyong isipan na bigyang pansin ang ARAW na 'to.
NUMBER 5
KONTROLIN MO ANG IYONG EMOSYON
Photo by Klaus Nielsen from Pexels
Ang pagsubsob sa sarili mo sa mismong araw NGAYON ay hindi ibig sabihin na isubsob mo rin ang negatibong kaisipan sa ulo mo. Ibig sabihin na kumalma ka lang upang madali mong maunawaan kung anong dahilan ng kanilang paglabas para mas madali mo itong matanggal. Kung nababalisa ka, hanapin mo ang dahilan. Harapin mo ang mga ito. 'Wag mong iparamdam sa mga ito na takot ka. Alam mo, ang kalaban mo ay ILUSYON lang.
NUMBER 6
LAHAT NG PROBLEMA AY MAY SOLUSYON
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Kahit anong problema may solusyon. Maniwala ka man o hindi, may solusyon talaga ang lahat. Alamin mo kung ano ang problema mo at d'on ka magpokus sa solusyon. Mahirap gawin 'yan lalong lalo na kung mabigat ang problema natin. Mas madaling magpokus sa problema, 'di ba? Walang ka-effort-effort. Pero 'wag kang magpapatalo. IKAW ang DRIVER ng iyong BUHAY.
Kung ang dahilan ng labis na pag-iisip mo ay stress sa trabaho, siguro oras na para humanap ka ng ibang trabaho. Hindi pwedeng reklamo ka ng reklamo sa trabaho mo pero hindi ka pa rin umalis. Araw-araw ka na lang bang ganyan? If you’re not where you want to be in life, then do something to change your path. Kung sa tingin mo'y nawawala ka na sa tamang landas, oras na para bumalik ka na sa TAMANG LANDAS. Alam mo na ngang nasa mali kang lugar, bakit ka pa magpapatuloy? Kailangang MATAPANG ka sa 'yong paglalakbay. Walang tao ang makakapagpabago ng iyong buhay, IKAW lang ang makakagawa nun sa sarili mo. Hanggang GABAY lang ako, IKAW pa rin ang KIKILOS.
NUMBER 7
'WAG KANG MATAKOT
Halos lahat gustong magbago pero takot sila sa mga dapat GAWIN para magbago. Takot mabigo, takot malugi, takot sa opinyon ng ibang tao, takot magkamali, hanggang sa ang TAKOT na ito ang pumipigil sa kanilang paglalakbay. Lahat na lang ng nakikita nila ay HINDI TAMA. Kahit anumang mangyari, gumawa ka ng AKSYON. Ito lang ang tanging paraan para makarating ka sa dulo. Sabi nga ng Nike, JUST DO IT. Sabi ng Adidas, IMPOSSIBLE IS NOTHING. Don't be afraid to take that baby step.
NUMBER 8
MAGTANONG KA NG TAMA
Marami kasi sa atin ay nakakakuha ng MALING SAGOT dahil sa MALING KATANUNGAN.
“Bakit niloko ako ng partner ko?”
Tanong pa lang mali na. Bakit? Lahat ng sagot diyan ay mga negatibo.
“Pangit kasi ako”
“Mahirap lang kasi ako”
“Simple lang kasi ako”
Imbes na solusyon ang iyong makukuha, problema pa ang naging resulta. Mas lalong bumaba ang iyong self-esteem. Palitan mo ang tanong ng,
“Bakit nakaka-attract ako ng manlolokong tao?”
Diyan mo maiisip na may pagkukulang ka rin. Maiisip mo na may kailangan kang baguhin sa sarili mo. If you want a better life, a better partner, then make yourself BETTER first. When you ask questions that allow you to make changes to your own behavior and move forward in a healthier manner, you can reduce overthinking and improve your life.
NUMBER 9
KAYA MO ITONG MAPAHINTO
Photo by Joël Super from Pexels
Oo KAYANG KAYA mo. Tayong lahat KAYA natin. Hindi ito swerte² lang. Sabi ko nga kanina, hindi tayo ipinanganak na ganito kaagad. Nag-ooverthink tayo dahil sa mga nakikita natin o naririnig natin sa paligid natin. Halimbawa, kung palagi kang nakarinig ng taong palamura, matututo ka ring magmura. Noong bata pa tayo, wala tayong alam sa mga bagay² sa mundo. Ibig sabihin na kaya rin nating tanggalin ang negatibong pag-iisip natin. Kailangan natin ng sapat na LAKAS, TAPANG at DETERMINASYON. But it also takes the right set of tools.
Kailangan mong malaman kung ano ba talaga ang layunin mo sa mundo. Layunin mo bang ganyan na lang palagi? Gusto mo ba ng ganyang buhay? Alam kong hindi. Kaya kailangan mong umaksyon. Learn how to navigate pain and anxiety, rather than avoiding or suppressing it. Harapin mo ang negatibong takbo ng iyong isipan upang madali mo itong maitakwil. Lahat ng hadlang sa isipan mo ay madudurog mo.
Pangako ko sa 'yo, kapag napahinto mo na ang labis mong pag-iisip at maging normal na ang takbo ng iyong isipan, maging MAS MASAYA ka na, MAS KALMADO, MAS makakaakit ka pa ng mga POSITIBONG TAO. Hindi mo man makokontrol ang nangyari sa paligid mo, pero makokontrol mo ang nangyayari sa kalooban mo. Kung tratuhin mo ng maayos ang iyong sarili, maging mas maayos ang resulta ng iyong buhay.
Comments
Post a Comment