12 Questions na Babago sa Buhay mo By Brain Power 2177


Photo by Andrea Piacquadio from Pexels


Ang mga TANONG ang magtuturo sa atin sa tamang landas. Mga katanungang makakapagpabago ng ating buhay. Yun bang mga katanungang parang walang sagot pero mayroon pala at 'yon magtutulak sa 'yo pataas. Gaya ng,

“SINO BA TALAGA AKO?”

“ANO BA ANG IBIG SABIHIN NG LAHAT NG ITO?”

“BAKIT BA ITO NANGYAYARI SA 'KIN?”

Ang TAMANG TANONG ay maaaring makakapagpabago ng takbo ng iyong buhay, maaaring makakapag patahimik ng maingay mong isipan, o makakapagpagaling ng galit. Kinukuha ko ang mga katanungang ito galing sa iba't-ibang Philosophers, mula sa mga taong palaisip at mula sa pinakadakilang lider. Kinukuha ko ito kasi may HALAGA ito sa buhay mo. If you let them do their work on you,  and let them change you, they have VALUE. Umpisahan mo na ngayon sa pamamagitan ng pagtatanong:


NUMBER 1
SINO ANG MGA KAIBIGAN KO?

Photo by Helena Lopes from Pexels


Marami ang nagsasabi na hindi ka daw mahahawa kung hindi mo hahayaang maging gano'n. Pero ang totoo, nakakahawa ang negatibong tao. Kahit anong sikap mo sa buhay kung nasa maling crowd ka, hindi ka aangat. Kasi maa-adapt mo ang mindset nila. Lahat ng negative energy ay mapupunta sa 'yo. Maaari ring ang pagkanegatibo mo ay mapupunta sa kanila. Talo kayo pareho.

Kung ano ang mga ginagawa natin araw-araw, 'yon din ang mahuhulmang pagkatao natin. Lahat ng ginagawa mo ay maipasa mo sa iba't-ibang tao. At lahat ng ginagawa ng ibang tao ay mapupulot mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo pwedeng magmura sa harap ng mga bata dahil mapupulot nila ang asal natin. Ganyan kalala ang mga salita. WORDS HAVE POWER. Negatibo man o positibo, mapupulot ito ng mga tao. Alam kong may mga kaibigan ka. Pwede bang tanungin mo muna ang sarili mo?

“Nakaka-inspire ba sila 'kin?”

“Bad influence ba sila sa 'kin?”

“May mga ugali ba silang hindi maganda?”

Kasi kung bukas ang pang-unawa mo, may mararating ka sa buhay. Tingnan mo ang mga bata na kalaro din ang katulad nilang bata, ano ang mga iniisip nila? Siyempre ang paglalaro lang. Kumusta naman tayong mga adulto na? Kung ang kinakasama natin ay mga taong puro reklamo sa buhay, puro katoxican lang ang alam, walang pangarap, walang inaaksyonan, malamang gano'n din ang magiging buhay natin. Kung ano ang nakikita natin, kung ano ang naririnig natin, kung ano ang ginagawa natin, 'yan din ang magreresulta. Kumbaga, YOU ARE WHAT YOU EAT. Katulad rin kung anong binabasa natin, kung ano ang ating pinapanood, kung ano ang ating iniisip, magiging 'yon tayo. Kaya't mag-ingat ka sa mga taong sinasamahan mo dahil siguradong magiging katulad ka rin nila. Tanggapin mo man ang katotohanan o hindi pero may malaking impact talaga ang mga kaibigan natin sa ating buhay. Bibliya na mismo ang nagsabi, sa Kawikaan 13:20,

“Ang lumalakad na kasama ng marurunong
ay magiging marunong.
Ang sumasama sa mga mangmang
ay mapapahamak.”


NUMBER 2
KONTROLADO KO BA ANG MGA BAGAY?

Photo by Anete Lusina from Pexels


Hindi lahat kontrolado mo. Dapat mo 'yang tanggapin. Kailangang alam mo ang katotohanan na may mga bagay na HINDI mo makokontrol at MAYROON ding makokontrol mo. Sinasayang natin ang ating oras sa kakaisip o kakakontrol sa mga bagay na hindi natin makokontrol. Alam mo ba kung anong makokontrol natin? Ang ating mga kinikilos, ang ating mga iniisip at ang ating damdamin. 'Yan lang. Kaya't kung may mga taong nananakit sa 'yo, kung may mga problemang darating sa 'yo, nangyari 'yan ng wala sa 'yong kontrol. Ano ba ang dapat mong gawin? Kontrolin mo kung paano ka mag-react. Kung darating ang mga problema, tayo ang makakapagpasya kung tayo ba ay magagalit o patuloy pa ring kumalma. Kasi kung magpapaapekto ka sa mga panlabas na bagay, mabibigatan ka lang. Kung mauunawaan mo lang ang katotohanan, magiging masaya ka. Mas lalo kang lalakas. At sigurado akong magtatagumpay ka. Bakit? Kasi nakapokus ka lang sa mga bagay na HAWAK mo, ang iyong kinikilos, iyong isip at damdamin.


NUMBER 3
ANO BA ANG GUSTO KONG MANGYARI
SA ARAW KO NGAYON?

Photo by Lucas Pezeta from Pexels


Kung hindi mo alam kung ano ang gusto mong mangyari ngayon, paano ka makakagawa ng mga desisyon o plano para makatiyak ka na talagang maganda ang araw mo ngayon? Sa paggising mo pa lang, dapat alam mo kung ano ang gagawin mo sa araw na 'to. Alam ko na may mga araw na positive ka. Isipin mo 'yon saglit kung bakit positibo ang pakiramdam mo sa araw na 'yon? Ano ba ang ginawa mo no'n? Pwede mo ba yung gawin ulit? Bakit gusto mo ang mga araw na 'yon?

“One small positive thought in the morning
can change your whole entire day”

Sa paggising mo pa lang, ngumiti ka na. Hindi lang dahil gusto mong maging positibo ang buong araw mo, dahil rin nagising ka pa. Buhay ka pa. Hindi ba't napakalaking BLESSING na 'yon? Paano kung positibo ka sa paggising mo pero nasisira ito dahil sa ibang tao? Teka lang, natatandaan mo ba ang sinabi ko? Hindi mo makokontrol ang ginagawa ng ibang tao pero makokontrol mo ang iyong reaksyon. Kaya isipin mo, sila ba ang nakakasira ng araw mo? O nasisira ito dahil sa kaka-react mo sa ginagawa nila?

Gan'on lang kasimple ang pagkontrol ng ating buhay. Alam mo namang mahirap na ang buhay, 'di ba? 'Wag na nating dagdagan pa. Magpokus ka lang sa mga bagay na nakakapagpagaan ng iyong buhay. Kahit gaano kahirap ang trabaho mo araw-araw, isipin mo lang kung bakit nagtatrabaho ka. 'Wag mong hayaan na ang sitwasyong hindi mo makokontrol ay sisira sa buong magandang araw na sini-setup mo. IKAW lang ang may kakayahan na mag SET ng araw mo. 'Wag mong hayaan na masisira 'yon dahil lang sa ibang tao o sitwasyon. Tandaan mo na ang MAGANDANG ARAW na gusto mo ay magsisimula sa 'yo.


NUMBER 4
MAGPAPANGGAP BA AKO
O TALAGANG KIKILOS AKO?

Photo by Marcus Aurelius from Pexels


Ito ang isa sa mga problema ng mga tao. Nagkukunwari lang sila na may inaaksyonan. Magkaiba kasi ang GIGIL ng mga taong NAGSISIKAP talaga at nagkukunwari lang. Ang taong nagkukunwari ay magtatrabaho lang kung may taong nakatingin. Ang taong tunay na nagsisikap, kahit walang nakatingin, WALA SIYANG PAKIALAM, dahil alam niya sa sarili niya na ang TAGUMPAY ay makakamit niya may tao mang nakatingin o wala. Alin ka ba sa dalawa? Palagi ka lang bang umaasa o nagpopokus ka sa anong kailangan mong gawin? May malaking pagkakaiba kasi sa dalawa. Kung alin ang pipiliin mo, may impact talaga sa buhay mo. Ito ang dahilan kung bakit marami ang na-stuck sa buhay dahil nakapokus lang sila sa resulta, hindi sa inaaksyonan nila ngayon. 'Wag kang magkunwari na may ginagawa ka. Iba ang taong busy sa nagpapaka busy lang.


NUMBER 5
KUNG HINDI NGAYON, KAILAN?

Photo by Alex Green from Pexels


May mga tao kasi na palagi na lang nagpa-plano pero wala namang ginagawa. Palagi na lang nilang sinasabi na BUKAS NA LANG. MAMAYA NA LANG. Tapos dumating ang bukas, BUKAS na naman ulit. Hanggang kailan? Dapat seryosohin mo ang tanong na 'to.


NUMBER 6
MAY MAWAWALA BA SA 'KIN
KAPAG PALAGI AKONG NAG-AALALA O NATATAKOT?

Photo by Nothing Ahead from Pexels


Siyempre malaking mawawala sa 'yo. Ang iyong KATINUAN. May maiisip ka bang maganda kapag nag-aalala ka o natatakot ka? Wala. Mawawala ang KARUNUNGAN mo. Kapag ba nag-aalala ka sa iba't-ibang bagay, may maiisip ka bang solusyon? Wala rin. Paano kung kalmado ka lang? Siyempre lalabas ng kusa ang mga solusyon. Alam ko at naiintindihan ko na ang mga hadlang sa buhay ay nakakasakit sa atin. Ngunit ang tanging paraan na mapagtagumpayan ang mga hadlang ay sa pamamagitan ng pagkalma. Kung mananatili lang tayong magpakatatag kahit ano ang mangyari, kahit ano man ang ginagawa ng ibang tao, magtatagumpay tayo. Magbubukas ang daan ng tagumpay. Alam kong sasabihin mo na mahirap kumalma kung magkakaproblema na. Kaya nga aralin natin ang ganitong technique. Paano tayo kakalma kung palagi nating iniisip na mahirap itong gawin? Pwede naman sigurong subukan muna natin, 'di ba? Kung nababalisa ka na o natatakot sa mga problema mo, kumalma ka lang at isipin mo,

“Hindi ko 'to masosolusyonan kung negatibo ang mga iniisip ko”


NUMBER 7
GINAWA KO BA ANG NARARAPAT?

Photo by Andrea Piacquadio from Pexels


Dapat mo talagang itanong 'yan sa sarili mo upang malaman mo kung may ginawa ka ba talaga. Sabi nga ng Nike, JUST DO IT. Kung ginawa ko ang buong makakaya ko sa pagsusulat ng motibasyong ito, ano ba ang ginawa mo sa 'yong buhay? Hanggang sa panonood ka na lang ba? Pagkatapos mo bang manood, ina-apply mo ba sa 'yong buhay? Kahit magsisinungaling ka sa 'kin, hindi ka makakapagsinungaling sa sarili mo. Hindi ibig sabihin na busy kang tao ay may ginagawa ka na. Abalang abala ka nga sa buhay pero ang lahat ng pinagkakaabalahan mo ay hindi naman produktibo. Gaya ng abala ka sa trabahong hindi mo gusto. Sa tingin mo ba'y magtatagumpay ka niyan? Maaari tayong masakop sa mga bagay na hindi naman natin gusto, mas ginagawa pa natin ang trabaho ng iba kaysa sa trabaho natin para sa ikakaunlad ng ating sarili. Minsan nga napapagod ka kahit wala ka namang ginagawa. Hindi ka pagod, ipinagpaliban mo lang ang mga gawain mo dahil tinatamad ka.


NUMBER 8
ANO BA ANG PINAKAMAHALAGA SA BUHAY KO?

Photo by Startup Stock Photos from Pexels


Ang dahilan kung bakit itatanong mo ito sa sarili mo upang gawin mo lang ang mga bagay na PINAKAMAHALAGA sa 'yo. Kung hindi mo alam kung ano ang pinakamahalagang bagay sa 'yo, paano mo malalaman kung inuuna mo talaga 'to? Paano mo malalaman kung kinukuha mo ang mga tamang hakbang upang makuha mo 'to? Siguro sasabihin mo na ang pinakamahalaga sa 'yo ay ang pamilya mo, kailangan mong UNAHIN sila. Pero hindi ibig sabihin na ang SAKLAP na ng buhay mo kasi palaging sa PAMILYA ka na lang nakapokus. Darating sa punto na ikokompara mo na ang sarili mo sa ibang tao.

“Buti pa sila masayang gumagala”

NO WAY. Lahat tayo ay may iba't-ibang prayoridad sa buhay. Siguro ang iba'y sasabihing pera ang pinakamahalaga sa kanila. Depende rin kasi sa tao kung ano ang priority nila. Walang makakahadlang sa desisyon mo. Alamin mo ang prayoridad mo at gawin mo 'yan. Alam mo ba ang problema ng karamihan? May prayoridad sila sa buhay pero inuuna pa nila ang mga bagay na ikakasira ng buhay nila. Imbes na may pamilya ka na, mas inuuna mo pa ang mga barkada mo. Kailangan mong maunawaan na may mga bagay na hindi mahalaga at may mga bagay na pinakamahalaga. Ang advantage kasi kung alam mo ang iyong prayoridad, madali kang makakaiwas sa mga problema. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit wala kang narating sa buhay. Hindi mo kasi alam kung ano ang pinakamahalaga sa 'yo. 'Wag kang dumaan sa daanang alam mong walang patutunguhan. Alam mo na ngang hindi mahalaga, ginagawa mo pa.


NUMBER 9
PARA KANINO 'TO?

Photo by Engin Akyurt from Pexels


Kung may ginagawa ka, kung may binebenta ka, dapat alam mo rin kung para kanino ang ginagawa mong 'to. Katulad rin ng pagsusulat ko. Nagsusulat ako dahil para 'to sa mga taong nangangailangan ng payo sa buhay. Hindi ko 'to sinusulat para sa mga taong matagumpay na. Nakapokus ako sa mga pangangailangan ng mga viewers ko.

Ano ang mga problema nila?

Ano ba ang gagawin ko upang matulungan ko sila?

Nakapokus ako sa mga mensahe ko na sana'y makaka-inspire ito ng bawat tao. Gusto kong linawin ang kaisipan nila. Dapat mo rin 'tong gawin. Para kanino ba 'yang ginagawa mo? Nagtatrabaho ka ba para lang sa sarili mo o may pinaghuhugutan ka? Dapat alamin mo 'yon. Gaya rin ng mga negosyante. Nag-iisip sila kung paano pagsilbihan ang kanilang mga mamimili. Kaya nga may FEEDBACK e para malaman nila kung ano pa ang dapat nilang gawin para sa lahat. Ito ang isa sa mga dapat mong matutunan sa buhay upang ika'y magtagumpay.
 

NUMBER 10
DAPAT KO BA 'TONG GAWIN?

Photo by Craig Adderley from Pexels


May mga araw na magdududa ka sa mga pinagagawa mo.

“Dapat ko ba 'tong gawin?”

Dapat mong gawin ang isang bagay kung nagdudulot ito ng magandang resulta. Kung hindi naman, ba't mo naman gagawin? Nasa sa 'yo pa rin ang pagdedesisyon. Kung gusto mong ayusin ang buhay mo, dapat i-apply mo rin ang lahat ng mga natutunan mo. Kung gusto mong sirain ang buhay mo, ikaw na ang bahalang humarap sa mga consequences. May pangarap ka ba sa buhay? Siyempre sasagot ka na mayroon. Pero ang tanong, dapat mo ba 'yang gawin? Siyempre pangarap mo 'yan eh… Maiksi lang ang buhay. Balang araw mawawala rin tayo sa mundong 'to. Hindi ka ba magsisisi kung hindi mo nagawa ang dapat mong gawin? Hindi ka ba nakokonsensya na ang pangarap mo ay hanggang pangarap na lang? 'Yan ba ang ituturo mo sa mga anak mo?


NUMBER 11
KAILAN KO BA 'TO GAGAWIN?

Photo by Ariel Paredes from Pexels


Ito ang isa sa mga hindi ko makakalimutan sa buhay ko, ang pagpasok ko sa YouTube. 2015 pa lang gusto ko ng pasukin ang mundo ng YouTube. Pero ano ang ginawa ko? Hindi ko inaksyonan kaagad. Kailan ko inumpisahan? 2019. Nagsisisi talaga ako. Kung noon ko pa 'to inumpisahan, e 'di sana'y marami ng tao ang naliwanagan. Sana'y matuto rin kayo sa aking pagkakamali. Dalawa kasi ang klase ng ORAS. Oras na nakatunganga. Oras na aktibo tayo. Para sa 'yo, alin ang pipiliin mong oras? Siyempre pipili ka sa aktibong oras. Pero bakit kung may gusto kang bagay, naghihintay ka pa? Tapos ka namang magplano, 'di ba? Aksyon na dapat ang isusunod mo. Let it jolt you back into line. Magsimula ka ng kumilos dahil ang lahat ng 'to ay para sa 'yo lang din naman. 'Wag kang magpapa distract sa mobile games, sa panonood ng teleserye o anu-ano pa. Unahin mo ang layunin mo. If you want to be PRODUCTIVE, be FULLY ALIVE.


NUMBER 12
ANO BA ANG GUSTO KONG MAGING?

Photo by David McEachan from Pexels


Ito ang isa sa pinaka MAHIRAP sagutin. Marami akong kaibigang nabablanko kapag ito na ang itatanong ko sa kanila. Kasi hindi nila alam kung ano ang gusto nilang maging. Tandaan mo 'to: Hindi ka maging isang mabuting tao kung ang iyong mga aksyon ay masama. Hindi ka maging isang masipag na tao kung gusto mo lang ng shortcut tungo sa tagumpay. Hindi mahalaga na sabihin mong mahal mo ang isang tao, mahalaga lamang kung ipakita mo na mahal mo sila. Araw-araw pinoproseso tayo ng buhay, 'wag mo namang balewalain. This is true for life itself. YOU ARE WHAT YOU DO. How we do anything is how we do everything. It is who we are.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177