8 Paraan Para Mawala ang Iyong Pag-aalala By Brain Power 2177





Maraming nagtatanong kung ano ang sekreto para sumaya. Maraming paraan para sumaya pero ang isang punto na pag-uusapan natin ngayon, magiging masaya ka kung wala kang paki sa mga taong negatibo. Kung hindi ka magpapaapekto sa kanila.

'Wag mong i-please ang mga tao. Kung sino ang may gusto sa 'yo, doon ka. Kung sino ang ayaw sa 'yo, hayaan mo sila. Maging maingat sa pagpili ng iyong mga laban at 'wag mong ipilit ang mga bagay na hindi para sa 'yo. Ang pamumuhay ng masaya ay hindi tungkol sa wala ka ng paki sa lahat, kundi tungkol sa pagpokus sa tamang mga bagay. Ito ay isang sining, at tulad ng anumang sining, nangangailangan ito ng pagsasanay.

Kaya sa artikulong ito, ibabahagi ko ang walong simpleng paraan upang malaman natin kung paano ba maging masaya.


NUMBER 1
TANGGAPIN MO NA HINDI KA PERPEKTO


Namumuhay tayo sa isang mundong nahuhumaling sa kasakdalan. Ang daming gumagamit ng mga filter sa social media. May filter na ang buhay. May filter na hitsura. May filter na ang katawan. Napi-pressure tayo sa kakahabol sa perpektong sitwasyon. Ang pagiging perpekto ay isang ilusyon. Hindi ito maaabot at nakakapagod. Post tayo ng post sa social media ng ating masaya daw na buhay tapos kaunti lang ang nagla-like, ayon, apektado tayo. Ang pagtanggap sa sarili mo, sa sitwasyon mo, sa buhay mo, ang unang hakbang para matanggal ang iyong pag-aalala. Matanggal ang iyong paki. Wala akong paki kung ano ang sasabihin ng iba basta mabuti lang ang ginawa ko sa mundo. Kaya tanggapin mo na magulo ang buhay, hindi maiiwasan ang mga pagkakamali at walang problema do'n kasi simula 'yan ng pagkatuto mo.

Kung tanggap natin ang ating mga kahinaan at pagkukulang, pinapalaya natin ang ating sarili mula sa pasanin ng mga hindi makatotohanang inaasahan. Magpokus lang tayo sa kung ano talaga ang mahalaga. At ano ang mahalaga? Ang ating kaligayahan.

Bitawan mo na ang pangangailangang maging perpekto. Sa halip, i-improve mo ang iyong buhay. Ang ating mga imperpeksyon ang nagpapakilala sa atin bilang tao at nagbibigay sa atin ng natatanging kagandahan.


NUMBER 2
PILIIN MO ANG IYONG LABAN


Ano ang ibig kong sabihin? Hindi lahat kinakailangan ng reaksyon mo. Mapapagod ka kung palagi kang nagre-react sa anumang sitwasyon. Isa sa pinakamalaking aral na natutunan ko ay hindi lahat ng laban ay dapat ipaglaban. Naalala ko ang panahon na palagi akong nakikipagtalo nang walang humpay sa mga diskusyon, para lang patunayan ang aking punto. Nakakapagod talaga at sa totoo lang, hindi naman ako naging masaya sa pakikipag-argumento. Pero depende rin naman kung ano yung pinag-uusapan ninyo. Pero kung walang kwenta, hayaan mo na lang. Magdudulot lang ito ng stress at makakasira din ng relasyon. Isang araw, nagpasya akong magbago. Nalaman ko na hindi ito tungkol sa pagkapanalo sa bawat argumento o sa pagpapatunay na tama ako palagi. Ito ay tungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan at pag-alaga sa aking mental na kalusugan. Ngayon, pinipili ko na ang mga laban ko. Bago ka pumatol sa iba, tanungin mo muna ang sarili mo, "Ang pagtatalo bang ito ay sulit para sa aking peace of mind? Mahalaga ba ito sa hinaharap? Kung ang sagot mo ay hindi, palampasin mo na. Umiwas ka sa mga alitan na hindi karapat-dapat sa oras mo o o lakas mo. Ingatan mo ang iyong kapayapaan at piliin mo ng mabuti ang iyong mga laban. Mahirap ang pagbabago sa simula, pero napakalaki ng benepisyo nito. Hindi lang mabawasan ang iyong stress, kundi mag-iimprove rin ang iyong relasyon sa mga tao.


NUMBER 3
MATUTO KANG TUMANGGI


Kung sasabihin mong ayaw mo o hindi mo gusto, 'yan na dapat ang desisyon mo. Sa panahon natin ngayon, ayaw nating tumanggi kasi natatakot tayo na magagalit ang mga tao. Hindi nila matanggap na umayaw tayo sa mga hinihiling nila. Pagsabihan tayong madamot. Parang bang bawal ng tumanggi. Naramdaman ko kasi ang pagod noon. Maraming tao ang pumupunta sa akin para magpatulong. Pinansiyal man o lakas o oras. Yes lang ako ng yes. Ibinigay ko lahat. Pero noong na-ospital ang mama ko, bilang ko lang yung mga taong nangangamusta. Oh di ba? Saan na yung mga taong tinulungan ko? Na-burnout ako. Na-depress. Nagka-anxiety. Pero ang advice na nakukuha ko sa doktor ko, tumanggi ka. Hindi ako madamot na tao pero sana ay maunawaan niyo rin na tao rin ako, nauubusan din ng lakas, panahon at pinansiyal. Hindi sa lahat ng panahon buo ako at hindi sa lahat ng panahon ay may kakampi ako, SARILI KO LANG. Kaya ang pagsasabi ng 'Hindi' ay tungkol sa pagse-set ng mga boundaries at pag-prioritize ng iyong mga pangangailangan kaysa sa i-please mo ang iba. Ito ay tungkol sa pag-unawa sa 'yong mga limitasyon at respeto sa sarili mo. Kapag may gustong makigala o inimbitahan ka sa isang okasyon, pag-isipan mo muna kung ito ba ay naaayon sa 'yong mga prayoridad, sa 'yong moral at sa 'yong kapakanan bago ka magsabi ng OO. Tandaan mo, okay lang na tumanggi.


NUMBER 4
SANAYIN MONG MAG-ISA


Noong 19 pa lang ako, sobra akong na-attach sa isang babae. Durog na durog ako noong naghiwalay kami. Doon din nagsimula na sinanay ko ang aking sarili na mag-isa at hindi basta-bastang ma-attach. Natutunan ko na ang pagkapit mo sa isang bagay o sa isang tao o sa expectations mo ay sanhi ng pagdurusa. Kaya ngayon, sobrang gaan ng buhay ko. Wala akong attachment sa tao. Kahit sa girlfriend man 'yan. Take note, iba po ang attachment sa pag-ibig. Kapag attach ka, nagiging insecure ka. Pero kung pag-ibig ang kumikilos sa puso mo, binibigyan mo sila ng kalayaan. Nakuha mo ba ang punto ko? Hindi ako attach sa babae. Hindi ako attach sa mga bagay. Hindi ako attach sa maaaring mangyari. Ipasok mo palagi sa isipan mo na hindi permanente ang mga bagay-bagay. May hangganan ang lahat. Pwedeng magbago ang lahat. May mga taong mawawala sa buhay mo at may mga bagong taong darating sa buhay mo. At hindi natin 'yan makokontrol. Palayain mo ang iyong sarili. 'Wag mong higpitan ang kapit mo sa mga bagay na wala kang kontrol. Pahalagahan mo sila pero 'wag mong sakalin. Pero hindi ibig sabihin na wala ka ng pakialam 100%. Ibig sabihin nito ay nagmamalasakit tayo nang sobra kasi hinahayaan natin sila na gawin ang kanilang gusto. It’s about finding peace in the present moment, regardless of what it holds.


NUMBER 5
ALAGAAN MO ANG IYONG SARILI


Tatapatin na kita, hindi ko talaga nauunawaan noon ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili. Palagi akong abala sa anu-anong bagay. Inuuna ko na ang iba. Nakakalimutan ko na ang sarili ko. Akala ko 'yon ang ibig sabihin ng tagumpay. Pero nagising lang ako sa katotohanan noong napagod na ako. Doon ko natutunan na ang pag-aalaga sa sarili ay hindi makasarili, kundi kinakailangan talaga. Nagsimula akong maglaan ng oras sa mga aktibidad na nagdudulot sa akin ng saya at kapayapaan. Tiniyak kong magpahinga ng sapat, kumain ng mabuti, at pumunta sa nature. Ang pag-aalaga sa sarili ay nangangahulugan din ng pagprotekta sa ating mental health. Umiwas ka sa mga tao o bagay na nagdudulot ng negatibo. I-unfollow mo ang mga taong toxic sa social media. Positibo lang. Kahit 70% na positibo ay mas okay na kaysa sa nangunguna ang negatibo. Hindi ka makakapagbigay kung kulang ka.


NUMBER 6
TANGGAPIN MO ANG NEGATIBO


Kaya nga sabi ko kanina na kahit 70% lang na positibo ay okay na kasi wala namang tao na 100% positibo sa buhay. Walang perpektong tao. Ang mga comfort zone ay maaaring magmukhang ligtas at komportable, ngunit hindi ka rin matututo sa buhay. Pero kung lalabas ka sa comfort zone mo at haharapin mo ang discomfort, marami kang matutunan sa buhay. Isipin mo ha, noong bago mo pa lang ginawa ang isang bagay, nakakaramdam ka ng discomfort, 'di ba? Noong bago pa lang kayo ng jowa mo, nahihiya ka pa, 'di ba? Sobrang hinhin pa ng kilos mo. Pero dahil sa dicomfort na 'yon, marami kang nalalaman na gawin, na kilos, pagbabago sa sarili mo at marami pang iba. Ang punto ko lang, sa halip na iwasan ang discomfort, yakapin mo ito. Tingnan mo ito bilang isang pagkakataon para umunlad at matuto pa sa buhay.


NUMBER 7
MAGPASALAMAT KA


Sa ating paghahabol sa kaligayahan, madalas nating nalilimutan ang isang simple ngunit makapangyarihang gawain – pasasalamat. Ang pasasalamat ay tungkol sa pagpapahalaga sa kung ano ang mayroon ka ngayon. Ito ay tungkol sa pag-acknowledge sa mabuting nangyayari sa buhay mo, kahit gaano pa ito kaliit. At ito pa ang nakakatuwa – ipinapakita ng mga pag-aaral na ang pasasalamat ay maaaring magpataas ng antas ng kaligayahan, magpababa ng stress, at magpabuti ng pangkalahatang kalusugan. Kaya simulan mo ng isipin ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo bawat araw. Ang dami kong mapapasalamatan sa buhay ko. Ikaw may naisip ka na ba? Ang kaligayahan ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng lahat ng gusto mo. Ito ay tungkol sa pagpapahalaga sa lahat ng mayroon ka.


NUMBER 8
ANO ANG TAGUMPAY PARA SA 'YO?


Define your own success. Iba iba kasi tayo ng success e. Ang iba sinusukat nila ang success sa kayamanan. Pero ako, isang malaking success na buhay pa rin ako. Buhay pa rin ang mga mahal ko sa buhay. Ang pinakamahalagang bagay na dapat mong maunawaan sa paglalakbay na ito ay ang kaligayahan ay lubos na personal. Ano ang ibig kong sabiihin? Ang nagbibigay ng saya sa isang tao ay maaaring hindi magkaroon ng parehong epekto sa iba. Ang bagay na nagpapasaya sa akin ay maaaring hindi makakapagpasaya sa 'yo. So define your own success. What makes you happy? Mahalaga na tukuyin mo ang iyong sariling bersyon ng tagumpay. Huwag mong hayaan na ang lipunan, ang iyong mga kaibigan o ang social media ang magdikta kung ano ang dapat magpasaya sa 'yo. Ikaw ang may kontrol sa buhay mo. Ikaw ang author ng iyong sariling buhay. Tukuyin mo ang iyong sariling tagumpay at gawin mo 'yon para sumaya ka.

'Di ba sabi ko kanina na dapat tanggalin natin ang ating paki. Hindi ibig sabihin na maging cold na tayo o nonchalant o indifferent, whatever you call it. Ito ay tungkol sa pagpokus sa mga bagay na talagang mahalaga sa 'yo at paglikha ng sarili mong landas patungo sa kaligayahan. Bawat isa sa atin ay may natatanging paglalakbay, puno ng iba't ibang karanasan, saya, at kalungkutan. Ang nagdudulot sa 'yo ng kaligayahan ay maaaring hindi gumana para sa iba. Kaya naman napakahalaga na maunawaan mo at yakapin mo ang iyong pagkakakilanlan.

Tandaan mo, ang susi sa masayang buhay ay hindi matatagpuan sa pag please mo sa ibang tao, hindi matatagpuan sa mga materyal na bagay o sa mga pamantayan ng lipunan. Matatagpuan ito sa loob mo. Kaya't isapuso mo ang walong simpleng paraan na ito. Simulan mo na ang iyong paglalakbay at ihanda mo na ang iyong daan patungo sa mas masayang buhay.




Comments

Popular posts from this blog

6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177

Benefits Of Loving Yourself by Brain Power 2177

10 Dahilan Kung Bakit Hindi ka Nila Gusto By Brain Power 2177