10 Bagay sa Buhay na Hindi mo Dapat Pina-public By Brain Power 2177
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang 10 bagay sa buhay na dapat mong panatilihing pribado kung gusto mong mapanatili ang iyong dignidad.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa privacy. Kasi sa panahon natin ngayon, sobra na tayong makapag share ng personal na kaganapan, naging normal na sa atin ang pag post ng kung anu-ano. Ang pagpapanatiling pribado ng ilang aspeto ng iyong buhay ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago. Ang pagpapanatili ng iyong dignidad ay madalas nakasalalay sa kung ano ang pipiliin mong ipakita at kung ano ang pipiliin mong itago. Siyempre, maganda naman ang transparency. Pero ang ilang bagay? Mas mabuting itago mo na lang sa sarili mo. Ang pagkakaalam kung ano ang dapat ibahagi at kung ano ang hindi dapat ibahagi ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa kung paano ka tinitingnan ng mga tao. Alam mo na 'di ba na judgmental ang mga tao. Mula sa mga personal na bagay hanggang sa mga pinansyal, ito ang mga aspeto ng iyong buhay na hindi dapat malaman ng publiko. Kaya sa artikulong ito, tatalakayin natin ang 10 bagay sa buhay na dapat mong panatilihing pribado kung guso mong mapanatili ang iyong dignidad. Pag-usapan na natin 'yan.
NUMBER 1
PERSONAL NA HINANAKIT
Aminin na natin, minsan, lahat tayo ay may mga panahon o sandali na hindi tayo nasisiyahan at hindi pagkakaintindihan. Bahagi na 'yan ng buhay. But here's the thing, ang paglabas ng iyong mga personal na hinaing sa publiko ay hindi magandang gawain. Mapapahiya ka rin. Lahat ay may kanya-kanyang laban na pinagdadaanan. Kahit nahihirapan ka, hindi ibig sabihin ay kailangan mo itong ipagsabi sa buong mundo. Siyempre, okay lang na humingi ng payo o tulong kapag nagiging mahirap ang mga bagay. Malaki ang pagkakaiba ng paghahanap ng tulong at walang katapusang pagreklamo tungkol sa 'yong mga problema. Kung gusto mong mapanatili ang iyong dignidad, lagi mong tandaan na kapag may problema ka lalo na sobrang personal, 'wag mong ipagsabi kahit kanino. Dapat pili lang yung mga taong nakakaalam. I-handle mo ang mga problema mo nang pribado at may paggalang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang mapapanatili ang iyong dignidad, kundi makakamit mo rin ang respeto ng mga tao sa paligid mo.
NUMBER 2
PERA
Kung ano ngayon ang financial status mo, dapat ikaw lang ang nakakaalam. Ganito ako noon e. Kung kikita ako ng malaki sa trabaho online, sinasabi ko sa mga kakilala ko. Doon na nagsimula na iba't ibang opinyon ang naririnig ko at iba na ang pagtrato nila sa akin. Sobrang bait na nila sa akin dahil palagi akong nanglilibre. Hindi mo malalaman kung sino ang tunay sa 'yo kung alam nilang kumikita ka ng malaki. Kapag binibigyan ko sila ng pera, sasabihin nila na maliit lang 'yon kompara sa kinikita ko. Sinusukat na nila ang bagay base sa kinikita ko. Hindi na ako komportable sa ganitong sitwasyon. Natutunan ko na ang pagsabi sa 'yong kalagayang pinansyal ay maaaring magdulot ng hindi kinakailangang komplikasyon at sobrang awkward ng sitwasyon kasi maaari itong makaapekto sa kung paano ka tinitingnan ng mga tao at paano ka itinatrato ng mga tao. Kaya ngayon, ako lang ang nakakaalam ng lahat. Wala na akong pinagsabihan kasi maraming magti-take advantage. Ang pera ay bahagi ng ating buhay na kailangang pribado lang para wala na silang masasabing opinyon tungkol sa pera. Maniwala ka man o hindi, ang pagpapanatiling pribado ng iyong kalagayang pinansyal ay hindi lamang nagpapanatili ng iyong dignidad kundi pinipigilan din nito ang anumang hindi kanais-nais at awkward na sitwasyon.
NUMBER 3
MGA NAKARAANG PAGKAKAMALI
Sa sinaunang Roma, ang mga mamamayang gumawa ng malubhang pagkakamali ay madalas na pinapahiya sa publiko bilang isang anyo ng parusa. Ito ay pinaniniwalaang makakapigil sa iba na gawin ang parehong pagkakamali. Pero harapin natin ang katotohanan, hindi na tayo nasa sinaunang Roma. Lahat tayo ay nagkakamali. Bahagi ito ng pagiging tao. Ngunit ang palaging pagbanggit sa 'yong mga nakaraang pagkakamali ay wala nang ibang naidudulot kundi ang paalalahanan ka at ang ibang tao tungkol sa 'yong mga kahinaan. Ang pagtatago sa 'yong mga nakaraang pagkakamali ay hindi nangangahulugang ayaw mo ang mga ito, kundi pinipili mong magpokus sa kasalukuyan at hinaharap. Minsan kasi 'yang mga pagkakamali mo ang gagamitin ng mga taong toxic para tirahin ka. Tandaan mo, hindi ka na katulad ng dati noong ginawa mo ang mga pagkakamaling 'yon, wala ng saysay para i-judge ka pa nila kung ano ka ngayon. Pero hindi natin mapipigilan ang mga tao na humusga kaya 'wag na lang nating ikalat sa iba ang kamaliang nagawa natin noon. Ang mga pagkakamali mo sa nakaraan ay dapat magsilbing mga aral, hindi dapat i-announce sa public. Itago mo na lang 'yan at gamitin mo ito bilang hakbang patungo sa pagiging mas mabuting tao.
NUMBER 4
MGA SULIRANIN SA PAMILYA
Alam ko naman na walang perpektong pamilya. May problema tayong lahat. May mga negatibo tayong nagawa. May toxic na pamilya rin. Maaaring magkaroon ng hindi pagkakaintindihan, alitan, at kahit na mga hidwaan. Bahagi 'yan ng pagiging pamilya. Pero hindi ibig sabihin ng normal ay i-normalize mo na rin ang ganitong pangyayari. Pwede nating baguhin ang takbo ng sitwasyon. Speaking of family troubles, dapat itong lutasin sa loob ng inyong tahanan, hindi sa harap ng publiko. Hindi sa social media. Ang pagsabi sa mga problema ng iyong pamilya sa mga tao sa labas o kahit na sa social media ay madalas na nagpapalala sa sitwasyon. Maaari itong magdulot ng kahihiyan at siyempre apektado ang buong pamilya sa kahihiyan dahil lang sa pag post mo nito o pagsabi sa mga nangyayari. Halimbawa, may marumi kang underwear, hindi mo 'yan ipo-post 'di ba? dahil nakakahiya 'yon. Ganyan din dapat ang turing mo sa family problems, 'wag mong ipagkalat dahil hindi lang ikaw ang maaapektuhan. Hindi lamang nito pinapanatili ang iyong dignidad kundi pati na rin ang paggalang sa privacy at dignidad ng iyong mga mahal sa buhay.
NUMBER 5
MGA PANINIWALA MO
Lahat tayo ay may kanya-kanyang paniniwala. Iba't iba rin ang ating values. Ang paniniwala mo ang huhubog sa 'yo at gagabay sa 'yong mga kilos. But here's the thing, hindi lahat ay kailangang malaman ang mga paniniwala mo. Ang iyong mga personal na paniniwala ay maaaring maging sensitibong paksa. Maaari itong magdulot ng mga debate, magresulta sa hindi pagkakaunawaan, o kahit magpasimula ng mga alitan. Kaya nga kung may nagtatanong sa akin tungkol sa mga paniniwala ko, hindi ko sinasagot. Okay lang naman na ibahagi ang iyong mga paniniwala sa mga taong pinagkakatiwalaan mo at nirerespeto ang iyong mga pananaw. Pero hindi kinakailangan na ipakalat ito sa lahat ng makakasalubong mo. Ang pagpapanatiling pribado ng iyong mga paniniwala ay hindi nangangahulugang itinatago mo ang iyong pagkatao. Ibig sabihin nito ay pinipili mong panatilihin ang iyong dignidad at iniiwasan mo ang mga hindi pagkakaintindihan o alitan. Ito ay tungkol sa paggalang sa 'yong sarili at paggalang din sa ibang tao na nasa paligid mo.
NUMBER 6
MGA NAGAWA MONG KABUTIHAN
Narinig na natin ang kasabihang, “the left hand shouldn’t know what the right hand is doing.” Sobrang totoo po ng kasabihang 'yan pagdating sa mga gawa ng kabutihan. Hindi lang 'yan basta kasabihan lang, 'yan din ay Biblical. Kapag tumulong ka sa isang tao o gumawa ka ng mabuting gawa, dapat ito ay mula sa puso, hindi para magpapansin o hindi para sa palakpakan. Ang pagpapakalat ng iyong mga kabutihan ay madalas na nagiging sanhi ng kawalan ng katapatan nito at nagmumukha itong isang paraan para makuha ang atensyon ng mga tao. Nagiging attention seeker ka tuloy sa mata ng karamihan. Kapag nagbigay ka ng tulong, itago mo na lang ito sa sarili mo. Hayaan mong ang Diyos na ang bahala na magbigay ng gantimpala sa 'yo. Sa paggawa nito, hindi mo lang pinapanatili ang iyong dignidad, kundi pinapangalagaan mo din ang kadalisayan ng iyong mabuting intensyon. Tandaan po natin na ang tunay na mga gawa ng kabutihan ay yaong ginagawa hindi para sa praises ng mga tao o hindi para palakpakan ka nila, kundi dahil ito ang tamang gawin.
NUMBER 7
MGA ALALAHANIN SA KALUSUGAN
Depress ako noon. Sinabi ko sa iba't ibang tao ang concern ko na ito pero walang naniniwala. Hindi rin nila maiintindihan kung ano ang depression. Akala nila na biro lang ang sakit na ito. May iba parang kawawa ako sa paningin nila. May iba na mali ang mga payo nila. May iba rin na sobrang judgmental. Kaya natutunan ko na dapat professional ang kakausapin ko. Nagpunta ako sa Doktor. Doon ako nag open up. Dapat ganyan rin ang gawin mo. Dapat sa professional ka pumunta kung may health concern ka. Hindi lamang physical discomfort ang dahilan kung bakit 'wag mong ipagsabi ito kundi maaari rin itong magdulot ng emosyonal na pasakit. Ang bukas na pagtalakay sa mga ito ay hindi palaging nagdudulot ng empatiya o pag-unawa na iyong inaasahan. Habang mahalaga na ibahagi ang iyong mga health concern sa malalapit na pamilya, mga kaibigan, o sa mga medical professional, para may makapagbibigay ng suporta at tulong, hindi kinakailangan na ibahagi ito sa lahat ng tao. Ang pagpapanatiling pribado ng iyong mga problema sa kalusugan ay makakatulong sa 'yo na mapanatili ang iyong dignidad at maiwasan ang hindi kanais-nais na atensyon o mga payong walang kabuluhan.
NUMBER 8
MGA LAYUNIN MO
Parang kakaibang payo ito, 'di ba? Madalas tayong sinasabihan na dapat ibahagi ang ating mga pangarap at ambisyon sa buong mundo. Pero ito ang ibang pananaw: ang pananatiling pribado ng mga pangarap mo sa buhay ay minsang mas kapaki-pakinabang. Kapag ibinabahagi mo ang iyong mga hangarin, nagiging bukas ito sa pagsusuri at opinyon ng iba. Ang ilang tao ay maaaring magduda sa 'yong mga kakayahan, kikuwestyunin nila ang iyong mga desisyon at ito ang dahilan kung bakit panghinaan ka ng loob. Maaaring makapagpabago ito sa 'yong paniniwala at makapagpahina ng iyong determinasyon. Sa kabilang banda, ang pagtatago ng iyong mga hangarin sa buhay ay nagbibigay-daan sa 'yo na alagaan ang mga ito sa 'yong sariling paraan, sa 'yong sariling bilis. Binibigyan ka nito ng space upang magkamali, matuto, at lumago nang walang takot sa mga judgmental na tao.
NUMBER 9
LOVE LIFE
Kung sino ang iyong nililigawan, kung sino 'yang partner mo, kung ano ang kalagayan ninyong dalawa, kung ano ang mga pagsubok at tagumpay ng inyong relasyon, o ang kakulangan nito, ay isang bagay na dapat manatili sa pagitan mo at ng iyong partner o pwede mo ring i-share sa mga malalapit mong kaibigan. Ang pagpapakalat ng iyong love life ay maaaring magdulot ng mga payo na walang kabuluhan. May mga tsismis ding magsusulputan. May mga taong manghihimasok. Maaari rin itong magdulot ng matinding pressure sa inyong relasyon. Bukod pa rito, mahalagang igalang ang pribadong buhay ng taong kasama mo. Maaaring hindi sila komportable na ang kanilang personal na buhay ay pinag-uusapan nang hayagan. Pagdating sa 'yong love life, itago mo na lang. Makakatulong ito upang mapanatili mo ang iyong dignidad at para maging healthy ang environment para mas madaling umunlad ang inyong relasyon.
NUMBER 10
SELF-WORTH
Ang iyong self-esteem at self-worth ay mga personal na kayamanan mo. Tinutukoy nito kung ano ang pananaw mo sa sarili mo at kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mundo. Pero tandaan mo, para sa 'yo lang ang mga ito. Kasi kung ipagsabi mo sa iba kung gaano ka kabuo, sila ang dudurog sa 'yo. Huhusgahan nila ang pagkatao mo. Maghahanap sila ng butas para maging tagilid ang pananaw mo sa sarili mo. Kapag pinapahintulutan mo ang iba na makialam sa buhay mo, madalas na nagiging sanhi ito ng maling pananaw sa 'yong sarili. Magiging dependent ka na sa external validation at madali ka na ring matitinag sa mga kritisismo. Mahalagang ipaalala mo sa sarili mo na ang iyong halaga ay hindi nakabatay sa kung paano ka nakikita ng iba kundi sa kung paano mo nakikita ang iyong sarili.
Ang pagpapanatili ng iyong dignidad ay tungkol sa pag-unawa sa kahalagahan ng pribadong buhay. Ito ay tungkol sa pag-alam kung ano ang dapat ibahagi at kung ano ang dapat itago. It’s about drawing a line between public and private.
Kapag pinapanatili mong pribado ang ilang aspeto ng iyong buhay, hindi ibig sabihin na nagtatago ka o may palihim kang kinikilos, ibig sabihin na pinapangalagaan mo ang iyong pagkatao. Pinapanatili mo ang iyong personal space at peace. Tandaan po natin ang sinabi ng Amerikanong manunulat na si Ralph Waldo Emerson: “Nothing can bring you peace but yourself.”
Panatilihin ang iyong dignidad sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa 'yong privacy. Maging mapili sa mga bagay na ibinabahagi mo sa iba. Sa paggawa nito, hindi lang respeto ang makukuha mo kundi magiging mas komportable ka rin sa 'yong sarili. Dahil sa huli, ang pagpapanatili ng ilang bagay na pribado ay hindi tungkol sa pagsara ng buhay mo, kundi tungkol sa paggalang sa sarili mo at sa mga taong nakapaligid sa 'yo.
Comments
Post a Comment