9 na Paraan Para Mabawasan Ang Stress By Brain Power 2177
Stress na stress ka na ba ngayon? Ang daming nagpi-PM sa akin na sobrang stress na raw nila sa buhay.
Gaya ng dalawang nag PM sa akin, hindi ko na lang babanggitin ang pangalan nila, nadarama mo ba minsan na parang nalulunod ka na sa sobrang stress? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito. Tatalakayin natin ngayon kung ANO ANG MGA DAHILAN NG STRESS, kung PAANO KA NAAAPEKTUHAN NITO, at kung PAANO MABABAWASAN ANG STRESS MO.
Ano ang dahilan ng stress? Lumalala ang stress ng karamihan sa mga adulto. Ang buhay ngayon ay punong-puno ng pagbabago at kawalang-katiyakan. Ito ang ilan sa mga nakadaragdag ng stress:
DIVORCE
PAGKAMATAY NG MAHAL SA BUHAY
MALUBHANG SAKIT
AKSIDENTE
KRIMEN
SOBRANG DAMI NG GAWAIN
DISASTER—NATURAL MAN O GAWA NG TAO
PRESSURE SA PAARALAN O TRABAHO
PROBLEMA SA PERA AT TRABAHO
Ang kawalan ng trabaho ay sobrang nakapanlulumo, kaya ang mga nawalan ng trabaho ay posibleng magkasakit, magkaproblema sa pagsasama nilang mag-asawa, magka-anxiety, madepres, at magpakamatay pa nga. Ang kawalan ng trabaho ay nakakaapekto sa buong buhay ng isang tao.
Nai-stress din ang mga bata. Ang ilan ay nabu-bully sa paaralan o napapabayaan sa tahanan. Biktima naman ang ilan ng pisikal, emosyonal, o seksuwal na pang-aabuso. Marami rin ang nai-stress dahil sa exam at dahil sa grade sa paaralan. May mga nahihirapan dahil sa paghihiwalay ng mga magulang nila. Ang mga batang nai-stress ay posibleng dumanas ng mga bangungot, mabagal matuto, madepres, o may tendensiyang ihiwalay ang sarili. Hindi naman makontrol ng ilan ang kanilang emosyon. Kailangang matulungan agad ang mga batang nai-stress.
Ano ang stress? Ang stress ay ang reaksiyon ng iyong katawan sa isang napakahirap na sitwasyon. Magpapadala ang utak ng napakaraming hormone sa iyong buong katawan. Dahil dito, bibilis ang tibok ng puso mo pati na ang iyong paghinga, tataas ang presyon ng dugo mo, at magkakaroon ka ng tensiyon sa 'yong mga muscle. Pero bago mo pa mapansin ang mga pagbabagong ito, handang-handa na ang buong katawan mo. Kapag natapos na ang nakaka-stress na sitwasyon, babalik na sa normal ang katawan mo.
Tandaan po natin na may nakakabuting stress at may nakakasamang stress. Ang stress ay isang normal na reaksiyon ng ating katawan na tutulong sa atin na maharap ang mahirap o mapanganib na mga sitwasyon. Nagsisimula ang reaksiyong ito sa ating utak. Nakakabuti ang stress dahil tutulong ito sa atin na kumilos agad. At kung tama ang antas ng ating stress, tutulong ito sa atin na magawa ang mga gusto nating gawin o maging mahusay, halimbawa, maging mahusay sa panahon ng exam, interview sa trabaho, o maging sa sports.
Pero ang chronic stress, o matagal at matinding stress, ay makakasamâ sa atin. Kapag patuloy at paulit-ulit na ang stress natin, posibleng maapektuhan ang ating pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan. Baka magbago rin ang ating pag-uugali at pakikitungo sa iba. Nang dahil sa sobrang stress, ang ilan ay gumagamit ng droga o nalululong sa ibang bisyo para lang makalimutan ang stress. Baka mauwi pa nga ito sa depresyon, sobra-sobrang pagod o burnout, o sa pagnanais na magpakamatay.
Iba-iba ang epekto ng stress sa bawat tao. Puwede itong maging dahilan ng iba’t ibang sakit at naaapektuhan nito ang halos buong katawan.
Ano ang epekto ng stress sa katawan natin. Ayon sa research, maaapektuhan ang ating nervous system. Ang nervous system ang nagdidikta sa katawan na maglabas ng mga hormone, gaya ng adrenaline at cortisol. Pinapabilis ng mga ito ang tibok ng puso, pinapataas ang blood pressure pati na ang glucose sa ating dugo. Dahil dito, bumibilis ang reaksiyon natin sa panganib. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa pagiging iritable, anxiety, depresyon, pananakit ng ulo, problema sa pagtulog o insomnia.
Maaapektuhan din ang ating musculoskeletal system. Para maprotektahan tayo sa posibleng pinsala, nagkakaroon ng tensiyon sa ating mga muscle. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at muscle spasm.
Maaapektuhan din ang ating respiratory system. Bumibilis ang ating paghinga dahil kailangan ng katawan natin ng mas maraming oxygen. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa paghingal o hyperventilation, pangangapos ng hininga, pati na ang pagsumpong ng panic attack kung mayroon ka nito.
Maaapektuhan din ang ating cardiovascular system. Bumibilis at lumalakas ang pagtibok ng ating puso para mas makadaloy ang dugo sa buong katawan. Lumuluwag o sumisikip ang mga ugat para makadaloy ang dugo sa parte ng ating katawan na mas nangangailangan nito, gaya ng ating muscle. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa altapresyon, atake sa puso at stroke.
Maaapektuhan din ang ating endocrine system. Ang mga glandula sa katawan ang naglalabas ng mga hormone, gaya ng adrenaline at cortisol, na tumutulong sa katawan na maharap ang stress. Pinapataas ng atay ang ating blood-sugar level para lalo tayong lumakas. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa diabetis, paghina ng resistensiya kaya madaling magkasakit, pabago-bagong emosyon at pagtaas ng timbang.
Maaapektuhan din ang ating gastrointestinal system. Nahihirapan ang katawan natin na iproseso ang pagkain. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa pagduduwal, pagsusuka, diarrhea at hiráp sa pagdumi.
Maaapektuhan din ang ating reproductive system. Naaapektuhan ng stress ang mga organ sa pag-aanak at ang kagustuhang makipag-sex. Pero kapag sobra ang stress, posible itong mauwi sa kawalan ng kakayahan sa sex, pagiging iregular ng regla o paghinto nito.
Paano natin mahaharap ang stress? Para makayanan mo ang stress, kailangan mong isipin ang iyong KALUSUGAN, PAKIKITUNGO SA IBA, pati na ang mga GOAL MO at PRIYORIDAD mo sa buhay. 'Yan ang mga bagay na talagang mahalaga. Sa artikulong ito, malalaman mo ang ilang praktikal na prinsipyo na makakatulong sa 'yo na maharap o mabawasan pa nga ang stress.
NUMBER 1
MAMUHAY NANG PAISA-ISANG ARAW LANG
Napakaganda ng nakasulat sa Mateo 6:34,
“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw,
dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.
Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay bahagi na ng buhay ang mga álalahanín. Pero huwag mo munang alalahanin ang susunod na araw o huwag mo munang alalahanin ang mga bagay na hindi pa nangyayari kasi makadaragdag lang ito sa stress mo ngayon. Kaya mamuhay ka nang paisa-isang araw lang. Puwede kang magka anxiety dahil sa stress. Kaya subukan mong tanggapin na hindi maiiwasan ang lahat ng stress. Kaya ang pag-aalala sa mga bagay na hindi naman maiiwasan ay makadaragdag lang sa stress mo. At bakit ka pa mag-aalala kung hindi naman laging nangyayari ang mga bagay na ikinakatakot mo, 'di ba?
NUMBER 2
MAGING MAKATUWIRAN SA INAASAHAN MO
Basahin natin ang Santiago 3:17,
“Pero ang karunungan mula sa itaas ay, makatuwiran.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay huwag maging perfectionist. Iwasang maging di-makatotohanan sa inaasahan mo sa sarili mo o sa ibang tao. Alamin mo ang limitasyon mo at alamin mo rin ang limitasyin ng ibang tao, at maging makatuwiran sa inaasahan mo. Kapag ginawa mo ito, mababawasan ang stress mo. Maging masayahin din. Kapag kasi tumatawa ka—kahit may mali—mababawasan ang tensiyon mo at gaganda ang iyong mood.
NUMBER 3
ALAMIN MO KUNG ANO
ANG NAKAKAPAGPA-STRESS SA 'YO
Sundin natin kung ano ang payo ng Kawikaan 17:27,
“Ang taong may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay hindi ka makakapag-isip nang maayos kapag negatibo ka, kaya relaks ka lang.
Alamin mo kung ano ang nagpapa-stress sa 'yo at tingnan mo ang reaksiyon mo. Halimbawa, kapag nai-stress ka, puwede mong isulat ang mga naiisip mo, nadarama mo, at ang ginagawa mo. Kung alam mo ang reaksiyon mo kapag nai-stress ka, mas mahaharap mo ito nang maayos. Pag-isipan mo din kung paano aalisin ang mga nakakapagpa-stress sa 'yo. Kung imposibleng mapaalis ang stress, gumawa ka ng paraan para mabawasan ang epekto sa 'yo ng stress. Puwede mong pag-isipan kung paano mo mapapagaan ang isang gawain o paano mo aayusin ang schedule mo.
Baguhin mo ang pananaw mo. Baka ang nakakapagpa-stress sa 'yo ay hindi naman nakakapagpa-stress sa iba. Kaya depende 'yan sa pananaw ng isa. Halimbawa, may sumingit sa 'yo sa pila. Siyempre ikakagalit mo 'yon at mai-stress ka pa dahil sa haba ng pila. Pero 'wag mong isipin kaagad na masama ang motibo ng taong sumisingit sa pila. Pero kung iisipin mong kabastusan 'yon, siyempre maiinis ka lang. Bakit hindi mo isiping may maganda siyang dahilan? Malay mo, tama ka, 'di ba? Tingnan mo ang positibo sa isang sitwasyon. Kung matagal kang nakapila, mababawasan ang stress mo kung magbabasa ka muna o laro ka muna ng mobile games habang naghihintay. Kailangan mong lawakan ang pananaw mo. Tanungin mo ang sarili mo, ‘Mas lalala kaya ang problemang ito bukas o sa susunod na linggo?’ Alamin mo kung ang problema mo ba ay simple at pansamantala lang o kung magiging malaking problema ba ito sa hinaharap.
NUMBER 4
SIKAPING MAGING MAAYOS
Basahin natin ang 1 Corinto 14:40,
“Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay sikaping maging organisado.
Gusto nating maging organisado sa mga bagay-bagay, 'di ba? Pero kung magpapaliban ka, madaragdagan ang stress mo, at baka humaba lang ang listahan ng mga gawaing hindi mo natatapos. Kaya gumawa ka ng praktikal na schedule, at sundin mo ang schedule mo. Dapat wala kang ipagpaliban. At alamin mo rin at itama mo ang mga ugaling nagiging dahilan ng pagpapaliban mo.
NUMBER 5
MAGING BALANSE
I-apply natin sa ating buhay ang nakasulat sa Eclesiastes 4:6,
“Mas mabuti ang sandakot na pahinga
kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod
at paghahabol sa hangin.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay kapag subsob ka sa trabaho, baka hindi ka na masiyahan sa resulta ng pagpapakapagod mo. Baka wala ka nang natitirang panahon at lakas para ma-enjoy ang mga pinagpaguran mo. Magkaroon ng balanseng pananaw sa pera at trabaho. Hindi dahil marami kang pera, magiging mas masaya ka na o mababawasan na ang stress mo. Ang totoo, baka kabaligtaran pa nga. “Ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan,” 'yan ang sabi ng Eclesiastes 5:12. Kaya sikaping mamuhay ayon sa 'yong kakayahan. Matuto ka ring magrelaks. Magpahinga ka kung pagod ka na. Nababawasan ang stress mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na nagpapasaya sa 'yo. Pero baka hindi rin makatulong ang libangan na gaya ng basta panonood ng TV, paglalaro ng mobile games, paggamit ng social media. Kaya ilagay sa lugar ang paggamit ng gadyet. Iwasan ang maya’t mayang pagtingin sa mga e-mail, text, o social media. Kung hindi naman kailangan, huwag tingnan ang mga e-mail para sa trabaho kung hindi naman oras ng trabaho.
NUMBER 6
ALAGAAN MO ANG IYONG SARILI
Ito ang sinabi ng 1 Timoteo 4:8,
“May kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay ang regular na pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng kalusugan. Magkaroon ka ng magandang kaugalian. Kung mag-eehersisyo ka, gagaan ang pakiramdam mo at mas gaganda ang reaksiyon ng katawan mo sa stress. Kumain ka ng masusustansiyang pagkain at huwag magpalipas ng gutom. Siguraduhing sapat ang pahinga mo. Iwasan mo ang nakakasamang solusyon sa stress, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga at alkohol. Habang tumatagal, lalo ka lang mai-stress dahil posibleng sirain nito ang kalusugan mo at ubusin pa nito ang naipon mong pera. Kung hindi mo na kaya ang stress, magpatingin ka na sa doktor kapag lumalala na ang stress mo. Hindi ka dapat mahiyang magpatulong sa mga doktor.
Pero alam mo ba na ang KABAITAN ay gamot din sa stress? Ito ang nakasulat sa Kawikaan 11:17,
“Kapag mabait ang isang tao,
siya mismo ang nakikinabang;
Pero kapag malupit ang isa,
siya mismo ang napapahamak.”
Ibig sabihin, kapag mabait ka sa iba, gaganda ang kalusugan mo at magiging masaya ka. Pero ang isang taong masungit o hindi mabait ay hindi masaya dahil nilalayuan siya ng iba. Mababawasan din ang stress natin kung mabait tayo sa sarili natin. Halimbawa, hindi natin pipiliting gawin ang isang bagay na hindi natin kaya. At hindi natin mamaliitin ang sarili natin. “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” 'Yan ang sabi ni Jesu-Kristo na nakasulat sa Marcos 12:31.
NUMBER 7
MAGTAKDA KA NG PRIYORIDAD
Sabi ng Filipos 1:10,
“Na makita ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay pag-isipang mabuti ang iyong mga priyoridad. Ilista mo ang mga gawain mo depende sa kung ano ang pinakamahalaga. Makakatulong ito sa 'yo na magpokus sa mas mahahalagang gawain. Makikita mo rin kung alin ang hindi pa kailangang gawin, kung alin ang puwede mong ipagawa sa iba, o kung alin ang hindi na kailangang gawin. Sa loob ng isang linggo, bantayan mo kung paano mo ginagamit ang oras mo. Pagkatapos, pag-isipan mo kung paano mo ito magagamit sa mas mabuting paraan. Kung kontrolado mo ang oras mo, hindi ka laging nagmamadali. Maglaan ka rin ng panahon sa pagpapahinga. Ang kaunting pahinga ay makakapagpalakas sa 'yo at makakabawas sa stress mo.
NUMBER 8
HUMINGI KA NG TULONG
Napakaganda ng payo ng Kawikaan 12:25,
“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, Pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay ang mabait na mga salita ng iba ay makakapagpagaan ng loob mo. Kaya makipag-usap ka sa taong makakaunawa sa 'yo. Baka matulungan ka niya na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo o makahanap pa nga kayo ng solusyon. Kapag nasasabi mo sa iba ang niloloob mo, gagaan ang pakiramdam mo. Kaya't 'wag kang mahiya na humingi ng tulong. Puwede mo bang pakiusapan ang iba na tulungan ka sa gawain mo? O baka puwedeng ipakisuyo mo na ito sa kanila. Kung nai-stress ka sa katrabaho mo, pag-isipan mo kung ano ang magandang gawin. Halimbawa, puwede mo bang sabihin sa kaniya sa mabait at mataktikang paraan ang nararamdaman mo dahil sa kaniya? Kung hindi siya magbago, baka puwede mong bawasan ang panahong kasama mo siya.
NUMBER 9
HUWAG MONG PABAYAAN
ANG IYONG KAUGNAYAN SA DIYOS
Ayon sa Mateo 5:3,
“Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”
Ang ibig sabihin ng tekstong 'yan ay hindi lang pagkain, pananamit, at tirahan ang kailangan natin. Kailangan natin ang Diyos. At para maging masaya, dapat na maging palaisip tayo sa kaugnayan natin sa Kaniya. Napakalaking tulong ang panalangin. Iniimbitahan ka ng Diyos na ‘ihagis mo sa Kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa 'yo.’ (1 Pedro 5:7) Ang pananalangin at pag-iisip ng mabubuting bagay ay tutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan ng isip.—Filipos 4:6, 7. Magbasa ka ng mga libro na tutulong sa 'yo na mapalapít sa Diyos. Ang mga prinsipyong tinalakay sa artikulong ito ay mula sa Bibliya, na isinulat para matulungan tayong mapalapít sa Diyos. Binibigyan din tayo ng Bibliya ng ‘karunungan at kakayahang mag-isip.’ (Kawikaan 3:21) Kaya bakit hindi mo subukang magbasa ng Bibliya? Puwede mong simulan sa aklat ng Kawikaan.
MALAKI RIN ANG NAGAGAWA NG PAGPAPATAWAD. Ito ang naka-record sa Kawikaan 19:11,
“Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad,
At nagiging kapuri-puri siya
kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.”
Tandaan po natin na ang stress ay nakakasama sa kalusugan pero ang pagpapatawad ay nakakabuti sa kalusugan. Bakit? Ang pagpapatawad ay ang pag-aalis ng negatibo—at pagkakaroon ng positibo—na mga damdamin, emosyon, at paggawi sa nagkamali sa atin. Kaya ang konklusyon natin, ang pagpapatawad ay makakatulong para mabawasan ang sakit na nauugnay sa stress.
Pero posible ba ang buhay na walang stress? Ang karunungan mula sa Bibliya ay makakatulong para maiwasan ang hindi kinakailangang stress. Hindi natin kayang alisin ang lahat ng nakakapagpa-stress sa atin, pero kaya itong gawin ng ating Maylalang. Mayroon Siyang inatasan para tumulong sa atin. Ito ay si Jesu-Kristo. Noong nandito siya sa lupa, gumawa siya ng kamangha-manghang mga bagay. Pero sa malapit na hinaharap, higit pa ang gagawin niya para sa buong mundo.
Una, PAPAGALINGIN NI JESUS ANG MGA MAYSAKIT
Basahin natin ang Mateo 4:24,
“Napabalita siya sa buong Sirya,
at dinala nila sa kaniya ang lahat ng dumaranas ng iba’t ibang sakit
at matinding kirot, ang mga sinasapian ng demonyo,
mga epileptiko, at mga paralisado.
At pinagaling niya sila.”
Ikalawa, MAGLALAAN SI JESUS NG TIRAHAN AT PAGKAIN PARA SA LAHAT
Basahin natin ang Isaias 65:21, 22,
“Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon,
At magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito.
Hindi sila magtatayo pero iba ang titira,
At hindi sila magtatanim pero iba ang kakain.”
Ikatlo, MAGIGING PAYAPA AT TIWASAY ANG LUPA SA ILALIM NG PAMAMAHALA NI JESUS
Basahin natin ang Awit 72:7-9,
“Sa panahon niya, mamumukadkad ang matuwid,
at mamamayani ang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.
Magkakaroon siya ng mga sakop mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa. . . .
At didilaan ng mga kaaway niya ang alabok.”
Ikaapat, AALISIN NI JESUS ANG KAWALANG-KATARUNGAN
Basahin natin ang Awit 72:13, 14,
“Maaawa siya sa hamak at sa dukha,
at ililigtas niya ang buhay ng mga dukha.
Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan.”
Panglima, AALISIN NI JESUS ANG PAGDURUSA AT KAMATAYAN
Basahin natin ang Apocalipsis 21:4,
“Mawawala na ang kamatayan,
pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”
Mas matindi ngayon ang nararanasang stress, pag-aalala, kalungkutan, at kirot ng mga tao kumpara noon. Bakit normal na lang ang stress ngayon? Sinabi ng Bibliya ang pinakamakatuwirang sagot. Sinasabi ng 2 Timoteo 3:1: “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.” Ipinaliwanag ng Bibliya na ang dahilan ay ang masasamang pag-uugali ng mga tao. Sila ay sakim, arogante, marahas, pakitang-tao sa pagsamba, walang pagmamahal sa pamilya, at walang pagpipigil sa sarili. Magwawakas ang mga huling araw kapag namahala na si Jesu-Kristo sa lupa bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.
Comments
Post a Comment