6 na Daan Patungo sa Tunay na Kaligayahan By Brain Power 2177





Ano sa tingin mo, MASAYA ka ba? Kung talagang masaya ka, ano ang nakapagpapasaya sa 'yo? Pamilya mo ba ang dahilan ng saya mo? trabaho? Baka may hinihintay kang bagay na makapagpapasaya sa 'yo, gaya ng pagtatapos sa pag-aaral, magandang trabaho, bagong sasakyan, malaking bahay.

Marami ang nagiging masaya kapag naaabot nila ang isang tunguhin o nakukuha ang isang bagay na gustong-gusto nila. Pero hanggang kailan sila magiging masaya? Kadalasan na, panandalian lang ang kasiyahang 'yan at nakakadismaya ito.

Ang kaligayahan ay ang pagkadama ng namamalaging kasiyahan, mula sa simpleng pagkakontento hanggang sa malalim at masidhing kagalakan sa buhay, pati na ang pagnanais na magpatuloy ito.

Karagdagan pa, ang kaligayahan ay inilarawan hindi bilang isang destinasyon o tunguhin, kundi isang paglalakbay. Maaaring mahadlangan ang kaligayahan mo kapag sinasabi mo,

“Magiging masaya ako kapag nagkaasawa ako at nagkaanak.”

“Magiging masaya ako kapag nagkaroon ako ng sariling bahay.”

“Magiging masaya ako kapag nakuha ko ang trabahong 'yon.”

“Magiging masaya ako kapag . . . ”

Paano kung hindi mangyayari 'yon? Sasaya ka ba? Bilang paglalarawan, ikumpara ang kaligayahan sa magandang kalusugan. Paano tayo magkakaroon ng magandang kalusugan? Kapag sinusunod natin ang tamang diet, ehersisyo, at paraan ng pamumuhay. Sa katulad na paraan, ang kaligayahan ay resulta ng paglakad sa tamang landas ng buhay na kaayon ng tamang mga prinsipyo. Sinasabi ng isang iginagalang na aklat ng karunungan: “Maligaya ang mga walang pagkukulang sa kanilang lakad.” (Awit 119:1)

Paano magiging maligaya ang isang tao? Anong mga prinsipyo o kalidad ng buhay ang kailangan? Pag-uusap natin sa videong (artikulong) ito ang 6 na PRINSIPYO para maging tunay na masaya.

Unang prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ang PAGIGING KONTENTO AT BUKAS-PALAD

Ilang beses mo nang narinig na nasusukat daw ang KALIGAYAHAN at TAGUMPAY sa DAMI NG PERA at ARI-ARIAN? Maraming beses na, 'di ba? Dahil sa kaisipang 'yan, milyon-milyon ang nagkukumahog sa trabaho para kumita ng maraming pera. Pero pera ba at ari-arian ang nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan? Kapag mayroon na tayong mga pangunahing pangangailangan, halos wala nang epekto sa ating kaligayahan ang pagkakaroon ng karagdagang pera. Hindi naman pera ang problema kundi ang PAGHAHANGAD NG MAS MARAMING PERA NA NAUUWI SA KALUNGKUTAN. Katulad na katulad ito ng payo sa Bibliya, sa 1 Timoteo 6:9, 10,

“Ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.”

Ano ang mga kirot na ito na sinasabi ng Bibliya?

Unang kirot, PAG-AALALA AT HIRÁP SA PAGTULOG DAHIL SA KAYAMANAN. (Eclesiastes 5:12)

Pangalawang kirot, PAGKADISMAYA KAPAG HINDI DUMATING ANG INAASAHAN MONG MAKAPAGPAPASAYA SA 'YO. Karaniwan nang nagiging dahilan ng pagkadismaya ang paghahangad ng pera dahil wala itong katapusan. Hindi na nakokontento ang mga tao. Kapag ang isa ay naghahangad ng kayamanan, maaaring maisakripisyo niya ang mahahalagang bagay na magdudulot sana ng kaligayahan, gaya ng masayang pakikipagsamahan sa pamilya at mga kaibigan o paglalaan ng panahon para sa Diyos.

Pangatlong kirot, PANLULUMO DAHIL SA NALUGING PERA O NALUGING INVESTMENT.

ANO ANG KATANGIANG NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN?

—PAGIGING KONTENTO. “Wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas.

Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.” 1 Timoteo 6:7, 8.

Ang mga taong kontento ay hindi mareklamo kaya naiiwasan nilang mainggit. At dahil kontento na sila sa kung ano ang mayroon sila, naiiwasan nila ang di-kinakailangang kabalisahan at stress. In other words, MASAYA ang mga taong KONTENTO.

ANO PA ANG KATANGIANG NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN?

—PAGIGING BUKAS-PALAD. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Gawa 20:35

Maligaya ang mga bukas-palad dahil napasasaya nila ang iba, kahit kaunting oras lang at lakas ang nailalaan nila. Sagana sila sa mga bagay na hindi nabibili ng pera. Ano ang mga bagay na hindi nabibili ng pera? PAG-IBIG, RESPETO, at mga TUNAY NA KAIBIGAN na bukas-palad din.

ANO PA ANG KATANGIANG NAGDUDULOT NG KALIGAYAHAN?

—PAG-UNA SA KAPUWA KAYSA SA MATERYAL NA MGA BAGAY. “Mas mabuti pang gulay lang ang pagkain pero may pagmamahalan Kaysa sa pinatabang toro pero may pagkakapootan.” Kawikaan 15:17.

Ang ang punto ng tekstong 'yan? Mas mahalaga ang kaugnayan natin sa iba kaysa sa kayamanan. Ang pag-ibig ay mahalaga para maging maligaya.

Sinasabi ng Bibliya na ang KARUNUNGAN AY MAKIKITA SA GAWA (Mateo 11:19) Kaya ang pagiging KONTENTO, BUKAS-PALAD, at PAG-UNA SA KAPUWA kaysa sa materyal na mga bagay ay napatutunayang matuwid!

Uulitin ko, sabi ng Bibliya, na “ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.”

Take note, hindi pera mismo ang dahilan ng maraming kirot kundi ang PAG-IBIG SA PERA ang nagiging dahilan ng PAG-AALALA AT HIRÁP SA PAGTULOG, PAGKADISMAYA at PANLULUMO.

Pero maligaya ang mga taong KONTENTO sa kung ano ang mayroon sila, maligaya ang mga taong BUKAS-PALAD at maligaya ang mga taong INUUNA ANG KANILANG KAPUWA kaysa sa materyal na mga bagay.

Ikalawang prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ang PAG-ALAGA SA ATING KALUSUGAN AT PAGIGING MATATAG.

Ang sakit at kapansanan ay may MALAKING EPEKTO sa buhay ng isang tao. Kapag may sakit tayo, hindi na rin tayo masaya. Alam natin na hindi natin lubusang kontrolado ang kalusugan natin. Kahit gano'n, may magagawa pa rin tayo para hindi maging sakitin. Pero paano kung unti-unting nanghihina ang kalusugan natin? Magiging miserable na ba ang buhay natin dahil dito? Hindi. Pero tingnan muna natin ang mga puwedeng gawin para magkaroon ng magandang kalusugan.

—MAGING KATAMTAMAN ANG MGA PAG-UUGALI. 1 Timoteo 3:2, 11. Ang nakaugaliang sobrang pagkain at pag-inom ay masama sa kalusugan—at magastos pa! “Huwag kang maging gaya ng malalakas uminom ng alak, Ng matatakaw sa karne,

Dahil ang lasenggo at matakaw ay maghihirap.” Kawikaan 23:20, 21.

ANO PA ANG PWEDENG GAWIN PARA MAGKAROON NG MAGANDANG KALUSUGAN?

—MAGING MALINIS SA PANGANGATAWAN. “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.” 2 Corinto 7:1.

Dinurumhan ng mga tao ang kanilang sarili kapag ngumunguya o naninigarilyo sila ng tabako, o umaabuso ng alkohol o droga. Halimbawa, ang paninigarilyo ay nagiging dahilan ng mga sakit at kapansanan, at sumisira sa halos lahat ng bahagi ng katawan.

ANO PA ANG PWEDENG GAWIN PARA MAGKAROON NG MAGANDANG KALUSUGAN?

—PAHALAGAHAN MO ANG IYONG KATAWAN AT BUHAY. “Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”

Kapag iniisip nating regalo ang ating buhay, iiwasan nating isapanganib ito, sa trabaho man, pagmamaneho, o paglilibang. Hindi sulit na isapanganib ang buhay mo dahil lang sa panandaliang kasiyahan!

ANO PA ANG PWEDENG GAWIN PARA MAGKAROON NG MAGANDANG KALUSUGAN?

—KONTROLIN ANG NEGATIBONG MGA EMOSYON. May epekto ang iniisip mo sa katawan mo. Kaya iwasan ang di-kinakailangang stress, di-makontrol na galit, inggit, at iba pang emosyon na katulad nito. “Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit.” Awit 37:8. Mababasa rin natin sa Mateo 6:34,

“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.”

ANO PA ANG PWEDENG GAWIN PARA MAGKAROON NG MAGANDANG KALUSUGAN?

—MAGING POSITIBO. “Ang mahinahong puso ay nagbibigay-buhay sa katawan.” Kawikaan 14:30. Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang masayang puso ay mabisang gamot.” Kawikaan 17:22. Kaayon 'yan ng sinasabi ng siyensiya. Kung masayahin ka, malamang na mas maliit ang tsansa mong magkasakit sa hinaharap kaysa sa malulungkutin.

ANO PA ANG PWEDENG GAWIN PARA MAGKAROON NG MAGANDANG KALUSUGAN?

—MAGING MATATAG. Baka ang magagawa lang natin ay tiisin ang mga problemang walang solusyon. Pero puwede tayong humanap ng mga paraan para makapagtiis. Ang ilan ay nadaraig ng kanilang problema, kaya lalong lumalala ang sitwasyon. “Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, Mababawasan din ang lakas mo.” Kawikaan 24:10.

Ang iba naman, baka sa simula ay makadama ng kawalan ng pag-asa, pero nakakabawi at nakakapag-adjust sila. Naghahanap sila ng mga paraan para makayanan ang mga problema. Pinasisigla tayo ng Bibliya na:

MAGING KATAMTAMAN ANG MGA PAG-UUGALI

MAGING MALINIS SA PANGANGATAWAN

PAHALAGAHAN ANG BUHAY

KONTROLIN ANG NEGATIBONG MGA EMOSYON

MAGING POSITIBO

MAGING MATATAG

Ikatlong prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ang PAG-IBIG

Uhaw ang tao sa pag-ibig. Hindi magtatagumpay ang pagsasama ng mag-asawa, pamilya, o magkakaibigan kung wala ito. Kaya makatuwirang isiping mahalaga ang pag-ibig sa kaligayahan at mental na kalusugan. Pero ano ba ang PAG-IBIG? Mahalaga ang romantikong pag-ibig, pero hindi 'yan ang tinutukoy natin dito. Sa halip, ito ang pinakamataas na uri ng pag-ibig na nag-uudyok sa isa na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili. Makadiyos na prinsipyo ang gumagabay sa pag-ibig na ito, pero hindi ito nangangahulugang wala itong damdamin at pagmamalasakit.

Maganda ang pagkakalarawan sa pag-ibig sa 1 Corinto 13:4-8,

“Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki,

hindi gumagawi nang hindi disente, hindi inuuna ang sariling kapakanan, at hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.

Hindi ito natutuwa sa kasamaan kundi nagsasaya sa katotohanan.

Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay.

Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”

Ang ganitong pag-ibig ay HINDI KAILANMAN NABIBIGO o nawawala. Sa halip, patuloy itong lumalago sa paglipas ng panahon. At dahil ang pag-ibig ay MABAIT, MAPAGPATAWAD at MAY MAHABANG PAGTITIIS, isa itong SAKDAL NA BIGKIS NG PAGKAKAISA (Colosas 3:14) Kaya ang ugnayang may ganitong pag-ibig ay matibay at masaya sa kabila ng pagiging di-perpekto ng bawat isa. Halimbawa, isaalang-alang ang pagsasama ng mag-asawa.

—PINAGSAMA NG SAKDAL NA BIGKIS NG PAGKAKAISA. Itinuro ni Jesu-Kristo ang mahahalagang prinsipyo sa pag-aasawa. Halimbawa, sinabi niya: “‘Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’?

Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19: 5, 6)

Kapansin-pansin, may dalawang mahalagang prinsipyong tinutukoy rito.

ANG DALAWA AY MAGIGING ISANG LAMAN at ANG PINAGTUWANG NG DIYOS. Ang buklod ng pag-aasawa ang pinakamalapít na ugnayan ng mga tao, at mapoprotektahan ito ng pag-ibig laban sa kataksilan. Sinisira ng kawalang-katapatan ang tiwala at pagsasama ng mag-asawa. Kung may mga anak sila, baka mas malaki ang epekto nito sa mga bata at madama nilang walang nagmamahal sa kanila, nag-iisa sila, o maghinanakit pa nga. Sagrado rin ang buklod ng pag-aasawa. Kapag ganiyan ang pananaw ng mga mag-asawa, sisikapin nilang patibayin ang kanilang pagsasama. Hindi nila ginagawang solusyon ang paghihiwalay kapag may problema. Ang kanilang pag-ibig ay matibay at matatag. Tinitiis ng ganitong pag-ibig ang lahat ng bagay at tumutulong ito para mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan ng mag-asawa. Kapag may mapagsakripisyong pag-ibig ang mga magulang, talagang makikinabang ang mga anak. Ang pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya hindi nakapagtatakang tinukoy rin ang Diyos bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Magiging maligaya rin tayo kung tutularan natin ang mga katangian ng ating Maylalang—lalo na ang pag-ibig. Sinasabi sa Efeso 5:1, 2:

“Kaya tularan ninyo ang Diyos,

at patuloy na magpakita ng pag-ibig.”

Nagdudulot ng kaligayahan ang pag-ibig dahil TINUTULUNGAN TAYO NITONG MAGPAKITA NG MALASAKIT SA IBA

PATULOY ITONG LUMALAGO SA PAGLIPAS NG PANAHON

PINATITIBAY NITO AT PINATATATAG ANG PAGKAKAIBIGAN AT PAG-AASAWA

TINUTULUNGAN NITO ANG MGA ANAK NA MAGING MATAGUMPAY AT PANATAG

TINUTULUNGAN TAYO NITO NA TULARAN ANG ATING MAYLALANG

Ikaapat na prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ang PAGPAPATAWAD

Ang buhay na punô ng galit at hinanakit ay hindi masaya at hindi maganda sa kalusugan. Sa katunayan, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga taong hindi nagpapatawad ay maaaring

Lumayo sila sa iba o sila ang lalayuan ng iba at malungkot din sila dahil hinahayaan nila ang galit o samâ ng loob na sirain ang kaugnayan nila sa iba.

Maging maramdamin ang taong hindi nagpapatawad, anxious, o madepres nang sobra.

Masyado silang magpokus sa pagkakamali kaya hindi na nila na-e-enjoy ang buhay.

Makadama sila ng lungkot dahil alam nilang hindi nila nagagawa ang tama.

Makaranas sila ng stress at mas malaki ang tsansa nilang magkaroon ng sakit, gaya ng high blood, sakit sa puso, arthritis, at sakit ng ulo.

ANO ANG PAGPAPATAWAD? Ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng pagpapalampas ng kasalanan, hindi pagtatanim ng galit o samâ ng loob at hindi pag-iisip na makapaghiganti. Hindi naman ibig sabihin na kinukunsinti natin sila o minamaliit natin ang pagkakamali nila o nagbubulag-bulagan tayo. Sa halip, ang pagpapatawad ay isang pasiya na pinag-isipang mabuti para mapanatili ang kapayapaan at magandang kaugnayan sa iba. Maunawain din ang taong nagpapatawad dahil alam niya na ang lahat ay nagkakamali, o nagkakasala, sa salita at gawa. Makikita 'yan sa sinasabi ng Bibliya, sa Colosas 3:13,

“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.”

Kaya makatuwirang isipin na ang pagpapatawad ay isang mahalagang bahagi ng pag-ibig. Ang pagpapatawad ay:

Nagdudulot ng mas magandang kaugnayan sa iba, pati na ng pagkadama ng empatiya, pagiging maunawain, at pagkahabag sa nagkasala.

Nakabubuti rin ang pagpapatawad sa isip at espirituwalidad.

Nakababawas din ito ng kabalisahan, stress, at hinanakit

Nakababawas din ng sintomas ng depresyon.

Kung pinatawad mo ang ibang tao, PATAWARIN MO RIN ANG IYONG SARILI. Posibleng ang pagpapatawad sa sarili ang pinakamahirap gawin, pero ito ang pinakamahalaga sa pisikal at mental na kalusugan. Ano ang tutulong para mapatawad mo ang iyong sarili?

Una, huwag mong isipin na magagawa mo ang lahat nang tama, sa halip, dapat mong tanggapin na ang lahat ng tao ay nagkakamali.

Pangalawa, matuto ka sa 'yong pagkakamali para maiwasan mong maulit 'yon.

Pangatlo, maging matiisin sa sarili; hindi naman agad mawawala ang iyong kahinaan at di-magagandang nakaugalian.

Pang-apat, makipagkaibigan ka sa mga taong nakapagpapasigla, positibo, at mabait pero hindi ka kinukunsinti.

Panglima, kapag nasaktan mo ang iba, aminin mo 'yon at humingi ka agad ng tawad. Kapag nakipagpayapaan ka, mapapanatag ang loob mo.

Uulitin ko, ang pagpapatawad ay . . .

Nagdudulot ng mas magandang kaugnayan sa iba pati na ng kapayapaan ng isip.

Nakababawas din ng kabalisahan, hinanakit, at stress.

Nakabubuti din ang pagpapatawad sa pisikal at mental na kalusugan, pati na sa espirituwalidad.

Ikalimang prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ALAMIN NATIN KUNG ANO LAYUNIN NG BUHAY

Ang mga tao ay natatangi sa maraming paraan—nakapagsusulat, nakapagpipinta, nakagagawa, at nakapagtatanong tayo tungkol sa buhay.

“Hindi nilalang ng Diyos ang lupa nang walang dahilan, kundi nilikha Niya ito para tirhan.” Isaias 45:18.

Kailangan natin ng dahilan para mabuhay. Para manatiling buháy at magkaroon ng tamang disposisyon, kailangan natin ng dahilan para mabuhay. Ang mga taong may dahilan para mabuhay ay kakikitaan ng magandang epekto sa kalusugan—maliit ang tsansa nilang magkaroon ng problema sa kakayahan ng pag-iisip at sakit sa puso, mas mabilis silang maka-recover mula sa stroke at dahil diyan, mas mahaba ang kanilang buhay.

Ikaanim na prinsipyo na dapat nating ikapit sa buhay natin ay ang 'WAG MAWALAN NG PAG-ASA

Ang pag-asa ay isang napakahalagang bahagi ng ating espirituwalidad. Ang pag-asa ay ang pinakamabisang solusyon para makayanan ang kawalang pag-asa, lungkot, at takot. Ipinakikita ng Bibliya na kailangan natin ng pag-asa pero nagbababala rin ito laban sa di-makatotohanang pag-asa. “Huwag kayong umasa sa mga pinuno O sa anak ng tao, na hindi makapagliligtas.” Awit 146:3.

Sa halip na magtiwala sa pagsisikap ng tao na sagipin tayo, isang katalinuhan na magtiwala sa ating Maylalang, na may kapangyarihang tuparin ang lahat ng Kaniyang pangako. Ano ang mga pangako ng Diyos sa atin?

Una, MAWAWALA NA ANG KASAMAAN. (Awit 37:10, 11)

Pangalawa, MAGWAWAKAS ANG DIGMAAN. (Awit 46:8, 9)

Pangatlo, WALA NANG SAKIT, PAGDURUSA, O KAMATAYAN. (Apocalipsis 21:3, 4)

Pang-apat, SAGANANG PAGKAIN PARA SA LAHAT. (Awit 72:16)

Panglima, ANG PAGHAHARI NI JESU-KRISTO. (Daniel 7:14)

Paano tayo makatitiyak sa mga pangakong ito? Noong nasa lupa si Jesus, pinatunayan niyang siya ang may karapatang maging Haring Itinalaga. Nagpagaling siya ng mga maysakit, nagpakain ng mahihirap, at bumuhay ng mga patay. Higit pa riyan, itinuro niya ang mga prinsipyong tutulong sa mga tao na mabuhay magpakailanman nang payapa at may pagkakaisa. Inihula rin ni Jesus ang mangyayari sa hinaharap, pati na ang tanda ng mga huling araw ng sanlibutang ito.

PAGKATAPOS NG UNOS, SISIKAT ANG ARAW. Inihula ni Jesus na ang mga huling araw ay makikilala, hindi sa kapayapaan at katiwasayan, kundi sa kabaligtaran nito! Ayon sa kaniya, ang mga pangyayaring bumubuo sa tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, kakapusan sa pagkain, mga salot, at malalakas na lindol. Sinabi rin ni Jesus: “Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” Mateo 24:12.

Comments

Popular posts from this blog

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

Benefits Of Loving Yourself by Brain Power 2177