Ano Ang Panganib Kung Wala Kang Pasensiya? By Brain Power 2177





Hindi na bago ang kawalan ng pasensiya. Palagi tayong makakita ng mga taong nauubusan ng pasensiya kapag naiipit sa traffic o nakapila. Pansin nga natin 'di ba na mas mabilis maubos ang pasensiya ng mga tao ngayon kaysa noon​. Maraming tao ang hindi na mapagpasensiya dahil sa teknolohiya. Binabago ng digital technology ang ating buhay. Dahil sa mga teknolohiyang 'yan, gustung-gusto nating magkaroon agad ng resulta ang mga bagay-bagay. Anumang naisin natin, gusto nating makuha agad 'yon​—nang mabilis, mahusay, at ayon sa ating paraan. Kapag hindi nangyari 'yon, nadidismaya tayo at naiinis, na senyales ng kawalan ng pasensiya. Nakalimutan na nating maghinay-hinay lang at i-enjoy ang bawat sandali.

Naniniwala ang ilan na bihira na lang ang gumagamit ng e-mail at malapit na itong hindi gamitin. Bakit? Dahil ang mga taong nagpapadala ng e-mail ay wala nang tiyagang maghintay nang ilang oras, o kahit ilang minuto lang, para sa sagot. At gaya ng pagsulat ng liham, ang e-mail ay nangangailangan pa ng panimula at pangwakas na pagbati. Para sa marami, ang mga ito ay boring at ubos-oras. Kaya mas pinipili nila ang instant messaging. Tila wala nang tiyaga ang mga tao na mag-type ng mga pagbati! Hindi na tinitingnan ng marami kung may mali sa naisulat nila. Kaya madalas na ang mga liham at e-mail ay maraming mali at napupunta sa maling tao.

Ang pagnanais na makuha agad ang gusto ay hindi lang nangyayari sa larangan ng digital communication. Parang nag-aapura na rin ang mga tao sa iba pang aspekto ng buhay. Halimbawa, minsan ba’y ang bilis mong magsalita, kumain, magmaneho, o gumasta ng pera? Ang sandaling paghihintay na dumating ang elevator, mag-green ang ilaw-trapiko, o magbukas ang computer ay nakakainip na.

Maraming tao ang wala nang tiyagang magbasa ng mahahabang artikulo na nakaimprenta. Bakit? Dahil nasanay na silang mag-browse nang mabilis sa mga Web page, anupat puro blurb at bullet na lang ang binabasa at umaasang makita agad ang pangunahing punto.

Bakit hindi na mapagpasensiya ang mga tao? Kahit ang mga experts ay hindi alam ang lahat ng dahilan. Pero tila matibay ang ebidensiya na puwedeng maging problema ang kawalan ng pasensiya. Tatalakayin natin ang ilang panganib sa pagiging hindi mapagpasensiya at kung ano ang puwede mong gawin para maging mas mapagpasensiya ka.

PUWEDENG MAGING PROBLEMA ANG KAWALAN NG PASENSIYA

Pag-isipan ang eksenang ito: Isang lalaki ang nagmamaneho sa isang kalsada kung saan bawal mag-overtake. Katamtaman lang ang takbo ng babaing nagmamaneho sa unahan niya. Para sa mainiping lalaki, parang napakabagal nito kaya binuntutan niya ito nang husto. Nang maubusan na siya ng pasensiya, pinaharurot niya ang kaniyang sasakyan at nag-overtake sa babae. Nilabag niya ang batas trapiko anupat isinapanganib ang kanilang buhay.

Kumusta naman ang babaing walang pasensiya sa mga kaopisina na hindi niya kasintalino o kasimbilis magtrabaho? O ang lalaking inip na inip sa pagdating ng elevator kaya pindot nang pindot sa call button? Nawawalan ka rin ba ng pasensiya sa mga magulang mong matatanda na? O isa ka bang magulang na nawawalan agad ng pasensiya sa maliliit mong anak? Madali ka bang mainis kapag nagkamali ang iba?

Lahat tayo ay posibleng mawalan ng pasensiya paminsan-minsan. Pero kung nangyayari 'yon araw-araw, baka magdulot ito ng di-magagandang resulta.


NUMBER 1
PROBLEMA SA KALUSUGAN


Ang kawalan ng pasensiya ay kaugnay ng pagkadismaya, pagkairita, at maging ng galit. Ang gayong mga emosyon ay posibleng magpatindi ng stress level, na makasásamâ naman sa ating kalusugan. Ang kawalan ng pasensiya ay posibleng maging sanhi ng alta presyon, kahit sa mga kabataang adulto.

May iba pang mga problema sa kalusugan na kaugnay ng kawalan ng pasensiya. Ayon sa isang pag-aaral kamakailan, ito ay iniuugnay sa labis na katabaan. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga taong mainipin ay mas malamang na maging sobrang taba kaysa sa mga taong marunong maghintay. Sa ilang lugar, makabibili ng murang pagkain sa mga fast food na restawran anumang oras, at gustung-gusto ito ng mga taong laging nag-aapura.


NUMBER 2
PROCRASTINATION


Ang mga taong mainipin ay malamang na laging nagpapaliban ng kanilang gagawin. Posible kayang ipinagpapaliban nila ang mga trabahong matagal gawin dahil wala silang tiyagang tapusin ang mga 'yon? Anuman ang dahilan, ang tendensiyang magpaliban-liban ay puwedeng makapinsala sa indibiduwal at sa ekonomiya ng bansa. Ang pagpapaliban-liban ay may masamang epekto sa pagtatrabaho at puwedeng malugi nang malaki ang mga tao dahil laging ipinagpapaliban ng mga mainipin ang trabaho sa opisina.


NUMBER 3
PAG-ABUSO SA ALAK AT KARAHASAN


Ang mga taong hindi mapagpasensiya ay mas malamang na masangkot sa karahasang kaugnay ng paglalasing. Ang mga taong walang pasensiya ay mas malamang na magpakalabis sa alak at masangkot sa away.


NUMBER 4
MALING MGA PASIYA


Ang mga taong walang pasensiya ay madalas na nagpapasiya nang padalus-dalos. Malaki ang mawawala sa 'yo kapag wala kang pasensiya. Puwede kang mawalan ng pera at mga kaibigan, magdusa o dumanas ng iba pang problema dahil ang kawalan ng pasensiya ay madalas na sinusundan ng maling mga pasiya.”


NUMBER 5
PROBLEMA SA PERA


Ang kawalan ng pasensiya ay puwedeng maging sanhi ng mas malaking pagkakautang. Baka gusto ng mga bagong kasal na makumpleto agad ang gamit nila kahit hindi kaya ng badyet nila. Kaya bibili sila ng bahay, mga muwebles, kotse, at kung anu-ano pa​—pero utang. Puwede itong makaapekto sa pagsasama ng mag-asawa. Ang mga bagong kasal na maraming utang ay hindi kasinsaya ng mga mag-asawang walang utang o kaunti lang ang utang.

Ang pagbagsak ng ekonomiya kamakailan sa Estados Unidos ay isinisisi ng ilan sa kawalan ng pasensiya. Ang kalagayan ng ekonomiya sa ngayon ay resulta ng labis na kawalan ng pasensiya at sobrang kasakiman. Dahil sa kawalan ng pagpipigil, libu-libo ang bumibili ng mga ari-arian na mas malaki ang halaga kaysa kaya nilang bilhin. Kaya nangungutang sila ng malalaking halaga na hindi nila mababayaran sa loob ng maraming taon​—at baka nga hindi na talaga nila mabayaran.


NUMBER 6
PAGKAWALA NG MGA KAIBIGAN


Ang kawalan ng pasensiya ay puwedeng makasira sa kakayahan nating makipagtalastasan. Kung ang isang tao ay mainipin kapag nakikipag-usap sa iba, posibleng makapagsalita siya nang hindi muna nag-iisip. Baka naiinis din siya kapag nagsasalita ang iba. Baka hindi niya mahintay na tapusin ng kausap niya ang gusto nitong sabihin. Kaya ang walang tiyagang makinig ay may tendensiyang madaliin ang kausap niya anupat siya na ang tumatapos sa sasabihin nito o humahanap siya ng paraan para tapusin agad ang pag-uusap.

Ang gayong kawalan ng pasensiya ay maaaring sumira sa pagkakaibigan. Sino ba naman ang gustong may kasama na panay ang tuktok ng paa o tingin nang tingin sa relo? Ang kawalan ng pasensiya ay hindi magandang katangian. Lalayuan ka ng mga kaibigan mo dahil dito.

Ilan lang ito sa masasamang resulta ng kawalan ng pasensiya. Tatalakayin naman natin kung paano ka matututong maging mapagpasensiya.

KUNG PAANO MAGIGING MAS MAPAGPASENSIYA

Matapos nating natutunan ang ilang epekto ng kawalan ng pasensiya, malamang na sasang-ayon ka na miyentras mas mahaba ang pasensiya mo, mas gaganda ang kalusugan mo, makagagawa ka ng mas mabubuting pasiya, at magkakaroon ka ng mabubuting kaibigan. Kaya paano ka magiging mas mapagpasensiya?

May mga bagay o sitwasyon na madaling makaubos ng pasensiya ng isa. Bakit ka nawawalan ng pasensiya? May partikular na mga tao bang sumusubok ng pasensiya mo? Baka kasama rito ang iyong asawa, mga magulang, o mga anak. O may panahon lang ba na talagang madali kang maubusan ng pasensiya? Halimbawa, mas madali ka bang mawalan ng pasensiya kapag naghihintay sa iba o kapag mahuhuli ka na? Nawawalan ka ba ng pasensiya kapag ikaw ay pagód, gutóm, inaantok, o nai-stress? Mas madalas ka bang maubusan ng pasensiya kapag nasa bahay o kapag nasa trabaho?

Malaking tulong kapag alam mo kung bakit ka nauubusan ng pasensiya. Isinulat ni Haring Solomon, sa Kawikaan 22:3,

“Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago,
Pero tulóy lang ang mga walang karanasan
at pinagdurusahan ang epekto nito.”

Kaayon ng sinaunang kawikaang ito sa Bibliya, kung patiuna mong inaalam o nakikita kung kailan ka mawawalan ng pasensiya, maaari mo itong mapaglabanan. Sa umpisa, baka kailangan mo talagang magsikap na maging mas mapagpasensiya, pero pagtagal-tagal, malamang na maging ugali mo na ito.


NUMBER 1
PASIMPLEHIN ANG BUHAY MO


Hindi talaga kaya ng mga tao ang multitasking. Hindi kaya ng utak na magpokus sa maraming bagay nang sabay-sabay. Sa paglipas ng panahon, sinisira ng multitasking ang kakayahan nating magpokus nang husto, at unti-unti rin nitong sinisira ang mga katangiang gaya ng pagpapasensiya, pagtitiyaga, at kakayahang magpasiya at lumutas ng problema.

Mahirap maging mapagpasensiya kapag nai-stress ka dahil sa dami ng iyong gagawin, pupuntahan, at kakausapin. Pangunahin na, stress ang dahilan ng pagkaubos ng ating pasensiya.

Kaya maghinay-hinay lang. I-enjoy ang buhay. Maglinang ng matalik na pakikipagkaibigan sa ilang tao, sa halip na magkaroon ng mababaw na pakikipagkaibigan sa napakaraming tao. Ibadyet ang iyong panahon, at maging matalino sa pagpili ng mga priyoridad. Iwasan ang mga libangan at gadyet na umuubos ng panahon.

Para mapasimple ang iyong buhay, baka kailangan mong suriin ang iyong pang-araw-araw na rutin. Anong mga gawain ang puwede mong bawasan ng panahon o anong mga bagay na huwag na talagang gawin? Ayon sa isang kawikaan sa Bibliya, sa Eclesiastes 3:1, 6,

“May takdang panahon para sa lahat ng bagay.

Panahon ng pag-iingat at panahon ng pagtatapon.”

Baka ito na ang panahon na magbawas ka ng ilang gawaing umuubos ng oras para hindi ka ma-stress at mawalan ng pasensiya.


NUMBER 2
MAGING MAKATOTOHANAN


Magkaroon ng makatotohanang pananaw sa buhay. Una sa lahat, tandaan na hindi laging nangyayari agad ang gusto nating mangyari. Tanggapin ang katotohanan na hindi laging mangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa inaasahan mo. Ganiyan ang pagpapasensiya.

Ikalawa, tandaan na hindi mo laging kontrolado ang sitwasyon. Isinulat ng matalinong haring si Solomon, sa Eclesiastes 9:11, 12,

“Mayroon pa akong nakita sa ilalim ng araw:
Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan,
hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan,
hindi laging ang marunong ang may nakakain,
hindi laging ang matalino ang nagiging mayaman,
at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay,
dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon
at di-inaasahang pangyayari.

Dahil hindi alam ng tao kung kailan siya mamamatay.”

Sa halip na mawalan ng pasensiya dahil sa mga sitwasyong hindi mo kontrolado, tukuyin ang mga bagay na makokontrol mo. Halimbawa, sa halip na magalit dahil wala pa ang sasakyang hinihintay mo, umisip ka ng ibang paraan para makarating sa pupuntahan mo. Mas mabuti pang maglakad ka na lang kaysa mawalan ng pasensiya at magngitngit sa galit. Kung kailangan mong maghintay, gamitin ang panahon sa makabuluhang bagay, Magbasa ka muna habang naghihintay o maglista ka ng mga gagawin mo.

Sa totoo lang, walang gaanong naitutulong ang pag-aalala sa mga bagay na hindi mo kontrolado. Kaya naman sinasabi ng Bibliya, sa Lucas 12:25,

“Sino sa inyo ang makapagpapahaba
nang kahit kaunti sa buhay niya dahil sa pag-aalala?”


NUMBER 3
MAGING MALAPÍT SA DIYOS


Napatunayan ng marami na sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, naging mapagpasensiya sila. Ayon sa Bibliya, ang taong makadiyos ay mas mapagpasensiya at nakapagpapakita ng iba pang mga katangian gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:​22, 23) Nangangako ang Bibliya, sa Filipos 4:6, 7,

“Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay;
sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo
sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo
na may kasamang pasasalamat;

at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan
ang magbabantay sa inyong puso at isip
sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177