8 Signs na Hindi ka Pinahalagahan ng Kaibigan mo By Brain Power 2177





Tandaan mo, hindi lahat ng pagkakaibigan ay malalim at totoo. Minsan parang gan'on pero peke pala. Akala natin may malalim na tayong koneksyon sa kanila pero unti-unti nating mararamdaman na may kulang. Parang hilaw. Wala masyadong pagki-care at minsan nawawala ang respeto. Kung sa palagay mo ay ganitong ganito ang pagkakaibigan ninyo, para sa 'yo ang videong ito. Tutuklasin natin ang 8 SENYALES na hindi ka bina-value ng kaibigan mo.


NUMBER 1
HINDI KA NILA NIRERESPETO


Obvious na obvious na senyales na 'yan. Gusto mo pa bang sumama sa kaibigan mo kung palagi ka niyang jina-judge? Pinipintasan? Tapos magaspang ang pakikitungo niya sa 'yo? Dapat parangalan natin ang lahat ng uri ng mga tao at 'wag tayong magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman. Pero bihira lang tayong makakita ng kaibigan na ganyan. Kung ginagawa kang tanga ng kaibigan mo, kung maliit lang ang pagtingin niya sa 'yo, at hindi ka niya pinapahalagahan, lumayo ka na lang sa kanya. Makakakita ka pa naman ng mabuting kaibigan. May mga kaibigan ka din ba kunwari dinadaan sa mga biruan ang kanilang pag disrespect sa 'yo? Mapapansin mo naman 'yan, 'di ba? Nagbibiro nga sila pero pinapahiya ka naman sa karamihan. Para bang iniisip nila na hindi ka tao na hindi masasaktan. Hindi sila magdadalawang-isip na ipahiya ka dahil wala ka namang halaga sa paningin nila. Tapos pag hinarap mo sila dahil napupuno ka na o sumobra na ang biro nila, ang sasabihin lang nila, 

“Biro lang naman 'yon, napakasensitibo mo naman.”

'Yan ang isa sa mga rason ng mga taong masama ang ugali, ng mga taong manipulative at ng mga taong walang respeto sa kapwa. Itatago nila ang kanilang masamang ugali sa mga masakit na biruan. May biro kasi na mababaw lang. May biro din na hindi na nakakatuwa. Mararamdaman mo 'yon e. Yung biro na may laman. Kaya 'wag kang patuloy na sumama sa kanila. Hindi solid ang inyong friendship kung wala kayong respeto sa isa't-isa. Kung wala kang halaga sa pananaw nila, hindi ka pa ba lalayo?


NUMBER 2
SUMOBRA NA SILA


Lahat naman tayo ay may tinatawag na “boundaries”. Nakuha niyo naman siguro, 'di ba? Pwede kitang sabayan sa trip na gueto mo basta't hanggang dito lang. Pag lumampas na, magagalit na ako. Ganyan tayo, 'di ba? May limit. Ang punto ko, kung hindi ka pinapahalagahan ng kaibigan mo at hindi ka niya nirerespeto bilang tao, pati oras mo at personal space mo ay hindi niya palalampasin. Magugulo talaga ang buhay mo dahil pumapasok siya sa boundary mo. Gusto mo ba ng ganyang tao? Hindi ka man lang bigyan ng panahon para mapag-isa. Ibig sabihin lang niyan, wala kang halaga sa kanya. Iba iba naman tayo ng pagbitbit ng ating sarili. Kasi ako, ayoko ng kaibigan na biglang papasok na lang sa boundary ko kahit alam nilang binigyan ko sila ng limit. Totoo ganyan ako ka-strikto. Kapag sinabi kong, 'wag ngayon kasi gusto ko ng alone time. Dapat maintindihan mo 'yon. Gusto mo ba ng taong kukunin na lang ang oras mo ng basta²? Okay lang kung susulpot siya sa bahay niyo dahil may emergency. Tandaan mo, may oras para sa lahat ng bagay. May oras sa trabaho. May oras sa kwentuhan. May oras para gumala. May oras para magsumbong ng ating problema sa ating kaibigan. Dapat ang mga kaibigan natin ay hindi nandi-distract. May mga kaibigan ako noon, pero nilayuan ko na ngayon, palagi silang nanghihingi ng pabor sa akin, tapos pipilitin akong sumang-ayon sa kanila. Para bang wala akong option sa buhay. Parang kontrolado ako. Kahit ayokong gawin ang pabor, mapipilitan na lang. Pero ngayong natuto na ako, alam ko na ang magsabi ng HINDI. Minsan kasi umo-o tayo dahil ayaw nating magtampo sila. Tapos sila pa ang magsabi na makasarili tayo. Hindi nila nakikita na sa ginawa nilang 'yon, sila ang makasarili dahil hindi nila tayo pinapayagan na magdesisyon. Isang pangit na senyales pa ng masamang kaibigan ay wala silang pakialam sa kapakanan mo. 


NUMBER 3
WALA SILANG PAKI SA OPINYON MO


Kung wala kang kwenta sa kanila, siyempre wala ring kwenta ang opinyon mo. Kahit gaano kaganda ang opinyon mo, alikabok lang 'yan sa kanila. Hindi ka kasi mahalaga sa kanila. Kung wala kang kwenta sa mga mata nila, wala ring kwenta ang mga pinagsasabi mo. Ang iniisip kasi ng mga taong ito ay sila ang MAS LAMANG sa 'yo kaya bakit ka pa nila pakikinggan, 'di ba? Iniisip nila na MAS MAGALING pa sila sa 'yo. Kung may kaibigan kang ayaw makinig sa opinyon mo, 'yan na ang senyales na wala kang kwenta sa kanila. Wala silang pakialam sa opinyon mo, hindi sila hihingi ng opinyon mo. Hindi sila makikinig ng mga mabubuting payo mo. At baka pagtatawanan ka pa nila. Maliit ka lang sa pananaw nila e. Kaya sila na lang ang magsasabi ng kanilang opinyon at sila din ang masusunod. Sila ang magdedesisyon para sa 'yo. Naging sunud-sunoran ka na lang. Halos lahat siya ang may kontrol. Yung akala mong kaibigang pantay, hindi na nangyari kasi siya na lang ang bida e. Wala silang ibang nakikita kundi puro sarili nila. Kung ako sa 'yo, lumayo ka na kung ayaw mong maubos ang lakas mo sa kakasama sa mga maling tao. 


NUMBER 4
WALA SILANG PAKI
SA NARARAMDAMAN MO


Kung wala silang paki sa 'yo bilang tao, kung wala silang paki sa boundaries mo, kung wala silang paki sa opinyon mo, lalong wala silang paki sa nararamdaman mo. Sabihin na nating emotionally drained ka tapos kailangan mo ng emotional support kasi sobrang bigat na e. Oo nandiyan naman siya sa tabi mo. Pero ang problema lang, hindi siya nakikinig at umiintindi. Tapos sasabihin pa niya sa 'yo,

“'Yan lang ba ang problema mo? Ang babaw naman tapos iiyak ka.”

Sa totoo lang, napakamali kapag ginanyan mo ang isang tao. Oo maliit na problema para sa 'yo pero para sa kanya sobrang bigat na. Kung ginaganyan ka ng taong itinuturing mong kaibigan, lumayo ka na. Hindi alintana kung malaki o maliit ang problema mo, ang tunay na kaibigan, talagang makikinig 'yan. Tapos magaan ang labi niyan. Iko-comfort ka niya. Kung maliit lang ang paningin sa 'yo ng kaibigan mo, tapos pinaramdam niya sa 'yo na hindi ka mahalaga, tapos wala siyang pakialam sa problema at emosyon mo, tanggalin mo na lang siya sa buhay mo.


NUMBER 5
HINDI SILA BILIB SA 'YO


Alam mo, unang bibilib sa 'yo ang mga magulang at mga kapatid mo. Ikalawa ay ang mga kaibigan mo. Ang tanong ko sa 'yo, proud ba ang mga kaibigan mo sa mga nakamit mo sa buhay? Siguro may na-proud pero talaga bang proud o baka may halong inggit? Kasi kung tunay nating kaibigan ang isang tao, proud tayo sa kanila at ayaw nating makipagpaligsahan sa kanila. Hindi natin binalewala ang kanilang nakamit. Pinapakita natin sa kanila ang ating suporta at masaya tayo para sa kanila. 'Yan ang tunay na emosyon na ipinapakita ng isang tunay na kaibigan. Pero kung hindi siya tunay mong kaibigan, wala silang paki sa naabot mo sa buhay at hahanap pa sila ng butas para hindi ka matuwa sa magandang nangyari sa buhay mo. Hindi nila na-appreciate ang hard work mo. Hindi sila bilib sa kakayahan at diskarte mo. Kahit pinakitaan mo sila ng kabutihan, basta't hindi sila tunay, negatibong ugali ang ibabalik nila sa 'yo. Sabi ko nga kanina na hindi sila bilib sa kakayahan mo kaya ang sasabihin na lang nila,

“Swerte ka lang ngayon” o
“nakakamit mo ang pangarap mo dahil may tumulong sa 'yo.”

So in short, ipinapamukha nila sa 'yo na HINDI MO KAYA kung wala kang back up. Siyempre masasaktan ka sa kanilang mga mapait na salita. Ganyan sila kasi wala naman silang pakialam sa buong pagkatao mo.


NUMBER 6
GINAGAMIT KA LANG


Ramdam mo naman 'yon kung sino yung tunay at kung sino yung nanggagamit lang. Habang may mapipiga at makukuha pa sila sa 'yo, didikit 'yang mga 'yan. Palagi ka nilang hahanapin. Akala mo mahalaga ka kasi hinahanap ka palagi. Pero ang totoo, hinahanap ka nila dahil ikaw ang solusyon sa kanilang mga problema. Umaasa sila palagi na nandiyan ka sa tabi nila. Palagi silang nagdedemand. 'Yan ang tinatawag nating FRIENDSHIP OF CONVENIENCE hindi 'yan GENUINE FRIENDSHIP. Ang taong ito na itinuturing mong kaibigan ay ginagamit ka lang. Tapos napakabastos pa ng kanilang ugali. Pagkatapos mong tumulong, napakahilaw magsabi ng SALAMAT. Mararamdaman mong hindi galing sa puso. Ginagamit nila ang kabaitan mo. Hindi nila pinansin ang effort na ginawa mo para sa kanila. Imbes na dapat GIVE AND TAKE. Nagiging giver ka na lang palagi tapos kuha lang sila ng kuha sa 'yo. Alam kong hindi mo 'yan gusto kaya ano pa ang gagawin mo?


NUMBER 7
HINDI SILA INTERESADO SA MGA GANAP MO


Senyales na 'yan na 'yang taong itinuturing mong kaibigan ay peke at walang pagmamahal sa 'yo. Kung wala silang paki tungkol sa mga ganap mo sa buhay, ibig sabihin na wala kang halaga sa kanila. Nakikipagplastikan lang sila sa 'yo dahil sa rason na may kukunin lang sila sa 'yo. Pero wala naman silang interes sa 'yo. Kapag may magandang ganap ka sa buhay, tumatango lang sila. Wala silang komento. Wala silang apresasyon na ipakita sa 'yo. Parang wala lang. Emotionless. Ayaw nilang magsalita kung tungkol sa 'yo ang usapan pero dada ng dada kung buhay nila ang pag-uusapan. Bida bida talaga, 'di ba? Kapag walang kwenta sa 'yo sa ang isang tao, siyempre wala ring kwenta ang kanyang pinag-iisip at mga ganap niya sa buhay. Kasi hindi ka naman interesado sa kwento niya e. At hindi siya importante sa 'yo. Napakasakit, 'di ba? Kaya ngayon, lumayo ka na lang kaysa sa magmukha kang tanga sa mata nila.


NUMBER 8
WALA NA SILA PAG KAILANGAN MO


Sa lahat ng mga signs na binanggit ko, siguro ang pinakamasakit sa lahat ay itong number 8. Magpapakita lang sila kapag sila ang may problema pero kapag ikaw na, iiwas sila sa 'yo. Imbes na unconditional love naging conditional love na. Susulpot lang sila pag kailangan ka nila. Tatawagan ka nila. Tapos pag wala na silang kailangan, hindi mo na sila makikita. Tapos sasabihin nila na sobrang busy nila. Katulad din ito ng mga taong nangungutang sa atin. Mag-memessage lang kung uutang. Mangangamusta pa 'yan. Pero pag hindi uutang, walang mangangamusta. Sa panahon ng kahirapan, hindi ka nila papansinin. Hindi ka ini-invite. Conditional love nga, 'di ba? Wala ka na kasing mailalapag sa mesa kaya ayaw ka na rin nila. Para bang takot sila na lalapit ka sa kanila na may pasan kang problema. Wala silang planong pagaanin ang buhay mo. Kaya mag-ingat ka sa mga kaibigan mong nandiyan lang sa tabi mo kung masagana pa ang buhay mo. Tapos sa totoo pala, one-sided lang sila. Hindi ka pala importante sa kanila. Kung totoong importante ka sa kanila, mananatili sila sa buhay mo kahit ano man ang mangyari.

Kung may napansin kang ganitong ugali sa mga kaibigan mo, hindi ka pa ba iiwas? Magpapakatanga ka na lang ba? Pag-isipan mong mabuti kung ano ang epekto nito sa buhay mo. Kung wala silang respeto sa 'yo at hindi ka nila pinahalagahan, baka 'yon din ang pagtrato mo sa sarili mo. 'Yon ang mas lalong sisira sa confidence mo. Iba ang level ng sakit kung kaibigan ang gumagawa nito sa atin. Mas mabuti pa kung ginaganito ka ng mga taong hindi mo kaibigan. At least ngayon, may natutunan ka na. Ikaw na ang mag desisyon kung mananatili ka ba sa buhay nila o aalis ka na para magkaroon ka ng peace of mind?




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177