Ito Ang Hanapin mo sa Isang Kaibigan By Brain Power 2177





Ano ang hinahanap mo sa isang kaibigan? Paano ka magiging isang mabuting kaibigan? Ano ang kailangan mo para tumagal ang pagkakaibigan? 'Yan ang pag-uusapan natin sa videong ito.

Dahil sa modernong teknolohiya, napakadali na ngayong magkaroon ng daan-daan o libo-libo pa ngang “friends” sa social network. Search lang tayo ng iba't-ibang pangalan sa social media, i-add lang natin, friends na natin sila. At kung ayaw na nating maging “friend” ang isang tao, idi-delete lang natin ang pangalan niya sa ating contact list. Pero friend mo ba talaga ang taong nasa social media? Sa tunay na buhay, napakahirap pa ring makahanap ng tunay na kaibigan. Kahit mas madalas tayo ngayong nakikisalamuha sa iba, bumababa pa rin ang bilang ng ating tunay na malalapít na kaibigan. 

Gaya ng marami, marahil ay sang-ayon ka rin na mahalagang magkaroon ng mabubuting kaibigan. Pero alam mo rin na ang pakikipagkaibigan ay hindi lang basta pagki-click ng mga link sa iyong computer o cellphone. Isaalang-alang natin ang apat na mungkahi, at tingnan natin kung paano makatutulong sa atin ang payo ng Bibliya para magkaroon tayo ng mga katangiang hinahanap ng mga tao sa isang kaibigan.


NUMBER 1
NAGMAMALASAKIT


Kailangan sa tunay na pagkakaibigan ang COMMITMENT. Ibig sabihin, alam ng isang mabuting kaibigan na may responsibilidad siya sa 'yo, at talagang nagmamalasakit siya sa 'yo. Pero hindi ibig sabihin na siya lang ang gagawa ng positibong katangian, dapat pareho kayong makadama ng gayong responsibilidad, at kailangan dito ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Uulitin ko, hindi pwedeng sarili lang niya ang ibibigay, o kanyang panahon at anumang mayroon siya para sa 'yo. Dapat ikaw din ay handang magbigay ng iyong sarili, panahon, at anumang mayroon sa 'yo para sa kaibigan mo. Sa madaling salita, dapat GIVE and TAKE. Hindi pwedeng TAKER lang siya. Dapat GIVER din. Gano'n din sa part mo. Dapat balanse sa pagbibigay at pagtanggap. Doon mo kasi mararamdaman na pareho kayong sumuporta sa isa't-isa. Hindi rin pwedeng puro bigay ka lang. Hindi kasi tamang magbigay lalo na doon sa mga taong may kakayahan suportahan ang kanilang sarili pero ayaw namang gumawa ng paraan. May mga tao ring puro kuha na lang. Hindi rin 'yon pwede. Kung ang kaibigan mo ay palaging kumukuha ng oras at lakas mo para lang matugunan ang sarili nilang mga pangangailangan, lumayo ka na sa taong 'yan. Hindi 'yan mabuting kaibigan. Tandaan mo, para magkaroon ng mabuting kaibigan, ikaw mismo ay dapat na maging isang mabuting kaibigan. Ang pakikipagkaibigan ay parang pag-aalaga ng isang magandang garden. Kailangan dito ang maraming panahon at pag-aalaga. Una sa lahat, sabi ko nga, dapat ka munang maging isang mabuting kaibigan. Ipakita mo ang iyong pagmamahal at personal na interes. At dapat na handa mong isakripisyo ang iyong panahon, kung kailangan. Sa ngayon kasi, inuuna ng marami ang sarili bago ang kapuwa. Kaya napakalaking bagay kapag may nagpakita sa ’yo ng kabaitan nang walang inaasahang kapalit.

“Kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo,
iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”
(Lucas 6:31)

Sa tekstong ito, pinasisigla tayo ni Jesus na maging mapagbigay at huwag maging makasarili. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan. Kung handa mong ibigay ang iyong sarili para sa mga kaibigan mo nang walang inaasahang kapalit, gugustuhin ka nilang maging kaibigan.


NUMBER 2
MAKIPAG-USAP KA


Paano ka magkakaroon ng mabubuting kaibigan kung hindi mo alam kung paano makipag-usap? May mga tao kasi na makikipag-usap lang sa personal pero kapag malayo kayo sa isa't-isa, wala kang matatanggap na message sa kanya. Kaya pahalagahan mo yung mga kaibigan mong may mga anak na at may asawa na pero nagagawa pa ring makipagkwentuhan sa’yo kahit sa chat at text lang. Yung mga kaibigan na kahit super busy sa pagtatrabaho at sobrang busy sa pagpapayaman ay nakakagawa pa rin ng paraan para mag-lunch or dinner out kayo. Yung mga kaibigan na kahit ilang buwan man ang lumipas ay kilala mo pa rin at kilala ka pa rin. Yung hindi nakakalimot at palaging nagse-send ng kahit anong message. Sila yung mga tunay mong kaibigan na alam mong kahit walang pisikal na presensya ay alam mong nandyan lang palagi. Hindi lalalim ang tunay na pagkakaibigan kung walang komunikasyon. Kaya lagi kayong mag-usap tungkol sa mga bagay na gusto ninyo. Pakinggan mo ang iyong kaibigan, at igalang mo ang opinyon niya. Kung posible, papurihan siya at patibayin. May mga panahong kailangan niya ng payo o pagtutuwid pa nga, at hindi ito laging madaling ibigay. Pero ang isang tapat na kaibigan ay may lakas ng loob na itawag-pansin ang maling ginagawa ng kaniyang kaibigan at magbigay ng payo sa mataktikang paraan. Ang isang tunay na kaibigan ay malayang nakapagsasabi ng opinyon niya, pero hindi nagagalit kapag hindi ka sang-ayon sa opinyon niya. Sasabihin sa ’yo ng mga tunay mong kaibigan kung ano ang totoo—kahit alam nilang masakit ang sasabihin nila—kasi iniisip nila ang kapakanan mo.

“Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig.”
(Santiago 1:19)

Sa pagkakaibigan, mahalaga ang pakikinig. Pero kung ikaw lagi ang nagsasalita, ipinadarama mong mas mahalaga ang opinyon mo kaysa sa opinyon nila. Kaya makinig ka kapag nagsasabi sa 'yo ng niloloob ang kaibigan mo. At huwag sasamâ ang loob mo kapag may itinawag-pansin siya sa 'yo.

“Ang mga sugat na dulot ng isang kaibigan
ay tanda ng katapatan,
Pero marami ang halik ng isang kaaway.”
(Kawikaan 27:6)


NUMBER 3
HUWAG KANG MAG-EXPECT NG SOBRA


Tandaan mo, hindi perpekto ang kaibigan mo katulad mo. Habang nagiging malapít ka sa isang kaibigan, mas nakikita mo ang kaniyang mga kapintasan. Hindi perpekto ang mga kaibigan mo, pero ganoon ka rin naman, 'di ba? Kaya hindi ka dapat umasang hindi sila magkakamali. Sa halip, pahalagahan mo ang kanilang magagandang katangian at palampasin mo ang kanilang mga pagkakamali. Kadalasan kasi, mas mataas ang expectation natin sa iba kaysa sa sarili natin. Pero kung alam nating tayo mismo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran, mas magiging mapagpatawad tayo. Tanggapin mo na talagang magkakamali ang mga kaibigan mo. Kapag nagkaproblema kayo, ayusin agad ito at kalimutan na. Hindi literal na kalimutan kasi hindi naman natin makakalimutan ang ginawa ng isang tao. Ang ibig sabihin ay 'wag mo na itong kimkimin. Tandaan mo,

“Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.”
(Santiago 3:2)

Ang tekstong 'yan ay tutulong sa atin na maging mas maunawain sa ating mga kaibigan. Kaya naman mapalalampas natin ang maliliit na pagkakamali at pagkukulang na baka ikayamot natin. Sinasabi ng Bibliya na patuloy nating pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan tayo para magreklamo laban sa ating kapuwa. Kung paanong lubusan tayong pinatawad ng Diyos, dapat na ganoon din ang gawin natin. Pero bukod sa mga ito, magpakita tayo ng pag-ibig, dahil lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao (Colosas 3:13, 14).


NUMBER 4
MAKIPAGKAIBIGAN KA SA LAHAT


Totoo na kailangan tayong maging mapamili pagdating sa kaibigan. Pero hindi ibig sabihin nito na kakaibiganin lang natin ang mga kaedad o kapareho natin ng background. Kapag nagpakita tayo ng interes sa lahat ng tao, anuman ang kanilang edad, pinagmulan, at lahi, mas magiging maligaya tayo. Sa panahon kasi natin ngayon, kinakaibigan lang ng tao ang mga ka-level nila. Makipagkaibigan ka sa lahat ng uri ng tao. Kung gagawin mo ito, magiging makulay ang buhay mo, at mapapamahal ka sa iba.

Makikita sa Bibliya ang mga halimbawa ng mabuting pagkakaibigan ng mga taong magkakaiba ang edad, lahi, kultura, at katayuan sa buhay. Halimbawa si Ruth at Noemi, Si Ruth ay manugang ni Noemi, at malaki ang agwat ng edad nila. Magkaiba rin ang kinalakhan nila. Pero kahit ganoon, naging matalik pa rin silang magkaibigan.—Ruth 1:16. Si David at Jonatan. Kahit mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David, sinasabi ng Bibliya na sila ay “naging matalik na magkaibigan.”—1 Samuel 18:1. Si Jesus at mga apostol. Nakakataas si Jesus sa mga apostol niya kasi siya ang guro nila at panginoon. (Juan 13:13) Pero hindi inisip ni Jesus na hindi sila karapat-dapat na maging kaibigan niya. Sa halip, naging malapít si Jesus sa mga sumusunod sa mga turo niya. Sinabi ni Jesus,

“Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.

Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin
dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng panginoon niya,
kundi tinatawag ko kayong mga kaibigan
dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.”
(Juan 15:14, 15)


NUMBER 5
KAIBIGANG MAPAGKAKATIWALAAN


Sino sa mga kaibigan mo ang mapaghihingahan mo ng iyong niloloob? Sinasabi ng Bibliya na “ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon At isang kapatid na maaasahan kapag may problema. (Kawikaan 17:17)

Nandyan sila pag sobrang kailangan mo.

Ang magkakaibigan ay nagtutulungan, nagdadamayan. Kailangan give and take. Kailangan nandyan kayo palagi para sa isa’t isa. Lalo na sa oras ng kagipitan. Alam kong sobrang busy na ng buhay ng tao. May kanya-kanya nang priorities. Pero kapag may problema ka at talagang kailangan mo ng tulong, gagawa at gagawa 'yan ng paraan. Gagawa 'yan ng oras para matulungan ka. At kung may ganito kang kaibigan, pasalamatan mo siya at pahalagahan mo siya. Kung may kaibigan ka man ngayon na hindi ka pa sure kung tunay mo ba siyang kaibigan, 'wag mong sabihin ang sekreto mo baka isiwalat pa 'yan.


NUMBER 6
KAIBIGANG MAPAGSAKRIPISYO


Sa pagkakaibigan, may mga panahong mas matatag ang isa kaysa sa kaniyang kaibigan. Alam ng tunay na kaibigan kung kailangan mo ng tulong at handa siyang umalalay sa 'yo. Siyempre, umaasa rin ang kaibigan mo na tutulungan mo siya kapag siya naman ang nangangailangan ng tulong. Sabi ko nga kanina, dapat give and take. Sino sa mga kaibigan mo ang mapagsakripisyo?

“Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao,
hindi ang sarili niya.”
(1 Corinto 10:24)


NUMBER 7
TUMUTULONG SA 'YO
NA MAGING MAS MABUTING TAO


Kapag inaasahan ng ilan na sasang-ayunan mo sila o hindi mo sila iiwan kahit labag sa pamantayan mo o labag sa konsiyensiya mo ang ginagawa nila. Hindi ganiyan ang tunay na kaibigan. Ang tunay na kaibigan, sasabihin nila ang totoo, pipigilan ka nila basta't alam nilang masama na ang pinagagawa mo. Pinalalakas niya ang loob mo na gawin ang buong makakaya mo at tinutulungan ka niyang maging mas palakaibigan. Sinasabi niya sa 'yo ang totoo kahit hindi 'yon ang gusto mong marinig.

Tinutulungan ka ba ng mga kaibigan mo na maabot ang iyong potensiyal, o kailangan mong babaan ang iyong pamantayan para tanggapin ka nila? Sinasabi sa Kawikaan 13:20,

“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,
Pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”

Makakatulong ang pagkakaroon ng kaibigan para maging masaya at para maging makabuluhan ang buhay. Ang mabubuting kaibigan ay may magandang impluwensiya sa isa’t isa at nakakatulong sila para mas maging mabuting tao tayo.

“Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal,
Napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.”
(Kawikaan 27:17)

Pero idinidiin ng Bibliya na napakahalagang piliing mabuti ang mga kakaibiganin natin. Nagbababala ito tungkol sa masamang resulta kapag mali ang pinili nating kaibigan. Napakaganda ng sinabi sa 1 Corinto 15:33,

“Huwag kayong magpalinlang.
Ang masasamang kasama
ay sumisira ng magagandang ugali.”

Ang ganiyang mga kaibigan ay iimpluwensiya sa atin na gumawa ng di-matatalinong desisyon at sisira ng magaganda nating katangian.

Uulitin ko, ang isang mabuting kaibigan ay TAPAT, MAPAGMAHAL, MABAIT, at BUKAS-PALAD. Ang isang tunay na kaibigan ay maaasahan kapag mayroon tayong problema. At hindi siya magdadalawang-isip na paalalahanan tayo bago pa man tayo makagawa ng isang maling hakbang o desisyon.

Baka maitanong mo, puwede bang maging kaibigan ng Diyos ang isang tao? Oo, puwedeng maging kaibigan ng Diyos ang mga tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.” (Kawikaan 3:32) Ibig sabihin, kinakaibigan ng Diyos ang mga taong nagsisikap na maging DISENTE, TAPAT, KAGALANG-GALANG, at sumusunod sa mga pamantayan Niya ng tama at mali.

Bago ko tapusin ang videong ito, iiwan ko sa inyo ang tekstong ito, Kawikaan 18:24:

“May magkakasamang ipinapahamak ang isa’t isa,
Pero may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”

Ibig sabihin, hindi sinasamantala ng isang tunay na kaibigan ang tiwala ng isang tao. Sa halip, ang tunay na kaibigan ay TAPAT, MAPAGKAKATIWALAAN, at MAPAGMAHAL.




Comments

Popular posts from this blog

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

Benefits Of Loving Yourself by Brain Power 2177