Mag-ingat Ka sa mga Salitang Binitawan Mo By Brain Power 2177





“Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita. Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay” (Efeso 4:29)

Isa sa pinakamagandang regalo ng Diyos sa atin ay ang KAKAYAHANG MAGSALITA. Nasasabi natin ang iniisip at nararamdaman natin. Nakapagsasabi tayo ng makakatulong sa tao at makapagpapatibay sa kanila. Pero puwede ring makasakit sa iba ang mga sinasabi natin. Makapangyarihan ang salita, kaya dapat tayong maging maingat sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. “Ang mahinahong dila ay punongkahoy ng buhay, Pero ang mapandayang dila ay nagdudulot ng pighati.” (Kawikaan 15:4) “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila” (Kawikaan 18:21)

“Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada” (Kawikaan 12:18) Ang masasakit na salita ay nakakasugat ng damdamin at nakakasira ng relasyon. Baka may naaalaala kang nakapagsalita sa 'yo nang hindi maganda at talagang nasaktan ka. Kayang pagalingin ng mabait na pananalita ang nasaktang damdamin at nasirang pagkakaibigan dahil sa di-pagkakaunawaan. Kung tatandaan nating may epekto sa iba ang sinasabi natin, magiging maingat tayo sa pagsasalita.

Kailangan din nating mag-ingat sa pagsasalita dahil lahat tayo ay hindi perpekto. Alam kong hindi madaling kontrolin ang lumalabas sa bibig natin. Pero pagsikapan nating mapahusay ang paraan ng pakikipag-usap natin.

Kailangan din nating mag-ingat sa pagsasalita dahil mananagot tayo sa Diyos sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. “Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya” (Santiago 1:26). Kaya kung hindi tayo maingat sa pagsasalita, puwede nating masira at maiwala pa nga ang kaugnayan natin sa Diyos.

Maliwanag, may magagandang dahilan tayo para mag-ingat sa sinasabi natin at sa paraan ng pagsasabi nito. Kaya kailangan nating malaman kung anong klase ng pananalita ang dapat iwasan.

MGA SALITANG NAKAKASIRA NG LOOB

Uso na sa ngayon ang paggamit ng malaswa o maruming pananalita. Iniisip ng marami na kailangan nilang magmura at gumamit ng malaswang pananalita para masabi ang gusto nilang sabihin. Madalas gumamit ang mga komedyante ng malalaswang biro at pananalita para patawanin ang mga tao. Pero “Dapat nating alisin ang mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” (Colosas 3:8)

Ang malaswang pananalita ay hindi kalugod-lugod sa Diyos. Marumi ito. Kung nakasanayan ng isang tao na magsalita ng mga bagay na marumi at malaswa at ayaw niya itong ihinto, baka ipinapakita nito na dapat siyang alisin sa 'yong buhay. Lumayo ka sa taong ito kung ayaw mong mahawa ka sa kanya.

Kailangan din nating iwasan ang tsismis. Natural sa atin na maging interesado sa iba at magkuwento tungkol sa mga kaibigan at kapamilya. Pero ang pagkukuwento tungkol sa iba ay madaling mauwi sa tsismis. Kung ikukuwento natin ang isang tsismis, baka makapagsalita tayo ng hindi totoo o makapagsabi ng kompidensiyal na mga bagay. Kung hindi tayo maingat, puwede itong mauwi sa maling akusasyon, o paninirang-puri. Ang paninirang-puri ay nakakasira ng reputasyon ng isang tao, nauuwi sa pagtatalo at samaan ng loob, at nakakasira ng pagkakaibigan.

Gusto ng Diyos na gamitin natin ang ating kakayahang magsalita para tulungan at patibayin ang iba, hindi para gawing kaaway ang mga kaibigan natin. Kinapopootan ng Diyos ang mga naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid. Sa ngayon, karaniwan na lang sa mga tao ang magsabi ng hindi totoo tungkol sa iba. Kaya dapat tayong mag-ingat sa mga sinasabi natin at laging mag-isip muna bago magsalita. Bago mo ikuwento ang narinig mo tungkol sa iba, tanungin mo ang iyong sarili:

Totoo ba ang mga sasabihin ko?

Maganda ba kung sasabihin ko ito?

Makakatulong kaya ito?

Paano kung marinig ng taong ikinukuwento ko ang sinasabi ko tungkol sa kaniya, matutuwa kaya siya?

Ano ang mararamdaman ko kung ganiyan ang sasabihin ng iba tungkol sa akin?

“Pagsikapan nating mamuhay nang tahimik at huwag tayong makialam sa buhay ng iba” (1 Tesalonica 4:11)

Kung minsan, nakakapagsalita tayo ng mga bagay na pinagsisisihan natin. Hinding-hindi tayo dapat gumamit ng mapang-abusong pananalita. Dahil sa mapang-abusong pananalita, nawawalan ng dignidad ang tao at nararamdaman nilang wala silang halaga. Napakadali lang masaktan lalo na ang mga bata, kaya dapat tayong maging maingat para hindi sila masiraan ng loob.

Huwag ka ring MANLAIT. Ang panlalait ay ang paulit-ulit na pamimintas sa iba para saktan sila. Nakakalungkot kung ganiyan tatratuhin ng isang tao ang asawa niya o mga anak! Gaya ng natutuhan natin, kung nagsasalita tayo ng malaswa, masakit, o hindi totoo, masisira ang kaugnayan natin sa Diyos at sa mga tao.

Gumamit tayo ng MGA SALITANG NAKAPAGPAPATIBAY. Ang mga salitang nakapagpapatibay ay malinis, mabait, at totoo. Gusto ng Diyos na nakapagpapatibay at nakakatulong ang mga sinasabi natin. Hindi ito laging madaling gawin. Mas madaling magsabi ng masasakit at hindi pinag-isipang mga bagay kaysa magsalita nang positibo. Para makapagbigay ng komendasyon na talagang magpapatibay, kailangang may personal na interes ka sa iba. Napapatibay tayo kapag may nagbigay sa atin ng komendasyon dahil sa mga pagsisikap natin o may nagpasalamat sa atin dahil sa ginawa natin.

Kung lagi mong titingnan ang mabubuting katangian ng iba, mas madaling magbigay ng taos-pusong komendasyon. Malaki ang magagawa ng komendasyon mo sa mga tao. Napakahalaga ring sabihin mo sa asawa mo na mahal mo siya at pinapahalagahan mo siya. Kasi kailangan ding maramdaman ng iba na pinapahalagahan sila. Totoo 'yan lalo na sa mga bata. Humanap ka ng mga pagkakataon para bigyan mo sila ng komendasyon dahil sa kanilang mabubuting katangian at pagsisikap. Dahil sa komendasyon, magkakaroon sila ng lakas ng loob at kumpiyansa at lalo silang magsisikap na gawin ang tama.

Gusto ng Diyos na patuloy nating PASIGLAHIN ANG ISA’T ISA at PATIBAYIN ANG MGA PINANGHIHINAAN NG LOOB. Kapag sinisikap nating gawin 'yan, nakikita at pinapahalagahan Niya ito. Baka may mapansin kang tao na pinanghihinaan ng loob o nadedepres. Ano ang puwede mong sabihin sa kaniya? Hindi mo man maayos ang problema niya, puwede mo namang ipadama na nagmamalasakit ka. Puwede kang maglaan ng panahon para makasama siya. Puwede kang magbasa ng isang nakapagpapatibay na teksto sa Bibliya at manalangin kasama siya. Tiyakin sa kaniya na mahal siya ng pamilya niya at mga kaibigan niya. At iparamdam mo sa kaniya na totoo at mula sa puso ang sinasabi mo.

Mapapatibay din natin ang iba kapag nagbibigay tayo ng mabubuting payo. Dahil hindi tayo perpekto, kailangan din natin ng payo paminsan-minsan. “Makinig tayo sa payo at tumanggap ng disiplina. Para maging marunong tayo pagdating ng araw” (Kawikaan 19:20) Dahil mahal natin ang mga tao, titiyakin natin na hindi sila masasaktan sa pagpapayo natin.

Baka naaalaala mo nang payuhan ka ng isang tao at madali mong natanggap 'yon. Bakit naging epektibo 'yon? Baka naramdaman mo na talagang nagmamalasakit siya. O baka nagpayo siya nang may kabaitan at pagmamahal. Dapat na may makakasulatang basehan ang payo natin. Hindi natin puwedeng ipilit sa iba ang opinyon natin o gamitin ang teksto para suportahan ang sariling ideya. Kapag inalaala mo kung paano ka binigyan ng payo noon, matutulungan ka nito kapag nagpapayo ka sa iba.

Ang kakayahang magsalita ay regalo ng Diyos. Dapat tayong pakilusin ng pag-ibig sa Kaniya na gamitin ito nang tama. Tandaan mo, ang salita ay puwedeng makasira ng loob o makapagpatibay. Kaya sikapin nating gamitin ang kakayahang magsalita para patibayin ang iba.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177