Napapansin Kaya Ako ng Diyos? By Brain Power 2177





Oo naman, Ang Diyos ay may pakialam sa lahat ng maliliit na bagay sa ating buhay, dahil ang lahat ng bagay ay MALIIT lamang kumpara sa Diyos! Sinasabi sa Lucas 12:7, na biláng Niya kahit ang mga buhok natin sa ulo. Kaya 'wag tayong matakot; mas mahalaga tayo kaysa sa maraming maya.

Sa ngayon, marami ang patuloy na dumaranas ng paghihirap dahil sa mga digmaan, pulitikal o panlipunang mga kaguluhan, likas na mga sakuna, pagtanda, sakit, matinding karalitaan, at pagbabawal ng pamahalaan. Malamang na dumaranas ka rin ng mga pagsubok sa paanuman. Kung minsan, baka iniisip mong ikinukubli ng Diyos ang Kaniyang mukha sa 'yo. Kapag nagdurusa ka nang walang inaasahang ginhawa, baka magtanong ka: ‘Talaga kayang mahal ako ng Diyos? Napapansin kaya Niya ang hirap na dinaranas ko? May malasakit kaya Siya sa akin bilang indibiduwal?’

Ang sagot ay isang matunog na OO! Anumang hamon ang mapaharap sa 'yo, makapagtitiwala ka na nagmamalasakit ang Diyos sa 'yo bilang indibiduwal hangga’t nananatili kang matapat sa Kaniya.

Noong panahon ni Jesus, ang mga maya ay kinakain, subalit dahil naninira sila ng pananim, karaniwan nang itinuturing silang peste. Napakarami at napakamura  ng mga maya anupat puwede kang bumili ng dalawa nito sa halagang katumbas ng wala pang tatlong piso sa ngayon. Kung dodoblihin ang halagang ito, hindi lamang apat ang mabibili mo kundi lima​—may isang dagdag na ibon, na para bang wala na nga itong halaga!

Isaalang-alang din kung gaano kaliit ang karaniwang ibong ito. Kung ihahambing sa marami pang ibang ibon, kahit ang nasa hustong gulang na maya ay napakaliit pa rin. Magkagayunman, ang salitang Griego na isinaling “MGA MAYA” sa Mateo 10:29 ay partikular na tumutukoy sa maliliit na maya. Maliwanag na nais ni Jesus na gunigunihin ng kaniyang mga apostol ang isang ibon na talagang halos wala nang kahala-halaga. Gaya ng sabi ng isang akda, “Napakaliit na nga ng ibong binanggit ni Jesus, lalo pa itong pinaliit ng ginamit niyang pang-uri!”

Ang analogy ni Jesus tungkol sa mga maya ay nagpalitaw ng isang mabisang punto: Ang waring walang kabuluhan sa mga tao ay mahalaga sa Diyos Ama. Lalo pang idiniin ni Jesus ang katotohanang ito sa pagsasabing ang isang maliit na maya ay hindi MAHUHULOG SA LUPA nang hindi napapansin ng Diyos. Maliwanag ang aral. Kung ang napakaliit at halos wala nang kahala-halagang ibon ay pinag-uukulan ng pansin ng Diyos Ama, lalo na Niyang pagmamalasakitan ang kalagayan ng isang tao na nagpasiyang maglingkod sa Kaniya!

Ang karaniwang ulo ng isang tao ay may humigit-kumulang 100,000 hibla ng buhok. Halos sa kabuuan, waring pare-pareho lamang ang hibla ng buhok, at parang hindi na natin ito kailangan pang partikular na pag-ukulan ng pansin. Gayunman, bawat hibla ng buhok ay pinag-uukulan ng pansin at binibilang ng Diyos. Kung gayon, mayroon pa kayang anumang detalye sa ating buhay na hindi alam ng Diyos? Tiyak na nauunawaan ng Diyos ang kakanyahan ng bawat isa sa Kaniyang mga lingkod. Oo, TUMITINGIN SIYA SA KUNG ANO ANG NASA PUSO.

Huwag kang magpadalus-dalos sa 'yong palagay na wala kang kahala-halaga para pagtuunan ng mga mata ng Diyos na nakakakita sa lahat ng bagay!

Hindi lamang kilala ng Diyos ang bawat isa sa Kaniyang mga lingkod kundi alam na alam din Niya ang mga paghihirap na dinaranas ng bawat isa. Talaga ngang nakaaaliw malaman na kapag nagbabata tayo ng pagsubok, nakikita pala ng Diyos ang nangyayari at naririnig Niya ang ating mga daing! Hinding-hindi Niya ipinagwawalang-bahala ang ating pagtitiis.

Bilang tapat na lingkod ng Diyos, makatitiyak ka kung gayon na kapag nasasaktan ka, nasasaktan din ang Diyos. Hindi ba’t nauudyukan ka nitong harapin nang walang takot ang paghihirap at patuloy na gawin ang iyong buong makakaya upang paglingkuran Siya?

Maaaring pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang mga pagsubok sa 'yo. Kung gayon, laging tandaan ang pangako Niya sa mga natatakot sa Kaniya. Ito ang nakasulat sa Hebreo 13:5,

“Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.”

Tandaan mo, biláng ng Diyos ANG MISMONG MGA BUHOK NG IYONG ULO. Nakikita Niya ang iyong pagbabata. Nadarama Niya ang kirot na iyong nadarama. Tunay Siyang nagmamalasakit sa 'yo. At hindi Niya kailanman KALILIMUTAN ANG IYONG GAWA AT ANG PAG-IBIG NA IPINAKITA MO SA KANIYA.

Sa lahat ng bahagi ng Kasulatan ay makikita nating interesado ang Diyos hindi lang sa mga mahahalagang bahagi ng ating buhay. Siya ay may pakialam sa lahat ng aspeto ng ating pagkatao dahil tayo ay Kaniyang nilalang ayon sa Kaniyang larawan. May pakialam Siya sa lahat ng Kanyang nilikha, kabilang ang mga halaman, mga hayop, at kapaligiran. Sinasabi sa Mateo 6:26,

“Tingnan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit;
hindi sila nagtatanim o umaani o nagtitipon sa kamalig,
pero pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.
Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?”

Kung tinutugunan nga ng Diyos ang pangangailangan ng mga ibon na hindi naman nilikha ayon sa Kaniyang larawan na wala namang kakayahang magpasya upang piliin o tanggihan Siya, gaano pa kaya ang pagpapahalaga Niya sa atin at sa pangangailangan nating lahat? Makakaasa tayo sa Diyos dahil mahalaga tayo sa Kaniya. Basahin natin ang Mateo 6:8,

“Alam ng inyong Ama
kung ano ang kailangan ninyo
bago pa ninyo hingin iyon sa kaniya.”

Napagmasdan mo na ba ang mga ibon na tuka nang tuka sa tila lupa lamang? Malamang na inisip mo kung ano ang makakain nito sa basta pagtuka sa lupa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ipinakita ni Jesus na makakakuha tayo ng aral mula sa paraan ng paglalaan ng Diyos sa mga ibon. Sa kamangha-manghang mga paraan, naglalaan ang Diyos ng pagkain para sa lahat ng Kaniyang mga nilalang.​

Kung gayon, bakit inilakip ni Jesus sa kaniyang huwarang panalangin ang kahilingang: “Bigyan mo kami ng pagkain para sa araw na ito”? (Mateo 6:11) May makukuhang makabuluhang espirituwal na mga aral mula sa simpleng kahilingang ito. Una, ipinaaalaala nito sa atin na ang Diyos Ama ang Dakilang Tagapaglaan. Maaaring magtanim at magbungkal ang mga tao, ngunit ang Diyos lamang ang makapagpapalago sa mga bagay, sa espirituwal at pisikal na paraan. Isang kaloob mula sa Diyos ang ating kinakain at iniinom. Ipinakikita sa Kaniya ng ating paghiling na ibigay sa atin ang ating mga pangangailangan sa araw-araw na hindi natin binabale-wala ang mga paglalaang iyon. Siyempre pa, hindi inaalis sa atin ng gayong kahilingan ang pananagutan na magtrabaho kung kaya naman natin.​

Ikalawa, ipinahihiwatig ng ating paghiling ng “PAGKAIN PARA SA ARAW NA ITO” na hindi tayo dapat labis na mabalisa tungkol sa hinaharap. Sinabi pa ni Jesus, sa Mateo 6:31-34,

“Kaya huwag kayong mag-alala at magsabing
‘Ano ang kakainin namin?’
o, ‘Ano ang iinumin namin?’
o, ‘Ano ang isusuot namin?’

Ang lahat ng ito ang pinagkakaabalahan ng mga bansa.
Alam ng inyong Ama sa langit
na kailangan ninyo ang lahat ng ito.

“Kaya patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya,
at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito.

Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw,
dahil ang kasunod na araw
ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.
Sapat na ang mga problema sa bawat araw."

Ang panalangin ukol sa “PAGAKAIN PARA SA ARAW NA ITO” ay naglalaan ng parisan para sa simpleng pamumuhay na may MAKADIYOS NA DEBOSYON KALAKIP ANG KASIYAHAN SA SARILI.

Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, makikita natin na siya ay interesado sa bawat bahagi ng buhay ng tao. Higit na interesado siya sa katangian kaysa sa dami. Si Jesus ay isinugo upang iligtas ang naligaw at upang pagdugtungin ang puwang sa pagitan ng tao at ng Diyos na sanhi ng kasalanan. Ngunit kahit na gano'n ay nagbibigay pa rin siya ng panahon upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga taong nakakasalamuha Niya. Sa Mateo 14:18-21 ay makikita natin ang malinaw na larawan ng pagkahabag ni Jesus sa mga taong nagugutom. Kahit kulang o kaunti ang pagkain para sa napakaraming tao ay makikita pa rin natin sa kaniya ang pagnanasang ipagkaloob ang pagkain mula sa langit para sa mahigit 5, 000 kalalakihan, kababaihan, at kabataan.

Ang mga bata ay maliliit din at maaari nating isipin na sila ay sagabal sa higit na mahalagang bagay. Sa katunayan nga, nang minsang magdala ng maliliit na bata ang mga tao kay Jesus, sinaway sila ng mga alagad at gustong paalisin. Pero ano ang sinabi ni Jesus? Basahin natin ang Marcos 10:14,

“Nang makita ito ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila:
“Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata;
huwag ninyo silang pigilan,
dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila.”

Si Jesus ay hindi gano'n KALAKI o KAABALA upang pagpalain ang mga bata.

Ang Diyos ay totoong may pakialam kahit sa MALILIIT NA BAGAY at may pakialam sa detalye ng ating buhay dahil mahalaga tayo sa Kaniya. Kung ihahambing sa Kaniya at sa Kaniyang kaluwalhatian, ang mga buhay natin ay binubuo lamang ng MALILIIT NA BAGAY. Ganito ang sinasabi sa Mga Awit 139:17-18,

“Kaya napakahalaga sa akin ng mga kaisipan mo!
O Diyos, pagkarami-rami ng mga iyon!

Kung susubukan kong bilangin,
mas marami pa ang mga iyon sa mga butil ng buhangin.
Paggising ko, kasama pa rin kita.”

Kahit alam ng halos lahat na nagmamalasakit ang Diyos sa atin, may ilang tao pa ring nagsasabi na kung talagang nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao, sana inalis na Niya ang kasamaan at pagdurusa sa daigdig. At kung may malasakit man Siya sa sangkatauhan, wala naman Siyang pakialam sa nangyayari sa atin.

Alam mo, hindi sa Diyos nanggagaling ang kasamaan. Basahin natin ang Santiago 1:13,

“Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman:
“Sinusubok ako ng Diyos.”
Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama,
at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama.”

Bagaman maaalis Niya ito kailanman Niya gustuhin, pinahintulutan Niyang umiral ang tiwaling lipunan sa ngayon para masagot ang mahahalagang isyu na bumangon sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Tiyak na kikilos Siya para sa kapakanan ng mga tao at aalisin Niya ang lahat ng problemang idinulot ng mga taong tumatanggi sa Kaniyang pamamahala.​

Bukod sa nagmamalasakit Siya sa buong sangkatauhan, ipinakikita rin ng Diyos na interesadung-interesado Siya sa atin bilang mga indibiduwal.

Dahil sa kasinungalingang walang malasakit ang Diyos, maraming tao ang ayaw nang makilala ang Diyos o napipilitan lang na lumayo sila sa Diyos. Ang pagkaalam na talagang nagmamalasakit ang Diyos ay mag-uudyok sa 'yo na gustuhing matuto pa nang higit tungkol sa Kaniya at makipagkaibigan sa Kaniya.

Halimbawa, baka nananalangin ka sa Diyos pero nag-aalinlangan ka kung pakikinggan ka ba Niya o sasagutin ka ba Niya. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang DUMIRINIG NG PANALANGIN ay laging handang makinig sa lahat ng pagkakataon para sa mga taos-pusong lumalapit sa Kaniya.​

Inaanyayahan ka ng Diyos na IHAGIS SA KANIYA ANG LAHAT NG IYONG KABALISAHAN, SAPAGKAT SIYA AY NAGMAMALASAKIT SA IYO (1 Pedro 5:7). Makaaasa tayo sa Kaniya lalo na sa mahihirap na panahon dahil sinasabi ng Kaniyang Salita, sa Awit 34:18,

“Ang Diyos ay malapit sa mga may pusong nasasaktan.”




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177