4 na Paraan Para Matigil ang Crab Mentality By Brain Power 2177



Pinupuno ng mga mangingisda ang kanilang mga balde ng mga alimango at iniiwan silang walang bantay habang nangingisda pa sila. Hindi nababahala ang mga mangingisda na makatakas ang kanilang mga nahuling alimango. Bakit hindi sila nababahala? Dahil alam ng mga mangingisda na hihilahin lang ng mga alimango pabalik ang kapwa nilang alimango. Kung mag-isa lang ang alimango sa balde, susubukan nitong gumapang palabas hanggang sa magtagumpay ito. Napapansin mo ba, kung mayroon ng maraming alimango sa balde, magbabago ang ugali ng alimango. Nanghihila na sila. Hindi katulad kung mag-isa lang ito, gumagawa ito ng paraan para makalabas sa balde. Maaari din natin itong ikompara sa pag-uugali ng tao. Ganito ang mindset ng karamihan:

Kung wala ako niyan, dapat wala ka rin niyan. Kung hindi ko kaya, dapat hindi mo rin kaya.

That mentality is destructive.

Kapag matagumpay ang isang tao, masaya ka ba para sa kaniya? Pwede mong sabihing OO but deep inside, ikaw lang ang nakakaalam kung naiinggit ka ba. Some people can't enjoy another person's success. Gusto nilang ibagsak ang mga taong umangat na sa buhay. Tinatawag nila ang matagumpay na tao na MAYABANG, AROGANTE, MADAMOT. Tinitira nila ng tinitira para masaktan ang taong 'yon at tumigil na sa kanyang pag-angat sa buhay. Gusto nilang ibaba ang tao sa kanilang lebel.

Alam mo ba kung bakit ganito ang ating ugali? Takot kasi tayong mawalan. Takot tayong matalo. Takot tayong maunahan. Kaya negatibo ang ating reaksyon. Ayaw nating maiwan sa buhay. Ayaw nating makita na matagumpay sila sa kanilang ginagawa kaya nagagalit tayo sa mga taong nasa unahan na.

Tapos negatibo pa ang ating iniisip sa ating sarili. Palagi nating iniisip na hindi tayo sapat, hindi tayo magaling, hindi tayo magtatagumpay. Siguro noong bata ka pa minamaliit ka ng mga tao. Siguro walang tiwala ang iyong asawa sa kakayahan mo. Bumababa kasi ang pagtingin natin sa ating sarili kapag may mga taong nanda-down sa atin. Nagtitiwala na rin tayo sa mga negatibong sinasabi nila.

Anuman ang dahilan ng iyong kawalan ng pagtitiwala sa sarili, masisira nito ang iyong pananaw sa buhay. Kung sa tingin mo ay hindi ka karapat-dapat na maging masaya, o magtagumpay sa buhay o yumaman o makamit ang iyong mga layunin, o ayaw mo lang na lumabas sa balde na katulad ng mga alimango dahil natatakot ka na babatuhin ka nila ng mga masasakit na salita, sa tingin mo lang 'yon. Baguhin mo ang iyong pag-iisip. Bahala na kung ikaw lang mag-isa. 'Wag kang matakot sa mga tao. Ganyan talaga ang buhay, kapag gagawa ka ng bagong bagay, maraming maninira sa 'yo. Isa lang naman ang gusto nila, ang BUMAGSAK ka.

Tapos biglang na-promote ka sa trabaho, nakabili ka na ng sasakyan, nakapagpatayo ka na ng bahay. Tapos napansin mo, na ang mga taong nakapaligid sa 'yo ay hindi masaya sa mga nakamit mo. Mararamdaman mo naman 'yan e. May pekeng ngiti, pekeng pagtingin. Nararamdaman mo ba na hindi lang ito inggit? Parang hindi nila na-recognize ang lahat ng iyong pagsusumikap. May mga tao kasi na sa tingin nila, madali lang ang lahat para sa 'yo. Iniisip nila na ang buhay mo at buhay nila ay hindi pareho. Tapos parang iniisip nila na may sekreto kang ginagawa na hindi mo sinasabi sa kanila at doon ka nagiging madamot sa palagay nila. Kaya lahat ng tagumpay mo, binalewala nila. Ayaw ka nilang purihin sa mga nagawa mong pagsisikap. Tapos nagi-guilty ka na sa ginagawa mo kasi iniisip mo, nakakatapak ka ng mga tao. Pero taktika lang pala nila 'yon para lang bumaba ka sa kung saan ka galing.

Kaya ngayon ay malalaman natin kung ano ang 4 na paraan para maitigil na ang negatibong mentalidad na 'yan.


NUMBER 1
'WAG MONG IKOMPARA ANG BUHAY MO


Araw-araw kang gumagamit ng social media tapos may iba't ibang post kang nakikita. Nakikita mo kung gaano kabongga ang buhay ng ibang tao. Tapos medyo natamaan ka, yun bang parang nasasaktan ka sa mga nakikita mo, tapos ikinokompara mo ang iyong buhay sa buhay nila. Masasabi mo sa sarili mo, ang pangit ko, walang akong kwenta, wala akong alam sa buhay, wala akong alam sa pagnenegosyo, hindi interesting ang buhay ko. Ang dami mo pang maiisip na negatibo sa sarili mo. Tandaan mo, ipasok mo ito sa kukote mo, ang social media ay hindi tunay na salamin ng ating lipunan. Nagpo-post sila ng gan'on, pwedeng totoo o pwedeng hindi, at 'yan ang gusto nilang paniwalaan mo. Na-filter na ang bawat selfie, pati buhay nafi-filter din kaya hindi na ito 100% totoo. Kita mo, nasasaktan sa mga post na hindi totoo. May masasayang pangyayari naman sa buhay mo, 'di ba? Halos lahat ng negatibong sitwasyon, hindi naka-post sa social media. Wala ka gaanong makikita na may nagpo-post kung gaano kawalang kwenta ang buhay ng mga tao. Halos lahat ng post ay perpekto. Ang punto ko lang, 'wag mong ikompara ang tunay mong buhay sa mga ilusyon. Mamuhay ka ng maayos. Magpakatotoo ka. Kung may nakita kang anu-ano diyan, hayaan mo na lang. Iba iba naman tayo ng buhay e. Kung palagi ka lang nagkokompara, siguradong mabubuo na ang inggit sa puso mo.


NUMBER 2
MATUTO KANG MAGPASALAMAT


Ilang beses ko na itong sinabi, 'di ba? MAPAGPASALAMAT. Aaminin ko, noong teenage years pa lang ako, hindi ako marunong magpasalamat. Palagi na lang akong nagrereklamo. When I was in my 20s, doon ko pa lang nalaman ang positibong epekto ng pagpapasalamat. Noong dinurog na ako ng panahon. Now I'm a big fan of being grateful for the small things I do have. Sobrang cheesy pakinggan, 'di ba? Pero hindi ka ba natutuwa na malusog ka pa rin? Kahit sabihin na nating may sakit ka pero buhay ka pa rin. May magagawa ka pa. May chance ka pang gumaling. Hindi ka ba nagpapasalamat sa buhay mo? May bahay ka. Nakakatulog ka ng maayos kahit umuulan. Kahit maliit ang bahay ninyo, isa na 'yang blessing. May pagkain ka pa. Maliit na bagay lang 'yan para sa 'yo pero sa ibang tao, pinapangarap nilang magkaroon sila ng ganyang kaliit na bagay. Wala ng space ang inggit sa puso mo kung mapagpasalamat ka lang.


NUMBER 3
MAGPOKUS KA SA PANGARAP MO


Tayong lahat naman ay may pangarap. Iba iba tayo ng pangarap sa buhay. Hindi porket marami na ang yumayaman ay naubos na ang resources sa mundo. Pwede ka pa ring yumaman. Pero hindi ko naman sinasabi na dapat ang pagyaman ang goal mo sa buhay. Depende rin naman 'yan sa 'yo. Pero kung ang bumabalot sa puso't isip mo ay inggit at sama ng loob sa mga taong umaangat sa 'yo, hindi hindi ka magtatagumpay. Bakit? Negative energy na ang sumasa 'yo. Nawawala ka na sa sarili mong landas. Nawawala ka na sa pokus. Wala ka ng kinalaman sa pangarap ng iba. Bakit ka nakatingin sa kanila? Kaya mas mabuti pang kumilos ka para sa pangarap mo. Tandaan mo rin, lahat ng taong nakikita mo, hindi mo alam kung ano ang hirap ng pinagdaanan nila ngayon. 


NUMBER 4
MAGING POSITIBO


Mahirap maging positibo kung kasama mo ang mga taong walang pangarap sa buhay. Totoo, ang mga taong walang pangarap sa buhay, sila ang may panahon para man-down ng kapwa, maninira ng ginagawa ng iba tapos marami pa silang panahon para magbato ng negatibo. Gusto mong sumama sa kanila? Magiging katulad ka rin nilang mag-isip. Crab mentality. Siyempre doon ka sumama sa mga taong positibo. Success breeds success. Kapag positibo ka, marami kang makikitang opportunity. Marami kang makikitang kagandahan sa paligid mo. Kapag sumuporta ka sa mga kaibigan at pamilya mo, parang nakikisalo ka rin sa tagumpay nila. Magtatagumpay ka rin sa buhay dahil sa positibong kilos mo. Katulad ko, may kaibigan akong nagnenegosyo, tapos sumusuporta ako sa kanya, tinulungan ko siyang i-promote ang produkto niya at dahil sa positibong ginawa ko, bibigyan niya ako ng murang presyo kapag bibili ako. Tapos tinulungan din niya ako na ibahagi ang mga videos ko sa mga kakilala niya para makapanood sila, para magkaroon sila ng positibong pananaw sa buhay, oh 'di ba? May positibong epekto ang ginawa mong positibo.

Napansin mo ba kung paanong naiimpluwensyahan ang iyong kalooban ng mga tao sa paligid mo? Kung ang isang tao ay malungkot, ang iyong kalooban ay maaaring maapektuhan kaagad. Malulungkot ka rin. Kung tsismis lang ang alam ng mga taong nakapalibot sa 'yo, makikitsismis ka na rin. Kaya mahalaga talaga kung sino ang kasama mo sa araw-araw. Tandaan mo, kung patuloy kang nanda-down ng kapwa mo, lumilikha ka ng isang madilim na kapaligiran kasi negatibong enerhiya na ang bumabalot sa pananaw mo. Sa halip, maging maalalahanin at may kamalayan na iangat ang mga tao upang magtagumpay sila at siguradong babalik din 'yon sa 'yo.

Ang paninibugho at inggit ay natural na emosyon, kaya maaaring mahirap lumabas sa isang negatibong mentalidad. Ngunit ang pagnanais ng tagumpay para sa lahat ay humahantong lamang sa isang mas magandang buhay para sa ating lahat. Ipagdiwang natin ang tagumpay para sa marami, hindi lang iilan. Kaya mo bang gawin 'yon?




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177