Use Your Mind By Brain Power 2177


Photo by Julia Volk from Pexels


May utak ka naman, 'di ba? Pero ang tanong, ginagamit mo ba? Ang punto ko lang, 'wag kang sunod ng sunod sa karamihan. Kasi kadalasan, marami ang dumadaan sa maling direksyon. Sa halip na sunod ng sunod ka lang, gumawa ka ng sarili mong daan. Ang daan na talagang gusto mo. Y'ong hindi ka napipilitan. Magpakatotoo ka sa sarili mo. Magpokus ka sa sarili mo. Panindigan mo ang mga galaw mo. Sundin mo ang mga prinsipyong magdadala sa 'yo sa tagumpay. Magtiwala ka sa sarili mo. Kung ayaw mo ng ganyang katangian, walang pagbabagong magaganap sa buhay mo. Kung ikaw y'ong sunod ng sunod lang dahil may nakikita kang uso ngayon o sunod ng sunod ka lang kung ano ang gusto ng mga tao na gawin mo, walang pagbabagong mangyayari sa buhay mo. 

Sabihin na nating may mga taong pinagtsi-tsismisan ka, hindi ka madaling matatablan kung ginagamit mo sa tama ang utak mo. Kasi kung iisipin mo lang, bakit ka madadala sa mga taong walang alam sa buhay mo? Y'ong mga taong putak ng putak, wala silang alam sa pagkatao mo. Gusto mo bang bumaba sa kanilang lebel? 'Wag kang magpapakontrol sa kanila. Kahit gaano sila ka-negatibo sa 'yo, kahit ano pa ang sasabihin nila, 'wag mong patulan. Kung papatulan mo sila, siguraduhin mo lang na ito'y nasa legal na paraan. Kung may naghahatid man sa 'yo ng hindi magandang balita, 'wag mo ng ikalat sa iba at pwedeng lumayo ka na sa taong puro tsismis lang ang ibabahagi sa 'yo dahil wala ka namang mapupulot diyan. Lason ang mahihigop mo. 'Wag kang magpapa-impluwensya sa tsismis, sa social media, sa mga balita sa TV, o kahit sa mga pamilya at kaibigan mo. Ikaw dapat ang  ang makakasaksi ng katotohanan hindi galing sa mga bibig ng sinu-sino. 

Kung ako ang tatanungin mo kung bakit kakaiba akong gumalaw, dahil ayokong maging katulad ng karamihan. Hindi naman ako kumukontra sa lahat. Ang ayaw ko lang ay makihalubilo sa mga taong puro bibig lang ang ginagamit, hindi utak. Gumagawa ako ng mga sarili kong desisyon na ikakabago ng aking buhay. Welcome naman ako sa mga suggestions ng iba. Pero hindi lahat sinusunod ko kung alam kong ako ang maiipit sa sitwasyon. May tiwala ako sa sarili ko. May tiwala ako sa kakayahan ko. Nagpakatotoo ako sa sarili ko. Hindi ako sumusunod sa karamihan. Kaya ang inaakala ng iilan ay kakaiba ako. Hindi naman ako kakaiba. Magkaiba lang tayo ng pag-iisip. Tandaan mo ito, kung iniisip mo kung ano ang iniisip ng iba, ibig sabihin hindi ka nag-iisip. Sumusunod ka lang sa iniisip nila. Halimbawa, pumunta kayo sa restaurant. Tinanong ka ng kaibigan mo, "Anong gusto mong pagkain?" Tapos sinagot mo, "Kung ano y'ong sa 'yo, gan'on na rin ang akin" Kita mo 'yan? Simpleng halimbawa lang pero nakuha mo ang punto, 'di ba? Panahon na 'yan na gamitin ang utak mo pero hindi mo ginamit. Dahil ba nahihiya ka? Dahil ba baka iisipin ng kaibigan mo na demanding ka? Hindi iisipin ng kaibigan mo 'yon kung TUNAY mo siyang kaibigan. Siya na ang nagtatanong e.

Kaya ako umaangat sa buhay dahil sinusunod ko ang aking puso at isipan. May sarili akong desisyon na alam kong ikakaunlad ko. Habang  nagrereklamo ang karamihan, ginamit ko ang oras ko para mag-isip ng mga ideya. Ganyan lang ang buhay. Hindi naman ako perpektong tao. Minsan malukungkot din. But most of the time, I'm happy. I'm positive. Maayos ang income ko. Maayos ang kalusugan ko sa pisikal man at mental.

Ang mga taong reklamador, mahihirapan silang makaangat. Bakit? Nakapokus sila sa kakulangan. Hindi nila nakikita ang mga pagkakataon. Ginamit nila ang kanilang oras sa pagrereklamo tungkol sa isang tao, tungkol sa sitwasyon, sa gobyerno at sa marami pa. Kaya sila din ay hindi masaya sa kanilang buhay. Wala pang pera. Nakapokus lang kasi sa di-magandang sitwasyon. Hindi sila nakapokus na sila ang gagawa ng paraan para umayos ang sitwasyon. Nakapokus ako sa mga ginagawa ko para pagdating ng panahon, makikita ko ang bunga. At mai-inspire ko pa ang mga tao. Habang ako ay nagpopokus na paunlarin ang sarili ko, may iilan ding nakapokus sa akin. 'Di ba makikita natin kung sino ang maiiwan sa paglalakbay. 'Wag kang magpokus sa mga tao. Magpokus ka sa mga layunin mo.

Kaya dapat matuto kang patatagin ang iyong isipan at emosyon. 'Wag kang magpapaapekto sa sinasabi ng iba. Ang opinyon nila ay opinyon lamang. Hindi 'yon katotohanan. Kung sa palagay mo mabuti ang kanilang opinyon, ibulsa mo nang magamit mo ito para sa ikakaangat mo. Dapat may filter ang iyong tainga. Malalaman mo naman kung ano ang negatibo at positibo e. Dapat mo itong maunawaan, ito ang dahilan kung bakit isa lang ang leader. Marami ang miyembro. Sa isang leader, ang daming tagasunod. May mga tagasunod na nagiging leader na rin dahil ginamit nila ang kanilang utak. Sila ay natuto. Pero marami ang mga tagasunod pa rin. Ang mas masakit pa, maraming sumusunod dahil inaakala nila na wala na silang magawa sa kanilang buhay. Inaakala nila na kinokontrol lang sila. Oo mahirap ang buhay. Pero mas mahirap, kung blanko ang isipan mo. Kaya panahon na para gisingin ang iyong kaluluwa.

Ito ang mas masakit, sumusunod ka lang sa ginagawa ng karamihan pero y'ong karamihan na 'yon ay sumusunod rin sa ibang tao. Para bang xerox na nga, i-xinerox mo pa. E 'di ang labo na ng resulta, 'di ba? Maniwala ka man sa 'kin o hindi, maraming tao ang tumatahak sa maling direksyon. Kaunti lang ang naglalakbay sa masaganang daan. Kahit alam nilang may maraming pagkakataon, hindi nila ito nakikita dahil sobrang abala sila sa kakatingin sa mga negatibong nangyayari sa paligid. Makinig ka sa 'kin, may rason kung bakit taob ka sa pinansiyal. Dahil sumusunod ka sa mga taong walang alam sa pinansiyal. May rason kung bakit hindi ka malusog. Dahil sumusunod ka sa kung ano ang kinakain ng iba. Kita mo na ang ending? Sinusundan mo ang mga maling tao sa mundo. Ang mga taong walang pakialam sa positibo at negatibong bagay, mga walang disiplina sa sarili.

Tumigil ka na sa kakasunod sa kanila. Lumikha ka ng sarili mong desisyon. May utak ka naman, 'di ba? Gamitin mo 'yan. Kung may naririnig kang opinyon galing sa mga tao, isipin mo muna kung ito'y magagamit mo o hindi. Kung may nakikita kang tsismis sa social media o may naririnig ka mismo sa kapitbahay mo, isipin mo muna ang epekto nito sa 'yong mentalidad. Totoo ba ang mga tsismis na 'yon. Kung totoo man, wala ka namang pakialam sa buhay ng iba, 'di ba? Ano pa ang punto? Para lang updated ka?

Natatakot ka bang gumawa ng kakaiba dahil pagtatawanan ka? O pagsabihan kang weirdo? Takot ka bang pagsabihan na wala na sa uso ang ginagawa mo o binibenta mo? Dahil ba sa takot ay umayon ka na lang sa hanay ng iba? Paano kung ang karamihan ay naglalakad sa maling direksyon, siguradong mapupunta ka rin d'on. Paano ka magtatagumpay niyan? Hangad mo namang umunlad, 'di ba? Magtiwala ka sa sarili mong opinyon, sa ideya mo, sa damdamin mo, sa sarili mo. Sundin mo kung ano y'ong tama para sa 'yo. Kahit sabihin pa nilang baliw ka na sa kakagawa ng kung anu-anong diskarte, magpatuloy ka lang. Sa oras na makikita nila ang resulta, susunod 'yan sa 'yo.  

Kaunti lang ang nakakakita ng tamang daan. Kaunti lang ang sumusunod sa kanilang pakiramdam. Kaunti lang ang naniniwala sa kanilang sarili. Kaunti lang ang may disiplina sa kanilang sarili. Kaunti lang din ang nakaangat sa buhay.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177