Start Your Day With This Morning Prayer By Brain Power 2177


Photo by Arina Krasnikova from Pexels


“Ang pananalita ko
at ang pagbubulay-bulay ng puso ko
Ay maging kalugod-lugod nawa sa iyo,
O Diyos na aking Bato at aking Manunubos.”

— Awit 19:14

“O Diyos, maririnig mo ang tinig ko sa umaga;
Sa umaga ay sasabihin ko sa iyo ang niloloob ko
at sabik akong maghihintay.”

— Awit 5:3

Panginoon, may panibago na namang araw na ibinigay mo sa akin. Panibagong pagkakataon. Panibagong buhay. Ikinagagalak ko po ito at tuwang tuwa ako na isa ako sa mga ginising mo. Sobra po akong nagpapasalamat sa 'yo. Nagpapasalamat ako dahil pinoprotektahan mo po ako sa oras ng aking pagtulog. Pinasasalamatan kita Panginoon dahil sa ibinigay mong regalo. Ang regalo ng tunay na pag-ibig. Salamat po dahil hindi ka nag-aalinlangan na ipadala ang iyong nag-iisang anak para lang ako'y matubos. Buhay ng anak mo ang iyong inialay para lang ako'y malinisan. Sa sobrang laki ng regalong pagmamahal na ibinigay mo, minsan hindi ko maintindihan, minsan hindi ko pinahalagahan, kaya ako po ay humingi ng patawad sa inyo. Ako po ay nagpakumbaba sa inyo. Diyos ko, ako po ay isang tao lamang mula sa alabok. Hindi po kita kayang pangaralan, ikaw lang ang makakagawa nun sa akin. Kaya't ituro mo po sa akin ang tamang daan, ituro mo po sa akin ang mga dapat kong gawin. Umaasa po ako sa 'yong katapatan. Bigyan mo po ng liwanag ang aking isipan upang magamit ko ang araw na ito ng maayos, upang magamit ko ang aking oras ng maayos. Dahil alam ko, maikli lang ang buhay ko. Ako ay isang singaw lamang na lumilitaw nang sandali at maglalaho rin.

Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari sa araw na ito. Hindi ko makokontrol ang araw na ito. Ikaw lang ang tanging nakakaalam kung ano ang mangyayari mamaya at bukas. Tulungan mo po ako, Ama. Kailangan ko po ng iyong proteksyon. Ikaw ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Alam mo ang lahat ng mangyayari. Ikaw ang lumalang sa buong Uniberso at siguradong naiintindihan mo ang ikot ng mundo. Kailangan ko po ang tulong Niyo dahil gusto kong mapanatag ang aking puso at isipan. Ginawa mo ang mundong ito para matirhan ko. Perpekto ang pagkakagawa mo nito. Ang pag-iisip ko lang ang negatibo. Kung saan-saan na lang pupunta. Minsa'y naguguluhan na ako sa aking buhay. Yakapin mo po ako, Ama. Pakiusap, pagaanin mo ang aking pakiramdam.

Sa buong araw na ito, nawa'y lubos kong mabatid ang iyong presensya sa lahat ng aking ginagawa. Ilayo mo po ako sa kapahamakan. Proteksyonan mo po ako kung ako ay maglalakad papuntang trabaho o bumabiyahe man. Tulungan mo po akong pakalmahin ang isipan ko para makapag-isip ako ng malinaw. Nawa'y maging buhay na halimbawa ang aking buhay at makita nilang ako ay mabuting tao at nawa'y makita nila ang aking ipinakitang kabutihan. Marami ng mga tao ang nanghihina sa emosyon dahil sa mga pagsubok na mabibigat. Nawa'y gamitin mo po ako para ako'y makatulong din sa aking kapwa. Nawa'y bawat salita na lumalabas sa aking bibig ay makakapaghilom ng sugat sa puso ng mga tao. Nawa'y tugma ang Salita mo at ang mga pinagagawa ko.

Idinadalangin ko po sa araw na ito na sana'y buksan mo ang aking isipan upang madali kong maunawaan ang mga pangyayari. Sana'y maging payapa ang araw kong ito, sana'y maging banayad ang takbo ng araw na ito, sana'y magkakaunawaan ang mga tao, sana'y sagana ang kahabagan sa araw na ito. Sinabi mo na huwag pabayaan ang karunungan at pangangalagaan niya ako, kung mahalin ko ang karunungan, magbabantay siya sa akin. Ang karunungan ay pinakadakila at kailangan kong kumuha nito. Kaya't nananalangin po ako na sana'y bigyan mo ako ng karunungan upang malaman ko po kung paano ko haharapin ang hamon ng buhay na ibinabato sa akin ng panahon araw-araw. Upang malaman ko kung paano harapin ng tama ang mga taong nanggugulo sa buhay ko. Upang malaman ko rin kung paano haharapin ang negatibong sitwasyon.

Nagdarasal po ako na sana'y protektahan Niyo po ako at ang aking pamilya sa buong araw na ito. Protektahan mo kami mula sa iba't-ibang kapahamakan at kasamaan. Ilayo mo po ang kapahamakan sa harapan ko, sa kaliwa man o sa kanan, at sa likuran. Ituwid mo po Ama ang aking mga hakbang upang hindi ako mapunta sa maling landas. Akayin mo po ako sa buong araw na ito. Gabayan Niyo po ako upang hindi po ako madaling magkasala sa harapan mo.

Nagdarasal po ako ngayon na sana'y magkaayos na ang mga pamilyang nag-aaway, ang mga bansang nag-aaway at ang ugnayan ko po sa inyo. Ipinagdarasal ko na sana'y makilala ka ng lahat at makakapagdesisyon silang magbalik-loob po sa inyo.

Panginoon, ako po ay hindi perpektong tao. Araw-araw po akong nagkakamali. Araw-araw po akong nagsisinungaling. Alam mo po ang aking mga ginagawa. Alam mo kung gaano na karami ang mga kamalian ko sa buhay. Alam mo ang mga kapintasan ko. Patawarin mo po ako na ako'y nagkasala sa isip, sa salita at sa gawa. Patawarin mo po ako dahil minsan ako ay makasarili. Patawarin mo ako dahil patuloy kong kinimkim ang bigat sa dibdib ko, hindi ko ito hinahagis sa 'yo gaya ng sinabi mo dahil minsan hindi ako naniniwala na tutulong ka sa 'kin. Patawarin mo po ako Ama.

Kapag umaapaw na ang bigat sa dibdib ko, kapag naguguluhan na ako sa buhay, kapag hindi ako mapakali, tulungan mo akong basahin ang Bibliya para maipasok ko sa aking puso ang mga Salita mo. Nawa'y papasok ang mga Salita mo sa puso't isip ko upang ito ang gagabay sa akin sa buong araw. Tulungan mo ako, Panginoon, na buksan ang aking isipan upang matandaan ko araw-araw ang mga pangako mo na nakasulat sa Bibliya, upang hindi ako madaling matisod. Alam ko po na kailangan ko pang maglaan ng oras para sa 'yo. Patawarin mo ako dahil hindi kita pinaglalaanan ng oras. Mas inuuna ko pa ang mga laro at social media. Pangako po na paglalaanan kita ng oras na basahin ang mga Salita mo at patuloy akong mananalangin upang maging handa ako at maging matatag sa anumang idudulot ng araw na ito. Diyos Ama, alam ko na ang iyong Salita ay talagang isang liwanag sa madilim kong dinadaanan, isang liwanag sa buhay ko.

Pakiusap po Ama, tulungan mo akong matanggal ang aking takot sa kinabukasan at sobrang pagkabalisa. Bilang tagasunod po ako sa inyo, alam kong hindi ikaw ang nagbigay ng demonyo sa aking isipan kundi binigyan mo ako ng kapangyarihan ng pag-ibig at ng matinong pag-iisip. Pero hindi ko po maiwasan na mabahala sa aking kinabukasan. Hindi po panatag ang aking loob. Marami akong kinatatakutan na hindi pa nangyayari. Kapag ako ay takot na takot at sobrang nababalisa, nawa'y kumakapit pa rin ako sa 'yo dahil alam kong napakalakas ng positibong enerhiya mo. Enerhiya ng pag-ibig. At magamit ko ang pag-ibig na 'yon upang ibigin din ang lahat at upang maging positibo ang aking pananaw sa buhay. Nawa'y magamit ko ang lakas na ibinigay mo sa akin sa araw na ito. Alam kong hindi ako nag-iisa sa laban na ito. Alam kong hindi mo gusto na pabayaan ako na walang ginghawa ang aking buhay. Nawa'y ang iyong perpektong karunungan ay maging batayan para sa aking matinong pag-iisip. Nawa'y matandaan ko po na hindi ko kailangang mabalisa at kapag ako ay mababalisa na naman ulit o sobrang mag-aalala ako sa anumang bagay, nawa'y mabigkas ko sa 'yo ng maayos ang aking mga alalahanin at ikaw na po ang bahalang pagaanin ang aking damdamin. Ang pag-aalala ko ng sobra ay walang pakinabang sa buhay ko. Nilimitahan lang nito ang aking kakayahan. At ikaw lang ang malalapitan ko dahil alam kong kaya mong pawiin ang negatibo kong isipan at negatibo kong emosyon. Kaya't tulungan mo po ako na maihagis ang lahat ng bigat ng damdamin ko sa 'yo. Dahil may tiwala po ako sa inyong kapangyarihan. Alam ko pong mahal mo ako, Ama. Ginawa mo ang lahat para buksan ang aking spiritwal na mga mata upang makita ko ang iyong kabutihan. May mga plano ka mang hindi ko maiintindihan pero may tiwala ako sa 'yo. Dahil ang mga plano mo ay mas mabuti pa kaysa sa mga iniisip ko. Iba ang paraan mo sa paraan ko. Kaya hindi ko na 'yan kikwestyonin. Ikaw lang ang nakakaalam ng lahat. Mas lalong tumataas ang pananampalataya ko sa inyo, Ama. Tumataas rin ang aking kakayahang magmahal.

Patawarin mo po ako dahil sobrang abala ko na sa paghahanap ng pera, sobrang distracted na ako sa maraming bagay, hindi ko na napapansin ang mga biyayang ibinuhos mo sa akin. Tulungan mo po akong isentro ang aking atensyon sa 'yo. Tulungan mo akong maalala ka palagi na Ikaw ang Diyos na buhay at makapangyarihan sa lahat. Nananalangin ako ngayon para malaman mo na pinipili kita dahil gusto kong Ikaw ang laman ng aking puso. Nawa'y lumakad lang ako pasulong patungo sa 'yo. Patatagin mo po ako at nawa'y palagi akong tapat sa inyo.

Muli po akong nagpapasalamat sa 'yo dahil ako po ay iyong ginising sa araw na ito para batiin ang panibagong araw na ito at maibigay ang atensyon ko sa 'yo. Pinaganda mo talaga ang buhay ko. Alam ko na maraming nangyayaring kaguluhan sa mundo pero patuloy po akong nakapokus sa 'yong kabutihan. Alam kong hindi mo kaming lahat pababayaan. Alam kong nakikinig ka. Alam kong nakatingin ka. Alam kong may ginagawa ka. Marami man akong kinakaharap na pagsubok ngayon, sa tulong mo po, siguradong malalampasan ko ito. Bigyan mo ako ng karunungan at pag-unawa upang matulungan ko ang aking sarili at ng aking kapwa. Gamitin mo po ako para magmotivate sa lahat ng tao. Tulungan mo po akong maging isang magandang bahagi ng araw sa buhay ng ibang tao at hikayatin mo po ako na huwag maging makasarili. At sa pagtatapos ng araw na ito, paalalahanan mo akong magpasalamat sa bawat biyayang ibinigay Mo sa akin. Nawa'y lagi akong masiyahan sa bawat maliit o malaking pagpapala mula sa 'yo.

Bilang anak mo, alam kong perpekto ang pagkakagawa mo sa 'kin. Hindi mo ako hinusgahan. Hindi ka napangitan sa 'kin. Tulungan mo akong maalala ang halaga ko. Tulungan mo rin akong maalala ang halaga ko sa 'yo kapag ako'y nahaharap sa mga mapanghamong sitwasyon. Kapag nalulumbay ako, tulungan mo akong matandaan na kahanga-hanga at kamangha-mangha ang pagkakagawa mo sa akin. Isa akong imahe mo at alam kong ako'y mahal na mahal mo kaya hindi ka nag-agam-agam na ialay ang iyong bugtong na anak. Kaya ako ay walang hanggang nagpapasalamat at nagpakumbaba. Sana'y ang panalangin at pasasalamat kong ito ay makarating sa trono mo, sa pamamagitan ng iyong bugtong na anak, na si Jesu-Kristo, Amen.




Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177