Ito ang Madilim na Katotohanan ng Giyera na Ayaw Mong Malaman
Kapag may digmaan, ang unang naiisip natin, sino kaya ang mananalo, sino kaya ang matatalo. Pero may isa pang tanong na mas bihirang itanong. Alam mo ba kung ano? Sino ang kumikita?
Sa kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Iran, U.S., at Israel, hindi lang mga sundalo at gobyerno ang apektado. Sa likod ng bawat sandata na pinaputok at bawat barkong nagbabantay sa Strait of Hormuz, may mga industriya at grupo na tahimik na nakikinabang.
Hindi ito conspiracy theory. Ito ay bahagi ng reality ng geopolitics at global economy.
Sa artikulo na ito, pag-uusapan natin ang madilim na katotohanan sa likod ng digmaan.
Mga Kumpanya ng Armas (Defense Industry)
Kapag may digmaan tulad ng nangyayari ngayon sa pagitan ng Iran, U.S., at Israel, isa sa mga sektor na halos agad na gumagalaw ay ang mga kumpanyang gumagawa ng armas, missile systems, fighter jets, drones, at iba pang military equipment.
Kapag kasi walang giyera, pewceful ang mga bansa, mababa ang demand para sa mga ganitong kagamitan. Ngunit kapag sumiklab ang digmaan o tumindi ang tensyon sa isang rehiyon, biglang nagiging priority ng mga bansa ang pagpapalakas ng kanilang militar. Dito pumapasok ang malalaking defense contractors. Sila ang gumagawa ng mga advanced weapons system na ginagamit ng mga hukbo sa modernong digmaan.
Ilan sa pinakamalalaking kumpanya sa sektor na ito ay ang Lockheed Martin, Raytheon Technologies, Northrop Grumman, lahat ng 'yan ay nasa U.S.. Ang United States ang may pinakamalaking defense industry sa mundo.
Kapag may digmaan, maraming bagay ang nangyayari na direktang nagpapataas ng kita ng mga kumpanyang ito. Una, bumibili ng mas maraming armas ang mga bansang direktang kasali sa digmaan upang mapalitan ang mga kagamitan na nagagamit o nasisira sa labanan.
Pangalawa, ang mga bansang nakapaligid sa conflict zone ay bigla ring nagiging alerto, kaya nagmamadali silang bumili ng missile defense systems, radar, drones, at iba pang military technology para protektahan ang kanilang sarili.
Halimbawa, kapag tumitindi ang tensyon sa Middle East, lalo na sa mga lugar na malapit sa Strait of Hormuz, maraming bansa ang nagsisimulang mag-upgrade ng kanilang air defense systems dahil sa takot na maaaring lumawak ang digmaan. Ibig sabihin, kahit ang mga bansang hindi direktang kasali sa conflict ay nagiging customer ng defense industry.
Bukod pa rito, ang mga gobyerno ay kadalasang nagpapalaki ng kanilang defense budget kapag may malaking geopolitical crisis. Kapag mas malaki ang budget, mas maraming kontrata ang napupunta sa mga kumpanyang gumagawa ng armas. Kaya sa simpleng salita, habang tumatagal ang tensyon o digmaan, patuloy ding umiikot ang negosyo ng paggawa ng armas.
Hindi ito nangangahulugan na sila ang dahilan ng digmaan, ngunit sa realidad ng global economy, ang digmaan ay nagiging malaking merkado para sa military technology. At habang may demand para sa armas, may mga kumpanyang handang mag-supply nito.
At dito naman papasok ang isa pang sektor na madalas ding nakikinabang tuwing may krisis sa Middle East, ang industriya ng enerhiya at langis.
Mga Oil Traders at Energy Companies
Kasunod ng defense industry, kapag may digmaan sa Middle East, ang mga sektor na nakikinabang ay ang oil traders at energy companies. Hindi ito coincidence. Ang Middle East ay isa sa pinakamahalagang pinagmumulan ng langis sa buong mundo, kaya kahit maliit na tensyon lamang ay kayang magdulot ng malaking epekto sa global energy market.
Kapag may digmaan o matinding tensyon sa pagitan ng Iran, U.S, at Israel, ang unang reaksyon ng global market ay takot sa posibleng pagkaantala ng supply ng langis. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang kahalagahan ng Strait of Hormuz, isa itong makitid na daanan ng mga oil tanker kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng langis na ginagamit sa buong mundo.
Kung magkaroon ng banta na maaaring maharangan o maapektuhan ang rutang ito, kahit pansamantala lang, mabilis na tumataas ang presyo ng langis sa global market. At kapag tumataas ang presyo ng langis, tumataas din ang kita ng maraming energy companies at traders na nakaposisyon sa market.
Kabilang sa mga malalaking kumpanya na madalas napapansin sa ganitong sitwasyon ang ExxonMobil at Chevron. At guess what? Mga U.S. energy company ito. Kapag mataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, mas malaki ang revenue na maaaring makuha ng mga kumpanyang ito mula sa kanilang produksyon at bentahan ng enerhiya.
Hindi lamang ang mismong producers ang nakikinabang. Ang mga oil traders sa financial markets ay kumikita rin sa mabilis na paggalaw ng presyo. Kapag may krisis, nagiging mas volatile ang oil market, ibig sabihin mas mabilis at mas malaki ang pagtaas o pagbaba ng presyo. Para sa mga trader na marunong magbasa ng sitwasyon, ang ganitong volatility ay nagiging oportunidad para kumita.
Pero lilinawin ko lang, hindi ibig sabihin nito na gusto ng mga energy companies ang digmaan. Ngunit sa realidad ng global economics, anumang tensyon na nagbabanta sa oil supply ay halos awtomatikong nagpapataas ng halaga ng enerhiya, at may mga sektor ng industriya na nagiging benepisyaryo nito.
Habang ang iba ay kumikita sa paggalaw ng merkado, may isa pang grupo na nakikinabang sa ibang paraan, hindi sa pera lamang kundi sa strategic advantage sa geopolitics. Dito na pumapasok ang papel ng mga bansang hindi direktang kasali sa digmaan ngunit maaaring makinabang sa pagbabago ng balanse ng kapangyarihan sa mundo.
Mga Geopolitical Rivals
Sa geopolitics mga kaibigan, ang bawat digmaan ay hindi lamang laban ng dalawang bansa. Madalas, ito rin ay nagiging bahagi ng mas malaking power competition sa pagitan ng mga global powers.
Kapag ang isang malaking bansa ay nalulubog sa isang mahaba at komplikadong conflict, napipilitan itong ilaan ang malaking bahagi ng kanyang military resources, diplomatic attention, at economic capacity sa digmaang iyon. Halimbawa, kung busy ang U.S. sa isang matinding krisis sa Middle East na kinasasangkutan ng Iran at Israel, nangangahulugan ito na mas marami sa kanilang oras, pera, at military focus ang napupunta sa rehiyong iyon.
Sa ganitong sitwasyon, may mga bansa na maaaring hindi nakikipagdigma ngunit nagkakaroon ng strategic advantage dahil nababawasan ang pressure sa kanila. 'Yan ang malaking pakinabang ng China at Russia.
Kung ang isang global power tulad ng U.S. ay kailangang magpadala ng mas maraming military assets, intelligence resources, at diplomatic effort sa Middle East, maaaring mabawasan ang atensyon nito sa ibang mga rehiyon tulad ng Indo-Pacific o Eastern Europe. Sa simpleng salita, nahahati ang focus ng isang superpower.
Bukod dito, kapag may digmaan, nagiging mas abala rin ang international community sa pag-manage ng krisis. Sa ganitong panahon, may mga bansa na maaaring magpalawak ng kanilang impluwensya sa ekonomiya, teknolohiya, o regional alliances habang nakatuon ang mundo sa ibang conflict.
Sa geopolitics, hindi lahat ng panalo ay nakikita sa battlefield. Minsan, ang tunay na strategic gain ay nangyayari sa pagbabago ng balanse ng kapangyarihan sa mundo. Kapag ang isang bansa ay napapagod sa isang mahabang conflict, maaaring lumakas ang posisyon ng ibang mga bansa na hindi naman direktang lumaban.
Ngunit hindi lang mga bansa o global powers ang maaaring makinabang sa ganitong sitwasyon. Sa ilang pagkakataon, kahit ang mga political leaders mismo ay maaaring magkaroon ng political advantage kapag may external conflict na kinakaharap ang kanilang bansa.
Political Leaders (Sa Ilang Sitwasyon)
Sa kasaysayan ng geopolitics, may mga pagkakataon na ang isang external conflict ay nagiging dahilan para mas magkaisa ang isang bansa sa likod ng kanilang pamahalaan.
Kapag may banta mula sa labas, karaniwang nagkakaroon ng tinatawag na “rally around the flag effect.” Ibig sabihin, kahit may mga hindi pagkakasundo sa loob ng bansa, pansamantalang nagiging mas suportado ng publiko ang kanilang mga lider dahil nakatuon ang atensyon ng lahat sa isang mas malaking banta.
Halimbawa, kapag tumitindi ang tensyon sa pagitan ng U.S., Israel, at Iran, nagiging sentro ng diskusyon ang national security. Sa ganitong sitwasyon, mas madaling ipaliwanag ng mga lider kung bakit kailangan ng mas malaking military budget, mas mahigpit na security policies, o mas agresibong foreign policy.
Para sa ilang political leaders, ang ganitong krisis ay nagiging pagkakataon para palakasin ang kanilang imahe bilang tagapagtanggol ng bansa. Kung baga, ito na ang tamang panahon ng mga lider para magpasikat. Kapag nararamdaman ng publiko na may seryosong banta, mas nagiging handa ang mga tao na suportahan ang matitinding desisyon ng gobyerno, kahit ang mga desisyong iyon ay maaaring maging kontrobersyal sa panahon ng kapayapaan.
Sa ilang kaso rin, dahil sa digmaan ng ibang bansa, ang isip ng mga tao ay nakapokus na rin doon. Nakalimutan natin ang mga problema sa sarili nating bansa. Kapag nakatutok ang media at publiko sa international crisis, pansamantalang nababawasan ang pressure sa mga lider tungkol sa mga domestic issues.
Pero hindi ko naman sinasabi na lahat ng digmaan ay ginagamit ng mga lider para sa ganitong layunin. Ngunit sa larangan ng political science, matagal nang kinikilala na ang mga krisis sa labas ng bansa ay maaaring magkaroon ng epekto sa domestic politics.
Pero ito ang pinakamalungkot na katotohanan:
habang may mga kumpanya at sektor na kumikita sa digmaan, ang pinakamalaking talo ay ang ordinaryong tao. Ang mga sibilyan sa mga bansang direktang nasasangkot ay nawawalan ng tahanan, trabaho, at seguridad. Ang mga pamilya ay napipilitang lumikas, at maraming buhay ang nadudurog dahil sa karahasan at kawalan ng proteksyon.
Hindi lang ito lokal na epekto, ang ekonomiya ng mga bansa rin ay naapektuhan. Tumataas ang presyo ng bilihin, bumabagal ang kalakalan, at nagiging mahirap ang access sa mga pangunahing pangangailangan. Sa global level, nagdudulot din ang digmaan ng kawalang-tatag.
Sa madaling salita, habang may panalo sa negosyo at strategy, ang tunay na biktima ng digmaan ay ang mga taong nakatali sa gitna ng kaguluhan, na walang magagawa kundi magtiis.

Comments
Post a Comment