Ito ang Kakaibang Strategy ng Iran Laban sa U.S. at Israel





Marami akong nababasa sa comment section na kung ang pangunahing kalaban daw ng Iran ay ang U.S. at Israel, bakit tila dinamay pa ng Iran ang ibang bansa sa Gulf tulad ng Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, at United Arab Emirates?
'Yan ang dapat tutukan natin dahil kung sa mababaw lang tayo titingin, parang dinamay nga naman ang bansang nananahimik, 'di ba?

Pero mga kaibigan, hindi ito ginawa ng Iran na walang plano na basta-basta na lang nagpapalipad ng sandata. Sa mundo ng geopolitics, may mga pagkakataon na ang isang hakbang na mukhang delikado ay bahagi pala ng isang mas malalim na strategy.

Kaya sinulat ko ang artikulong ito dahil susuriin natin kung ano ang posibleng kalkulasyon ng Iran kung bakit tila sinadya nitong palawakin ang tensyon sa buong Gulf region.

Pero bago natin pag-usapan 'yan, lilinawin ko lang na ang video na ito ay isang analysis lamang batay sa mga ulat at geopolitical perspectives. Noong nakaraan, hinimay na rin natin ang galaw ng U.S. at Israel. Ngayon naman, hihimayin din natin ang strategy ng Iran para maging patas tayo sa mga manonood. Layunin ko na ipaliwanag at suriin ang mga posibleng strategy at motibo sa likod ng mga nangyayari.


Gawing “regional war” ang laban, hindi lang Iran vs U.S.–Israel


Kapag pag-aralan natin ang galaw ng Iran sa digmaan laban sa U.S. at Israel, makikita natin na hindi lang simpleng paghihiganti ang kanilang ginagawa. Isa sa pinakamahalagang kalkulasyon ng Iran ay ang palawakin ang digmaan upang maging regional conflict, hindi lang direktang labanan ng dalawang panig.

Sa simula ng digmaan, ang pangunahing target ng operasyon ng U.S. at Israel ay Iran lamang. Ngunit nang magsimulang gumanti ang Iran na maglunsad ng mga missile at drone strikes sa mga bansa sa Persian Gulf tulad ng Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, at Oman, biglang lumawak ang saklaw ng krisis. Ang mga bansang ito ay dati sanang gustong manatiling neutral, ngunit dahil sa mga pag-atake at banta, napilitan silang pumasok sa gitna ng tensyon.

Hindi ito basta-bastang tira. Bahagi ito ng mas malawak na strategy ng Iran, anong klaseng strategy? Ang maghasik ng regional instability upang iparamdam sa buong mundo ang panganib ng isang mas malaking digmaan sa Middle East. Kapag ang mga lungsod, port, at oil facilities ng Gulf states ay nasa panganib, hindi lang Iran ang maaapektuhan kundi pati ang ekonomiya ng buong rehiyon.

Sa ganitong sitwasyon, ang pressure ay hindi na lang galing sa Iran. Ang mismong mga kaalyado ng U.S. sa Gulf states ang maaaring magsimulang magtanong kung hanggang kailan pa tatagal ang digmaang ito. Kapag naramdaman nilang nasa panganib ang kanilang ekonomiya, seguridad, at energy exports, sila mismo ang maaaring mag-pressure sa U.S. upang pigilan ang eskalasyon.

Sa madaling salita, ang kalkulasyon ng Iran ay gawing masyadong malaki at masyadong magastos ang digmaan para sa lahat ng sangkot. Kapag ang isang conflict ay lumawak sa buong rehiyon, mas maraming bansa ang may interes na pigilan ito.

At dito na papasok ang susunod na mahalagang bahagi ng strategy ng Iran, ang direktang pagtama sa mga lugar kung saan nakapuwesto ang mga puwersa ng U.S. sa Gulf.


Targetin ang mga U.S. bases sa Gulf


Isa pang mahalagang kalkulasyon ng Iran ay ang pagtarget sa mga U.S. military bases na nasa mga Gulf states. Mahalaga ito dahil karamihan sa mga operasyong militar ng U.S. sa Middle East ay hindi nanggagaling mismo sa mainland ng U.S., kundi sa mga base na matatagpuan sa mga bansang malapit sa Iran. Halimbawa, ang Al Udeid Air Base sa Qatar ay isa sa pinakamalaking base ng Amerika sa rehiyon. Sa Bahrain naman matatagpuan ang headquarters ng U.S. Fifth Fleet, na responsable sa naval operations sa Persian Gulf. Samantala, may mga military facility din ang U.S. sa Saudi Arabia at United Arab Emirates na ginagamit para sa air operations at logistics.

Sa pananaw ng Iran, kung ang mga base na ito ang ginagamit upang magsagawa ng air strikes o military pressure laban sa kanila, itinuturing nila ang mga ito bilang lehitimong military targets. Kaya ang mensahe ng Iran ay malinaw: kung gagamitin ng U.S. ang teritoryo ng ibang bansa bilang launch point ng operasyon laban sa Iran, hindi lamang ang U.S. ang maaaring gumanti, pati ang bansang nagho-host ng base ay maaaring madamay sa ganti ng Iran. Ito ay isang uri ng deterrence strategy. Layunin nitong iparamdam sa mga Gulf governments na may malaking panganib sa pagpayag na gamitin ang kanilang lupa bilang forward base ng U.S..

Kapag naramdaman ng mga bansang ito na maaaring maging target ang kanilang mga lungsod, oil facilities, o critical infrastructure, may posibilidad na sila mismo ang maglagay ng limitasyon sa kung gaano kalawak ang maaaring gawin ng U.S. military mula sa kanilang teritoryo. Sa madaling salita, sinusubukan ng Iran na itaas ang political cost para sa mga kaalyado ng U.S., upang pilitin silang maging mas maingat o mas neutral sa digmaan.

Kapag nagsimulang mag-alala ang mga Gulf states tungkol sa sariling seguridad at katatagan ng kanilang ekonomiya, natural na lilitaw ang mas malaking usapin, hindi na lamang ito tungkol sa military bases kundi tungkol sa epekto ng digmaan sa buong rehiyon. Dito na pumapasok ang susunod na mas malaking kalkulasyon ng Iran: ang posibilidad na maapektuhan ang pinakamahalagang lifeline ng global economy, ano ito? Ang supply ng langis at enerhiya mula sa Persian Gulf.


Pahintuin ang global oil at gas supply


Isa pang mahalagang bahagi ng strategy ng Iran ay ang paggamit sa energy leverage ng Persian Gulf. Hindi lang ito simpleng military battlefield, ito rin ang puso ng global oil at gas supply. Malaking porsyento ng langis na ginagamit sa buong mundo ay dumadaan sa Persian Gulf at sa makitid na daanan ngunit napakahalagang ruta ng Strait of Hormuz.

Kaya kapag nagkaroon ng tensyon o gulo sa bahaging ito ng mundo, agad itong nararamdaman sa global market. Tumataas ang presyo ng langis, nagiging hindi sigurado ang supply, at nagkakaroon ng pangamba sa ekonomiya ng maraming bansa. Ito ang isa sa mga pressure point na alam ng Iran na napakahalaga sa international community.

Sa ganitong sitwasyon, ang mensahe ng Iran ay malinaw: kung patuloy na lalawak ang digmaan laban sa kanila, maaaring maapektuhan ang daloy ng enerhiya mula sa Gulf. Kapag nangyari iyon, hindi lang ang U.S. o Israel ang maaapektuhan kundi pati ang Europa, Asia, at iba pang ekonomiya na umaasa sa langis mula sa rehiyong ito.

At kapag nagsimulang maramdaman ng mundo ang epekto sa ekonomiya, mas tumataas ang posibilidad na magkaroon ng diplomatic pressure para itigil ang paglawak ng digmaan.

Ngunit hindi lang ekonomiya ang bahagi ng kalkulasyon ng Iran. May isa pang mas malalim na strategy na ginagamit nila sa ganitong uri ng conflict, ang pagpapakita na kaya nilang guluhin ang buong rehiyon kahit mas malakas ang kanilang kalaban militarily.


Ipakita na kaya niyang guluhin ang buong rehiyon


May isa pang mahalagang dahilan kung bakit dinamay ng Iran ang buong Gulf region, ang ipakita na kaya nitong guluhin ang buong rehiyon kung pipilitin itong labanan. Sa realidad ng military power, alam ng Iran na hindi nito kayang talunin ang U.S. sa isang direktang digmaan. Sorry sa word ha. Alam kong magre-react ang mga nanonood na mga pro-Iran pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan na mahirap kalabanin ang U.S. sa ditektang digmaan. Alam 'yan mismo ng Supreme Leader na si Ali Khamenei noon pa. Napakalaki ng agwat sa teknolohiya, air power, at global military reach.

Kaya ang ginagamit ng Iran ngayon ay tinatawag na asymmetric escalation. Ibig sabihin, sa halip na harapin nang direkta ang lakas ng U.S., pinipili nitong palawakin ang larangan ng digmaan at gawing mas komplikado ang sitwasyon. Kapag ang Persian Gulf ay naging sentro ng tensyon, awtomatik nagiging problema ito hindi lang ng U.S. at Israel, kundi ng buong international community.

Sa ganitong paraan, kahit hindi manalo ang Iran sa tradisyunal na military sense, nagkakaroon ito ng kakayahang gawing napakamahal at napakadelikado ang digmaan para sa lahat ng kasangkot. Isang missile strike sa isang oil facility, tensyon sa shipping routes, o kahit banta lamang sa Strait of Hormuz ay sapat na para magdulot ng panic sa global markets. At kapag nangyari iyon, nagsisimulang itanong ng ibang bansa kung sulit pa bang ipagpatuloy ang digmaan laban sa Iran.

At mula sa regional strategy na iyon, may isa pang aspeto na mahalaga ring tingnan, ang mensahe ng pamahalaan ng Iran sa sarili nitong mamamayan.
Kapag ipinakita ng kanilang liderato na ang laban ay hindi lamang Iran laban sa isang bansa, kundi bahagi ng mas malaking geopolitical struggle laban sa mga kapangyarihan sa labas ng rehiyon, mas nagiging madali para sa kanila na mapanatili ang pagkakaisa at suporta ng kanilang populasyon sa gitna ng krisis. Sa ganitong narrative, ang digmaan ay hindi na lamang tungkol sa geopolitics, kundi tungkol din sa pambansang dignidad at paglaban sa presyur ng mga dayuhang kapangyarihan.

Kaya naiintindihan natin na sa geopolitics, hindi lahat ng hakbang ay simpleng galit o paghihiganti. Minsan, ang mga desisyon na mukhang mapanganib ay bahagi ng mas malaking estratehiya, isa itong laro ng pressure, deterrence, at survival sa gitna ng napakalaking kapangyarihan.

Comments

Popular posts from this blog

6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177

God Is Talking To You (Don't Ignore These Signs) By Brain Power 2177

10 Brain Hacks para Magkaroon ng Superhuman na Lakas By Brain Power 2177