Bakit Hindi Bumack-up ang China, Russia at North Korea sa Iran?





Sa tuwing may tensyon sa Middle East, palagi kong nababasa sa comment section ang mga tanong na laging lumalabas. Ito ang mga tanong ng viewers. Kung may Russia, China, at North Korea sa likod ng Iran… Bakit parang mag-isa lang ang Iran sa laban? Hindi ba sila magkakampi laban sa U.S. at Israel? Hindi ba sila iisang AXIS laban sa Western influence?

Pero nang sumiklab ang tensyon, walang Russian troops. Walang Chinese warships. Walang North Korean missiles. So ano talaga ang nangyayari? 'Yan ang pag-uusapan natin ngayon.

Pero bago tayo magsimula, gusto ko lang linawin sa lahat na ang analysis na ito ay hindi pabor sa kahit anong bansa.
Hindi ako pro sa isa at anti sa isa. Layunin ko lang na ipaliwanag ang geopolitical decisions batay sa strategic interests at observable actions. Ang focus natin dito ay analysis, hindi panig.


Hindi Lahat ng “Allies” ay Military Allies


Ngayon, dito nagsisimula ang madalas na maling akala. Kapag naririnig natin na malapit ang Iran sa Russia, China, at North Korea, automatic nating iniisip na isa itong solidong military bloc, para bang iisang hukbo na naghihintay lang ng signal para sabay-sabay umatake.

Pero sa realidad ng international politics, hindi ganun gumagana ang mundo.
Ang karamihan sa relasyon ng mga bansang ito ay tinatawag na strategic partnership. Ibig sabihin, may cooperation sila sa ekonomiya, teknolohiya, sa armas, sa intelligence sharing, at diplomatic support. Pero hindi ito katumbas ng isang mutual defense treaty.

Ang mutual defense treaty, katulad ng nasa NATO, ay may malinaw na probisyon: kapag inatake ang isa, ituturing itong pag-atake sa lahat. May legal at military obligation. Walang atrasan.

Sa kaso ng Iran, walang ganitong klase ng kasunduan sa Russia, China, o North Korea. Oo, may arms deals, may joint military exercises paminsan-minsan, may diplomatic backing sa United Nations. Pero wala silang pinirmahang dokumento na nagsasabing: “Kapag inatake ang Iran, magpapadala kami ng tropa.”

At dito pumapasok ang mas malalim na konsepto, ang pagkakaiba ng alignment at alliance.

Ang alignment ay pareho kayo ng interes sa ilang isyu, halimbawa, pareho kayong kontra sa sobrang impluwensiya ng U.S. sa global politics. Pero ang alliance ay handa kang magsakripisyo, handa kang gumastos, at makipagdigma para sa isa’t isa.

Hindi lahat ng alignment ay alliance. At lalong hindi lahat ng alliance ay handang pumasok sa digmaan.

Sa totoo lang, mas flexible para sa Russia at China ang ganitong setup. Nakikinabang sila sa relasyon sa Iran pero hindi sila nakatali sa isang obligasyong maaaring magdala sa kanila sa direktang sagupaan laban sa U.S. o sa Israel.

Sa madaling salita, may partnership… pero may limitasyon. May suporta pero may kondisyon. At kapag ang kapalit ng pagtulong ay posibilidad ng isang mas malawak na digmaan, doon nagiging mas malinaw kung saan nagtatapos ang pagkakaibigan at nagsisimula ang sariling interes.

At dito na natin kailangang tingnan ang bawat bansa nang hiwalay dahil kahit magkakatulad silang may alignment laban sa Western dominance, iba-iba ang kanilang kakayahan, prayoridad, at risk tolerance.

Dito papasok ang mas kritikal na tanong:
Kung hindi sila obligadong tumulong…
bakit tila mas pinipili pa rin nilang manatiling nasa likod ng eksena?
At para maintindihan iyon, kailangan nating silipin ang sitwasyon ng Russia mismo.


Russia – Abala at Kalkulado


Kung may isang bansang inaasahan ng marami na agad gagalaw para sa Iran, iyon ay ang Russia.

Sa nakikitan natin, malalim ang ugnayan ng Russia at Iran. May military cooperation, may arms deals, may intelligence coordination. Pareho rin silang may tensyon laban sa U.S.. Kaya sa unang tingin, parang natural na aasahan nating tutulong ang Russia kapag naiipit ang Iran.

Pero dito pumapasok ang realidad.
Ang Russia ay kasalukuyang nakatutok ang malaking bahagi ng military resources nila sa Ukraine front. Ang digmaan nila sa Ukraine ay hindi simpleng operasyon, ito ay full-scale, resource-intensive conflict. Kailangan nila ng armas, logistics, manpower, at political focus. Kung magbubukas sila ng panibagong direktang front laban sa Israel o, mas delikado, laban sa U.S., ay isang hakbang na maaaring mag-overstretch sa kanilang kakayahan.

Sa military strategy, may konsepto ng TWO-FRONT RISK. Kapag sabay-sabay mong hinaharap ang dalawang malalakas na kalaban sa magkaibang rehiyon, tumataas ang posibilidad ng strategic failure. Hindi ito emosyonal na usapan. Ito ay cold calculation. May isa pang layer dito na hindi laging napapansin.

Sa kabila ng tensyon sa Middle East, may umiiral na communication at deconfliction mechanisms ang Russia at Israel lalo na sa Syria noong mga nakaraang taon. Ibig sabihin, kahit may magkakaibang panig sila, hindi sila tuluyang nagsasara ng linya ng komunikasyon. Para sa Russia, mahalagang mapanatili ang kontrol at impluwensya sa rehiyon nang hindi direktang nakikipagbanggaan sa Israel.

Dagdag pa rito, ang Russia ay nakikinabang din sa kasalukuyang sitwasyon sa mas malawak na perspective. Kapag tumataas ang tensyon sa Middle East, tumataas ang global energy prices. At bilang malaking energy exporter, hindi ito awtomatikong masama para sa kanilang ekonomiya. Sa madaling salita, hindi lahat ng krisis ay disadvantage para sa Russia.

Ngayon, ibig bang sabihin nito ay iniwan nila ang Iran? Hindi rin ganoon kasimple.
Ang Russia ay maaaring tumulong sa paraang hindi lantad tulad ng intelligence sharing, diplomatic backing sa United Nations, o weapons technology cooperation. Ngunit ang pagde-deploy ng troops o direktang pakikipaglaban laban sa U.S. o Israel ay ibang usapan na iyon. Iyon ay escalation na maaaring magbago ng buong global balance of power.

Kaya ang desisyon ng Russia ay hindi batay sa loyalty. Ito ay batay sa timing, capacity, at strategic gain. Kung kikilos man sila, gagawin nila ito kapag mas malinaw ang benepisyo kaysa sa panganib. At dito nagiging mas interesante ang tanong.
Kung ang Russia ay maingat at kalkulado, mas lalo namang mas komplikado ang posisyon ng China.


Ekonomiya ang Unang Sandata


Ang China ay mas kilala sa paggamit ng ekonomiya bilang pangunahing sandata ng impluwensya. Ang tunay na lakas ng China ay hindi nasa aircraft carriers kundi nasa trade routes, investments, at energy security.

Ang Middle East ay kritikal sa China dahil dito nanggagaling ang malaking porsyento ng langis na nagpapatakbo sa kanilang industriya. May relasyon ang China hindi lang sa Iran kundi pati sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, at maging sa Israel. Ibig sabihin, hindi iisa ang pinapangalagaan nilang interes sa rehiyon, ito ay isang balanseng sistema ng relasyon.

Kung papasok ang China sa isang direktang military confrontation para sa Iran laban sa U.S. o Israel, maaaring masira ang mas malawak nitong network ng economic ties. At para sa China, ang pagkawala ng stability sa Middle East ay hindi lamang political risk, ito ay direktang banta sa kanilang energy supply at global trade flow.

May isa pang mahalagang aspeto: ang long-term vision ng China.

Ang kanilang foreign policy ay nakapokus sa gradual expansion ng influence sa pamamagitan ng infrastructure, loans, at trade partnerships. Hindi sila karaniwang pumapasok sa malalayong digmaan na walang direktang territorial o existential threat sa kanila. Mas gusto nilang palawakin ang impluwensya nang hindi nakikipag-away.

Sa ganitong sitwasyon, mas kapaki-pakinabang para sa China ang manatiling BALANCER kaysa maging combatant. Maaari silang maglabas ng diplomatic statements, tumawag ng ceasefire, o mag-alok ng mediation pero ang direktang military intervention ay ibang usapan. Kapag ginawa nila iyon, maaaring mabago ang pananaw sa kanila bilang economic partner at magsimula ang mas malawak na containment laban sa China.

May posibilidad din na sa pananaw ng China, ang isang Iran na nasa ilalim ng pressure ay mas lalong lalapit sa kanila para sa economic lifeline. Sa ganitong paraan, lumalalim ang dependency nang hindi sila kailangang tumulong sa giyera.

Sa madaling salita, para sa China, ang digmaan ay disruption. At ang disruption ay kaaway ng economic dominance.

So nakuha na natin ang punto. Ang Russia ay kalkulado at ang China ay economic strategist, may isa pang bansa na madalas binabanggit sa usapang ito, dito na natin susuriin ang papel ng North Korea.


North Korea – Retorika vs Reality


Sa bawat pagkakataon na may tensyon sa Middle East, hindi nawawala ang mga headline na “North Korea supports Iran” o mga retorikal na pambabatikos sa U.S. at Israel.

Ngunit kung susuriin natin sa praktikal na aspeto, iba ang kwento. Logistically speaking, napakahirap para sa 
North Korea na magpadala ng malaking military support sa Middle East. Wala silang malawak na projection capability para ma-deploy ang hukbo o makapagpadala ng significant weapons shipment sa rehiyon sa mabilis na paraan. Bukod dito, kahit may kakayahan silang gumawa ng missiles o teknolohiya, ang deployment nito sa malayong lugar ay napakamahal at puno ng risk.

Politically, bawat hakbang na magdadala sa kanila sa direktang laban laban sa U.S. o sa mga kaalyado nito ay maaaring magpataas ng panganib sa sariling rehimen. Ang priority ng North Korea ay survival ng kanilang leadership at internal stability. Kaya mas madali at mas mura para sa kanila ang maglabas ng retorika o symbolic support kaysa aktwal na makipaglaban sa iba pang kontinente.

Ang resulta, kahit may deklarasyon ng suporta, ang North Korea ay nananatiling remote player sa actual conflict. Ang kanilang papel ay mas nakapokus sa pagpapadala ng signal at pag-endorso sa Iran kaysa sa pagbibigay ng hands-on na tulong militar.

Ito ang nagpapakita kung gaano ka-importante sa geopolitics ang distinction sa pagitan ng salita at aksyon. Minsan, ang mukhang kaalyado ay sa katotohanan ay limitado lang pala ang kakayahan o kagustuhan na lumahok sa digmaan.

At sa ganitong konteksto, makikita natin ang pattern na mas malawak sa buong rehiyon, ang bawat bansa ay may sariling interes, limitasyon, at kalkuladong galaw.


Ang Tunay na Laban ay Mas Malalim


Sa mababaw na pagtingin natin, parang iniwan nila ang Iran. Pero kung lalawakan natin ang ating pananaw at unawain natin ang sitwasyon, ito ay chessboard. Ito ay kalkulasyon ng survival, power balance, at long-term dominance.

Sa mundo ng geopolitics, mga kaibigan, ang pagtulong ay negosyo.

Comments

Popular posts from this blog

6 na Dahilan Kung Bakit Magagalitin ang mga Tao By Brain Power 2177

God Is Talking To You (Don't Ignore These Signs) By Brain Power 2177

10 Brain Hacks para Magkaroon ng Superhuman na Lakas By Brain Power 2177