Stress ka ba? Pakinggan mo Ito By Brain Power 2177





Lahat naman tayo ay nai-stress. May iba sakto lang ang naranasang stress. Pero yung iba ay sobra-sobra ang stress nila. May iba ding sobrang stress kahit hindi naman malaki ang problema nila. May mga taong ang daming problema sa buhay, may paghihirap. May hiniwalayan ng partner. Naging single mom o single dad na sila. May nawalan ng trabaho, financially broke. May mga taong sumuko na sa buhay. Hindi na nila kayang ma-handle ang stress.

Kung ikaw ang tatanungin ko, nadarama mo ba minsan na parang nalulunod ka na sa sobrang stress? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito. Tatalakayin natin kung ano ang mga dahilan ng stress, kung paano ka naaapektuhan nito, at kung paano mababawasan ang stress mo.

Marami ang dahilan ng stress. DIVORCE, PAGKAMATAY NG MAHAL SA BUHAY, MALUBHANG SAKIT, AKSIDENTE, KRIMEN, SOBRANG DAMI NG GAWAIN, NATURAL DISASTER o MAN-MADE DISASTER, PRESSURE SA SCHOOL, MONEY PROBLEM, marami pang iba na hindi ko na babanggitin.

Lahat ng 'yan ay sobrang nakapanlulumo. Kaya ang mga taong nai-stress ay posibleng magkasakit, magkaproblema sa pagsasama nilang mag-asawa, mabalisa, madepres, at magpakamatay pa nga. Ang stress ay nakakaapekto sa buong buhay ng isang tao.

Hindi lang tayong mga adulto ang nai-stress. Nai-stress din ang mga bata. Ang ilan ay nabu-bully sa paaralan o napapabayaan sa tahanan. Biktima naman ang ilan ng physical abuse, emotional abuse, o sexual abuse. Marami ang nai-stress dahil sa exam at grade sa paaralan. May mga batang nahihirapan dahil sa paghihiwalay ng mga magulang nila. Ang mga batang nai-stress ay posibleng dumanas ng mga bangungot, mabagal matuto, madepres, o may tendensiyang ihiwalay ang sarili. Hindi naman makontrol ng ilan ang kanilang emosyon. Kailangang matulungan agad ang mga batang nai-stress.

Ang stress ay ang reaksiyon ng ating katawan sa isang napakahirap na sitwasyon. Magpapadala ang utak ng napakaraming hormone sa ating buong katawan. Dahil dito, bibilis ang tibok ng aring puso pati na ang ating paghinga, tataas ang presyon ng dugo natin, at magkakaroon ng tensiyon sa ating mga muscle. Pero bago pa natin mapansin ang mga pagbabagong ito, handang-handa na ang buong katawan natin. Kapag natapos na ang nakaka-stress na sitwasyon, babalik na sa normal ang katawan natin.

Ang stress ay isang natural na reaksiyon na tutulong sa atin na maharap ang mahirap o mapanganib na mga sitwasyon. Nagsisimula ang reaksiyong ito sa ating utak. Nakakabuti ang stress dahil tutulong ito sa atin na kumilos agad. At kung tama ang antas ng ating stress, tutulong ito sa atin na magawa ang mga gusto nating gawin o maging mahusay, halimbawa, sa panahon ng exam, job interview, o maging sa sport

Pero ang chronic stress, o matagal at matinding stress, ay makakasamâ sa 'yo. Kapag patuloy at paulit-ulit na ang stress mo, posibleng maapektuhan ang iyong pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan. Baka magbago rin ang iyong pag-uugali at pakikitungo sa iba. At para makalimutan ang stress, ang ilan ay gumagamit ng droga o nalululong sa ibang bisyo. Baka mauwi pa nga ito sa depresyon, sobra-sobrang pagod o burnout, o sa pagnanais na magpakamatay.

Iba-iba ang epekto ng stress sa bawat tao. Puwede itong maging dahilan ng iba’t ibang sakit at naaapektuhan nito ang halos buong katawan.

Para makayanan mo ang stress, kailangan mong isipin ang iyong kalusugan, kailangan mong isipin ang pakikitungo mo sa iba, pati na ang mga tunguhin at mga bagay na talagang mahalaga sa buhay mo. Para mabawasan mo ang stress,

MAMUHAY KA NANG PAISA-ISANG ARAW LANG. Basahin natin ang nakasulat sa Mateo 6:34,

“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw.”

Ang ibig sabihin nito ay bahagi na ng buhay ang mga álalahanín. Pero huwag mo munang alalahanin ang susunod na araw, makadaragdag lang ito sa stress mo ngayon. Kaya mamuhay nang paisa-isang araw lang.

Puwede kang mabalisa dahil sa stress. Kaya subukan mo ito: Una, tanggapin mo na hindi maiiwasan ang lahat ng stress. Kaya ang pag-aalala sa mga bagay na hindi naman maiiwasan ay makadaragdag lang sa stress mo. Ikalawa, hindi naman laging nangyayari ang mga bagay na ikinakatakot natin.

Maging Makatuwiran din sa inaasahan mo. Basahin natin ang nakasulat sa Santiago 3:17,

“Ang karunungan mula sa itaas ay makatuwiran.”

Ang ibig sabihin nito ay 'wag maging perfectionist. Iwasang maging di-makatotohanan sa inaasahan mo sa sarili mo o sa iba.

Alamin ang limitasyon mo at alamin mo rin ang limitasyon ng ibang tao, at maging makatuwiran sa inaasahan mo. Kapag ginawa mo ito, mababawasan ang stress mo at ng iba, at baka maging mas maganda pa ang resulta ng ginagawa ninyo. Maging masayahin din. Kapag tumatawa ka—kahit may mali kang nagawa, kahit may problema—mababawasan ang tensiyon mo at gaganda ang iyong mood.

Ang ibig sabihin: Hindi ka makakapag-isip nang maayos kapag negatibo ka, kaya relaks ka lang.

Dapat alamin mo kung ano ang nagpapa-stress sa 'yo at tingnan ang reaksiyon mo. Basahin natin ang Kawikaan 17:27,

“At ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.”

Halimbawa, kapag nai-stress ka, puwede mong isulat ang mga naiisip mo, nadarama mo, at ang ginagawa mo. Kung alam mo ang reaksiyon mo kapag nai-stress ka, mas mahaharap mo ito nang maayos. Pag-isipan mo din kung paano aalisin ang mga bagay na nakakapagpa-stress sa 'yo. Kung imposible ito, gumawa ka ng paraan para mabawasan ang epekto sa 'yo ng stress. Puwede mong pag-isipan kung paano mo mapapagaan ang isang gawain o paano mo aayusin ang schedule mo.

Baguhin mo ang iyong pananaw. Baka ang nakakapagpa-stress sa 'yo ay hindi naman nakakapagpa-stress sa iba. Kaya depende 'yan sa pananaw ng isa.

Tingnan mo ang positibo sa isang sitwasyon. 'Wag kang magpokus sa problema. Lawakan mo ang iyong pananaw. Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Mas lalala kaya ang problemang ito bukas o sa susunod na linggo?’ Alamin mo kung ang problema mo ba ay simple at pansamantala lang o kung magiging malaking problema ba ito sa hinaharap.

Sikapin mong maging organisado. Basahin natin ang 1 Corinto 14:40,

“Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”

Gusto nating maging organisado sa mga bagay-bagay. Pero kung magpapaliban ka, madaragdagan ang stress mo, at baka humaba lang ang listahan ng mga gawaing hindi mo natatapos. Kaya dapat may schedule ka at sundin mo ang schedule mo. Alamin mo at itama mo ang mga ugaling nagiging dahilan ng pagpapaliban mo.

Para mabawasan mo ang stress, dapat BALANSE ang buhay mo. Basahin natin ang Eclesiastes 4:6,

“Mas mabuti ang sandakot na pahinga
kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod
at paghahabol sa hangin.”

Ang ibig sabihin nito ay kapag subsob ka sa trabaho, baka hindi ka na masiyahan sa resulta ng PAGPAPAKAPAGOD mo. Baka wala ka nang natitirang panahon at lakas para ma-enjoy ang mga pinagpaguran mo.

Magkaroon ka ng balanseng pananaw sa pera at trabaho. Hindi dahil marami kang pera, magiging mas masaya ka na o mababawasan na ang stress mo. Ang totoo, baka kabaligtaran pa nga. Kaya sikaping mamuhay ayon sa 'yong kakayahan. Matuto kang magrelaks. Nababawasan ang stress mo kapag ginagawa mo ang mga bagay na nagpapasaya sa 'yo. Maglaan ka ng panahon sa pagpapahinga. Ang kaunting pahinga ay makakapagpalakas sa 'yo at makakabawas sa stress mo.

Alagaan mo ang iyong sarili. Basahin natin ang 1 Timoteo 4:8,

“Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay.”

Ang ibig sabihin nito ay ang regular na pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng kalusugan. Kung mag-eehersisyo ka, gagaan ang pakiramdam mo at mas gaganda ang reaksiyon ng katawan mo sa stress. Kumain ka ng masusustansiyang pagkain at huwag magpalipas ng gutom. Siguraduhing sapat ang pahinga mo. Iwasan ang nakakasamang SOLUSYON sa stress, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga at alkohol. Habang tumatagal, lalo ka lang mai-stress dahil posibleng sirain nito ang kalusugan mo at ubusin ang naipon mong pera. Magpatingin ka sa doktor kapag lumalala na ang stress mo. Hindi ka dapat mahiyang magpatulong sa mga doktor.

Makakatulong rin kung ika'y magtakda ng priyoridad. Basahin natin ang Filipos 1:10,

“na makita ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”

Ang ibig sabihin nito ay pag-isipan mong mabuti ang iyong mga priyoridad.

Ilista ang mga gawain mo depende sa kung ano ang pinakamahalaga. Makakatulong ito sa 'yo na magpokus sa mas mahahalagang gawain. Makikita mo rin kung alin ang hindi pa kailangang gawin, kung alin ang puwede mong ipagawa sa iba, o kung alin ang hindi na kailangang gawin. Paano mo ba ginagamit ang oras mo? Pag-isipan mo kung paano mo ito magagamit sa mas mabuting paraan. Kung kontrolado mo ang oras mo, hindi ka laging nagmamadali.

'Wag mong kalimutang humingi ng tulong. Basahin natin ang Kawikaan 12:25,

“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao,
Pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”

Ang ibig sabihin ay ang mabait na mga salita ng iba ay makakapagpagaan ng loob mo. Kaya makipag-usap ka sa taong makakaunawa sa 'yo. Baka matulungan ka niya na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang anggulo o makahanap pa nga kayong dalawa ng solusyon. Kapag nasasabi mo sa iba ang niloloob mo, gagaan ang pakiramdam mo. Kaya't 'wag kang mahiyang humingi ng tulong.

At siyempre 'wag nating pabayaan ang ating KAUGNAYAN sa Diyos. Basahin natin ang ​Mateo 5:3,

“Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos,
dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.”

Ang ibig sabihin nito ay hindi lang pagkain, pananamit, at tirahan ang kailangan natin. Kailangan natin ang Diyos. At para maging masaya, dapat na maging palaisip tayo sa kaugnayan natin sa Kaniya. Malaking tulong ang panalangin. Iniimbitahan ka ng Diyos na IHAGIS SA KANIYA ANG LAHAT NG IYONG ÁLALAHANÍN, DAHIL NAGMAMALASAKIT SIYA SA 'YO.’ (1 Pedro 5:7) Ang pananalangin at pag-iisip ng mabubuting bagay ay tutulong sa 'yo na magkaroon ng kapayapaan ng isip.

Magbasa ka ng mga publikasyon o manood ka ng mga makabuluhang videos na tutulong sa 'yo na mapalapít sa Diyos. Ang mga prinsipyong tinalakay sa artikulong ito ay mula sa Bibliya, na isinulat para matulungan tayong mapalapít sa Diyos. Binibigyan din tayo ng Bibliya ng KARUNUNGAN AT KAKAYAHANG MAG-ISIP (Kawikaan 3:21).

Comments

Popular posts from this blog

Are You Prepared To Receive What You Prayed For by Brain Power 2177

10 ways To Become Super Attractive by Brain Power 2177

Mag-ingat ka sa Iniisip mo By Brain Power 2177