Walang Perfect, Lahat Tayo ay Magkakamali By Brain Power 2177
Lahat tayo ay nagkakamali anuman ang ating edad o anuman ang ating karanasan sa buhay. Minsan nagpadalos-dalos tayo sa pagsasalita o minsan kumilos tayo sa di-angkop na panahon, o baka mayroon tayong nakalimutan.
Bakit ba tayo nagkakamali?
Paano natin haharapin ang kamalian?
Maiiwasan ba natin ang pagkakamali?
Ang tamang pananaw sa mga pagkakamali ay tutulong sa atin na masagot ang mga 'yan.
Kapag may nagagawa tayong maganda, masaya nating tinatanggap ang papuri at iniisip natin na dapat lang tayong purihin. Kapag nagkamali tayo, ito man ay di-sinadya o di-napansin ng iba, hindi ba’t dapat lang na aminin natin 'yon? Para magawa natin 'yan, kailangan natin ang KAPAKUMBABAAN.
Kapag sobra nating iniisip ang ating sarili, kapag nilamon tayo ng ating ego, baka hindi natin mapansin ang ating pagkakamali, o baka hindi natin matanggap na may mali tayo at minsa'y isisi pa natin ito sa iba, o itanggi pa nga. Kadalasan nang hindi maganda ang resulta nito. Hindi nito masosolusyunan ang problema, at baka masisi pa ang iba na wala namang kasalanan. Malusutan man natin ngayon ang ating pagkakamali, tandaan na sa bandang huli,
ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.—Roma 14:12.
Makatuwiran ang pananaw ng Diyos sa pagkakamali. Sa aklat ng Awit, inilalarawan ang Diyos bilang “MAAWAIN at MAGANDANG-LOOB”
Ang Diyos ay maawain at mapagmalasakit, Hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig.
Hindi niya patuloy na aalalahanin ang mga pagkakamali natin, At hindi siya maghihinanakit magpakailanman.
Dahil alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin; Inaalaala niyang tayo ay alabok.—Awit 103:8, 9, 14.
Alam ng Diyos na di-sakdal ang mga tao at naiintindihan Niya ang ating mga kahinaan. Bukod diyan, gaya ng isang maawaing ama, gusto ng Diyos na tularan natin ang pananaw Niya sa pagkakamali. Ang Kaniyang Salita ay punong-puno ng payo at patnubay na tutulong sa atin para maharap ang pagkakamali natin at pagkakamali ng iba.
Kadalasan, kapag nagkakamali ang isa, gumugugol siya ng maraming panahon at lakas para isisi sa iba o ipagmatuwid ang kaniyang nasabi o nagawa. Kaya kapag nakasakit ka ng damdamin, makabubuting humingi ka na lang ng tawad, ituwid mo ang mga bagay-bagay, at panatilihin ang pagkakaibigan ninyo. May nagawa ka bang pagkakamali na nakaapekto sa sarili mo at sa ibang tao? Sa halip na mainis ka sa 'yong sarili o akusahan ang iba, makabubuting ituwid mo na lang ang mga bagay-bagay. Kung ipipilit mong hindi ikaw ang nagkamali, malamang na lalong tumagal ang tensiyon at lumala pa ang problema. Kaya matuto ka sa pagkakamali mo, ituwid mo ito, at mag-move on ka.
Pero kapag iba ang nagkakamali, napakadali nating mainis. Magandang sundin ang payo ni Jesu-Kristo, sa Mateo 7:12,
“Kaya lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”
Kapag nagkakamali ka, kahit maliit lang na pagkakamali, tiyak na gusto mong maging makonsiderasyon sa 'yo ang iba o gusto mong palampasin pa nga nila ang pagkakamali mo. Kaya bakit hindi mo sikaping magpakita ng gayon ding kabaitan?
Ang mga pagkakamali ay nangyayari dahil sa “MALING PAGHATOL, KAKULANGAN NG IMPORMASYON, o HINDI PAGBIBIGAY-PANSIN.” Aminin natin na sa pana-panahon, nagagawa natin ang isa o ilan sa mga ito. Pero kung susundin natin ang ilang mahalagang simulain sa Kasulatan, maiiwasan nating magkamali.
Ang isang simulain ay mababasa sa Kawikaan 18:13:
“Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye,
Kamangmangan iyon at kahiya-hiya.”
Kapag pinakinggan mo ang buong kuwento at pinag-isipan ang isasagot mo, tiyak na maiiwasan mong makapagsalita o mag-react nang padalos-dalos. Ang pagbibigay-pansin sa mga detalye ay napakahalaga para maiwasan ang maling paghatol, at sa gayon ay maiwasan ang magkamali.
Isa pang simulain sa Bibliya ang nagsasabi, sa Roma 12:18,
“Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”
Sikapin nating makipagpayapaan at makipagtulungan. Kapag nagtatrabaho kasama ng iba, maging makonsiderasyon at magalang. Sikaping magpatibay at magbigay ng komendasyon. Sa ganitong sitwasyon, ang mga padalos-dalos na pagsasalita at pagkilos ay mas madaling pagpasensiyahan o palampasin, at magiging madali ang paglutas sa mas malalaking pagkakamali.
Gawin mong isang positibong karanasan ang iyong pagkakamali. Sa halip na magpalusot, ituring na isa itong pagkakataon para makapaglinang ng mabubuting katangian. Kailangan mo bang magpakita ng higit na PASENSIYA, KABAITAN, o PAGPIPIGIL SA SARILI? Kumusta naman ang KAHINAHUNAN, KAPAYAPAAN, at PAG-IBIG? Sa paanuman, matututuhan mo kung ano ang hindi mo dapat gawin sa susunod. Huwag mong masyadong isipin ang pagkakamali mo, pero huwag ka namang maging iresponsable. Ang pagpapatawa ay nakapag-aalis ng tensiyon.
Ang tamang pananaw sa pagkakamali ay tutulong sa atin na maharap ang ating pagkakamali sa positibong paraan. Magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at magandang kaugnayan sa iba. Kung matututo tayo sa ating mga pagkakamali, mas magiging matalino tayo at magugustuhan tayo ng iba. Hindi tayo masisiraan ng loob o mag-iisip ng negatibo sa ating sarili. Kung pahahalagahan natin ang pagsisikap ng iba na harapin ang pagkakamali nila, mas mapapalapĂt tayo sa kanila. Higit sa lahat, makikinabang tayo kung tutularan natin ang pag-ibig ng Diyos at ang pagnanais Niyang magpatawad nang lubusan.
Patuloy nating pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan tayo para magreklamo laban sa ating kapuwa. Kung paanong lubusan tayong pinatawad ng Diyos, dapat na ganoon din ang gawin natin.—Colosas 3:13
Comments
Post a Comment